MINSAN NATATAWA AKO sa sarili ko kapag naiisip ko ang suweldo at benefits bilang pangunahing factor kung mananatili ba ako sa trabaho o hahanap ng ibang mas 'greener pasture.' Natatawa ako dahil parang hindi ko na nakasanayan ang mga ganitong dahilan sa tuwing ginagawa ko ang exit interviews sa mga nag-resign na empleyado. Ito kasi ang malimit, hindi ko sinasabing palagi, na dahilan ng mga taong panandaliang solusyon (sa pera at luho) ang hanap hindi career.
Normal na sa industriya ng call center industry ang mataas na attrition rate. Mabilis kasi ang turnover sa industriya. Ang mga ahente at empleyado parang damit na namimili sa samu't saring call center na nagsusulputan sa tabi-tabi. Kapag may bagong call center sige ang lipat ng mga tao - 'mas lamaki raw yata ang suweldo at benefits!' parang apoy na kakalat kaagad ang balita. Normal ito sa call center industry. Ito ang excitement sa aming industriya. Ngunit sana'y manatili ang ganitong kultura sa call center industry.
Marami nang pag-aaral ang isinagawa upang ituwid ang paniniwalang 'salary and benefits' ang tanging makapagpapanatili sa isang empleyado na manatili sa isang organisasyon. Simulan mo kay Maslowe at tapusin mo sa pinakabagong management book na mahuhugot mo sa bookstore. Ang pagkahumaling sa ideyang ito ay maaari ring mapag-usapan sa punto de bista ng mga management style ng mga Hapones. Lifetime employment ang sa kanila. Hindi dahil sa pera o anumang materyal na bagay ngunit malalim ang pinag-uugatang dahilan nito sa kanilang kultura.
Ano nga ba ang makapagpapanatili sa isang empleyado sa kanyang organisasyon?
Sa aking karanasan, culture at values ang isa mga bagay na nagpapanatili sa isang tao na manatili sa isang organisasyon. Culture and values din ang siyang tinitingnan ko sa loob ng anim na buwang probationary period ko sa isang kumpanya. Bakit ako papasok at magbibigay ng aking talento sa isang organisasyon na may taliwas sa culture at values sa aking personal na culture and values? Ito rin ang formula ko sa pananatili sa isang kumpanya. Mahalaga kasi sa akin, bilang isang indibidwal at propesyunal ang mga values at kultura ng organisasyon. Ilang beses na ba akong nakarinig ng mga horror stories na kahit mataas ang suweldo e nagre-resign? O iyong kahit mababa ang suweldo pero 'happy ako sa boss ko at sa nacha-challenge pa rin ako sa trabaho ko!'?
Hindi lamang materyal na bagay ang kailangan ng tao. Ang tao ay isang dinamikong lakas na kailangan palaging may pag-unlad, paggalaw. Palagi rapat may challenge. Kung may challenge palaging may change. At mahalaga sa development ng isang indibidwal ang 'kultura ng pagbabago'. Ang isang empleyado ay isang indibidwal, isang tao. Hindi siya makina na papasakan lang ng 'salary and benefits' para gumalaw at maging kapaki-pakinabang.
No comments:
Post a Comment