HINDI LANG ISANG beses na nakarinig na ako ng mga patutsa ng ilang kaibigan at kasama sa trabaho na ako raw ang pinaka-boring na tao sa balat ng lupa. Nagpapasalamat na lang ako at napapansin din pala nila ako kahit na papaano kahit hindi ako masyadong lumalabas sa mga 'normal' na lakaran ng aking mga kaibigan at kakilala. Hindi naman kasi ako sumasayaw at hindi rin naman ako kumakanta kaya bale wala sa akin ang mga yayaan sa disco (na hindi pa ako nakakapasok sa tanang buhay ko) at sa videoke bar. At itinigil ko na rin ang pag-inom (o paglaklak) ng alak at wala naman akong ibang bisyo bukod sa pagkain. Akala kasi minsan ng mga kasama ko sa opisina na kesyo nasa teatro ako e talented ako sa mga performance. Takot nga akong sumampa sa stage at magsalita sa harap ng maraming tao minsan maliban na lang kung kailangan talagang gawin para sa trabaho.
Hindi ko akalain na maari pala akong lumabas ng bahay tuwing Sabado na hindi ako nag-iisip o nagdadala ng anumang mga bagahe na dapat isipin at paglimian halimbawa mga problema sa trabaho, nabinbing mga proyekto sa pagsusulat, aklat na kailangang tapusing basahin, o mga saloobin na kailangan kong paglimian nang maraming beses. Alam ko pa pala ang ibig sabihin ng 'Sabado Nights.'
Nitong nagdaang Sabado sinimulan ko ang aking araw mga bandang alas-3 ng hapon pagkagising ko. Nagtungo ako ng Cultural Center of the Philippines para kausapin sana ang ilang mga kaibigan sa teatro para sa mga fund raising projects sa mga gawain ng isang mabuting kaibigang Moro (Sarah Matalam sa Maguindanao) ng kanyang mga kakosa sa Davao City para sa mga kababayan nila sa Pikit, North Cotabato. Nakausap ko si Sir Dennis Marasigan ng Tanghalang Filipino at binigyan niya ako ng mga suggestion at tip sa naiisip kong gawain. Insha Allah magiging matagumpay ang mga gawaing ito basta't magkaroon lang kami ng maayos na intensiyon.
Matapos ang CCP umarangkada naman ako patungo sa opisina ng UP Repertory Company (sa Diliman) para kausapin ang mga kakosa sa aking plano. Balak ko kasi silang i-involve muli sa naiisip na fund raising (tulad ng pag-involve nila sa mga usaping ng mga Moro - ang diskriminasyon, ang mga karahasan, at mga itinagong lihim ng ating kasaysayan lalo na ang karahasan at pangangamkam sa lupain ng mga Moro, atbp. sa tuwing nalalapit na ang Virgin Labfest.) Wala akong naabutan sa kanilang opisina sa Vinzon's marahil busy na naman sa kani-kanilang mga 'normal' na gawain ang mga taga-UP Rep.
Matapos iyon nagtungo na ako sa Ateneo de Manila University para suportahan ang kasamang mandudula at artista sa entablado na si Trixie Dauz. Siya kasi ang production designer ng mga dula na ipinalalabas ng mga estudiyante ni Glenn Sevilla Mas, isang mabuting kaibigang mandudula na may mabuting pakikisama sa mga tao. Dahil maaga akong dumating sa ADMU nanood muna ako ng rehearsal ng dula nina Glenn (Shakespeare ni Othello the Moor of Venice, salin ni Rogelio Sicat.) Ikinatuwa ko na makita sa isang eksena na nagdarasal ang isang artista (Nonie Buencamino) na kawangis ng sala'ah (dahil ang character niya ay isang Moro, si Othello.)
Tatlong dula ang ipinalabas ng mga estudiyante ni Glenn. Isa rito ang dula ni Layeta Bucoy. Naging maayos naman ang naging palabas ng mga estudiyante at nakatutuwa ang kanilang enthusiasm sa Sining ng Teatro. Nagpapasalamat pa rin ako na may mga taong tulad nila na pilit pa ring ipinapauso ang panonood ng teatro sa ating lipunan at ginagawang mas exciting ang daigdig na ito.
Matapos ang kainan sa hinaing hapag ng mga estudiyante nagtungo ako, si Job Pagsibigan, Trixie Dauz, Joshua Lim So sa Conspiracy Bar sa Visayas Avenue para panoorin naman ang kaibigan at kasama naming mandudula sa PETA Writers Pool na si Bing Beloso (at ang kanyang bansa, Baylan). Masaya at maganda ang naging karanasan ko sa pakikinig sa mga bandang nagsipag-tugtog. Naabutan namin ang bansang Syalam na umeeksena sa entablado. Nagkaroon ako ng sandaling huntahan sa vocalist ng banda na isang Meranao sa mga bagay-bagay na isusulat ko na lamang sa isang hiwalay na blog entry.
Masaya ang naging kuwentuhan namin ng aking mga kasamang mandudula. Marami kaming napag-usapan mula sa mga personal na karanasan, sa aming mga Sining, sa pagtanaw sa buhay at sa mga nangyayari sa aming kapaligiran. Ito ang isang bagay na hindi nauunawaan minsan ng ibang mga kasama sa akin. Mahilig ako sa isang matino at semi-matinong usapan - chikahan, intellectual masturbation, tsismisan, palitan ng kuro-kuro anuman ang itawag mo rito. Interesado kasi ako sa tao at sa mga ideya. Pag-usapan natin ang showbiz, fashion, hanggang sa mga paboritong aklat at pilosopiya maging ang mga pangyayari sa ating lipunan. Ipinanganak akong madaldal. Sa akin ang mga huntahang ganito ay isang sincere at intimate na gawain sa mga taong sa aking palagay ay mahilig din sa ideya at pakikipagkapwa-tao.
Ikinatuwa ko ang mga punto de bista ng mga kasama ko sa mesa tungkol sa buhay ng isang mandudula: sa aming mga buhay ilang taon mula ngayon at ang mga kuwentong isusulat pa sa mga susunod na mga taon ng aming buhay.
Napag-usapan din namin ang tila 'maliit' na pagtingin ng mga tao sa mga mandudula. At ang mga taong ito pa mismo ay mga tao sa loob ng daigdig ng teatro! Ang pambubusabos sa mga mandudula ng ilang theatre company, ang pambabastos na walang habas, at ang pambu-'bully' ng ilang tao na dapat ay iginagalang mo sana dahil sa kanilang katayuan sa daigdig ng teatro.
Dito naging emosyunal ang aming usapan.
Minsan mahirap ipaunawa sa iba ang gawain ng isang mandudula. Lalo na sa kapwa mo na nasa loob ng teatro. Sa akin ang pinaka-masakit na magagawa mo isang mandudula ay patahimikin mo ang kanyang boses. Tanggalin mo ang kanyang perspektibo sa dula na kanyang isinulat. Sabihan siya kung ano ang dapat na isulat at di dapat na isulat. Maaring sabihin ng ilang kasama na ang teatro ay isang collaborative work. Oo - ngunit ito ay isang perspektib lamang sa aming Sining. Hindi 'scene-maker' ang mandudula. At mas lalong hindi kami taga-gawa ng 'imprub' materials para sa mga artista. At hindi nagsisimula at nagtatapos ang aming gawain sa isang concept paper. Hinuhusgahan ang aming kapasidad sa dula na aming nasusulat. Mandudula = mga Dula. Hindi ganoon kababa ang aming pagkatao at hindi rin ganoon kababa ang pagtingin namin sa aming mga trabaho.
Ang pagsusulat ng dula ay hindi lang career. Ito ang aming buhay tulad na ito rin ang buhay ng mga direktor, artista, production staff sa teatro.
At naparami ng nainom na alak ang aking mga kasama. Nadagdagan pa ng isang tasa ng kape ang aking order.
Pero nagkaisa kaming apat na isang bagay, ika nga ni Job, "Bilang mga mandudula hindi dapat tayo magpapa-bully." At dito sinimulan namin ang extra-efforts na ibalik muli ang confidence sa aming mga sarili. Kailangan maging happy ending ang aming huntahan. Itinuloy namin ang usapan sa isang 24-hr McDo sa North Avenue malapit sa SM City North EDSA. Isa-isa kami ng nagkuwentuhan sa mga pagsubok na dinaanan (at dinaraanan namin sa kasalukuyan) sa aming pagsusulat, sa teatro, ang mga sakripisyo, ang mga rejection, ang mga intimidation, ang mga papuri na nakukuha sa mga manonood, ang mga takot sa subheto ng aming mga dula, ang mga oportunidad, at ang malawak pang karanasan ng buhay na naghihintay sa amin upang ikuwento sa entablado. At nangako kaming kahit na anong mangyari patuloy at patuloy pa rin kaming magsusulat ng mga dula - para sa aming mga sarili, sa manonood, at Sining ng Pagsulat ng dula. at patuloy ang aming pag-aaral sa aming mga Sining. Hindi kami magpapa-bully kahit na kanino mula siguro sa aming mga sarili, sa mga echosera sa paligid-ligid, maging sa kalupitan ng aming lipunan at mga karanasan.
Natapos ang aming huntahan mga alas-4 ng umaga. Sabay-sabay kaming umuwi at heto ang nakakatawa - inihatid pa namin si Trixie (hindi na natulog, hindi pa nagpapalit ng damit) sa exit door ng isang sinehan ng SM North EDSA dahil 4 am ang call time ng grupo na kanyang sinalihan (Ibong Adarna) na ang palabas alas-9 ng umaga - tingnan mo nga naman ang buhay ng mga taga-teatro!
Ito na siguro ang pagbabalik ang 'Sabado Nights' gimik sa aking buhay. Na-miss ko ang mga ganitong usapan, ang ganitong pakikipag-usap sa mga taong nagbubukas ng kanilang loob sa iyo maging sinuman. Madali rin kasi akong magbukas ng loob sa tao. At maganda pa pala ang daigdig dahil may mga tao pang naniniwala sa relasyon. Alhamdulillah!
No comments:
Post a Comment