Sunday, August 17, 2008

Ang Kerengkeng ng Rural Tours (Isang Dagli)

(Noong isang linggo isang kasama sa opisina ang nagpahayag sa akin na nagustuhan niya raw ang blog entry na ito mula sa isinara kong ikalawang blog. Natuwa naman ako at may nakapansin pala sa entry na ito. Kaya heto ipo-post ko ulit. Isinulat ko ito noong June 2007 para sa dagli exercise ng aming grupo sa Naratibo. Basa lang ha? - RB)


"A good Moro is a dead Moro."

- Mula raw sa isang tula ayon isang Moro na nakausap ko
pero una kong narinig ito sa dati kong boss sa Cagayan de Oro City
nang imungkahi kong buksan ang organisasyon sa mga Muslim applicants.

NAULINIGAN NG MGA pasahero ang kumbersasyon ng isang Tagalog at matipunong estranghero mula sa Maramag. Halos anim na oras ang nakababagot na biyahe mula Cagayan de Oro hanggang Davao City.

“Ang ganda naman ng dibdib mo?” Nakatudla ang tingin ng lalaki sa nakasabit na pendant ng Tagalog.

“Excuse me?”

“Iyang isda sa dibdib mo. Ang ganda. Puwedeng himasin?”

“A, ito? Nabili ko sa mga Meranao na nagtitinda sa Iligan.”

“Tagalog ka ‘day?”

“Hindi. Taga-Quezon City. Ikaw ‘Dong?”

“Taga-rito. Sa Maramag. Galing ka ng Iligan?”

“Medyo. Ikaw?”

“Sa Malabang. Sa’n ka papunta?”

“Sa Davao. Magma-Mahal na Araw.”

“Bakit may syota ka sa Davao?” Nakangiti na ang lalaki.

“Excuse me close tayo?” Napangiti ang Tagalog. “Single pa ako.”

“Ako rin single pa. At naghahanap…Teka, ano ba ang trabaho mo?”

“NGO. Sa Maynila ang office namin pero may mga project kami dito sa Mindanao. Ikaw ano naman ang trabaho mo at ano ang ginagawa mo sa…sa’n nga ba iyon?”

“Sa Malabang, sa Lanao del Sur. Hulaan mo kung ano ang trabaho ko?”

Constru?”

“Ano?”

“Sorry. Construction worker? Mukha ka kasing construction worker.”

“Sundalo ako. Gusto mo ba magka-boyfriend na sundalo?”

“Excuse me?”

Nakatitig pa rin ang lalaki sa kanyang mga mata. Napansin ng Tagalog na may biloy sa magkabilang pisngi ang lalaking taga-Maramag. Bagaman sunog ang balat na nabilad sa araw kakikitaan pa rin ng katipunuan ng pangangatawan ang lalaki.

“Masarap raw magmahal ang mga sundalo.”

“Ayaw kong mabiyuda nang maaga.”

Pareho silang natawa.

“Saan ka na nakarating dito sa Mindanao? Mukhang nalibot mo na ang Mindanao a.”

“Hindi naman. Hindi pa ako nakarating sa Western Mindanao at sa Sulu Archipelago.”

“Talo kita. Nakarating na ako riyan. Sa Maguindanao, sa Patikul…”

“Ha? Ang laswa naman ng pangalan ng lugar…”

“Alin ang Pa-tikul? Ikaw ha bayot ka…pero masarap iyon…”

Lumakas ang tibok ng pulso sa sentido ng Tagalog. Mukhang hindi lang pagkabagot sa biyahe ang malulunasan ng matipunong lalaking ito na taga-Maramag, pati ang pangangailangan ng tawag ng laman. Naisip ng Tagalog na medyo matagal ang stop-over sa Valencia at doon maraming banyo.

“Ang taas ng Kitanglad…”Putol ng Tagalog sa katahimikan.

“May peace and order kasi rito sa Bukidnon. Parang sa Davao…sa Iligan…Sa Cagayan de Oro…Masaya ang buhay kung may peace and order di ba?…” Napangiti ang lalaki. Ito ang pagmamayabang niya sa kanyang trabaho.

Pareho silang napatingin sa Mt. Kitanglad. Katahimikan. Hudyat na ito na nakapasok na ang Rural Tour bus sa Malaybalay.

“Nakapatay ka na ba ng tao?”

“Ha?” Napangiti ang matipunong lalaki na taga-Maramag na galing ng Cagayan de Oro - mga lugar kung saan may peace and order.

“Marunong kang magpaputok ng baril?”

“Tanong ba ‘yan? Siyempre sundalo ako kaya kong paputukin ang kahit na ano’ng baril. Gusto mo magpaputok ako sa iyo sa Davao…du’n din ako sa Mahal na Araw.”

Katahimikan. Itiniklop ng Tagalog ang kanyang mga palad. Mahigpit na mahigpit. Matagal na rin siyang nagtatrabaho sa Mindanao at totoong nalibot na niya ang ilang bahagi ng isla. At marami-rami na rin siyang nakita at natuklasan sa mga lugar ba na tinatawag nilang may ‘peace and order’ - halimbawa ang lungsod ng Iligan, sa Lanao del Norte.

“Hindi ako sasama sa lalaki na humahawak ng baril. Malayo pa ba ang bababaan mo?”

“Isang istasyon pa pagkatapos ng Malaybalay. Gusto mo dalawin kita sa Quezon City ‘pag napunta ako ng Maynila.”

“Crazy. Hindi mo ako mahahanap.”

“E, di magkita tayo sa Davao next week? Ano game ka?”

“Siguro mahirap ang trabaho mo? Parang na-diyeta ka kasi sa kausap ng ilang libong taon.”

“Madaldal talaga ako kasi minsan wala akong makausap na matino sa loob ng maraming buwan. Naiipon lahat ng kuwento. Kaya pasensiya ka na kung madaldal ako ha? Mahaba naman itong biyahe…”

“Okay lang. Feeling close ka nga e.”

“Ano ba ang work mo sa NGO niyo?”

“Human Resource. Boring.”

“Exciting ang lumaban sa mga kalaban ng gubyerno.”

“Excuse me?”

Ilalapit ng lalaki ang bibig niya sa tenga ng Tagalog. Mararamdaman ng huli ang mainit na hininga ng lalaking matipuno mula sa Maramag. Bumulong ito. Ito ang bahagi kumbersasyon ng dalawa na hindi na naulinigan ang ibang mga pasahero sa bus.

“Marami na nga akong napatay. Lagpas 20 na…mga MI…”

“A, gano’n ba? Hindi pa ako nakakakita ng taong napatay sa karahasan…pink ba ang mga utong mo?”

Napangiti ang lalaki. Inilapit pa nito lalo ang kanyang mga labi sa tenga ng Tagalog. “Sa Davao next week malalaman mo….”

At naulinigan na lamang ng mga pasahero ang pagsasa-konkreto ng isang samahan na ginagawa lamang ng mga taong nasa hustong wisyo na at edad.

“Ano pala ang number mo?”

Ibinigay ng Tagalog ang kanyang cellphone number.

“Ako nga pala si Rhon-Rhon…”

“With an “H” ito? Funny ang jologs.”

Iniabot ng matipunong lalaki ng Maramag ang kanyang kamay. At ibinigay ng Tagalog ang kanyang pangalan.

“Ang lambot naman ng kamay mo akala ko sa NGO ka nagta-trabaho?”

“Hindi naman lahat ng nagta-trabaho sa NGO magaspang ang mga kamay.”

Marami pa silang napag-usapan sa haba ng biyahe. Magkikita sila sa Davao sa susunod na Linggo pagkatapos ng Semana Santa - akala ng lalaking taga-Maramag. Marami ang nakarinig sa mga salitang binitiwan ng dalawa sa isa’t isa. Marami ang nakasaksi sa pagbabanggaan ng dalawang magkaibang buhay sa isang mahabang biyahe. Ngunit ang hindi nalalaman ng nakararami…hindi lahat ng nakikita at naririnig sa lugar na iyon, sa malayong lugar na iyon, na kanilang kinasasadlakan - isang Tagalog at isang sundalao, ay katotohanan.

Nang marating ng bus ang Maramag bumaba na ang lalaki at kumaway, “See you next week…text text na lang.” Inihilig ng Tagalog ang kanyang ulo sa sandalan ng malambot na upuan. At naisip niya, sa paanong paraan niya kaya bubunuin ang Semana Santa sa Davao City na walang kasama kundi ang bagot ng pag-iisa sa malayo at malupit na lugar na mayroon ding 'peace and order'. Hindi niya ibinigay ang tunay niyang pangalan sa lalaki maging ang kanyang tunay na numero. At ang ikinapanghihilakbot niya sa sarili: wala siyang nararamdaman kahit na konting panghihinayang.

No comments:

Post a Comment