Ikaw,
At ngayon hindi ka na naman mahagilap, sa cellphone, sa email, maging sa sarili mong website. Ganito rin ang kuwento mo sa akin noon, na isinasara mo ang sarili mo sa daigdig kung mayroong isang karanasan na bumagabag sa iyo. Ito marahil ang paraan mo upang ikubli panandali sa daigdig ang iyong sarili, ang mga pasakit, ang mga pilas sa sarili at kaluluwa. At natutuwa ako at binuksan mo sa akin ang sarili mo, ang iyong daigdig. At isa itong pambihirang karanasan para sa akin, isa nga itong pribelihiyo.
Noong huli tayong magkita, dito sa Maynila, napansin ko na ang paglaglag ng iyong katawan sa lupa, ang mga matang nangungusap ng pagkalito, ang tapang, ng tatag at ang saya na nakita ko sa iyo noon. Iyong uri ng tapang na susuungin ang lahat, lahat ng mga tanong, gagalugarin ang lahat ng sulok makamtan lang ang lahat ng kasagutan. Sa pagitan natin ang isang mesa, ang pag-asam na makita kang muli, ang paghihintay sa isang salita: patawad.
Ang lahat ng iniiwanan sa paglalakbay ay palaging naghahanap ng kasagutan: Bakit ako iniwanan? Bakit siya lumisan? Pero ang nais kong sabihin sa iyo at hindi na ako nabigyan ng pagkakataon pa ay ito: Na nanghihinayang ako, nanghihinayang ako dahil sa totoo, sa danami-dami ng mga taong dumating sa aking buhay at pinapasok ko sa aking sarili mas pinahalagahan ko 'yung inabandona ako kahit iyong walang paalam kaysa sa trinaydor ako. Mas masakit kasi ang matraydor kaysa ang abandonahin, ang iwanan. Nanatili kang isang kaibigan, isang mabuting tao.
At ang liham na ito ay umaasam na ipaalam sa iyo na naiisip kita. Na mabuti kang tao. Na kung may isang malaking pagkakamali ay iyong hindi ko hinabaan ang pisi ko sa iyo. Iyong nagkaroon din ako ng pagkakamali na abandonahin ka sa gitna ng paglalakbay.
At ang liham na ito ay nangungusap ng pagpapatawad.
At kahit sa salita, sa aking mga salita may mga damdamin na mas mabuting hindi na lamang sabihin at hayaan na lamang sa pinakasulok na bahagi ng aking pagkatao hanggang sa tuluyan ko nang makalimutan. May mga salita na hindi ko masabi dahil hindi ko alam kung paano.
Na hindi lahat ng inabandona ay hindi naghihintay. Na hindi lahat ng tinalukuran ay hindi lumilingon pabalik, hindi umaasa.
Sana ay nasa mabuti kang kalagayan. Na sana'y hindi natapos ang haba ng kalsada na magkasama nating nilakbay. Sana.
Ako.
No comments:
Post a Comment