Thursday, July 17, 2008

Liham ng isang mandudula sa kaibigan niyang mandudula na nagbigay ng suhestiyon na isulat na lang niya ang kuwento ng mga Muslim sa malayong Bosnia.

Kaibigang mandudula,

Nais kong simulan ang liham na ito sa isang napakagandang bagay na aksidente kong natuklasan sa aking katandaan:

Na sa alongan imanto
Na matorak so mongangen

Na imanot peloba’an
So mata’o sa nantapan.
Na alinen ta so mareg
A kasomba sa minalang
A rambayong panganonen
A morop sa inantara’.
Na di’ ta den pangisaden
I kalano a limbagan
Ka di’ ta bo’ kasan
ayan
So si’ tankolo di’ kasar
Na di’ tarantana’ ilin.
Ka aya kapanatola
Sa an a bantogan iyan
Na pakapepaeman teken

Ka an ta di’ pembalonga
Sa kapepaemenaga on.

Hindi ko rin naiintindihan ang mga salitang iyan dahil isa akong Tagalog at lumaki sa Maynila. Pero banal sa akin ang mga salitang iyan. Banal sa akin ang mga tinipong kuwento sa kung saan hinugot ang mga salitang iyan. Pero pinag-aaralan ko ang wikang iyan at handa naman akong gumastos ng salapi mula sa kakarampot kong kinikita sa pagtatrabaho sa isang kumpanya ng mga Amerikano dito sa Maynila para sa magtuturo sa akin ng wikang iyan. Ito ang salin ng mga salitang iyan sa Ingles.

In these our dark and confused times
Well- informed men are hard to
find,
For very few would know all things,
Good and bad or just anything.
Now let us change this condition:
As in the darkening neutral pink
To make a pleasing violet
So let us hope to make a change.
Now we shall not use the old way
But create a mold for our day.
Because it is hard to copy
The pure colors of old mod
els;
And the stars glorified at night
So shall we present the stories
Of our ancestors, our great me
n,
In one straight continuous tale
So no one will become tired.

Ito ang mga unang salita mula sa napakahabang epiko na nabuhay sa loob ng napakahabang panahon; isang epiko na nagsisimula sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin na kailangan ng mga bagong perspektibo sa nagbabagong mundo dahil ito lang ang magpapa-usad sa ating kabihasnan. Humihiling rin sa atin ang epiko na magtiwala- utang na loob magtiwala! – sa kapangyarihan ng kuwento.

Natutuwa ako sa lingguhan nating pagkikita sa PETA Writers Pool at wala tayong ibang pinag-uusapan kundi ang ating mga likha, ang mga dula na naisulat, sinusulat, at isusulat pa lamang, ang mga dula na isinulat ng mga dakilang mandudula na nabuhay bago pa ang ating panahon. Ganoon din ang mga kuro-kuro natin sa ilang dulang napanood o nabasa na kinatha ng kung sinu-sinong mandudula sa Kanluran. Punong-puno tayo ng mga pangarap. Minsan inaabot pa tayo ng madaling araw sa pagkukuwentuhan kasama ang mga kaibigang mandudula sa grupo.

Ganyan natin kamahal ang ating Sining, ang ating bokasyon, ang teatro.

Nagpapasalamat ako sa concern na ipinapakita ninyo sa akin bilang kapwa mandudula. Kinikilala ko na marami na rin kayong karanasan sa buhay at may nalalaman kayo sa mga bagay-bagay na tila bago pa lamang sa akin na lumaki sa Maynila, sa kumportableng pamumuhay na walang ibang pasanin kundi ang mga responsibilidad sa buhay at mga personal na bisyo, sa sarili at sa pang-araw-araw na pangangailangan.

Ang totoo natatakot din ako. Hindi ko kasi alam ang daang patutunguhan – madilim ba ito, paliku-liko, may bubog bang nagkalat sa daan, sinu-sino ba ang makakasalubong ko sa paglalakad. Ngunit nakakatakot din ang nakasanayan nang daan, sa ‘katotohanan’ raw sa lipunang ating ginagalawan, sa kasaysayan, mga kaisipan, at perspektibo na tinanggap nating totoo at hindi matitibag dahil ipinamulat na sa atin ito simula pagkabata, sa paaralan, sa mga unibersidad na ating pinasukan, sa mga kaibigang kinupkop nating kausap sa ibabaw ng kape at mga basyo ng alak. Mga katotohanang hindi na matitibag dahil niyayakap na ito ng nakararami.

Bakit ganyan ang sinusulat mo sa kasalukuyan? Bakit iyan ang tema ng mga dula na sinusulat mo at binabalak mong isulat at ihahain sa entablado at iyong manonood? Bakit mo pinapasok ang daan na hindi mo nalalaman? Sa ating mga kuwentuhan palagi ko itong nakikita sa inyong mga mata. Ang totoo hindi ko kayang sagutin. Wala akong maisip na pinakatamang sagot maliban sa isang damdamin na mayroon ako sa puso at kululuwa – galit.

Mayroon akong galit dahil sa isang marahas na karanasan sa isang malayong lugar na kung tawagin – karahasan na nakuha dahil sa paniniwala sa pagkakapantay-pantay at respeto, mula sa mga tao na nangwalang-hiya ng kapwa nila dahil sa pera, ng isang tao na itunuring na kaibigan na binigyan mo ng pagtitiwala at paggalang ngunit iniwanan ka sa gitna ng laban at nakuhang traydurin sa harapan mo ang sarili niyang mga kababayan—dugo at laman ng kanyang mga ninuno at kasaysayan ng isang kabayanihan na nakakabit sa kanyang pangalan— sa mga lugar na tinatawag nilang may ‘peace and order’, sa isang kasaysayan, sa isang perspektibo, sa paglimot, sa katotohanang tinanggap kong tuwid at tama simula pagkabata – mga daang nakasanayan na kinatatakutan ko nang balikan. Isang nakahubad na nilalang ang galit na sumisiping sa akin gabi-gabi: mayroon na itong laman at kaluluwa.

At masuwerte pa rin ako dahil kaya kong dalhin itong galit, kaya kong mamuhay kasama ang galit na ito – dahil marunong akong magkuwento, marunong akong magsulat ng dula at mga kuwento, may mga kaibigan ako rito sa Maynila na nauunawaan kung saan ako nanggagaling. Kaya nilang pahupain ang galit sa aking puso. May makikinig sa aking kuwento. Ngunit ilang buwan na akong hindi pinatutulog ng galit na ito, ilang buwan na akong hindi makakakain ng tama – dala-dala ko saan man ako magpunta. Minsan naiiyak na lang ako sa pag-alaala sa karahasan, sa kasakiman at sa aking mga pagkukulang at kalabisan sa sarili. Paano pa kaya iyong iba? Silang hindi pinagsasalita dahil sa kaguluhan at karahasan? Silang nasa gilid ng isang malaking kasaysayan. Takot ako sa karahasan. Ayaw ko sa taong humahawak ng baril.

Sa dating daan, kaibigang mandudula, madali sa aking magtapon ng paghusga sa paghawak ng baril, sa kaguluhan, sa digmaang nagaganap. Alam ko kaagad noon kung sino ang kaaway, sino ang nanggugulo. Pero ngayon matapos ang isang marahas na karanasan mula sa isang malupit na lipunan, sa bagong daan, natatakot ako sa aking natuklasan at matutuklasan dahil unti-unti kong nakikita kung bakit kailangang humawak ng baril, ng armas. Kung ano ang tunay na mukha ng kalaban. Hindi ako ganoon katapang. Pero nakita ko ang lahat. Naramdaman ko sa aking mga balat na tila karayom na nanunusok ang isang katotohanan na ikinubli sa akin ng dating daan, ng isang kasaysayan, ng Maynila na aking siyudad na kumupkop sa akin sa maikling panahon ng aking kabataan. Maraming salbaheng tao, malupit ang isang kasaysayan, ang isang perspektibo – may kalupitan ang daang nakasanayan.

Alam mo kaibigan, noong huling lumabas ako ng Iligan (isang lugar na may ‘peace and order’) bitbit ko ang lahat ng aking mga aklat, ang aking mga damit, at sa loob bus may isang takot na pilit kong nilalabanan sa aking loob dahil kapag hinayaan kong pumasok ang takot na iyon sa aking puso mawawala sa akin ang paggalang sa isang kaibigan, tatanggapin ko ang lahat-lahat ng sinabi nila sa akin tungkol sa mga taong ginagalang ko (dahil sa bibig at kaluluwa nila nagmula ang isang kuwentong hinahangaan ko.) Ngayon iniisip ko kung paano ko naiyak ang haba ng biyahe mula Iligan hanggang sa Bulua. Nakatulala akong dumating ng Cagayan de Oro. Nawala ang aking sapatos sa hotel, ang ilang mga aklat, maging ang Darangen na napakahalagang aklat para sa akin. Kailangan kong lisanin noon ang lugar dahil pinagtulungan ako ng mga tao at sasaktan daw ako ng isang kaibigan ayon sa pinuno ng aming organisasyon, huli na nang nalaman na tuso pala at may malabnaw na paghusga ang taong iyon – ang lahat pala ay isang palabas para mapaalis ako sa opisina dahil sa aking mga polisiya at trabaho. Napakarahas. Ilang buwan ang nakalipas may nakapagsabi sa akin na isa palang nakakatawang eksena ang nangyari sa akin. Lahat sila nagtatawa, maging ang kaibigan na itinuring ko at minsan ay ipinaglaban.

Malupit ang nasaksikan ko sa aking buhay, sa mga tao roon, maging sa isang lugar na kung tawagin nila ay may ‘peace and order’, sa mga ginagawa nila sa komunidad at sa mga taong naghihirap. Dahil Muslim sila hindi sila kasali sa listahan. Doon ko nakita ang karahasan ng diskriminasyon. Ang kalupitan ng mga taong may masasamang asal dahil nalugmok na sa kanilang mga personal na interes. Kung paano traydurin ng isang tao ang kanyang nakaraan, ang kanya pagkatao.

Bagaman hindi ko naranasan ang digmaan, kaibigang mandudula, hindi ako naipit sa isang encounter nakita ko ang lahat ng kalupitan sa mga lugar na may ‘peace and order’ – nakaharap ko ang ‘kaluluwa ng kaguluhan’, at napaluhod ako sa mga paa niya, at naiyak. Humingi ako tawad kung bakit hindi ko nalaman, kung bakit hindi ko inalam. Humingi ako ng tawad dahil minsan sa aking buhay ibinigay ko ang aking talino at oras sa pagtatrabaho para sa isang sistema na nagmamalupit sa kapwa, sa mga Moro. Bakit hinayaan ko ang lahat na mangyari? Bakit ako sumuko tinakot lang ako minsan? Bakit napaka-duwag ko gayong tama naman ang aking ginagawa? Malaki ang naging kasalanan ko sa aking sarili, kaibigang mandudula at marahil, ito rin ang hindi nagpapatulog sa akin araw-araw at ito rin marahil ang nagtutulak sa akin na tunguhin ang daan na hindi ko pa napupuntahan.

At ang mga dulang ito, kabigang mandudula, ay paglilinis ng aking konsensiya. Nais kong ibalik ang paggalang at respeto ko sa aking sarili. Halos kalahating siglo na ang kaguluhan, marami nang namatay at namamatay marahil may katotohanan na sa kanilang sinasabi at ipinaglalaban – at nais kong mahawakan ang katotohanang iyon gaano man kainit ang pagdarang. Ang katotohanang iyon marahil ay isang significant human experience na kailangang mailagay sa tradisyon na pinanghahawakan nating magkakaibigan – ang tradisyon ng Panitikan. Dahil ako at ikaw, ay mga mandudula, mga manunulat, at alagad ng ating mga Sining. Hindi ko kailanman pagtataksilan ang aking Sining, ang aking entablado, ang aking pagkatao.

Nais kong lagyan ng dignidad ang salitang ‘mandudula’ na naka-kabit sa aking pangalan tulad ng nais na mangyari ng guro nating si Rene O. Villanueva – tulad ng dignidad na ibinibigay ng mga kapatid nating mga Muslim sa kanilang mga sarili at matawag na ‘Bangsa Moro.’

Hindi ako humahawak ng baril sa galit, kaibigang mandudula, pero naniniwala akong makapangyarihan ang ating mga Salita, ang ating Sining, may kalaayan pa ang entablado sa ating bayan at hindi pa ito alipin ng merkado, at may paggalang pa ang ating kasaysayan sa kalayaan ng tao na mag-isip at magpahayag ng isang katotohanan ayon sa kanyang perspektibo.

Naniniwala pa rin ako na mayroon tayong responsibilidad na ibalik sa ating mga manonood ang alaala dahil nasa kaliwang kamay ng Sining ang katubusan mula sa kalupitan ng paglimot at kawalang-pakialam… at kaligayahan pa rin para sa atin na lagyan ng kaluluwa at puso ang kasaysayan. Mananatili tayong mandudula ngayon at sa darating pang mga araw. At darating din ang paghilom ng aking sugat sa kaluluwa, huwag kang mag-alala. Naniniwala pa kasi ako sa pag-ibig.

Mabuhay ang teatro. Mabuhay ang walang hangganang pag-iisip.

Ang iyong kaibigang mandudula.



No comments:

Post a Comment