“Lapit mga kaibigan at makinig kayo,
Ako’y may dala-dalang balita galing sa bayan ko.
Nais kong ipamahagi ang mga kuwento
Ng mga pangyayaring nagaganap
Sa Lupang Pangako.”
“Kapwa Filipino ay pinapahirapan mo.
Ang gulo…”
-mula dalawang popular na awitin ng ASIN.
NARITO ANG DALAWANG awitin na sa aking palagay napakagandang halimbawa ng naratibo ng Lanao del Norte. Sikat hanggang sa ngayon ang mga awiting ito at itinuturing na ‘makabayan’. Ano nga ba ang naratibo ng Lanao del Norte?
Nitong Sabago ng gabi inabangan ko muli ang programa ni Howie Severino na ‘Reporter’s Notebook’ dahil interesante ang mga usapin na tinatalakay ng mga dokumentaryo na ipinalalabas nila. Isang linggo lang ang nakalilipas nang ipilabas nila ang isang dokumentaryo tungkol sa ‘karangaya’ (arranged marriage), isang tradisyung Meranao na nabubuhay pa hanggang sa ngayon gaano man kabilis ang takbo ng panahon. Bagaman sa simula ng palabas nagbigay ng kanyang ‘value judgement’ (naawa raw siya sa mga batang ikinakasal) ang lumikha ng ‘karangaya’ documentary nakita ko namang may paggalang sa kultura at sa karangaya ang kanyang likha. At ito ang nag-engganyo sa aking abangan ang Reporter’s Notebook sa sumunod na Sabado gaano man kalalim ang gabi kung ito ay magsimulang umere sa telebisyon.
Ngunit ang ‘Alipin’ ni Maki Pulido ay isang naratibo ng Lanao del Norte, isang uri ng pagkukuwento bilang opresyon ng mga Moro. Ang naratibong ito ang nagbibigay pundasyon sa mas malalim pang problema sa ating lipunan: ang pagkakaroon ng rason ang diskriminasyon at opresyon ng mga Moro sa lahat ng aspekto ng buhay-buhay Filipino at paglikha ng imahen ng mga Moro na ang kanilang pamumuhay ay hindi naayon sa isang ‘moderno’ at ‘sibilidasong’ pamamaraan, isang imahen na nagbibigay rason sa isang kapangyarihan na tumatangging bitiwan sila bilang mamayan at ipamahalaan ang kanilang interest at mga posibilidad sa buhay.
Ang pang-aalipin ng tao at ang pagbebenta ng isang tao bilang alipin ay isang imoral at iligal na gawain tingnan mo man ito sa iba’t ibang perspektibo. Isa itong katotohanan sa ating lipunan. Ang dokumentaryo ay tumatalakay una sa kalagayan ng mga taong naging alipin kasama na rito ang paraan kung paano siya naging alipin (abduction) at ikalawa, sa kultural na aspekto ng ‘pang-aalipin’.
Tungkol sa kuwento ng mga taong naging ‘alipin’ sa Lanao del Sur ang dokumentaryo. Inilahad ni Maki Pulido ang kuwento ng mga biktima kung paano sila nailagay sa kanilang sitwasyon. Abduction ang siyang namamayaning dahilan ng pang-aalipin. Karaniwan na ang kuwentong ito sa ating lipunan lalo na rito sa Maynila. Isang bata ang ninakaw at nakitang namamalimos sa lansangan ilang araw matapos mawala o kaya’y ibinebenta sa isang pamilyang hindi magka-anak, isang babae na napilitang mangamuhan mabayaran lang ang utang ng kanyang mga magulang, mga Aeta sa Zambales na ikinakalakal sa kapatagan bilang katulong sa pastulan o dagdag na kamay sa bisnis ng nakabiling amo, at samu’t saring kuwento ng pagbebenta ng tao bilang isang komoditi. Ang totoo, aminin natin o hindi, maraming tao sa Maynila ang ‘guilty’ sa pang-aalipin kung gagamitin nating barometer ang ‘pang-aalipin’ na inilalahad ng dokumentaryo. Ilang beses na ba akong nakarinig ng mga misis sa opisina na naghahanap ng kasambahay sa pamamagitan ng pagtatanong ng ‘Oy, baka may kilala ka naman sa probinsiya niyo, pinsan mo o kilala mo na puwedeng magkatulong sa akin?” Malimit mga batang babae mula sa probinsiya ang kinukuhang kasambahay ng mga tao rito sa Maynila – pinsan ni ganito, kapatid ni ganyan, kapitbahay ni Waray, pinsan ni Cebuano, etc. Mabenta ang mga probinsiyana bilang kasambahay dito sa Maynila. Ilan ba sa aking mga tiyang Waray ang narito sa Maynila dahil nangangamuhan at bawat pag-uwi mula sa amin sa Tacloban may dala-dalang dalaga magpakatulong? Ang abduction ng isang sindikato o isang tao ay bawal at imoral ngunit ang pagpapadala ng isang lipunan sa kanyang mga kadagalahan sa ibang nayon bilang alipin, bilang katulong, isang normal na gawin (sabi nga ng isang dula na napanood ko basta legal lang ang passport)? Ilan sa mga kasambahay na ito ang hindi nababayaran ng sapat? Walang proteksiyon ng batas sa mga paglabag sa mga itinakdang labor standard? Ilang beses na ba nating nakikita sa telebisyon ang isang kapatid ng senador na nangmaltrato ng kasambahay at ginawa pang kabayo ng plantsa ang likod ng probreng babae?
Ang tanong ko ay ganito: kailan nagiging imoral at hindi katanggap-tanggap sa lipunan ang pang-aalipin? Ano ang istandard? Baka may istandard nga? Kung paano siya naging alipin o baka naman kung sino ang nang-aalipin ang istandard? Hindi ba’t ipinadadala nga nating kasambahay ang mga nanay, ate, mare, ditse natin sa ibang bansa at tinatawag nating Bagong Bayani pagkatapos?
Ang ‘pang-aalipin’ ay hindi lamang nagaganap sa Marawi City, sa mga Meranao. Oo, sa mga Meranao ayon sa dokumentaryo. Bagaman isang beses lang binanggit ang ‘Meranao’ sa kabuuan ng dokumentaryo ito ay patungkol sa kanila. Hindi ito maikukubli. Sa simula ng palabas binanggit na hindi Islamic (hindi talaga ito gawain ng isang Muslim) ang pang-aalipin—kung gayon ito ay isang kultural na pagdanas! Ito ang unang anyo ng naratibo ng Lanao del Norte: hypocrisy. Hindi ang relihiyon ng ating problema mga arie, ang uri ng iyong pamumuhay. Hypocrisy. Nagagamit din ang hypocrisy na ito sa iba’t ibang sistema at pamamaraan: sa mga interfaith dialogues, sa mga iba’t ibang peace building activities, hanggang sa pinanonood mong dula na nagpapalabas ng mga katutubong sayaw at galaw ng mga Moro.
Ang pang-aalipin ay isang katanggap-tanggap na gawain sa ating lipunan ngunit nagiging ilegal lamang kung lalabas ka sa itinakdang limitasyon ng batas at moralidad. Batas at moralidad marahil ng mga Filipino.
Kung mayroon man akong ikinagulat sa dokumentaryo ay ang pagtalakay sa ‘aspektong kultural’ ng pang-aalipin.
Sandali—nais ko lang liwanagin ang aking sarili. Hindi ako magbabalat-kayo tulad ng isang Kristiyanong-cultural-worker-cum-artist-from-Mindanao na malalakas ang boses na nagsasabi sa mga taga-ibang lugar na huwag niyong gagamitin ang ‘aming’ kultura at ‘aming’ karanasan dahil hindi kayo taga-rito. Hindi ako ganoon dahil hindi ko iyon gagawin sa kapwa ko alagad ng Sining mas lalo na sa mga taong nais na magpahayag ng kanilang sarili at kuro-kuro sa daigdig. At hindi rin ako taga-Mindanao. Ayaw ko kasing ginagawa iyon sa akin. Sa akin ang pagtalakay sa lahat ng isyu at karanasan ay kalayaan ng pag-iisip. Walang tunay na alagad ng sining ang yuyukod sa sinumang Big Brother na magsasabi sa kanya kung ano ang dapat at hindi dapat isulat at ipinta. Ang magdikta ay gawain ng mga tyrant na lider ng lipunan, ng censors, at hindi ng kapwa ‘artists’ at ‘cultural workers’.
At dito ko hinangaan ang Reporter’s Notebook. Tinatalakay nila ang mga isyu na kinatatakutan at ini-isnab nating pag-usapan. Nais nilang magkaroon ng opinyon ang taumbayan sa mga isyung lantad o ikinukubli ng kung sinong Big Brother. Kung tutuusin wagi si Maki Pulido sa ginagawa ko ngayon: mayroon na akong sariling opinyon sa isyung nais niyang talakayin sa kanyang likha.
Malaking isyu sa akin ang pagtalakay sa kultural na aspekto ng pang-aalipin sa dokumentaryo. Ang totoo, hindi naman talaga tinalakay ng nang maayos at may paggalang ang ‘cultural’ na aspekto ng pang-aalipin at hindi rin ako kumbinsido kung talaga ngang may ganitong nagaganap sa Lanao del Sur lalo na Marawi City. Nakapasok kasi sa likha ni Maki Pulido ang mga hibla ng naratibo ng Lanao del Norte.
Ang naratibo ng Lanao del Norte ay kagamitan ng isang malupit na Big Brother upang ipalaganap ang takot nang mapanatili ang isang status quo sa ating ating lipunan: ang patuloy na opresyon sa mga Moro at kasabay nito ang pagtanggal ng moral na paghusga ng lipunang Filipino sa gawaing ito. Takot, ito ang laman at dugo ng naratibo ng Lanao del Norte.
Sa dokumentaryo ni Maki Pulido kitang-kita ko ito. Ang ale na tinutulungan ng isang Commander Jaguar na makuha sa mga umalipin sa kanya ang mga naiwang anak sa Marawi City, ang isang sundalo na kumupkop sa isang batang Waray na inalipin ng isang pamilya sa Lanao del Sur, ang pagtakas ng isang mag-asawa patungong Malabang mula sa pagmamalupit ng isang pamilyang Meranao na umalipin sa kanila at niligtas naman sila ng isang taong may Kristiyanong pangalan. Isang babaeng niligtas ng mga sundalo sa pang-aalipin ng isang komander ng MILF. Mga sundalo ang nagliligtas sa mga ‘alipin’. Nagkagulo sa naman sa isang kampo ng mga sundalo dahil may alipin na namang nakatakas at tumakbo ng Iligan. Kitang-kita ko ang takot sa mga mata ng babaeng inalipin na katabi ng isang social worker mula sa Iligan – ayaw nang bumaba ng sasakyan ang babae dahil baka makita ‘raw’ siya ng umalipin sa kanya sa mga lansangan ng Iligan kaya sabi ng social worker na dadalhin na lang siya sa Cagayan de Oro City dahil ‘mas safe’ daw doon. Berbal din na inamin ni Maki Pulido ang takot habang itinatakas ang mga bata patungo sa pinagtaguan ng inaliping ina. Ang pang-aalipin ay isang open secret sa Marawi City ngunit walang nagsasalita rito dahil sa takot dagdag ng dokumentaryo. Nagbukas ang dokumentaryo ni Maki Pulido sa historical background ng pang-aalipin na practice pa noong bago pa man dumating ang mga Kastila, ang ‘sibilisasyon’ kung baga (aking interpretasyon) habang nakalapat sa mukha ng telebisyon ang ilang imaheng Moro (iyong picture ng Iranun na nasa pabalat ng isang aklat na tumatalakay sa kasaysayan at kultura ng mga Iranun Moro). Tinanong ang isang inilipin kung sino ang umalipin sa kanya. Kitang-kita raw ang takot sa mata ng babae at hindi niya mabanggit ang pangalan ng umalipin sa kanya sa Lanao del Sur.
Ito ang mga imahen sa dokumentaryo. Ang takot na ipinalulutang sa likha ni Maki Pulido ay isang uri ng takot na kahit kailan hindi naging mabait sa mga Moro. Ipagmayabang man ng isang Meranao na natatakot sa kanya ang mga hindi Muslim sa Lanao hindi nagiging pabor sa mga Moro sa pangkalahatan ang takot na ito kung ito na ay paghahatian na ng higit sa dalawang tao, ng isang komunidad, ng isang baranggay, ng isang Munisipalidad, ng isang buong Probinsiya, ng isang bansang may mas malakas na gubyerno at militar. Ng isang nasyon. Ng isang kasaysayan at kolektibong pagdanas.
Heograpikal ang naratibo ng Lanao del Norte. Nasa Lanao del Norte, sa Iligan halimbawa at sa kampo ng mga sundalo nakuha ang halos higit sa kalahati ng mga larawan at kuwento sa dokumentaryo. Inilalatag ng dokumentaryo ang landas na dadaanan ng manonood upang matalakay ang kultural na aspekto ng pang-aalipin sa Lanao del Sur. Ito ang malaking pagkakamali ng likha ni Maki Pulido—ang talakayin ang ‘kultura raw’ ng mga Meranao Moro sa punto de bista ng naratibo ng Lanao del Norte. ‘Iba’ ang siyudad na Marawi City sa isang taga-Marawi City sa ‘Marawi City’ ng isang taga-Iligan. Sa pagpapakilala palagi ng mga tao sa kanilang siyudad sa Lanao – Ang Iligan ay ‘Christian City’ at ang Marawi ay ‘Islamic City’. ‘Iba’ ang Lanao del Norte sa Lanao del Sur sabi nga ng mga kasama kong hindi Muslim noon sa Lanao del Norte makumbinse lang akong huwag tanggapin ang Meranao na volunteer na naga-apply sa aming opisina sa Lanao del Norte. Na dalawa raw kasi ang Lanao.
Sosyal din ang naratibo ng Lanao del Norte. Dito mauunawaan lamang ang naratibo ng Lanao del Norte sa konsepto ng hypocrisy. Iba ang sinasabi ng isang tao sa kanyang ginagawa. Kung ano ang kaniyang ginagawa hindi iyon ang kanyang intensiyon. Iba ang mukha na ihaharap sa iyo kung ikaw ay Meranao at Muslim. Ang hypocrisy na ito ay kasing karaniwan at kawangis ng pagbagsak ng tubig sa Maria Cristina falls. Makikita ito sa lahat ng aspekto ng buhay-buhay maging sa mga palabas at panitikan na nalalathala at ipinalalaganap sa siyudad. Mahirap kong matanggap ang mga inaliping ito na magsasabi ng ‘kultural na aspekto’ ng pang-aalipin sa Lanao del Sur. Hinintay ko ang isang taga-Marawi City, isang Meranao ang magpapaliwanag ng suspetsang pang-aalipin na ito. O kung totoo mang ‘open secret’ ito at bahagi ng kanilang kultura ipaliliwanag niya ng maayos ang kanilang ‘kultura’ tulad halimbawa ng dokumentaryo tungkol sa ‘karangaya’. Ngunit makapangyarihan talaga ang naratibo ng Lanao del Norte: wala raw magsasalita tungkol dito dahil sa takot. Takot, takot, at takot.
Political din ang naratibo ng Lanao del Norte. At dahil ‘nakakatakot’ nga na talakayin ang isang isyung krimen sa sangkatauhan tulad ng pang-aalipin at sabi nga sa dokumentaryo, hindi ito kayang resolbahin ng mga pulis at maging mga pulis din ay natatakot—may justification na naman ang pagkakaroon ng mga militar sa Lanao. Ang pagpapanatili ng peace and order, ng batas ng mga Filipino ay tila institusyon nang matatanggap na sa Mindanao na ipinatutupad ng mga sundalo at Marines. Laliman nga natin ng kaunti ng isyu na hindi naman tayo lalabas sa mga metro ng usapan: bakit nga ba may mga military at marines sa halos lahat ng lansangan ng Mindanao? Ang sagot marahil ay matagal nang naghihintay sa ating mga Filipino, sa ating mga ordinaryong Filipino na tila iniwanan na sa mga militar, sa tarantadong pulitiko at nasa ‘kapangyarihan’ na walang interes kundi ang kanilang interes ang isang isyung dapat na tinatalakay ng sangkatauhan ano man ang antas ng iyong pamumuhay: ang kalayaan.
Personal din ang naratibo ng Lanao del Norte dahil tinatanggal nito ng accountability sa mga ordinaryong Filipino sa ginagawa ng kanyang pamahalaan at lipunan sa mga Bangsa Moro. Iba ang iyong narinig kaya wala kang kasalanan. O wala kang nalalaman dahil malayo ang Mindanao at hindi sa iyo ito ipinaalam sa paaralan. O mas malala, wala kang kasalanan dahil ‘normal’ naman ito sa Mindanao dahil sadyang magulo talaga dun hindi pa man ako ipinapanganak.
Malaki ang papel ng naratibo ng Lanao del Norte upang iligtas ang konsensiya ng mga Filipino kung sakaling maningil na ang kasaysayan sa lahat-lahat na dinanas ng mga Bangsa Moro sa kanyang mga kamay. Kaya malaking kapangyarihan ang nangangalaga sa pananatili nito bilang istraktura sa ating lipunan.
Ngunit tulad nga ng tanong ko sa aking dula, sa Lanao del Norte kanino bang ‘peace and order’ yan?
Ano nga ba ang mukha ng ‘peace and order’ sa labas ng naratibo ng Lanao del Norte?
Ni hindi ko nasilayan ang matinong paliwanag ng dokumentaryo sa pinanggagalingan ng ‘pang-aalipin’ sa Lanao del Sur. Hindi ako kumbensido sa mga sundalo. Hindi sapat ang karanasan ng mga hindi Muslim upang ipaliwanag ng obhetibo ang ganitong pangyayari sa kultural na aspekto.
Tandaan: sa naratibo kasi ng Lanao del Norte kapag ang Moro ay umalma o magsalita sa katotohanan ng kanyang opresyon sa ilalim ng hypocrisy o lantarang pananalbahe ng mga hindi Muslim sa Mindanao, siya ay nanggugulo, kalaban ng bayan, laban sa napakagandang pakinggan at tila halimuyak ng mga mapanghalinang rosas sa hardin ni Bathalang kung tawagin ay ‘peace and order’. Ito rin ang naging karanasan ko noon sa dati kong trabaho – nung magsalita ako sa patagong diskriminasyon ng mga Moro sa proyekto namin sa Lanao del Norte ako raw ay nanggugulo. Sa pagsasabi ng totoo magkakaroon daw ng kaguluhan sa kumunidad.
Ang ‘Lanao del Norte’ ang pinakamalupit na tayutay na naimbento sa kasaysayan ng modernong pananalita. Wala itong ibig sabihin kundi personipikasyon ng opresyon ng mga Moro.
Makapangyarihan ang naratibo ng Lanao del Norte – tulad ito ng panggagahasa sa isang lantad na lugar—marahas nang naglalabas-masok ang mabaho at marungis na titi sa puki mo nakatakip pa ang bibig mo para busalan ang karahasan at kung kagatin mo at sumigaw ka ng tulong ikaw pa ang mapapahiya sa madla dahil sa mga panghusga. Ito ang mukha ng opresyon ng mga Moro sa ating lipunan: kung ang isang hindi Muslim at Kristiano sa Mindanao ang makaranas ng pananalbahe, halimbawa ang pang-aalipin, madaling tumakbo sa mga sundalo at midya at humingi ng tulong, ang Moro kaya na ninakawan ng lupa, ng dagat na pangingisdaan, na tahasan at lantarang nakararanas ng diskriminasyon sa lipunan, na pinagkakaitan ng kalayaan bilang isang indibidwal saan sila tatakbo—sa sundalo Filipino? Isang itong malupit na parikala. Kasing tingkad ng pagka-Filipino natin at pagmamahal sa ating nasyunalismo at bayan ang pagtanggap sa ganitong kamalian ng ating pamahalaan, ng ating lipunan. Makapangyarihan talaga ang naratibo ng Lanao del Norte na maging ang lente ng kamera ng isang respetadong mahahamayag ay kayang tapunan ng burak na may halimuyak ng rosas.
Ngunit ano ba talaga ang pinagmumulan ng kaguluhan? Bakit ba nakakatakot magsabi ng kototohanan sa isang lipunan na nagba-bandera na may pamahalaan na kumakatawan sa kanyang mamamayan, demokratiko, at may mga batas at naniniwala sa konsepto ng ‘peace and order’?
Ang naratibo ng Mindanao ay hindi lang kuwento ng mga Kristiano at hindi Muslim sa Mindanao, hindi lang ito kuwento ng mga lumad, at mas lalong hindi lang ito kuwento ng mga Kristiano at hindi Muslim na nagkukuwento sa buong sambayanang Filipinas ng karanasan at pangyayari sa Mindanao. Naratibo rin ito ng mga Bangsa Moro. Ng kalayaan at hindi lang basta kalayaan at magsarali kundi kalayaan ng isang tao na itapon sa daigdig ang kanyang mga posibilidad. Human freedom, ika nga sa Ingles. Naratibo ito ng isang ‘struggle’. At naratibo rin ito ng kahit na sinong Filipino na tulad ko saan man akong sulok ng Pilipinas. Walang Big Brother na dapat na magpapatahimik kina Juan at Maria na magkaroon ng opinyon sa ginagawa ng kanyang pamahalaan at lipunan kina Akbar at Norayda. Responsibilidad nating lahat na malaman ang gawain ng ating pamahalaan sa Mindanao dahil ito ang magbibigay sa atin ng accountability sa lahat-lahat ng mga pangyayari kung sakaling magkasingilan na pagdating ng tamang panahon.
Hindi na kayang ipaliwanag ng mga kanta ng ASIN sa Mindanao ang makabagong panahon, hindi na kayang ikubli ng naratibo ng Lanao del Norte ang katotohanang itinago at itinatago sa atin ng takot sa mahabang panahon. Sa sambayanang Filipino. Narito na ang simula ng malayang pag-iisip.