Thursday, July 17, 2008

My Praise Worthy (Archive)

(Ang blog na ito naka-post sa dati kong blog. Sinulat noong Pebrero, 2008)


Ang Aking ‘Praiseworthy’

Mayroon akong ikukumpisal at binibigyan kita ng kalayaan na tawanan at hamakin ako sa isang munting sikreto na hindi ko man lang sinasabi sa aking mga kaibigan.


Ang ikalawang Meranao na nakilala ko sa aking buhay ay isang boses sa telepono, mga letra sa screen ng aking cellphone, at mga mukha sa friendster na may mga matang palaging parang may itinatanong. Isa siyang estranghero at sa nakakatawang pagkakataon nailagay ang numero niya sa aking phonebook ng isang dating kasama sa Maynila na nadalaw ko sa Davao City noong Abril 2007.


Maaring hindi ko pa nahawakan ang kanyang mga kamay o naramdaman man lang ang init ng kanyang mga hininga mahalaga siya sa aking buhay sa napakamaraming dahilan na maging siya ay hindi mauunawaan ipaliwanag ko man sa kanya nang ilang ulit. Ang kanyang mga boses ang nagbigay sa akin ng ikalawang buhay; ang kanyang mga salita ang nagligtas sa akin sa isang kapahamakan. Ang pag-asa na kami ay magkikita balang araw ang nagligtas sa akin sa bitag na paniwalaan ko ang lahat-lahat ng mga masasamang pantukoy na sinasabi sa akin noon ng mga ka-opisina ko sa Lanao del Norte tungkol sa mga Meranao.


Ipinagmalalaki ko siya sa aking mga kaibigan at hindi ko ikahihiyang ipakilala sa aking mga guro at pamilya. Naroon siya sa Malabang at nagtatrabaho bilang community at development worker. Nasa kanayunan. Minsan naitanong ko sa kanya kung naisip niya bang magtrabaho sa Maynila o sa ibang lugar, sa siyudad halimbawa tulad ng daigdig na aking ginagawalan. Ang sabi niya gusto niya raw may mangyari sa Lanao, gusto niya raw manatili sa Lanao at makatulong sa kapwa niya Meranao. Sa kanya ko unang nakilala ang salitang maratabat ­– isa siyang Meranao na may maratabat— ang ikalawang Meranao na nakilala ko sa aking buhay at ang una kong karanasan sa maratabat.


Minsan natatakot ako magbitiw ng mga salita sa kanya o may gawing isang bagay na baka ikagalit niya. Palagi niyang sinasabi na pasensiya na sa kanyang mga pagkukulang pero ako rin naman ay may pagkukulang sa kanya—ang pagiging impatient at prangka na wala sa lugar. Ayaw ko siyang masaktang sa aking mga kapabayaan at minsa’y putang amang isip-batang pag-uugali. Sanay kasi akong magsalita ng diretso; ibulalas ang aking nararamdaman na hindi iniisip kung ano ba ang mararamdaman ng makakarinig. Marunong naman akong humingi ng tawad sa kanya. At alam ko namang may kahabaan ang kanyang pasensiya dahil mabuti siyang tao. Dahil mabuti siya sa akin. At mananatili siyang isang kaibigan.


Hindi ko malimit na gawin ito sa tao pero ipinadala ko sa kanya sa Malabang ang mga burador ng aking mga kuwento at dula—mga personal na kopya ng aking mga likha. Nais kong ibahagi sa kanya ang ilang piraso na aking mga pinag-kakaabalahan sa buhay, ng aking buhay: ang aking Sining. Naniniwala kasi ako minsan na mas naiintindihan ako ng aking mga kaibigan sa aking mga sinusulat. Mahirap daw kasi akong unawain at pakisamahan. Unpredictable na wala sa lugar at madaling mapapatid ang lubid ng iyong pasensiya kung hindi mo ako kilala. Huli kong ginawa iyon noong kolehiyo – binigyan ko ng sipi ng aking kuwento ang isang iniibig.


Kaya nitong Nobyembre isang dula ang sinulat para sa kanya – Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte. Isa siyang dula na tumatalakay sa kung paano nakikipagtunggali ang dalawang tao na mula sa magkaibang mundo para sa isang disenteng pagkakaibigan sa isang malupit na lipunan. Hindi siya love story pinangungunahan ko na. Biniro niya ako noon minsan na sumulat daw ako ng dula na siya ng bida. Seryoso akong tao kaya mahirap akong biruin kaya heto isang dula ang isinulat ko sa kanya. At nabanggit niya sa akin na mayroon siyang motor na minamaneho niya palagi sa kanyang trabaho na biniro ko namang isang ­habal-habal (na talaga namang kinatatakutan kong sakyan.)


Hindi palagi na mayroong akong nakukuhang inspirasyong magsulat dahil isang tao. Nangyayari ito noon sa aking kabataan, sa high school na hindi ko na matandaan at tinatawanan ko na lamang minsan kung aking naaalala.


Ang totoo, nais ko siyang makita at matingnan ng diretso sa mata dito sa aking siyudad. Siya ang Marawi sa aking panaginip na ipinagkait sa aking madalaw ng mga karanasan ko sa pakikisalamuha sa mga tao sa Lanao del Norte, ang Lawa sa aking mga pangarap. Mabuti siyang tao pero mayroon siyang mga limitasyon. Nais kong magpasalamat sa kanya sa buhay, sa pag-asa, sa pagliligtas at sa inspirasyon at sa kabaliwan ng Sining at pagkakaibigan. Palaging maghihintay ang mga pantalan ng aking siyudad sa kanyang pagdating.


Tinanong ko siya minsan, ano ang ibig sabihin ng pangalan mo dahil tiyak may meaning iyan. Ang sabi niya, “Praiseworthy.”


Maaring hindi ko pa kilala ang buo niyang pagkatao. Maaring may mali sa kanya at tao rin siyang katulad ko: may mga maling desisyon sa buhay, may limitasyon, may mga lihim na kailangang manatiling lihim, may kasamaan. Ngunit ang lahat ng iyon, para sa akin ay isang misteryo na kailangan kong tuklasin sa kanya at tanggapin nang buong-buo na walang bahid ng paghusga. Matuto lang siyang humingi ng tawad at mangakong hindi na uulitin.


Ngunit maari din naman akong magkamali—pero sigurado pa rin akong tao siya na buong-buo at tao rin akong haharap sa kanya. Maganda pa ang daigdig.

2 comments:

  1. hi mare.. i've read it.. as usual, napahanga mo nnman ako sa mga isinulat mo..napaisip p ako kung sino tlga xa sa real life.. sana magkita kayo ulit.. na touch ako sa story nyo......... :')

    ReplyDelete
  2. Kamusta na ogie...salamat sa pagsusulat ng ganito para sa isang estranherong katulad kong mula sa napaka malayong ibayo ng Pilipinas... isang karangalan para sa akin ito...ingat kapalagi at ipagpatuloy ang mga magagandang bagay na iyong ginagawa sa ngayon...salamat uli...\

    Praiseworthy...

    ReplyDelete