Saturday, January 3, 2015

#PakyuMRT : Pinatatakbo ng mga Apelyido ang Bayang Ito

Ang aking pakikiisa sa #PakyuMRT bilang pagtutol sa pagtataas
 ng pasahe sa isang pampublikang transportasyon tulad ng MRT.



Dahil naniniwala ako na hindi dapat itaas ang presyo ng pamasahe sa isang pampublikong transportasyon tulad ng MRT.



Dahil naniniwala ako na ang mga pampublikong serbisyo tulad ng sa kalusugan, edukasyon, transportasyon, tubig, pagkain, komunikasyon, at kuryente ay dapat manatiling pampubliko.
Dahil naniniwala ako na habang nakasakay kayo at ang inyong pamilya sa magagara niyong sasakyan, araw-araw naming binubuno ang impiyerno ng pagbagtas sa mga lansangan nitong siyudad na matagal na ninyong pinaslang.
Dahil naniniwala ako na sa loob ng higit sa sandaang taon, mga apelyido na ang nagpapatakbo sa bayan, banwa, bangsa na ito at hindi ang pakikipag-kapwa-tao at ang impetus na bumuo ng isang makataong lipunan.
Dahil naniniwala ako na hangga't kayo ang naririyan, patuloy itong impiyerno sa araw-araw naming pamumuhay. At sa impiyernong ding ito ng aming mga buhay kayo sumususo ng yaman at ang pananatili ng inyong pamilya sa kapangyarihan.
Dahil naniniwala ako na ang mga sardinas lang ang dapat na nasa lata.
Dahil naniniwala ako na ang lahat ng naghihintay, gaano man katiyaga at ka-martir, ay naiinip. Kaya naniniwala ako na pag-ibig lang dapat ang hinihintay.
Dahil naniniwala ako sa sinasabi ng pelikula ni Chereau na Those Who Love Me Can Take The Train. Marami ang tunay na nagmamahal sa akin; marami na hindi kayang tapatan ng yaman na nakulimbat niyo at ng inyong pamilya sa kaban ng bayan. Nasaan na ang mga tren para sa aking di mabilang na pag-ibig?
Dahil naniniwala ako na ang double ay lovemaking, ang triple naman ay threesome, at ang hihigit pa sa tatlo ay debauchery na. Na ang mga pagdaplis dahil sa siksikan, sa ayaw mo at sa ayaw mo, ay hindi naman talaga nauuwi sa orgasm.
Dahil naniniwala ako na bulok kayong lahat at walang ibang lalabas sa iyong pamumulitika at serbisyo pampubliko kuno kundi kabulukan makailang palit man kayo ng mga pangalan.
Dahil dito: Pakyu kayong lahat.
Tutulan ang pagtaas ng pamasahe sa MRT!
*****

Kahit sino, maaaring maki-‪#‎PakyuMRT‬. Ngumarat lamang sa CCTV cameras ng estasyon ng Dotc-Mrt3 kung saan kayo sasakay o bababa. Makiusap sa kaibigang abangan kayo sa CCTV Live Stream ng DOTC-MRT3 website -http://dotcmrt3.gov.ph/cctv.php - para mai-screengrab ang inyong pakikiisang tutulan ang lubusang pagsuko ng gobyerno sa negosyo.

Friday, October 31, 2014

UP Repertory Company's "Bangsa: Mga Dayalogo sa Moro" Ngayong Nobyembre Na!

NGAYONG NOBYEMBRE NA ang pagtatanghal ng UP Repertory Company ng Bangsa: Mga Dayalogo sa Moro sa Unibersidad ng Pilipinas, Diliman. Tatlo sa aking mga dula ang itatanghal ng UP Rep sa loob ng isang benyu. Maaaring makabili ng tiket online. Kayo ay malugod kong iniimbitahan!




Sunday, September 28, 2014

Liham Kaibigan

Ikaw,

At ngayon hindi ka na naman mahagilap, sa cellphone, sa email, maging sa sarili mong website. Ganito rin ang kuwento mo sa akin  noon, na isinasara mo ang sarili mo sa daigdig kung mayroong isang karanasan na bumagabag sa iyo. Ito marahil ang paraan mo upang ikubli panandali sa daigdig ang iyong sarili, ang mga pasakit, ang mga pilas sa sarili at kaluluwa. At natutuwa ako at binuksan mo sa akin ang sarili mo, ang iyong daigdig. At isa itong pambihirang karanasan para sa akin, isa nga itong pribelihiyo.

Noong huli tayong magkita, dito sa Maynila, napansin ko na ang paglaglag ng iyong katawan sa lupa, ang mga matang nangungusap ng pagkalito, ang tapang, ng tatag at ang saya na nakita ko sa iyo noon. Iyong uri ng tapang na susuungin ang lahat, lahat ng mga tanong, gagalugarin ang lahat ng sulok makamtan lang ang lahat ng kasagutan. Sa pagitan natin ang isang mesa, ang pag-asam na makita kang muli, ang paghihintay sa isang salita: patawad.

Ang lahat ng iniiwanan sa paglalakbay ay palaging naghahanap ng kasagutan: Bakit ako iniwanan? Bakit siya lumisan? Pero ang nais kong sabihin sa iyo at hindi na ako nabigyan ng pagkakataon pa ay ito: Na nanghihinayang ako, nanghihinayang ako dahil sa totoo, sa danami-dami ng mga taong dumating sa aking buhay at pinapasok ko sa aking sarili mas pinahalagahan ko 'yung inabandona ako kahit iyong walang paalam kaysa sa trinaydor ako. Mas masakit kasi ang matraydor kaysa ang abandonahin, ang iwanan. Nanatili kang isang kaibigan, isang mabuting tao.

At ang liham na ito ay umaasam na ipaalam sa iyo na naiisip kita. Na mabuti kang tao. Na kung may isang malaking pagkakamali ay iyong hindi ko hinabaan ang pisi ko sa iyo. Iyong nagkaroon din ako ng pagkakamali na abandonahin ka sa gitna ng paglalakbay.

At ang liham na ito ay nangungusap ng pagpapatawad.

At kahit sa salita, sa aking mga salita may mga damdamin na mas mabuting hindi na lamang sabihin at hayaan na lamang sa pinakasulok na bahagi ng aking pagkatao hanggang sa tuluyan ko nang makalimutan. May mga salita na hindi ko masabi dahil hindi ko alam kung paano.

Na hindi lahat ng inabandona ay hindi naghihintay. Na hindi lahat ng tinalukuran ay hindi lumilingon pabalik, hindi umaasa.

Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Na sana'y hindi natapos ang haba ng kalsada na magkasama nating nilakbay. Sana.

Ako.

Tuesday, July 8, 2014

Aangkas ka na?






Ateneo de Manila University's ENTAblado will perform Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte this August. 

KALATAS Interview : Rogelio Braga

KALATAS is the official publication of the Unyon ng mga Manunulat sa Pilipinas (UMPIL), the largest organization of Filipino writers in the country founded in 1974.

"Mahirap ang maging mandudula, sa totoo lang. Ang pagiging mandudula pala ay isang pagpapasya—sa iba nga, pulitikal na pagpapasya. At ang nalalabing panahon pagkatapos ng pagpapasya na ito ay ang pangangatawanan mo na ang tinahak mong landas."

Here is the rest of the interview. 

Thursday, February 27, 2014

Freedom of Thought

NAKAKATAKOT ANG MGA tao na sa publiko nagpapahayag na sila raw ang representative ng ganito-ganyan, na boses ng ganito-ganyan. 

Marapat lang na pagdudahan ang iyong pagkatao dahil sa kung paanong paraan mo tinitingnan ang iyong Sarili at kaakuhan (being). Tao ka, hindi ka konsepto; indibidwal ka hindi rebulto. Sarili ka, hindi brand. Hindi ka isang ideology. Isang malaking parikala - o anomalya! - na ikaw mismo ang nagluluklok sa Sarili mo na subheto para maging isang obheto. Ganito rin ba ang gagawin mo sa iba?

Nakakatakot ka.

Mas lalong dapat pagdudahan ang relasyon mo sa (mga) boses na kini-claim mong kinakatawan mo.

Homogenizing: ito yung proseso na ang samu't saring boses, perspektibo, realidad, kasaysayan ay ginagawang iisa, monolithic; ginagawang 'bagay' ang buhay, ginagawang obheto. May pinatatahimik, may sinisikil sa proseso na ito. Parang kaya nga dilaw (o itim o bughaw) ang balot ng M&M's kasi sa loob nito sarikulay ang mga kendi; mahirap kasing ibenta at iposisyon sa merkado ang kendi na may iba't ibang kulay. Kaya may brand. Kaya may homogenizing brand. 

Mas homogenized, mas madaling ikahon. Mas madaling i-represent. Mas madaling bigyan ng pinakatamang salita, salita na itatambal na rebulto. At tulad ng M&M's, madaling ibenta sa kung sinumang nais manginain. Iyong may pera, iyong may purchasing--power.
Brand ka ba o Tao? Para kanino ka naging 'boses'? Para saan ka naging 'kinatawan'?
 Humingi ka ba ng pahintulot sa kanila na ire-represent mo sila at ang kanilang mga boses?

At sa pagki-claim na representative ka at boses ng ganito-ganyan, tandaan mo, mayroon ka palaging agenda. At kabilang sa agenda na ito ay ito: kapangyarihan

At heto pa: ang puksain ang bagot, takot, at mga agam-agam dahil ikaw mismo hindi mo mabigyan ng katuturan, kahulugan, identidad ang iyong pagkatao dahil wala ka nito: kalayaan.

At heto pa, lalo na: ang agenda mo ay puksain rin pansamantala ang takot na mawalan ka ng katuturan sa mundo; pero simula't sapul ang katuturan mo naman ay ipanaubaya mo na sa iba ang pagpapakahulugan mo sa iyong pagkatao.

Kaya kung tatanungin mo ako kung ano ang dapat na gawin ang sagot ko ay ito: hindi ko alam. 

"Bayan muna bago Sarili," ang turo sa atin noong mga bata pa tayo. Pero problematiko ang aral na ito dahil hindi inilalantad ng aral kung sino nga ba ang nagsasalita at nag-uutos na unahin muna ang 'bayan' bago ang 'sarili'. Multo? Maaring ang Diyos. Pero maari ring si Satanas. Ang higit na tumpak lamang at sigurado ay ito para sa atin, tayo ang inuutusan. Ibigay ang Sarili sa Bayan. Pero para saan? Para kanino?

Ilantad mo muna sa akin ang mukha ng nag-uutos bago ako susunod. 

Pero teka: Kailan mo ba huling sinuri ang iyong bayan?

Nasaan ba ang lokasyon mo sa iyong Bayan?

Pero ang alam ko, sa buhay, sa tunay na buhay (iyong buhay tulad ng mga magsasaka sa bukid, ng mga empleyado na pumapasok at nakikipagbuno araw-araw sa trapik sa EDSA at sa siksikan sa MRT makapasok lamang sa opisina at makauwi sa bahay pagkatapos, iyong buhay ng mga namamasyal lang sa Luneta, iyong buhay ng estudiyante na may assignment sa eskuwela, iyong kapatid na walang ibang nais kundi ang itindig ang sambahayang araw-araw at sa pagitan ang pakikisalamuha sa ibang tao, iyong buhay ng mga taong may totoong mga problema) dapat problemahin mo muna ang sarili mong buhay, ang mga personal mong relasyon bago mo problemahin ang problema ng iba, lalo na ang problema ng bayan. 

Nagsisimula ang ligaya, ang kapayapaan, at kapanatagan ng loob sa pagpapalaya ng Sarili. Hindi sa pagpapalaya ng iba.

Dito muna tayo dapat na magsimula.

Sunday, February 16, 2014

May Mga Ala-ala na Nililingon Mo Na May Pag-Ibig at Paggalang


I. Pananampalataya
May mga nilad pa sa
      umaga ng Lunes sa
ragasa ng buhay
      sa matanda nang
Ilog Pasig.
      Dito, sa aking siyudad
ikaw ang palaging kalahati ng
      espasyo sa
rubdob at
      sidhi ng pagsintang
ayaw pasakop. Malamig nga ang tubig sa
      Jordan paglublob ng
‘Īsa, propeta at pantas?
      Labis ang pang-uri ng salimuot.
Ikaw, ikaw ang tiyak na pandiwa ng naglalaho, naliligaw.

II. Lilo-an

“Motion is a continual relinquishing
of one place and acquiring another.”
– Thomas Hobbes

Ang hindi mo alam
nahadlok din ako sa karahasan,
kadtong uri ng dahas
na walang isang kupita ng dugo na itatambal
sa dambana ng katapangan,
walang pira-pirasong laman
na ikukuwintas sa nagwaging
mandirigma ng digmaan.
Nakabalumbon ang takot
na ito sa gilid ng aking lawas.
Ikaw, ang alat:
ako, ang tabang.
Ang pagsasama nato ang misteryo
ng pagdating sa daigdig
ng lahat ng uri ng paggalaw.
Makapal ang lamig sa kama
na dalampasigan na pilit
na tumatakas sa ating dalawa.
Bakit hindi kayang banggain
ng lakas ang isa pang lakas?
Bakit bilog ang sinapupunan
ng walang katapusang pagbuntal,
paghalik, pagbayo sa kanya-kanyang
lawas sa ating mga pananatili,
sa mga titigan?
Pagod na ako
at unti-unti nang nalalagas
ang mga dahon ng anahaw
sa Jubay. Respeto—
maitatabi mo ba ito sa kama
sa gabing nag-iisa ka
at dalawin ng libog?
Sana kaya
natin na sabay na sapuin
ng ating mga palad
at isubo
ang parola
na itinindig
sa gitna
ng nagsanga-sangang kalsada.

 III. Biyahe

Alam mo ba
kung ano ang
ibig sabihin
ng pagkakaiba
ng hinahanap
sa nawawala?
Ganito: hindi
ang bapor
ang naghahatid
sa malagkit na tingin
ng Mandaue sa lantad
at makinis na balikat
ng Lapu-Lapu.
Walang puno ng mangga
sa Maxilom na nagpapaasim
ng sikmura ng mga bayot
at pokpok na umuuwing
ligalig sa ligaya sa madaling-
araw. Mabuti pa ang San Remegio
may Bantayan. Hindi naman ako
ang Busay at ikaw
ang Mactan at sa pagitan natin
ang karagatan
at ang ingay ng kabihasnan?
At hindi mo rin
naiintindihan o
hindi mo naririnig
o ayaw mo lamang
akong pakinggan sa lahat
ng paliwanag ko tungkol
sa masalimuot
na introduksiyon sa nobela
ng aking pag-ibig:
Bakit walang poste ng ilaw
ang lahat ng lansangan
sa Compostela gayong
sa Lilo-an, itinayo nila
sa gitna ng kalsada ang parola?
Lahat daw ng kalsada
sa siyudad na ito,
gaano man nagsanga-
sanga tulad ng mga kable
ng kuryente sa Barrio Luz,
patungo sa iisang lugar:
Mabuti pa ang Colon
nararating ng lahat
ng kalsada mula Bogo
hanggang sa Oslob, mula
sa dako paroon hanggang
sa kanto sa gilid ng bahay
ninyo sa Mabolo.
Mabuti pa ang Bohol
nararating ng bapor.
Mabuti pa ang rosquillos
may kape. Mabuti pa
ang mga puta sa Jones
hindi matitigas ang mga dila
kung babanggitin ang pangalan
ng lugar. Malapit
na akong maging Consolacion
sa dila mo—ngayon
tinanggal mo na ang unang
dalawang pantig sa aking pangalan
tulad sa kung paano nila
pinaiikli ang mga salita sa siyudad
na ito, dahil lahat naman daw ng relasyon,
tulad ng isang haplos sa pisngi,
kasimbilis ng pagbibihis
ng damit. Bukas, ang tanging
malalabi sa akin ay ako.
Dito, sa malapit, sa harap mo
ganoon pa rin
tulad ng isang Tagalog
na naliligaw sa paglalakad sa Cebu,
isang estranghero.
Isang pasahero.