"Ikaw ang
Bagaman naipalabas na ang dula hindi pa ito tapos. Patuloy ko pa kasing nire-rebisa nang nire-rebisa ang dula. Palagi naging ugali ko na at nang mga kasama kong mandudula na pinupuntahan namin ang produksiyon ng aming mga dula. Hindi ko ito magawa sa produksiyon ng direktor na si Prof. Elmer Rufo ng University of the Philippines Los Baños (UPLB) dahil sadyang malayo sa Maynila ang Los Baños. Ngunit natutuwa naman ako kay Prof. Rufo at napapanatag dahil malaki ang pagtitiwala niya at paggalang sa piyesa.
Maraming tumatakbo sa isip ko sa kasalukuyan sa dulang ito. Una, ewan ko ba na Hulyo pa lamang ay naisip nang ipalabas ang dula at hindi naman sinasadyang sumabay ito sa mga nagaganap sa kasalukuyan sa Mindanao. Sabi nga ng isa kong kaibigan sa text, "Ogie, sigurado ka ba riyan sa play na 'yan with all the eksena?" Ang sagot ko ay ewan ko. Sa ngayon pinu-proseso ko pa ang lahat-lahat - pero ang sigurado lang ako e titingnan ko ang lahat bilang isang mandudula, bilang isang alagad ng Sining.
Anupaman, naipakalat na ang balita at excited na rin ang mga kaibigan ko sa Manila na mapanood ang dula.
Ayaw kong magpaliwanag pero nais ko lang ibahagi kung tungkol saan ba 'Ang Mga Mananahi' - ang dula ay tungkol sa kalayaan. Sa mga pagnanais ng mga tao, na nagkataong mga Bangsa Moro, ng kalayaan. Nais ko kasing maunawaan bilang isang Filipino ang perspektibo kung paano ko tinitingnan ang Bangsa Moro struggle. Marami akong tanong sa sarili. Isa itong proseso ng pagwasak ng mga nakamulatang mga pagtingin sa mga bagay-bagay patungkol sa mga Bangsa Moro. Ano pa nga ba ang sining kundi ang pagwasak ng mga nakagawian nang istruktura?
Nais kong isa-konkreto ang kalayaan na sinasabi ng mga Moro na nakausap ko sa aking pananaliksik at pakikihalubilo.
Ang basic rule kasi sa drama at sa kahit na anong masining na naratibo, "Show don't tell." Kaya isang struggle sa akin bilang isang mandudula na i-dramatize ang 'kalayaan' na ito na unang kong narinig nang magsalita ang kinatawan ng MILF sa anibersaryo ng Jabidah Massacre sa Corregidor Island. Pero hindi ako magbabalat-kayo na na-capture ko ito nang buong-buo. Ibang tao na siguro ang magsasabi noon. Nagsalita at dumalo rin sa piging na iyon ang MNLF, ang Military, ang ilang government officials, civil society groups, at kinatawan ng mga lumad. Mahirap man itong gawain para sa akin ngunit nakatutulong naman ito sa aking sining.
Ano sa palagay mo?
****
Ang Mga Mananahi ay ipalalabas ng University of the Philippines Los Baños sa darating Septermber 8 and 9 sa Umali Hall. Ito ay sa direksiyon ni Prof. Elmer Rufo. Iniimbitahan ko ang lahat at umaasa rin ako ng inyong pagkukuro at perspektibo sa dula - Moro man o Filipino.
No comments:
Post a Comment