Ang Mabubuting Tao
December 31, 2007 huling araw ng 2007 at nandirito ako sa opisina at nagtatapos ng ilang mga gawain. Kailangan ko na kasing tapusin ang report ng site namin tungkol sa Disciplinary Action status ng mga empleyado: sinu-sino ba ang mga pasaway, ano ba ang palaging violations at gaano kadalas ang mga violation na ito. Nasa ikatlong quarter pa lamang ako ng taon (July, August, September)- at sa tatlong buwan na ito mayroon nang 1002 na reported violations na naganap sa site. Maraming nagkamali; marami ang hindi sumunod sa patakaran ng organisasyon. Gusto kong matawa.
Sa darating na taon umaasa ako na sana may makilala akong mga bagong tao na may pagpapahalaga sa ano ang wasto at hindi wastong kilos at sa matamang pakikipag-kapwa tao. Malungkot kong isasara ang taon na ito dahil sa taong ito ko nakikila ang lahat ng masasamang pag-uugali ng isang tao na maari niyang ipakita at ibahagi sa kanyang kapwa – ang pagtatraydor, ang kawalang-galang, ang korupsiyon, ang pagiging mapang-husga, ang kababuyan sa katawan at sa trabaho, ang karahasan. Ito ang mga pag-uugali na ipinakilala sa akin ng Diyos sa taong 2007. Malupit na mga karanasan mula sa mga taong walang puso dahil kaya nilang pagkakitaan ang mga taong naghihirap, hindi galangin ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang kultura at relihiyon. Ngunit sa isang banda iniisip ko rin na mabuti na’t bata ako nang makaulayaw ko ang mga pag-uugaling ito dahil iingatan ko na ang aking sarili sa mga susunod pang taon ng aking buhay – iingatan kong mapahalubilo sa mga ganitong tao. Hindi pala minsan sapat ang makipag-kapwa tao ka at aasahan mong susuklian ka ng pakikipag-kapwa tao rin. Maraming may masasamang budhi sa mundo. Maraming masasamang tao.
Umaasa ako sa pagdaloy ng aking buhay may makikilala akong mga tao na tunay, marunong makipag-kapwa tao, at may pagpapahalaga sa damdamin ng iba. Umaasa rin ako ng pag-ibig—iyong pag-ibig na may paggalang, pagtitiwala at may maayos na intensiyon sa katawan at kaluluwa. Sa panahon at lugar na puro kasamaan minsan kailangan ng puso, ng pagpapatawad, ng tamang galit upang ituwid ang pagkakamali sa dalisay na paggalang sa limitasyon ng tao na maari siyang magkamali anumang oras.
Nakaupo ako ngayon sa harap ng aking computer, nakatalungko sa mamahaling upuan sa opisina, at dahil bakasyon ako lamang ang kaluluwa sa departamento, tahimik ang paligid, at iniisip ko ang aking mga kaibigan kagabi – ang luha ng isang kaibigang makata na unang narinig ang kuwento ko sa dati kong trabaho sa Lanao del Norte at ang pagta-traydor ng isang kaibigan – may mga tunay pala akong kaibigan na may pagpapahalaga sa aking damdamin at pagkatao, sa aking pagdaramdam at mga hinanakit sa buhay at hindi nila ako iiwanan, mga disenteng tao— may pinag-aralan, may takot sa Diyos, pinalaki nang maayos ng kanilang mga magulang at pamilya.
At sa ibabaw ng aking mesa may isang baso ng sorbetes – hayun siya nakikita ko— Rocky Road, Tiramisu, at Dutch Treat na naghihintay sa akin. The world is a beautiful place for people who believe in genuine human relationships.
No comments:
Post a Comment