NAKAKATAKOT ANG MGA tao na sa publiko nagpapahayag na sila raw ang representative ng ganito-ganyan, na boses ng ganito-ganyan.
Marapat lang na pagdudahan ang iyong pagkatao dahil sa kung paanong paraan mo tinitingnan ang iyong Sarili at kaakuhan (being). Tao ka, hindi ka konsepto; indibidwal ka hindi rebulto. Sarili ka, hindi brand. Hindi ka isang ideology. Isang malaking parikala - o anomalya! - na ikaw mismo ang nagluluklok sa Sarili mo na subheto para maging isang obheto. Ganito rin ba ang gagawin mo sa iba?
Nakakatakot ka.
Mas lalong dapat pagdudahan ang relasyon mo sa (mga) boses na kini-claim mong kinakatawan mo.
Homogenizing: ito yung proseso na ang samu't saring boses, perspektibo, realidad, kasaysayan ay ginagawang iisa, monolithic; ginagawang 'bagay' ang buhay, ginagawang obheto. May pinatatahimik, may sinisikil sa proseso na ito. Parang kaya nga dilaw (o itim o bughaw) ang balot ng M&M's kasi sa loob nito sarikulay ang mga kendi; mahirap kasing ibenta at iposisyon sa merkado ang kendi na may iba't ibang kulay. Kaya may brand. Kaya may homogenizing brand.
Mas homogenized, mas madaling ikahon. Mas madaling i-represent. Mas madaling bigyan ng pinakatamang salita, salita na itatambal na rebulto. At tulad ng M&M's, madaling ibenta sa kung sinumang nais manginain. Iyong may pera, iyong may purchasing--power.
Brand ka ba o Tao? Para kanino ka naging 'boses'? Para saan ka naging 'kinatawan'? Humingi ka ba ng pahintulot sa kanila na ire-represent mo sila at ang kanilang mga boses? |
At sa pagki-claim na representative ka at boses ng ganito-ganyan, tandaan mo, mayroon ka palaging agenda. At kabilang sa agenda na ito ay ito: kapangyarihan.
At heto pa: ang puksain ang bagot, takot, at mga agam-agam dahil ikaw mismo hindi mo mabigyan ng katuturan, kahulugan, identidad ang iyong pagkatao dahil wala ka nito: kalayaan.
At heto pa, lalo na: ang agenda mo ay puksain rin pansamantala ang takot na mawalan ka ng katuturan sa mundo; pero simula't sapul ang katuturan mo naman ay ipanaubaya mo na sa iba ang pagpapakahulugan mo sa iyong pagkatao.
Kaya kung tatanungin mo ako kung ano ang dapat na gawin ang sagot ko ay ito: hindi ko alam.
"Bayan muna bago Sarili," ang turo sa atin noong mga bata pa tayo. Pero problematiko ang aral na ito dahil hindi inilalantad ng aral kung sino nga ba ang nagsasalita at nag-uutos na unahin muna ang 'bayan' bago ang 'sarili'. Multo? Maaring ang Diyos. Pero maari ring si Satanas. Ang higit na tumpak lamang at sigurado ay ito para sa atin, tayo ang inuutusan. Ibigay ang Sarili sa Bayan. Pero para saan? Para kanino?
Ilantad mo muna sa akin ang mukha ng nag-uutos bago ako susunod.
Ilantad mo muna sa akin ang mukha ng nag-uutos bago ako susunod.
Pero teka: Kailan mo ba huling sinuri ang iyong bayan?
Nasaan ba ang lokasyon mo sa iyong Bayan?
Pero ang alam ko, sa buhay, sa tunay na buhay (iyong buhay tulad ng mga magsasaka sa bukid, ng mga empleyado na pumapasok at nakikipagbuno araw-araw sa trapik sa EDSA at sa siksikan sa MRT makapasok lamang sa opisina at makauwi sa bahay pagkatapos, iyong buhay ng mga namamasyal lang sa Luneta, iyong buhay ng estudiyante na may assignment sa eskuwela, iyong kapatid na walang ibang nais kundi ang itindig ang sambahayang araw-araw at sa pagitan ang pakikisalamuha sa ibang tao, iyong buhay ng mga taong may totoong mga problema) dapat problemahin mo muna ang sarili mong buhay, ang mga personal mong relasyon bago mo problemahin ang problema ng iba, lalo na ang problema ng bayan.
Nagsisimula ang ligaya, ang kapayapaan, at kapanatagan ng loob sa pagpapalaya ng Sarili. Hindi sa pagpapalaya ng iba.
Dito muna tayo dapat na magsimula.
No comments:
Post a Comment