HETO NA NAMAN ako. Ito na ang ikatlo kong blog. Naka-ilang bukas at sara na rin ako blog sa loob ng ilang taon dahil sa napakaraming dahilan. Parang hindi kasi ako mapakali na inilalabas ko ang aking mga saloobin sa daigdig (at nababasa pa ng iba) at ang ilan sa mga saloobin na ito sa aking pagtatansiya minsan ay marapat na itago ko na lamang sa pinaka-sulok na bahagi ng aking pananahimik. Ang problema ko kasi minsan sa sarili saka ko na lamang nararamdaman na hindi ako sigurado sa aking ginawa o binitiwang mga salita kung makalipas na ang mahabang panahon at bumabalik na sa akin ang mga resulta ng aking mga gawain. Minsan hindi ito magandang karanasan para sa akin. Ngunit ang nakatutuwa kahit hindi ito magandang karanasan marami naman akong natutunan sa mga karanasang ito - kaya narito na muli ang aking blog.
Isinara ko ang ikalawa kong blog dahil bigla akong nakaramdam ng hinanakit sa aking sarili. Sa sarili mismo bilang isang manunulat. Hindi ko akalain kasi na halos lahat ng nilalaman ng aking blog entries ay iisa - o umiinog sa iisang paksa. Hindi ito magandang senyales para sa akin. Kung maratabat lang ang pag-uusapan, tila kamatayan ito ng isang manunulat. Hindi naman ako takot sa kamatayan ngunit takot akong mamatay nang bata, nang hindi pa nakakapag-hajj o nakalilimbag ng sarili kong mga aklat. At wala naman sigurong masama sa muli't muling pagsuong sa mga pagsubok; pipilitin kong huwag ulitin ng aking sarili sa aking mga entries sa ikatlong blog na ito. At kung maaari nais kong maibahagi sa mga taong mahilig magbasa ng blog (ang aking blog) ang aking mga perspektibo sa buhay, sa aking sarili, sa aking lipunan, sa daigdig, sa Sining at sa aking Sining.
Sa mga susunod na araw abala kong hahalungkatin sa aking kompyuter ang mga blog entries ko sa nagdaang buwan mula sa ikalawa kong blog. Sana ay naroroon pa sila sa aking mga folders at hindi ko pa ipinaubaya sa kalawakan ng pagkalimot. Marami na rin kasi akong binitiwang mga salita na pilit ko nang ibinabaon sa limot. May pagtatraydor din ang mga manunulat sa kabanalan ng kanilang mga salita, minsan. Sana maipaskil ko pa silang muli sa bago kong blog at mapatawad ko na rin ang aking sarili.
Minsan binisita ko ang website ng isang kaibang manunulat (Dino Manrique) at nakita ko roon ang thread na isang blogger (na nagsusulat sa Ingles) na naghahanap ng mga babasahin sa Filipino dahil nais niya yatang matutong magsulat sa bernakular. Isang blogger ang sumagot sa kanya (na hindi ko kilala) at iminungkahi ang aking blog. Namula ang aking pisngi sa ganoon na lamang na pagtitiwala ng isang blogger na matutulungan ko ang isang manunulat sa Ingles. Sa kasamaang-palad ipinaalam ni Dino Manrique na wala na ang blog ko. Nakaramdam ako bigla ng panghihinayang at pagka-konsensiya sa aking ginawa (na pagsasara ang aking blog.) Nakatulong sana ako ng kapwa sa pagkakataong iyon.
Napapansin ko minsan maraming gustong sabihin ang mga tao sa akin - personal, propesyunal, lalo na sa aking mga akda. Minsan pagkatapos ng aking mga dula nababasa ko sa mga mata ng ilang mga tao (na lumalabas ng tanghalan) na marami silang gustong itanong sa kanilang napanood. Minsan bumabati lang silang ng 'congratulations!' pero kinukutuban ako na mayroon pa silang gustong sabihin. Pangit man o mga papuri. Mahiyain talaga ang mga tao. Mahiyain din ako minsan kung tumatanggap ng mga papuri, ng isang paanyaya ng isang estranghero na marinig ko ang kanilang saloobin. Ang totoo, hindi ako marunong tumanggap ng mga papuri (maging sa aking propesyunal na buhay sa opisina) at lagi kong ninanais na makausap at makipag-palitan ng kuro-kuro sa mga taong may karanasan sa aking sining. Kaya heto na lamang ang aking blog kung saan ipahahayag ko ang aking opinyon at isa siyang malayang espasyo para ipahayag ng iba ang kanilang saloobin sa akin, sa daigdig, o sa karanasan sa aking sining.
Sana'y mapanatili ko ang kalayaan ng espasyo ng blog na ito para sa malayang isipan at sarili. Naniniwala kasi ako sa kalayaan ng tao, sa lahat ng uri ng kalayaan na pantao: Sining, Siyensiya, Bangsa Moro, at ang pananahimik sa mga banal sa sulok ng ating mga sarili.
Sa huli, bagaman eksaherado na kung sasabihin ko pa na ang blog na ito ay tungkol sa akin, ito ang aking kalawakan, tungkol ito sa aking karanasan, sa kung paano ko tinatanaw ang daigdig. Maaaring may lalamanin ang blog na ito na hindi sang-ayon sa inyong panlasa o panimbang. Sana'y ipakita lang natin ang paggalang o maari namang huwag nang bisitahin ang blog na ito. Pasensiya na kulang lang talaga ako minsan sa pansin.
Basa lang.
No comments:
Post a Comment