"No tyranny can stifle a real artist."
-F. Sionil Jose
NITONG NAGDAANG BUWAN nakita ko muli sa tv ang mga imahen ng Lanao del Norte - ang kaguluhan, ang karahasan, at ang iba't ibang hinabing takot - totoo man o likhang isip. At habang nagpi-piyesta ang lahat sa opisina, sa Maynila, maging sa aming bahay sa mga imahen na nakabandera sa tv at siya ring patuloy ang namumuong galit ng sankamadlaang Filipino lalo na sa Maynila na uhaw sa 'katotohanan' na nakatambad sa kanilang harapan nagbalik sa akin ang lahat-lahat ng alaala sa lugar na ito. Iwinaksi ko na ang lahat ng masasamang alaala ng mga tao, karanasan, at maging damdamin na ipinunla sa akin ng malupit na lunan na ito sa Mindanao. Ngayon ko lang naisip na napakadaling maghusga ng mga tao, napakadaling magtanim ng galit, at tila napakalayo ng Lanao del Norte sa puso at isipan ng mga tao.
At habang nagpi-piyesta ang lahat sa damdaming nais na ipunla (muli) ng 'conspiracy' ng gubyerno at ng midya sa puso ng sambayanang Filipino laban sa mga Moro at ikubli ang pinakamaliliit na bahagi ng mga karanasan sa Lanao del Norte nagbalik sa akin ang isang dula. Ang dula na isinulat ko noon sa Linamon, Lanao del Norte habang nakababad ako sa isang lugar kung saan ang galit, ang takot, at ang 'tahimik' na karahasan sa mga Moro ay nakatambad sa aking harapan. Karahasan na nagaganap sa katahimikan at kapayapaan at kasabay nito ang nakapinid na bibig ng lahat, ng sambayanan ukol dito. Napakadaling maghusga ng sambayanang Filipino.
Ipinalabas ang Sa Pagdating ng Barbaro (Sa Kiyapakaoma o Mananangga) bilang hindi opisyal na entry sa 2007 Virgin Labfest sa Cultural Center of the Philippines. Ang dula ay kabilang sa independent production ng nasabing festival. Hindi nakapasok sa opisyal na talaan ng mga dula ang Sa Pagdating ng Barbaro at inilako ko pa ito sa iba't ibang grupo. Naalala ko noong panahon ng festival na wala akong trabaho, sariwa pa sa akin ang isang masamang karanasan mula sa dating trabaho at mga kasama sa trabaho, ang gulo-gulo ng isip ko. Sariwa pa noon ang mga pananakot sa akin sa dati kong opisina huwag lang lumabas ang pinakatatagong mga lihim sa kanilang mga gawain. Tila nagpatung-patong ang lahat ng kamalasan sa buhay at ibinagsak ng isang palakpak. Sa sobrang siphayo naupo na lang ako sa gilid ng Vinzon's noon sa UP Diliman. Nais kong maipalabas ang dula. At nakalulungkot isipin na pagdating ko ng Maynila ipipinid pang muli maging ang aking boses.
Ngunit isang hulog ng langit ang Vinzon's Hall, si Rody Vera, si Sir Dennis Marasigan at ang UP Repertory Company. Pinayagan ng mga organizer ang dula na maipalabas sa festival ngunit venue at available technicals lang ang maibibigay nila dahil nailaan na ang budget sa mga opisyal na kasali sa festival. At ako na ang bahala sa lahat-lahat. Ikaw na, Ogie, ang maghanap ng produksiyon.
Inalako ko ang dula sa iba't ibang grupo. May mga ibang tahasang tumanggi dahil sa nilalaman ng dula. Dahil sa takot. At hayun na nga - isang grupo sa Unibersidad ng Pilipinas ang kumuha at nakipagsalaparan sa dula. Naalala ko pa noon kung paano ako nagpaliwanag sa mga kasapi ng UP Rep, sa kanilang harapan, tungkol sa dula, sa mga katotohanan na hindi sinasabi ng midya, ng mga dumadalaw dito sa Maynila na mga 'alagad ng Sining' mula sa Mindanao na pinupondahan ng gubyerno, ang aming edukasyon - sa katotohanan ng isang lipunan. Ng isang karahasan na nagaganap sa panahon ng 'peace and order'.
Mahirap pag-usapan ang isang uri ng takot na mas matanda pa kay Mahoma. Isang takot na kasing tanda ng kasaysayan ng isang lugar. At talagang mahirap pag-usapan sa madla ang mga bagay na sinasabi natin kapag nakatalikod ang isang Muslim, ang isang Moro. Hindi biro ang i-justify ang bigotry, discrimination, hypocrisy, at marginalization for the sake of survival. Sumpain ang Barbarong dumating sa ating lipunan na may dala-dalang maleta na hindi natin alam ang laman!
Maraming salamat sa UP Repertory Company sa pagtitiwalang dalhin ang Barbaro sa entablado.
At makalipas ang ilang pagpapaliwanag at pagpapalitan ng kuro-kuro sa mga kasapi ng UP Rep sa gilid ng Vinzon's isa sa kanila ang nagsabi, 'Sige, Ogie, may direktor na kami.'
At ang aking pasasalamat sa lahat-lahat ng kaluluwa na tumulong sa akin sa ilagay sa entablado at ipakita sa madla ang isang bahagi ng Lanao del Norte sa panahon ng 'peace and order'. Salamat sa aking direktor na si Nick Olanka, kay Vanessa Amante puno noon ng UP Repertory Company, sa UP Repertory Company, kay Sir Dennis Marasigan at Rody Vera, sa PETA Writers Pool lalo na kay Sir Manny Pambid at Bing Veloso. Maraming salamat sa aking literary comrade sa pagbabasa ng dula at pagbibigay sa akin ng lakas ng loob sa mga panahong ipinalalabas ang dula sa Cultural Center of the Philippines, Jelanie Mangondato. Salamat sa The Writers Bloc, Inc, sa estrangherong Meranao na nagsalin ng dayalogo sa Meranao na sa kasamaang palad hindi ko na maalala ang pangalan na siyang naging katuwang ko sa pagsulat nitong dula, at salamat kay Allah (swt). Kay Elizabeth Mapula na hindi ko iniwanan ganoon din kina Job Pagsibigan at J. Dennis Teodosio - mga mandudulang naging kaibigan ko at sumama sa akin upang mabuo ang independent production sa Virgin Labfest.
Nasa ibaba ang ilang bahagi ng Sa Pagdating ng Barbaro - paumanhin nakuha ko ang larawan sa site ni Nick Olanka at ng UP Repertory Company. Mabuhay ang malayang pag-iisip! Mabuhay ang Sining na hindi mananahimik!
"Naku, wala hong ganyan dito. Wala. Baka doon ho sa kabilang lugar. Doon sa Bosque. Sa malayo. Wala hong Eloisa dito sa amin. (Sa mga kapit-bahay) Di ba walang ganyang nakatira rito?"
"Hoy Tagalog! Kilala ko si Eloisa San Matias! Tiyahin ko iyan gusto mo tawagin ko?"
Darating si NORAIDA dala-dala ang bungkos ng labahan. Matatahimik ang lahat. Magtitinginan at magbubulungan. Tatapunan nila ng mapagdudang mga tingin si NORAIDA. Hihinto si NORAIDA nang makita niya ang nakasabit na bangkay. Blanko ang kanyang mukha. Nakayuko itong aalis. Bibigkasin nila ang mga sumusunod na linya habang nagtatapon ng mapagdudang tingin kay NORAIDA at sa kanyang tinungo.
"Hoy, Bakak, sino iyong Tagalog na dumalaw sa iyo?"
"Wala iyon. Taga-Iligan. At huwag mo akong tatawaging ‘Bakak’."
"Pati ba naman kami, Eloisa, lolokohin mo. E, ang tagal-tagal niyong nag-usap. At hindi iyon taga-rito ano!"
"E, sino ba siyang talaga?"
" Hindi ko nga kilala. Isang estranghero. Nagtatanong kung gusto ko raw bumili ng insurance."
"Ano’ng laman ng maleta? Buksan mo nga…"
Basahin ang rebyu ng PDI sa Dula:
No comments:
Post a Comment