Saturday, January 3, 2015

#PakyuMRT : Pinatatakbo ng mga Apelyido ang Bayang Ito

Ang aking pakikiisa sa #PakyuMRT bilang pagtutol sa pagtataas
 ng pasahe sa isang pampublikang transportasyon tulad ng MRT.



Dahil naniniwala ako na hindi dapat itaas ang presyo ng pamasahe sa isang pampublikong transportasyon tulad ng MRT.



Dahil naniniwala ako na ang mga pampublikong serbisyo tulad ng sa kalusugan, edukasyon, transportasyon, tubig, pagkain, komunikasyon, at kuryente ay dapat manatiling pampubliko.
Dahil naniniwala ako na habang nakasakay kayo at ang inyong pamilya sa magagara niyong sasakyan, araw-araw naming binubuno ang impiyerno ng pagbagtas sa mga lansangan nitong siyudad na matagal na ninyong pinaslang.
Dahil naniniwala ako na sa loob ng higit sa sandaang taon, mga apelyido na ang nagpapatakbo sa bayan, banwa, bangsa na ito at hindi ang pakikipag-kapwa-tao at ang impetus na bumuo ng isang makataong lipunan.
Dahil naniniwala ako na hangga't kayo ang naririyan, patuloy itong impiyerno sa araw-araw naming pamumuhay. At sa impiyernong ding ito ng aming mga buhay kayo sumususo ng yaman at ang pananatili ng inyong pamilya sa kapangyarihan.
Dahil naniniwala ako na ang mga sardinas lang ang dapat na nasa lata.
Dahil naniniwala ako na ang lahat ng naghihintay, gaano man katiyaga at ka-martir, ay naiinip. Kaya naniniwala ako na pag-ibig lang dapat ang hinihintay.
Dahil naniniwala ako sa sinasabi ng pelikula ni Chereau na Those Who Love Me Can Take The Train. Marami ang tunay na nagmamahal sa akin; marami na hindi kayang tapatan ng yaman na nakulimbat niyo at ng inyong pamilya sa kaban ng bayan. Nasaan na ang mga tren para sa aking di mabilang na pag-ibig?
Dahil naniniwala ako na ang double ay lovemaking, ang triple naman ay threesome, at ang hihigit pa sa tatlo ay debauchery na. Na ang mga pagdaplis dahil sa siksikan, sa ayaw mo at sa ayaw mo, ay hindi naman talaga nauuwi sa orgasm.
Dahil naniniwala ako na bulok kayong lahat at walang ibang lalabas sa iyong pamumulitika at serbisyo pampubliko kuno kundi kabulukan makailang palit man kayo ng mga pangalan.
Dahil dito: Pakyu kayong lahat.
Tutulan ang pagtaas ng pamasahe sa MRT!
*****

Kahit sino, maaaring maki-‪#‎PakyuMRT‬. Ngumarat lamang sa CCTV cameras ng estasyon ng Dotc-Mrt3 kung saan kayo sasakay o bababa. Makiusap sa kaibigang abangan kayo sa CCTV Live Stream ng DOTC-MRT3 website -http://dotcmrt3.gov.ph/cctv.php - para mai-screengrab ang inyong pakikiisang tutulan ang lubusang pagsuko ng gobyerno sa negosyo.

No comments:

Post a Comment