Wednesday, July 30, 2008
Why should we settle for a habal-habal?
Ang mga larawan ay mula sa UP Repertory Company at sa kaibigan photographer Alberto Bainto. Ang teksto naman ay mula sa aking dula.
Muli, merci beaucoup! sa lahat ng nanood at nagbigay ng kanilang mga opinyon at kuro-kuro. Salamat sa PETA Writers Pool, sa The Writers Bloc, Inc. lalo kay Rody Vera sa lahat ng tiwala at inspirasyon, Sa Tanghalang Filipino lalo na kay Sir Dennis Marasigan, Sa UP Repertory Philippines, sa aking mga reader/commentators: Jelanie Mangondato, Sitti Nindra Hajiron, Abdul Hamid Hadji -Omar, sa mga nagturo sa kay Arnold ng Meranao: Aliah, Nash, Alimo, Khal, Abde, Maru ng Mindanao State University sa Marawi City, Imee Abdulcarim (mare, salamat sa chikahan), at kay Allah (swt) .
Mabuhay ang malayang pag-iisip!
"Diin ka makadto day?
"Nakita mo iyang kalsada na iyan? Pagdating sa itaas lubak-lubak iyan at maputik kung tag-ulan. Kaya habal-habal lang ang puwedeng dumaan. Nagtatapos ang aspaltadong kalsada rito sa amin kung saan nagsisimula ang Muslim community. Nakasakay sa habal-habal ang buong Mindanao. So, ano aangkas ka na?"
"Yes, madam, nandito pa rin ako sa baba. Wala pong...ano nga po ba ulit ang tawag dun?"
"May peace and order naman po, Madam. Medyo kampante na ako nakita ko na ang Jollibee sa Iligan kanina."
"Excuse me ano 'yung term - settlers?"
"Sorry sa pamimigay ng baboy sa community...sa pagpapa-misa sa office. Napaka-walang galang. Napaka-walang respeto. Para kaming nagpa-gay beauty pageant na may mga babaeng constestant."
"Alam mo iyong feeling na tinatawanan ka kapag nakatalikod ka at minamaliit ang trabaho mo dahil sa kung ano ka?"
"Bumukaka ka kasi para may balance!"
"Iyong isang paa sa kabila!"
"Siguro kaya mahirap ang Pilipinas dahil nawalan na ng maratabat ang mga tao."
"Imagine mo, Hamid: kung may maratabat ang lahat ng Filipino sa palagay mo may echoserong kumag na basta-basta na lang magnanakaw sa gubyerno? Papayag ka na ninanakawan ka na ng harap-harapan e deadma ka pa rin to the world? Naku, Hamid, kung may maratabat walang domestic helper, walang maruming lansangan, maayos ang mga kalsada, walang nangangamuhan dahil lahat may business. Bongga! Bonggang-bonggang maratabat na iyan!"
"Hayun o iyong nasa kabilang kanto. Iyong panget at buhaghag ang buhok at naka-pekpek shorts? Kunwari siya ang Presidente ng Pilipinas at nandito ako - ganito...ganito ako kalayo sa kanya..."
"Putang ina mong Presidente ka! Oo, ikaw babaeng naka-pekpek shorts! Walang kang maratabat! Magnanakaw!
"Kiyasukaran ka Gloring pok-pok ng Timoga! Hindi ka bonggang-bongga!"
"With all due respect, Madam, I refuse to ride the habal-habal in Lanao del Norte. Hindi talaga ako marunong sumakay diyan and I don't really trust that vehicle."
"Simula sa araw na ititch. Wiz na aketch maniniwala sa mga peace-and-order-peace-and-order na iyan. Isa lang siyang mahaderang bakla na biglang na-convince ang sarili niya na babae pala siya at biglang naniwala sa true love."
"funkyoldboy@yahoo.com. Invite mo ako sa friendster mo para friendster na tayo."
Hamid: Ano ang konting alam mo sa Lanao, Bambi?
Bambi: Na dalawa ang Lanao - del Sur at del Norte?
Hamid: Iisa lang ang Lanao, Bambi. Ang unang katotohanan na dapat na malaman mo sa Lanao e mayroon itong lake. Dun sa 'taas may isang magandang lake. Dumadaloy sa lahat ng ilog sa Lanao - del sur man o del Norte...kaya iisa lang ang Lanao. Bukas dadaanan kita sa office ninyo at ipakikita ko sa iyo ang lake. I'll show you the ride of your life.
Bambi: Hindi ako taga-rito but I'll appreciate the hospitality.
Nagkaroon din ng blogging contest ang organizers ng CCP para sa mga manonood. Heto ang ilan sa mga nasabi nila at nagwagi. Pindutin lang ang links:
"In spite of my 3.25 rating due to some technical shortcomings, among the 3 plays of this set, this is truly one of the best in this fourth season of Virgin Labfest!" -http://ronivalle.multiply.com/reviews/item/5
"The script proves that Mr. Braga has a ferocious sense of humor and a fresh sensibility for the topic he chose (social change)." -http://erosjourneys.blogspot.com/2008/06/theater-review-virgin-labfest-2008.html
"Amidst the laugh-out-loud moments (mostly coming from the characters’ sharp-tongued hits at each other), the play is serious in weeding out the issue of discrimination in modern society." - http://dappie2002.multiply.com/journal/item/66/Virgin_Labfest_4-_Keep_it_pretty_keep_it_witty_keep_it_gay._Pagbabago_Paghahanap_Pagkakataon
At ang mga sinabi naman ng mga kritiko
The Manila Times:
"...tackles hilariously unresolved problems every Pinoy is still facing with his satirical play Bayot. Racial and gender discrimination, hypocrisy, bigotry, divisiveness of faith and corruption are few of the issues discussed in the play." -http://www.manilatimes.net/national/2008/july/07/yehey/life/20080707lif2.html
The Philippine Daily Inquirer:
"Sharp, Witty" -http://showbizandstyle.inquirer.net/lifestyle/lifestyle/view_article.php?article_id=148250
Si Alvin Dacanay, kasama ko sa The Writers Bloc, Inc.:
http://thereliefroom.blogspot.com/2008/07/virgin-labfest-4-slightly-bitchy-review.html
Friday, July 18, 2008
Virgin Labfest 4 : Rebyu sa Manonood
Yes, Layetta, uso pa nga siguro ang Teatro
NAGTAPOS ANG VI RGIN Labfest noong unang linggo ng Hulyo sa
Inaantabayanan ng napakaraming manonood ang Virgin Labfest; may iba pa nga na pinanonood ang lahat ng dulang nakasalang sa Labfest. Lingid sa kaalaman ng nakararami inaantabayan din ng mga artista, direktor, mga taong 'babad' sa teatro lalo na ng mga mandudula mismo ang reaksiyon, kuro-kuro, o saloobin ng mga manonood sa napapanood nilang dula. Kanya-kanya kasing perspektibo, pananaw, maging reaksiyon ang bawat manonood sa bawat dulang napapanood. Malimit sa mga blog, friendster, egroups, at newspaper reviews mababasa ang mga ito. Kapag buwan ng Virgin Labfest ikinatataba ng mga puso naming mga mandudula na maramdaman na kahit papaano pala 'uso' pa rin ang panonood ng dula dahil may katuturan pa ito sa, bagaman sa kakaunting tao, sa ating lipunan.
Matapang at mga kakaibang nilalang ang mga parokyano ng Virgin Labfest. Una, dahil hindi na siguro karaniwan ang mga taong nakahahanap ng aliw sa panonood ng dula. Ewan ko siguro ganoon lang talaga ang pagtimbang ko sa dami na kasi ng mga aliwan sa kasalukuyan. Biro mo sa mga nanggagaling pa sa hilaga ng Maynila tatawid pa sila ng
Iba't ibang perspektibo sa dulang napanood, iba't ibang pagtanaw sa teatro, sa buhay na nais ipahatid ng mandudula sa kanyang mga manonood. Uso pa nga siguro ang teatro, ang palaging sinasabi sa akin ng kasamang mandudula na si Layetta Bucoy.
Rebyuhin ang Audience
Mas nasasabik ako sa pagbabasa ng blog ng mga manonood - iyong mga estudiyante, nagta-trabaho sa opisina at sinadya talaga ng Labfest o iyong barkada ng isang artista, ng aking barkada o ' yung nayaya lang manood. Aaminin ko dito ko rin tinitimbang kung naging maayos ba ang paglalatag ko ng kuwento at ideya sa aking dula. Sa kanila ko nababasa ang maaring iba't ibang perspektibo ng mga manonood sa aking likha. Malimit sa mga blogger ko nahahanap ang pinakatamang mga manonood na nakukuha talaga ang nais kong sabihin. Ang lubos akong natutuwa sa ganoon. Oo, yes, oway, si, oui - binabasa ng mga mandudula ng Writers Bloc ang iyong mga blog - gusto kong sabihin minsan sa kanila.
May isang klase ng audience na talagang 'kritikal' sa mga dula na kanilang napapanood. Mahayap minsan ang mga salitang binibitiwan nila sa mga dulang napanood. Malimit sila iyong mga kakilala mo. O kilala ng mga kilala mo. Malaki rin ang nagiging tulong nila sa pagbubukas ng mga diskusyon sa mga dulang naipalalabas. Mas malaki kasi ang kanilang nasasakop - diyaryo halimbawa o nasa 'loob' mismo sila ng daigdig ng teatro at maraming kilala. Minsan guro rin sila. Mas malaki ang responsibilidad ng mga manonood na ito. Una, dahil sa malaki ang kanilang sakop mas madali sa kanila na ipalaganap ang pagkakaroon natin ng 'critical mass'. Mahalaga ang 'critical mass' sa ating lipunan lalo na ngayon na maraming kasinungalingan ang pilit na binabaluktot sa ating lipunan parang maging tama at katanggap-tanggap. Critical mass din ang mag-uudyok sa atin na magkaroon ng stand sa bawat isyu sa ating lipunan lalo na ngayon na wala ka nang mapagkakatiwalaan na taong gubyerno mula sa Presidente mo hanggang sa mga kawani ng pamahalaan. Ikalawa, ang mga taong ito ay talaga namang malalakas ang loob at hindi paawat na magbitiw ng mga salita sa mga dula at produksiyon na kanilang napapanood. Ikatlo, malawak ang nalalaman nila sa teatro at 'babad' sila sa lahat ng mga pangyayaring nagaganap sa daigdig ng teatro.
Ngunit ang pinakamahalagang audience sa akin bilang mandudula ay iyong tahimik. Iyong nasa isang sulok lamang ng Batute at taimtim na nanonood ng dula, pinakikinggan ang bawat dayalogong pinakakawalan sa daigdig ng mga artista, nginangasab ang mga imahen sa entablado na matamang tinitimbang at binubuo sa isipan. Sila ang mga manonood na lalabas lang ng tanghalan at didiretso sa kanilang mga bahay o sa kung saan man sila pupunta pagkatapos. Sila iyong mananahamik panandalian at paglilimian ang kanilang napanood at susubuking tingnan ang halaga ng dula sa kanilang buhay. 'Ganito ba talaga sa amin?' , 'Ako kaya, kailan ako tumingin ng mababa sa mga Muslim?' 'Ano ba ang ginawa ko noong EDSA DOS bakit ganito ang aking lipunan ngayon?'Ano kaya ang magagawa ko?' 'Hindi ko pinaniniwalaan ang sinasabi ng dulang iyon dahil hindi ko naman iyon naranasan.'
Pag-asa. Maaaring hindi ko makikilala ang manonod na ito sa nakararami ngunit umaasa ako sa daan-daang pumapasok sa Tanghalang Huseng Batute isa o dalawa man sa kanila ang manonood na ito. At masaya na ako. At patuloy akong lilikha ng dula para sa kanila.
Ang Labfest
Ang hindi nalalaman ng nakararami sa loob ng Writers Bloc ganoon din ang sistema. Ihahain ang dula sa hapag ng mga mandudula at iba't ibang perspektibo ang lalabas mula sa mga mandudula. Minsan hindi magalang ang mga salitang binibitiwan ng mandudula sa kapwa nila. Pero hanggang doon lang iyon. Mas mabuti na kasing huwag kang galangin ng kapwa mo mandudula kaysa naman hindi ka galangin ng iyong manonood. Trahedya yata itong huli.
Sa sesyon ng Writers Bloc iba't iba ang lebel ng pagbasa. May magbibigay komentaryo sa form at pagkakaayos ng mga salita hanggang sa tuldok at tandang pananong. Dahil karamihan ng mga nasa Writers Bloc ay nasa entablado rin at ang direktor, may nagbibigay komento rin kung paano magiging epektibo ang dula kung ilalagay na ito sa entablado. Mayroong mandudula na magbibigay ng komento sa content ng dula. Dito madugo minsan ang usapan. May mandudula na hindi basta iyuyukod ang kanyang perspektibo at pinaniniwalaang katotohanan gaano man ito husgahan ng kapwa mandudula. Dito ko rin minahal ang kasama kong mandudula sa Writers Bloc at dito ko hinahangaan si Rody Vera bilang pinuno ng aming grupo. Ang unang aral na natutunan ko noon sa Writers Bloc dapat kaya mong panindigan ang isusulat mo. Mahaba ang diskusyon at minsan may magtataas pa ng boses. Pero hanggang doon lang iyon. Banggaan lang ng mga pananaw sa daigdig na ating ginagawalan.
Ang Labfest ay bahagi lang ng isang mahabang proseso sa aming mga mandudula. Isa ito sa mga pagsubok kung magiging epektibo nga ba sa entablado ang aming nasulat na dula, ang mga teknik na sinusubok, ang pananaw na ihahain sa daigdig sa iba't ibang pagtanaw sa teatro. Sa Labfest rin namin nakikita ang magiging response ng audience sa dulang ihahain.
Marahil, sa aking tansiya, kung gaano karami ang mandudula sa Writers Bloc ganoon rin karami ang pagtingin at perspektibo sa teatro at sa sining ng pagsusulat ng dula. Magkahiwalay ang upuan nina J. Dennis Teodosio at Allan J. Lopez tuwing sesyon, magkaiba ang taas ng pedestal ng mandudula nina Rene O. Villanueva at Rody Vera kung pag-uusapan na ay kung ang Teatro ba ay playwright or director's medium o collaboration. Iba ang mga babae sa dula ni Liza Magtoto sa mga babae ni Layeta Bucoy. Malaki ang pagkakaiba ng ngiti at galakgak sa pagitan nina Debbie Tan at Vincent de Jesus. Hindi ko kailanman tatanggapin ang mga perspektibo ni Job Pagsibigan balatan mo man ako ng buhay pero matalik ko siyang kaibigan.
Pagkatapos ng Labfest bumabalik ang mga mandudula sa kani-kanilang mga gawain at pinagkaka-abalahan. Ako naman ay naglilimi sa mga nagdaang proseso - alin ang epektibo, alin ang hindi, ano ang dapat na itama, kailan dapat magbago. Hindi nagsisimula at nagtatapos ang buhay ng isang mandudula sa isang Labfest o sa isang palabas ng kanyang dula. Naulinigan ko na sinabi nga ni Dennis Marasigan ng Tanghalang Filipino na commitment ito for life.
Lagi kong inaalala ang aral noon ng isa sa aming mga guro at kaibigan sa Writers Bloc, si Rene O. Villanueva - dapat lagyan namin ng dignidad ang titulo na nakakabit sa aming mga pangalan - 'Mandudula'.
Ang Aking mga Paborito sa Virgin Labfest 4 (Rebyu ko ito walang kokontra)
O, siya, nais ko ring magpahayag ng aking mga paborito sa festival dahil naging audience din ako. Hindi ko rin mapigil ang makating kong dila at pagkukuro sa mga dulang napanood. Ito'y sa akin lamang ha. Hindi ko na isinama aking mga dula sa festival (siguro naman hindi na kailangan ng paliwanag). In random order ito ha. Ako lang naman ito.
1st. Las Mentiras de Gloria ni Layeta Bucoy
May teknik akong hinahanap sa paraan ni Layeta kung paano nililikha ang daigdig ng kanyang mga tauhan sa pamamagitan ng kanilang mga dayalogo. Ganoon din ang paraan niya kung paano isinasa-konkreto ang sikolohiyal na estado ng mga tauhan sa mga salitang kanilang binibitiwan.Konkreto na matititigan mo sa mata ang abstraktong ideya. Nagagawa na ito ng mga mandudula sa Kanluran ngunit iba pa rin kung nakakapasok ka sa kontemporanyong sitwasyon ng daigdig ni Layeta. Sa unang lebel hinahanggan ko ang pagiging biswal ng mga dayalogo ni Layeta. Minsan ang diyalogo ay sumasang-ayon o sumasalungat sa biswal na imahen sa entablado. Mayaman sa tensiyon ang kanyang dula. Sa akin isa itong
Maaring tingnan sa iba't ibang lebel ang Las Mentiras de Gloria. Maaring tingnan ito sa uri ng relasyon mayroon ang mga tauhan. Ngunit sa akin, isa itong pulitikal na dula. Malakas ang statement ng dula tungkol sa estado ng ating pulitika sa kasalukuyan. Sa lahat ng sinabi sa atin alin na nga ba doon ang totoo? Totoo ba ang malalim na pag-ibig ni Gloria kay Utoy o isa lang ito sa kanyang mga kasinungalingan? Bakit pinag-uusapan ang malalim na uri ng pag-ibig sa harap ng inidoro, sa loob ng kubeta? Palagi, kapag ang dula na napanoodko ay dal-dala ko paglabas ng tanghalan, nagustuhan ko marahil ang dulang ito.
2nd. Masaganang Ekonomiya ni Allan J. Lopez
Simple lang: mas horror ang kawalang-pakialam ng mga tao sa kasalukuyan sa mga isyung nagaganap sa ating lipunan. Horror na rin ang pagiging jaded ng mga tao sa katiwalian ng pamahalaan at ng presidente mo. Ito ang dula na walang hindi sinabi sa iyo at hindi ka na binibigyan ng pagkakataon na makapag-paliwanag. Wala ka namang kasing hindi nalalaman at tiyak ang sasabihin mong mga dahilan ganoon at ganoon pa rin. Pero naroroon pa rin ang pananambang ng makapangyarihang karahasan na mismo ang estado ang nagpapalaganap.
Ang dulang ito ay hindi nagpapaunawa at wala itong attempt na magpaliwanag. Ang nais nito ay simple lang: ibato sa ating mga sarili ang tanong, ang horror, ang responsibilidad na ukilkilin ang ating mga sarili kung may natitira pa bang katinuan at konsensiya.
Ito ang teatro ni Allan J. Lopez. At sa akin ito ay pagpapakita ng katapangan bilang isang mandudula at isang kasapi ng ating lipunan. Sa dulang ito napatunayan ko na may iba't ibang paraan ng pagkukuwento, ibang uri perspektibo, at kakaibang uri ng pagtrato sa manonood.
Na-shock ako sa aking sarili pagkatapos ng dula.
3rd. Gumamela ni J. Dennis Teodosio
Malungkot ang lovelife pero dapat palaging happy ending. Magaang dalhin ang dula dahil wala naman itong attempt na magpalungkot. Madaling mapasok ang daigdig ng dula dahil ang kabiguan sa pag-ibig ay karanasan na ng lahat. Walang nakatakas. Ngunit sa Gumamela happy
ang lumalaban. Kung ihahalintulad ko ang dula para akong nanood ng mga pelikula ni Meg Ryan - masarap ang pakiramdam paglabas sa sinehan. Hindi ko makakalimutan ang paraan ng pagsubo ni Phil Noble (pangunahing tauhan) sa cake at ang huling tingin niya sa pintuan (na patuloy ang pagkatok ng guwapong lalaki na ilang oras na niyang hinihintay) pabalik ng mesa para ipagdiwang ang kanyang sariling kaarawan. Ganoon ang tinatawag na happy ending - at puwede pala siya sa teatro na hindi siya monopolya ng mas sikat na midyum.
4th. Terengati ni Njel de Mesa
Sa totoo lang nag-enjoy ako sa mga glow in the dark na eksena sa dulang ito. Maganda ang mga kanta at mga kasuotan ng mga artista. Natuwa rin ako sa alitaptap (na kamay ng mga artista) na nagsasalita at lumilipad na tila mga alipato sa dilim. Hindi ko akalain na puwede pala ang ganito sa Labfest. Mas lalo kong ikinatuwa ang na tila mas nag-enjoy ang mga tatay at nanay sa audience kaysa sa kanilang mga chikiting. Kung mayroon lang akong ninanais sa dula - sana'y mas nakita ko pa ang pagiging katutubo ng kuwentong ito mula sa mga dila ng kanyang pinagmulan. Pero hindi naman ako 'children' para mag-demand. Natawa ako.
5th Ang Kalungkutan ng Mga Reynani Flor Quintos
Magaling ang mga artista sa dulang ito at napakaganda ng paghahanay ng mga pangyayari at yunit sa naratibo. Walang duda. Sa galing ng mga artista muntik na akong mapaniwala na teka nga, baka nga naman monarkiya ang mag-work sa atin? At natawa akong bigla sa aking sarili. Honestly, ganito ang mga dula na enjoy na enjoy ako sa panonood. Klaro ang perspektibo at talaga namang bongga ang pagsasadula ng perspektibo. Dito ko minahal ang The Queen and the Rebel ni Hugo Betti. Pulitikal ang tema pero naibaba ito sa lebel ng personal na kabaliwan. Ito ang ikalawang dula ni Floy Quintos na aking napanood. At nangako ako sa sariling simula ngayon babasahin ko na ang kanyang mga dula.
6th Dong-Ao ni F. Sioniol Jose
Aaminin ko naiyak ako sa dulang ito. Naiyak ako hindi dahil sa nakakaiyak talaga ang mga eksena kundi dahil sa isang katotohanan: na hindi pa cliche ang sinasabi ng dula. At mukhang hindi malalaos ang boses ni F. Sionil Jose sa susunod pang mga taon. Totoo pa ang kanyang mga isinawalat at nagaganap pa ito sa ating lipunan: Luzon, Visayas,
Ano ba ang tunay na mukha ng Nasyunalismong Filipino? Sino ba ang nanginabang pagkatapos ng mga rebolusyon? kanino itong 'struggle' na ito? Gahaman nga ba sa glory at power at ang anak ng mga oligarchs? Mananatili pa rin akong mambabasa ni F. Sionil Jose.
7th. Pamantasang Hirang ni Tim Dacanay
Lalaki, chauvist, fratboy, at edukadong tao na pinag-aaral ng mga mamamayan ang mukha ng karahasan sa ating lipunan. Ito ang dulang Pamantasang Hirang sa akin. Kung anong mga lider mayroon tayo ngayon ay ganito ang kanilang kabataan, ang kanilang kimulatang samahan. Nagulat ako sa aking nasaksihan. Maganda rin ang naging pagsasadula na kung paano hindi na napahahalagahan ang mga values na mahalaga sa buhay kapalit ng hindi mawaring kapatiran sa karahasan. Hindi nakapagtataka na sabi nga ng lola ko dati, "Hay, 'nya eroy matalino nga wala namang modo." Si Marcos ang binabanggit niya.
Ito ang mga paborito kong dula sa festival. Umaasa ako na sa mga susunod pang taon may mga paborito na naman akong mga bagong dula na babasahin sa Bloc at mapapanood sa entablado. Mahilig talaga akong manood ng dula. Bago pa man nakasali sa Labfest ang aking mga dula nanonood na ako noon ng Labfest nasa PETA pa lang ang Writers Bloc, Inc.
Hay, masarap talagang manood ng dula...
Thursday, July 17, 2008
Liham ng isang mandudula sa kaibigan niyang mandudula na nagbigay ng suhestiyon na isulat na lang niya ang kuwento ng mga Muslim sa malayong Bosnia.
Kaibigang mandudula,
Nais kong simulan ang liham na ito sa isang napakagandang bagay na aksidente kong natuklasan sa aking katandaan:
Na sa alongan imanto
Na matorak so mongangen
Na imanot peloba’an
So mata’o sa nantapan.
Na alinen ta so mareg
A kasomba sa minalang
A rambayong panganonen
A morop sa inantara’.
Na di’ ta den pangisaden
I kalano a limbagan
Ka di’ ta bo’ kasanayan
So si’ tankolo di’ kasar
Na di’ tarantana’ ilin.
Ka aya kapanatola
Sa an a bantogan iyan
Na pakapepaeman teken
Ka an ta di’ pembalonga
Sa kapepaemenaga on.
Hindi ko rin naiintindihan ang mga salitang iyan dahil isa akong Tagalog at lumaki sa Maynila. Pero banal sa akin ang mga salitang iyan. Banal sa akin ang mga tinipong kuwento sa kung saan hinugot ang mga salitang iyan. Pero pinag-aaralan ko ang wikang iyan at handa naman akong gumastos ng salapi mula sa kakarampot kong kinikita sa pagtatrabaho sa isang kumpanya ng mga Amerikano dito sa Maynila para sa magtuturo sa akin ng wikang iyan. Ito ang salin ng mga salitang iyan sa Ingles.
In these our dark and confused times
Well- informed men are hard to find,
For very few would know all things,
Good and bad or just anything.
Now let us change this condition:
As in the darkening neutral pink
To make a pleasing violet
So let us hope to make a change.
Now we shall not use the old way
But create a mold for our day.
Because it is hard to copy
The pure colors of old models;
And the stars glorified at night
So shall we present the stories
Of our ancestors, our great men,
In one straight continuous tale
So no one will become tired.
Ito ang mga unang salita mula sa napakahabang epiko na nabuhay sa loob ng napakahabang panahon; isang epiko na nagsisimula sa pamamagitan ng pagtuturo sa atin na kailangan ng mga bagong perspektibo sa nagbabagong mundo dahil ito lang ang magpapa-usad sa ating kabihasnan. Humihiling rin sa atin ang epiko na magtiwala- utang na loob magtiwala! – sa kapangyarihan ng kuwento.
Natutuwa ako sa lingguhan nating pagkikita sa PETA Writers Pool at wala tayong ibang pinag-uusapan kundi ang ating mga likha, ang mga dula na naisulat, sinusulat, at isusulat pa lamang, ang mga dula na isinulat ng mga dakilang mandudula na nabuhay bago pa ang ating panahon. Ganoon din ang mga kuro-kuro natin sa ilang dulang napanood o nabasa na kinatha ng kung sinu-sinong mandudula sa Kanluran. Punong-puno tayo ng mga pangarap. Minsan inaabot pa tayo ng madaling araw sa pagkukuwentuhan kasama ang mga kaibigang mandudula sa grupo.
Ganyan natin kamahal ang ating Sining, ang ating bokasyon, ang teatro.
Nagpapasalamat ako sa concern na ipinapakita ninyo sa akin bilang kapwa mandudula. Kinikilala ko na marami na rin kayong karanasan sa buhay at may nalalaman kayo sa mga bagay-bagay na tila bago pa lamang sa akin na lumaki sa Maynila, sa kumportableng pamumuhay na walang ibang pasanin kundi ang mga responsibilidad sa buhay at mga personal na bisyo, sa sarili at sa pang-araw-araw na pangangailangan.
Ang totoo natatakot din ako. Hindi ko kasi alam ang daang patutunguhan – madilim ba ito, paliku-liko, may bubog bang nagkalat sa daan, sinu-sino ba ang makakasalubong ko sa paglalakad. Ngunit nakakatakot din ang nakasanayan nang daan, sa ‘katotohanan’ raw sa lipunang ating ginagalawan, sa kasaysayan, mga kaisipan, at perspektibo na tinanggap nating totoo at hindi matitibag dahil ipinamulat na sa atin ito simula pagkabata, sa paaralan, sa mga unibersidad na ating pinasukan, sa mga kaibigang kinupkop nating kausap sa ibabaw ng kape at mga basyo ng alak. Mga katotohanang hindi na matitibag dahil niyayakap na ito ng nakararami.
Bakit ganyan ang sinusulat mo sa kasalukuyan? Bakit iyan ang tema ng mga dula na sinusulat mo at binabalak mong isulat at ihahain sa entablado at iyong manonood? Bakit mo pinapasok ang daan na hindi mo nalalaman? Sa ating mga kuwentuhan palagi ko itong nakikita sa inyong mga mata. Ang totoo hindi ko kayang sagutin. Wala akong maisip na pinakatamang sagot maliban sa isang damdamin na mayroon ako sa puso at kululuwa – galit.
Mayroon akong galit dahil sa isang marahas na karanasan sa isang malayong lugar na kung tawagin – karahasan na nakuha dahil sa paniniwala sa pagkakapantay-pantay at respeto, mula sa mga tao na nangwalang-hiya ng kapwa nila dahil sa pera, ng isang tao na itunuring na kaibigan na binigyan mo ng pagtitiwala at paggalang ngunit iniwanan ka sa gitna ng laban at nakuhang traydurin sa harapan mo ang sarili niyang mga kababayan—dugo at laman ng kanyang mga ninuno at kasaysayan ng isang kabayanihan na nakakabit sa kanyang pangalan— sa mga lugar na tinatawag nilang may ‘peace and order’, sa isang kasaysayan, sa isang perspektibo, sa paglimot, sa katotohanang tinanggap kong tuwid at tama simula pagkabata – mga daang nakasanayan na kinatatakutan ko nang balikan. Isang nakahubad na nilalang ang galit na sumisiping sa akin gabi-gabi: mayroon na itong laman at kaluluwa.
At masuwerte pa rin ako dahil kaya kong dalhin itong galit, kaya kong mamuhay kasama ang galit na ito – dahil marunong akong magkuwento, marunong akong magsulat ng dula at mga kuwento, may mga kaibigan ako rito sa Maynila na nauunawaan kung saan ako nanggagaling. Kaya nilang pahupain ang galit sa aking puso. May makikinig sa aking kuwento. Ngunit ilang buwan na akong hindi pinatutulog ng galit na ito, ilang buwan na akong hindi makakakain ng tama – dala-dala ko saan man ako magpunta. Minsan naiiyak na lang ako sa pag-alaala sa karahasan, sa kasakiman at sa aking mga pagkukulang at kalabisan sa sarili. Paano pa kaya iyong iba? Silang hindi pinagsasalita dahil sa kaguluhan at karahasan? Silang nasa gilid ng isang malaking kasaysayan. Takot ako sa karahasan. Ayaw ko sa taong humahawak ng baril.
Sa dating daan, kaibigang mandudula, madali sa aking magtapon ng paghusga sa paghawak ng baril, sa kaguluhan, sa digmaang nagaganap. Alam ko kaagad noon kung sino ang kaaway, sino ang nanggugulo. Pero ngayon matapos ang isang marahas na karanasan mula sa isang malupit na lipunan, sa bagong daan, natatakot ako sa aking natuklasan at matutuklasan dahil unti-unti kong nakikita kung bakit kailangang humawak ng baril, ng armas. Kung ano ang tunay na mukha ng kalaban. Hindi ako ganoon katapang. Pero nakita ko ang lahat. Naramdaman ko sa aking mga balat na tila karayom na nanunusok ang isang katotohanan na ikinubli sa akin ng dating daan, ng isang kasaysayan, ng Maynila na aking siyudad na kumupkop sa akin sa maikling panahon ng aking kabataan. Maraming salbaheng tao, malupit ang isang kasaysayan, ang isang perspektibo – may kalupitan ang daang nakasanayan.
Alam mo kaibigan, noong huling lumabas ako ng Iligan (isang lugar na may ‘peace and order’) bitbit ko ang lahat ng aking mga aklat, ang aking mga damit, at sa loob bus may isang takot na pilit kong nilalabanan sa aking loob dahil kapag hinayaan kong pumasok ang takot na iyon sa aking puso mawawala sa akin ang paggalang sa isang kaibigan, tatanggapin ko ang lahat-lahat ng sinabi nila sa akin tungkol sa mga taong ginagalang ko (dahil sa bibig at kaluluwa nila nagmula ang isang kuwentong hinahangaan ko.) Ngayon iniisip ko kung paano ko naiyak ang haba ng biyahe mula Iligan hanggang sa Bulua. Nakatulala akong dumating ng Cagayan de Oro. Nawala ang aking sapatos sa hotel, ang ilang mga aklat, maging ang Darangen na napakahalagang aklat para sa akin. Kailangan kong lisanin noon ang lugar dahil pinagtulungan ako ng mga tao at sasaktan daw ako ng isang kaibigan ayon sa pinuno ng aming organisasyon, huli na nang nalaman na tuso pala at may malabnaw na paghusga ang taong iyon – ang lahat pala ay isang palabas para mapaalis ako sa opisina dahil sa aking mga polisiya at trabaho. Napakarahas. Ilang buwan ang nakalipas may nakapagsabi sa akin na isa palang nakakatawang eksena ang nangyari sa akin. Lahat sila nagtatawa, maging ang kaibigan na itinuring ko at minsan ay ipinaglaban.
Malupit ang nasaksikan ko sa aking buhay, sa mga tao roon, maging sa isang lugar na kung tawagin nila ay may ‘peace and order’, sa mga ginagawa nila sa komunidad at sa mga taong naghihirap. Dahil Muslim sila hindi sila kasali sa listahan. Doon ko nakita ang karahasan ng diskriminasyon. Ang kalupitan ng mga taong may masasamang asal dahil nalugmok na sa kanilang mga personal na interes. Kung paano traydurin ng isang tao ang kanyang nakaraan, ang kanya pagkatao.
Bagaman hindi ko naranasan ang digmaan, kaibigang mandudula, hindi ako naipit sa isang encounter nakita ko ang lahat ng kalupitan sa mga lugar na may ‘peace and order’ – nakaharap ko ang ‘kaluluwa ng kaguluhan’, at napaluhod ako sa mga paa niya, at naiyak. Humingi ako tawad kung bakit hindi ko nalaman, kung bakit hindi ko inalam. Humingi ako ng tawad dahil minsan sa aking buhay ibinigay ko ang aking talino at oras sa pagtatrabaho para sa isang sistema na nagmamalupit sa kapwa, sa mga Moro. Bakit hinayaan ko ang lahat na mangyari? Bakit ako sumuko tinakot lang ako minsan? Bakit napaka-duwag ko gayong tama naman ang aking ginagawa? Malaki ang naging kasalanan ko sa aking sarili, kaibigang mandudula at marahil, ito rin ang hindi nagpapatulog sa akin araw-araw at ito rin marahil ang nagtutulak sa akin na tunguhin ang daan na hindi ko pa napupuntahan.
At ang mga dulang ito, kabigang mandudula, ay paglilinis ng aking konsensiya. Nais kong ibalik ang paggalang at respeto ko sa aking sarili. Halos kalahating siglo na ang kaguluhan, marami nang namatay at namamatay marahil may katotohanan na sa kanilang sinasabi at ipinaglalaban – at nais kong mahawakan ang katotohanang iyon gaano man kainit ang pagdarang. Ang katotohanang iyon marahil ay isang significant human experience na kailangang mailagay sa tradisyon na pinanghahawakan nating magkakaibigan – ang tradisyon ng Panitikan. Dahil ako at ikaw, ay mga mandudula, mga manunulat, at alagad ng ating mga Sining. Hindi ko kailanman pagtataksilan ang aking Sining, ang aking entablado, ang aking pagkatao.
Nais kong lagyan ng dignidad ang salitang ‘mandudula’ na naka-kabit sa aking pangalan tulad ng nais na mangyari ng guro nating si Rene O. Villanueva – tulad ng dignidad na ibinibigay ng mga kapatid nating mga Muslim sa kanilang mga sarili at matawag na ‘Bangsa Moro.’
Hindi ako humahawak ng baril sa galit, kaibigang mandudula, pero naniniwala akong makapangyarihan ang ating mga Salita, ang ating Sining, may kalaayan pa ang entablado sa ating bayan at hindi pa ito alipin ng merkado, at may paggalang pa ang ating kasaysayan sa kalayaan ng tao na mag-isip at magpahayag ng isang katotohanan ayon sa kanyang perspektibo.
Naniniwala pa rin ako na mayroon tayong responsibilidad na ibalik sa ating mga manonood ang alaala dahil nasa kaliwang kamay ng Sining ang katubusan mula sa kalupitan ng paglimot at kawalang-pakialam… at kaligayahan pa rin para sa atin na lagyan ng kaluluwa at puso ang kasaysayan. Mananatili tayong mandudula ngayon at sa darating pang mga araw. At darating din ang paghilom ng aking sugat sa kaluluwa, huwag kang mag-alala. Naniniwala pa kasi ako sa pag-ibig.
Mabuhay ang teatro. Mabuhay ang walang hangganang pag-iisip.
Ang iyong kaibigang mandudula.
My Praise Worthy (Archive)
(Ang blog na ito naka-post sa dati kong blog. Sinulat noong Pebrero, 2008)
Ang Aking ‘Praiseworthy’
Mayroon akong ikukumpisal at binibigyan kita ng kalayaan na tawanan at hamakin ako sa isang munting sikreto na hindi ko man lang sinasabi sa aking mga kaibigan.
Ang ikalawang Meranao na nakilala ko sa aking buhay ay isang boses sa telepono, mga letra sa screen ng aking cellphone, at mga mukha sa friendster na may mga matang palaging parang may itinatanong. Isa siyang estranghero at sa nakakatawang pagkakataon nailagay ang numero niya sa aking phonebook ng isang dating kasama sa Maynila na nadalaw ko sa Davao City noong Abril 2007.
Maaring hindi ko pa nahawakan ang kanyang mga kamay o naramdaman man lang ang init ng kanyang mga hininga mahalaga siya sa aking buhay sa napakamaraming dahilan na maging siya ay hindi mauunawaan ipaliwanag ko man sa kanya nang ilang ulit. Ang kanyang mga boses ang nagbigay sa akin ng ikalawang buhay; ang kanyang mga salita ang nagligtas sa akin sa isang kapahamakan. Ang pag-asa na kami ay magkikita balang araw ang nagligtas sa akin sa bitag na paniwalaan ko ang lahat-lahat ng mga masasamang pantukoy na sinasabi sa akin noon ng mga ka-opisina ko sa Lanao del Norte tungkol sa mga Meranao.
Ipinagmalalaki ko siya sa aking mga kaibigan at hindi ko ikahihiyang ipakilala sa aking mga guro at pamilya. Naroon siya sa Malabang at nagtatrabaho bilang community at development worker. Nasa kanayunan. Minsan naitanong ko sa kanya kung naisip niya bang magtrabaho sa Maynila o sa ibang lugar, sa siyudad halimbawa tulad ng daigdig na aking ginagawalan. Ang sabi niya gusto niya raw may mangyari sa Lanao, gusto niya raw manatili sa Lanao at makatulong sa kapwa niya Meranao. Sa kanya ko unang nakilala ang salitang maratabat – isa siyang Meranao na may maratabat— ang ikalawang Meranao na nakilala ko sa aking buhay at ang una kong karanasan sa maratabat.
Minsan natatakot ako magbitiw ng mga salita sa kanya o may gawing isang bagay na baka ikagalit niya. Palagi niyang sinasabi na pasensiya na sa kanyang mga pagkukulang pero ako rin naman ay may pagkukulang sa kanya—ang pagiging impatient at prangka na wala sa lugar. Ayaw ko siyang masaktang sa aking mga kapabayaan at minsa’y putang amang isip-batang pag-uugali. Sanay kasi akong magsalita ng diretso; ibulalas ang aking nararamdaman na hindi iniisip kung ano ba ang mararamdaman ng makakarinig. Marunong naman akong humingi ng tawad sa kanya. At alam ko namang may kahabaan ang kanyang pasensiya dahil mabuti siyang tao. Dahil mabuti siya sa akin. At mananatili siyang isang kaibigan.
Hindi ko malimit na gawin ito sa tao pero ipinadala ko sa kanya sa Malabang ang mga burador ng aking mga kuwento at dula—mga personal na kopya ng aking mga likha. Nais kong ibahagi sa kanya ang ilang piraso na aking mga pinag-kakaabalahan sa buhay, ng aking buhay: ang aking Sining. Naniniwala kasi ako minsan na mas naiintindihan ako ng aking mga kaibigan sa aking mga sinusulat. Mahirap daw kasi akong unawain at pakisamahan. Unpredictable na wala sa lugar at madaling mapapatid ang lubid ng iyong pasensiya kung hindi mo ako kilala. Huli kong ginawa iyon noong kolehiyo – binigyan ko ng sipi ng aking kuwento ang isang iniibig.
Kaya nitong Nobyembre isang dula ang sinulat para sa kanya – Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte. Isa siyang dula na tumatalakay sa kung paano nakikipagtunggali ang dalawang tao na mula sa magkaibang mundo para sa isang disenteng pagkakaibigan sa isang malupit na lipunan. Hindi siya love story pinangungunahan ko na. Biniro niya ako noon minsan na sumulat daw ako ng dula na siya ng bida. Seryoso akong tao kaya mahirap akong biruin kaya heto isang dula ang isinulat ko sa kanya. At nabanggit niya sa akin na mayroon siyang motor na minamaneho niya palagi sa kanyang trabaho na biniro ko namang isang habal-habal (na talaga namang kinatatakutan kong sakyan.)
Hindi palagi na mayroong akong nakukuhang inspirasyong magsulat dahil isang tao. Nangyayari ito noon sa aking kabataan, sa high school na hindi ko na matandaan at tinatawanan ko na lamang minsan kung aking naaalala.
Ang totoo, nais ko siyang makita at matingnan ng diretso sa mata dito sa aking siyudad. Siya ang Marawi sa aking panaginip na ipinagkait sa aking madalaw ng mga karanasan ko sa pakikisalamuha sa mga tao sa Lanao del Norte, ang Lawa sa aking mga pangarap. Mabuti siyang tao pero mayroon siyang mga limitasyon. Nais kong magpasalamat sa kanya sa buhay, sa pag-asa, sa pagliligtas at sa inspirasyon at sa kabaliwan ng Sining at pagkakaibigan. Palaging maghihintay ang mga pantalan ng aking siyudad sa kanyang pagdating.
Tinanong ko siya minsan, ano ang ibig sabihin ng pangalan mo dahil tiyak may meaning iyan. Ang sabi niya, “Praiseworthy.”
Maaring hindi ko pa kilala ang buo niyang pagkatao. Maaring may mali sa kanya at tao rin siyang katulad ko: may mga maling desisyon sa buhay, may limitasyon, may mga lihim na kailangang manatiling lihim, may kasamaan. Ngunit ang lahat ng iyon, para sa akin ay isang misteryo na kailangan kong tuklasin sa kanya at tanggapin nang buong-buo na walang bahid ng paghusga. Matuto lang siyang humingi ng tawad at mangakong hindi na uulitin.
Ngunit maari din naman akong magkamali—pero sigurado pa rin akong tao siya na buong-buo at tao rin akong haharap sa kanya. Maganda pa ang daigdig.
Ang Mabubuting Tao (Archive)
Ang Mabubuting Tao
December 31, 2007 huling araw ng 2007 at nandirito ako sa opisina at nagtatapos ng ilang mga gawain. Kailangan ko na kasing tapusin ang report ng site namin tungkol sa Disciplinary Action status ng mga empleyado: sinu-sino ba ang mga pasaway, ano ba ang palaging violations at gaano kadalas ang mga violation na ito. Nasa ikatlong quarter pa lamang ako ng taon (July, August, September)- at sa tatlong buwan na ito mayroon nang 1002 na reported violations na naganap sa site. Maraming nagkamali; marami ang hindi sumunod sa patakaran ng organisasyon. Gusto kong matawa.
Sa darating na taon umaasa ako na sana may makilala akong mga bagong tao na may pagpapahalaga sa ano ang wasto at hindi wastong kilos at sa matamang pakikipag-kapwa tao. Malungkot kong isasara ang taon na ito dahil sa taong ito ko nakikila ang lahat ng masasamang pag-uugali ng isang tao na maari niyang ipakita at ibahagi sa kanyang kapwa – ang pagtatraydor, ang kawalang-galang, ang korupsiyon, ang pagiging mapang-husga, ang kababuyan sa katawan at sa trabaho, ang karahasan. Ito ang mga pag-uugali na ipinakilala sa akin ng Diyos sa taong 2007. Malupit na mga karanasan mula sa mga taong walang puso dahil kaya nilang pagkakitaan ang mga taong naghihirap, hindi galangin ang mga taong namumuhay ayon sa kanilang kultura at relihiyon. Ngunit sa isang banda iniisip ko rin na mabuti na’t bata ako nang makaulayaw ko ang mga pag-uugaling ito dahil iingatan ko na ang aking sarili sa mga susunod pang taon ng aking buhay – iingatan kong mapahalubilo sa mga ganitong tao. Hindi pala minsan sapat ang makipag-kapwa tao ka at aasahan mong susuklian ka ng pakikipag-kapwa tao rin. Maraming may masasamang budhi sa mundo. Maraming masasamang tao.
Umaasa ako sa pagdaloy ng aking buhay may makikilala akong mga tao na tunay, marunong makipag-kapwa tao, at may pagpapahalaga sa damdamin ng iba. Umaasa rin ako ng pag-ibig—iyong pag-ibig na may paggalang, pagtitiwala at may maayos na intensiyon sa katawan at kaluluwa. Sa panahon at lugar na puro kasamaan minsan kailangan ng puso, ng pagpapatawad, ng tamang galit upang ituwid ang pagkakamali sa dalisay na paggalang sa limitasyon ng tao na maari siyang magkamali anumang oras.
Nakaupo ako ngayon sa harap ng aking computer, nakatalungko sa mamahaling upuan sa opisina, at dahil bakasyon ako lamang ang kaluluwa sa departamento, tahimik ang paligid, at iniisip ko ang aking mga kaibigan kagabi – ang luha ng isang kaibigang makata na unang narinig ang kuwento ko sa dati kong trabaho sa Lanao del Norte at ang pagta-traydor ng isang kaibigan – may mga tunay pala akong kaibigan na may pagpapahalaga sa aking damdamin at pagkatao, sa aking pagdaramdam at mga hinanakit sa buhay at hindi nila ako iiwanan, mga disenteng tao— may pinag-aralan, may takot sa Diyos, pinalaki nang maayos ng kanilang mga magulang at pamilya.
At sa ibabaw ng aking mesa may isang baso ng sorbetes – hayun siya nakikita ko— Rocky Road, Tiramisu, at Dutch Treat na naghihintay sa akin. The world is a beautiful place for people who believe in genuine human relationships.
Ikatlong Blog, Unang Post
Sa huli, bagaman eksaherado na kung sasabihin ko pa na ang blog na ito ay tungkol sa akin, ito ang aking kalawakan, tungkol ito sa aking karanasan, sa kung paano ko tinatanaw ang daigdig. Maaaring may lalamanin ang blog na ito na hindi sang-ayon sa inyong panlasa o panimbang. Sana'y ipakita lang natin ang paggalang o maari namang huwag nang bisitahin ang blog na ito. Pasensiya na kulang lang talaga ako minsan sa pansin.