Yes, Layetta, uso pa nga siguro ang Teatro
NAGTAPOS ANG VI RGIN Labfest noong unang linggo ng Hulyo sa
Inaantabayanan ng napakaraming manonood ang Virgin Labfest; may iba pa nga na pinanonood ang lahat ng dulang nakasalang sa Labfest. Lingid sa kaalaman ng nakararami inaantabayan din ng mga artista, direktor, mga taong 'babad' sa teatro lalo na ng mga mandudula mismo ang reaksiyon, kuro-kuro, o saloobin ng mga manonood sa napapanood nilang dula. Kanya-kanya kasing perspektibo, pananaw, maging reaksiyon ang bawat manonood sa bawat dulang napapanood. Malimit sa mga blog, friendster, egroups, at newspaper reviews mababasa ang mga ito. Kapag buwan ng Virgin Labfest ikinatataba ng mga puso naming mga mandudula na maramdaman na kahit papaano pala 'uso' pa rin ang panonood ng dula dahil may katuturan pa ito sa, bagaman sa kakaunting tao, sa ating lipunan.
Matapang at mga kakaibang nilalang ang mga parokyano ng Virgin Labfest. Una, dahil hindi na siguro karaniwan ang mga taong nakahahanap ng aliw sa panonood ng dula. Ewan ko siguro ganoon lang talaga ang pagtimbang ko sa dami na kasi ng mga aliwan sa kasalukuyan. Biro mo sa mga nanggagaling pa sa hilaga ng Maynila tatawid pa sila ng
Iba't ibang perspektibo sa dulang napanood, iba't ibang pagtanaw sa teatro, sa buhay na nais ipahatid ng mandudula sa kanyang mga manonood. Uso pa nga siguro ang teatro, ang palaging sinasabi sa akin ng kasamang mandudula na si Layetta Bucoy.
Rebyuhin ang Audience
Mas nasasabik ako sa pagbabasa ng blog ng mga manonood - iyong mga estudiyante, nagta-trabaho sa opisina at sinadya talaga ng Labfest o iyong barkada ng isang artista, ng aking barkada o ' yung nayaya lang manood. Aaminin ko dito ko rin tinitimbang kung naging maayos ba ang paglalatag ko ng kuwento at ideya sa aking dula. Sa kanila ko nababasa ang maaring iba't ibang perspektibo ng mga manonood sa aking likha. Malimit sa mga blogger ko nahahanap ang pinakatamang mga manonood na nakukuha talaga ang nais kong sabihin. Ang lubos akong natutuwa sa ganoon. Oo, yes, oway, si, oui - binabasa ng mga mandudula ng Writers Bloc ang iyong mga blog - gusto kong sabihin minsan sa kanila.
May isang klase ng audience na talagang 'kritikal' sa mga dula na kanilang napapanood. Mahayap minsan ang mga salitang binibitiwan nila sa mga dulang napanood. Malimit sila iyong mga kakilala mo. O kilala ng mga kilala mo. Malaki rin ang nagiging tulong nila sa pagbubukas ng mga diskusyon sa mga dulang naipalalabas. Mas malaki kasi ang kanilang nasasakop - diyaryo halimbawa o nasa 'loob' mismo sila ng daigdig ng teatro at maraming kilala. Minsan guro rin sila. Mas malaki ang responsibilidad ng mga manonood na ito. Una, dahil sa malaki ang kanilang sakop mas madali sa kanila na ipalaganap ang pagkakaroon natin ng 'critical mass'. Mahalaga ang 'critical mass' sa ating lipunan lalo na ngayon na maraming kasinungalingan ang pilit na binabaluktot sa ating lipunan parang maging tama at katanggap-tanggap. Critical mass din ang mag-uudyok sa atin na magkaroon ng stand sa bawat isyu sa ating lipunan lalo na ngayon na wala ka nang mapagkakatiwalaan na taong gubyerno mula sa Presidente mo hanggang sa mga kawani ng pamahalaan. Ikalawa, ang mga taong ito ay talaga namang malalakas ang loob at hindi paawat na magbitiw ng mga salita sa mga dula at produksiyon na kanilang napapanood. Ikatlo, malawak ang nalalaman nila sa teatro at 'babad' sila sa lahat ng mga pangyayaring nagaganap sa daigdig ng teatro.
Ngunit ang pinakamahalagang audience sa akin bilang mandudula ay iyong tahimik. Iyong nasa isang sulok lamang ng Batute at taimtim na nanonood ng dula, pinakikinggan ang bawat dayalogong pinakakawalan sa daigdig ng mga artista, nginangasab ang mga imahen sa entablado na matamang tinitimbang at binubuo sa isipan. Sila ang mga manonood na lalabas lang ng tanghalan at didiretso sa kanilang mga bahay o sa kung saan man sila pupunta pagkatapos. Sila iyong mananahamik panandalian at paglilimian ang kanilang napanood at susubuking tingnan ang halaga ng dula sa kanilang buhay. 'Ganito ba talaga sa amin?' , 'Ako kaya, kailan ako tumingin ng mababa sa mga Muslim?' 'Ano ba ang ginawa ko noong EDSA DOS bakit ganito ang aking lipunan ngayon?'Ano kaya ang magagawa ko?' 'Hindi ko pinaniniwalaan ang sinasabi ng dulang iyon dahil hindi ko naman iyon naranasan.'
Pag-asa. Maaaring hindi ko makikilala ang manonod na ito sa nakararami ngunit umaasa ako sa daan-daang pumapasok sa Tanghalang Huseng Batute isa o dalawa man sa kanila ang manonood na ito. At masaya na ako. At patuloy akong lilikha ng dula para sa kanila.
Ang Labfest
Ang hindi nalalaman ng nakararami sa loob ng Writers Bloc ganoon din ang sistema. Ihahain ang dula sa hapag ng mga mandudula at iba't ibang perspektibo ang lalabas mula sa mga mandudula. Minsan hindi magalang ang mga salitang binibitiwan ng mandudula sa kapwa nila. Pero hanggang doon lang iyon. Mas mabuti na kasing huwag kang galangin ng kapwa mo mandudula kaysa naman hindi ka galangin ng iyong manonood. Trahedya yata itong huli.
Sa sesyon ng Writers Bloc iba't iba ang lebel ng pagbasa. May magbibigay komentaryo sa form at pagkakaayos ng mga salita hanggang sa tuldok at tandang pananong. Dahil karamihan ng mga nasa Writers Bloc ay nasa entablado rin at ang direktor, may nagbibigay komento rin kung paano magiging epektibo ang dula kung ilalagay na ito sa entablado. Mayroong mandudula na magbibigay ng komento sa content ng dula. Dito madugo minsan ang usapan. May mandudula na hindi basta iyuyukod ang kanyang perspektibo at pinaniniwalaang katotohanan gaano man ito husgahan ng kapwa mandudula. Dito ko rin minahal ang kasama kong mandudula sa Writers Bloc at dito ko hinahangaan si Rody Vera bilang pinuno ng aming grupo. Ang unang aral na natutunan ko noon sa Writers Bloc dapat kaya mong panindigan ang isusulat mo. Mahaba ang diskusyon at minsan may magtataas pa ng boses. Pero hanggang doon lang iyon. Banggaan lang ng mga pananaw sa daigdig na ating ginagawalan.
Ang Labfest ay bahagi lang ng isang mahabang proseso sa aming mga mandudula. Isa ito sa mga pagsubok kung magiging epektibo nga ba sa entablado ang aming nasulat na dula, ang mga teknik na sinusubok, ang pananaw na ihahain sa daigdig sa iba't ibang pagtanaw sa teatro. Sa Labfest rin namin nakikita ang magiging response ng audience sa dulang ihahain.
Marahil, sa aking tansiya, kung gaano karami ang mandudula sa Writers Bloc ganoon rin karami ang pagtingin at perspektibo sa teatro at sa sining ng pagsusulat ng dula. Magkahiwalay ang upuan nina J. Dennis Teodosio at Allan J. Lopez tuwing sesyon, magkaiba ang taas ng pedestal ng mandudula nina Rene O. Villanueva at Rody Vera kung pag-uusapan na ay kung ang Teatro ba ay playwright or director's medium o collaboration. Iba ang mga babae sa dula ni Liza Magtoto sa mga babae ni Layeta Bucoy. Malaki ang pagkakaiba ng ngiti at galakgak sa pagitan nina Debbie Tan at Vincent de Jesus. Hindi ko kailanman tatanggapin ang mga perspektibo ni Job Pagsibigan balatan mo man ako ng buhay pero matalik ko siyang kaibigan.
Pagkatapos ng Labfest bumabalik ang mga mandudula sa kani-kanilang mga gawain at pinagkaka-abalahan. Ako naman ay naglilimi sa mga nagdaang proseso - alin ang epektibo, alin ang hindi, ano ang dapat na itama, kailan dapat magbago. Hindi nagsisimula at nagtatapos ang buhay ng isang mandudula sa isang Labfest o sa isang palabas ng kanyang dula. Naulinigan ko na sinabi nga ni Dennis Marasigan ng Tanghalang Filipino na commitment ito for life.
Lagi kong inaalala ang aral noon ng isa sa aming mga guro at kaibigan sa Writers Bloc, si Rene O. Villanueva - dapat lagyan namin ng dignidad ang titulo na nakakabit sa aming mga pangalan - 'Mandudula'.
Ang Aking mga Paborito sa Virgin Labfest 4 (Rebyu ko ito walang kokontra)
O, siya, nais ko ring magpahayag ng aking mga paborito sa festival dahil naging audience din ako. Hindi ko rin mapigil ang makating kong dila at pagkukuro sa mga dulang napanood. Ito'y sa akin lamang ha. Hindi ko na isinama aking mga dula sa festival (siguro naman hindi na kailangan ng paliwanag). In random order ito ha. Ako lang naman ito.
1st. Las Mentiras de Gloria ni Layeta Bucoy
May teknik akong hinahanap sa paraan ni Layeta kung paano nililikha ang daigdig ng kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng kanilang mga dayalogo. Ganoon din ang paraan niya kung paano isinasa-konkreto ang sikolohiyal na estado ng mga tauhan sa mga salitang kanilang binibitiwan.Konkreto na matititigan mo sa mata ang abstraktong ideya. Nagagawa na ito ng mga mandudula sa Kanluran ngunit iba pa rin kung nakakapasok ka sa kontemporanyong sitwasyon ng daigdig ni Layeta. Sa unang lebel hinahanggan ko ang pagiging biswal ng mga dayalogo ni Layeta. Minsan ang diyalogo ay sumasang-ayon o sumasalungat sa biswal na imahen sa entablado. Mayaman sa tensiyon ang kanyang dula. Sa akin isa itong
Maaring tingnan sa iba't ibang lebel ang Las Mentiras de Gloria. Maaring tingnan ito sa uri ng relasyon mayroon ang mga tauhan. Ngunit sa akin, isa itong pulitikal na dula. Malakas ang statement ng dula tungkol sa estado ng ating pulitika sa kasalukuyan. Sa lahat ng sinabi sa atin alin na nga ba doon ang totoo? Totoo ba ang malalim na pag-ibig ni Gloria kay Utoy o isa lang ito sa kanyang mga kasinungalingan? Bakit pinag-uusapan ang malalim na uri ng pag-ibig sa harap ng inidoro, sa loob ng kubeta? Palagi, kapag ang dula na napanoodko ay dal-dala ko paglabas ng tanghalan, nagustuhan ko marahil ang dulang ito.
2nd. Masaganang Ekonomiya ni Allan J. Lopez
Simple lang: mas horror ang kawalang-pakialam ng mga tao sa kasalukuyan sa mga isyung nagaganap sa ating lipunan. Horror na rin ang pagiging jaded ng mga tao sa katiwalian ng pamahalaan at ng presidente mo. Ito ang dula na walang hindi sinabi sa iyo at hindi ka na binibigyan ng pagkakataon na makapag-paliwanag. Wala ka namang kasing hindi nalalaman at tiyak ang sasabihin mong mga dahilan ganoon at ganoon pa rin. Pero naroroon pa rin ang pananambang ng makapangyarihang karahasan na mismo ang estado ang nagpapalaganap.
Ang dulang ito ay hindi nagpapaunawa at wala itong attempt na magpaliwanag. Ang nais nito ay simple lang: ibato sa ating mga sarili ang tanong, ang horror, ang responsibilidad na ukilkilin ang ating mga sarili kung may natitira pa bang katinuan at konsensiya.
Ito ang teatro ni Allan J. Lopez. At sa akin ito ay pagpapakita ng katapangan bilang isang mandudula at isang kasapi ng ating lipunan. Sa dulang ito napatunayan ko na may iba't ibang paraan ng pagkukuwento, ibang uri perspektibo, at kakaibang uri ng pagtrato sa manonood.
Na-shock ako sa aking sarili pagkatapos ng dula.
3rd. Gumamela ni J. Dennis Teodosio
Malungkot ang lovelife pero dapat palaging happy ending. Magaang dalhin ang dula dahil wala naman itong attempt na magpalungkot. Madaling mapasok ang daigdig ng dula dahil ang kabiguan sa pag-ibig ay karanasan na ng lahat. Walang nakatakas. Ngunit sa Gumamela happy
ang lumalaban. Kung ihahalintulad ko ang dula para akong nanood ng mga pelikula ni Meg Ryan - masarap ang pakiramdam paglabas sa sinehan. Hindi ko makakalimutan ang paraan ng pagsubo ni Phil Noble (pangunahing tauhan) sa cake at ang huling tingin niya sa pintuan (na patuloy ang pagkatok ng guwapong lalaki na ilang oras na niyang hinihintay) pabalik ng mesa para ipagdiwang ang kanyang sariling kaarawan. Ganoon ang tinatawag na happy ending - at puwede pala siya sa teatro na hindi siya monopolya ng mas sikat na midyum.
4th. Terengati ni Njel de Mesa
Sa totoo lang nag-enjoy ako sa mga glow in the dark na eksena sa dulang ito. Maganda ang mga kanta at mga kasuotan ng mga artista. Natuwa rin ako sa alitaptap (na kamay ng mga artista) na nagsasalita at lumilipad na tila mga alipato sa dilim. Hindi ko akalain na puwede pala ang ganito sa Labfest. Mas lalo kong ikinatuwa ang na tila mas nag-enjoy ang mga tatay at nanay sa audience kaysa sa kanilang mga chikiting. Kung mayroon lang akong ninanais sa dula - sana'y mas nakita ko pa ang pagiging katutubo ng kuwentong ito mula sa mga dila ng kanyang pinagmulan. Pero hindi naman ako 'children' para mag-demand. Natawa ako.
5th Ang Kalungkutan ng Mga Reynani Flor Quintos
Magaling ang mga artista sa dulang ito at napakaganda ng paghahanay ng mga pangyayari at yunit sa naratibo. Walang duda. Sa galing ng mga artista muntik na akong mapaniwala na teka nga, baka nga naman monarkiya ang mag-work sa atin? At natawa akong bigla sa aking sarili. Honestly, ganito ang mga dula na enjoy na enjoy ako sa panonood. Klaro ang perspektibo at talaga namang bongga ang pagsasadula ng perspektibo. Dito ko minahal ang The Queen and the Rebel ni Hugo Betti. Pulitikal ang tema pero naibaba ito sa lebel ng personal na kabaliwan. Ito ang ikalawang dula ni Floy Quintos na aking napanood. At nangako ako sa sariling simula ngayon babasahin ko na ang kanyang mga dula.
6th Dong-Ao ni F. Sioniol Jose
Aaminin ko naiyak ako sa dulang ito. Naiyak ako hindi dahil sa nakakaiyak talaga ang mga eksena kundi dahil sa isang katotohanan: na hindi pa cliche ang sinasabi ng dula. At mukhang hindi malalaos ang boses ni F. Sionil Jose sa susunod pang mga taon. Totoo pa ang kanyang mga isinawalat at nagaganap pa ito sa ating lipunan: Luzon, Visayas,
Ano ba ang tunay na mukha ng Nasyunalismong Filipino? Sino ba ang nanginabang pagkatapos ng mga rebolusyon? kanino itong 'struggle' na ito? Gahaman nga ba sa glory at power at ang anak ng mga oligarchs? Mananatili pa rin akong mambabasa ni F. Sionil Jose.
7th. Pamantasang Hirang ni Tim Dacanay
Lalaki, chauvist, fratboy, at edukadong tao na pinag-aaral ng mga mamamayan ang mukha ng karahasan sa ating lipunan. Ito ang dulang Pamantasang Hirang sa akin. Kung anong mga lider mayroon tayo ngayon ay ganito ang kanilang kabataan, ang kanilang kimulatang samahan. Nagulat ako sa aking nasaksihan. Maganda rin ang naging pagsasadula na kung paano hindi na napahahalagahan ang mga values na mahalaga sa buhay kapalit ng hindi mawaring kapatiran sa karahasan. Hindi nakapagtataka na sabi nga ng lola ko dati, "Hay, 'nya eroy matalino nga wala namang modo." Si Marcos ang binabanggit niya.
Ito ang mga paborito kong dula sa festival. Umaasa ako na sa mga susunod pang taon may mga paborito na naman akong mga bagong dula na babasahin sa Bloc at mapapanood sa entablado. Mahilig talaga akong manood ng dula. Bago pa man nakasali sa Labfest ang aking mga dula nanonood na ako noon ng Labfest nasa PETA pa lang ang Writers Bloc, Inc.
Hay, masarap talagang manood ng dula...
Salamat, Ogie.
ReplyDeleteIkinararangal kong maging saksi sa unang pagtatanghal ng dula mong "Ang Mga Mananahi" sa isang stage reading. Lyrical. Powerful. Naiyak ako.
At "Ang Bayot..." siyempre, ika nga sa lenguwahe ng iyong dula, ay "Bonggang-bongga!"
Iba ka, kapatid!
Maraming salamat sa iyo, Tim. At sa iyong dula. Sana'y mapanood mo rin ang pagtatanghal sa UP Los BaƱos ng Ang Mga Mananahi ngayon Setyembre.
ReplyDelete