Tuesday, July 24, 2012

Talambuhay ni Rogelio Braga Bilang Requirement sa Klase

NAKATUTUWANG ISIPIN NA may mga mag-aaral na nagpapadala sa akin ng email o nag-iiwan ng mga mensahe sa blog na ito at humihingi ng 'talambuhay' ko bilang manunulat para sa kanilang proyekto sa klase. Tila itinuturo ng mga guro (sa kolehiyo o sa high school?) ang aking akda at kinakailangan na makilala ng mga mag-aaral ang manunulat.

Ganito rin ang gawain ko noong nasa high school pa ako at sa kolehiyo kung nagbabasa ako ng mga aklat at nobela. Kahit ngayon pagkatapos kong basahin ang isang nobela hinahanap ko kaagad ang 'talambuhay' ng nobelista. Hindi ko alam, hindi naman siya requirement pero nakakikiliti ng isip na malaman ang buhay ng manunulat na lumikha ng akda. Minsan hinahanap ko ang 'pagkakatulad' ng pangyayari sa buhay nila sa mga sinusulat ng mga nobelista.

Hindi ko alam kung paano sasagutin ang mga 'request' dahil tila nagtatalo ang aking isip at hiya sa sarili na magbigay sa kanila ng mga accomplishment ko sa pagsusulat o bilang isang mandudula. Hindi ko ugali ang mag-enumerate ng mga trabaho ko at nagawa ko sa isang larangan maliban na lamang kung nasa isang 'job interview' ako at gusto ko talagang makuha ang trabaho. Ang 'weird' din ng konsepto ng 'talambuhay': sa wari ko'y nagtapos ang buhay ko at pagsusulat sa isang panahon. Parang nililingon ko pabalik ang aking buhay at ang mga trabaho ko. Hindi ko ito gusto. 

Pero nais ko ring mapadali ang buhay ng mga mag-aaral na ito na puwede naman kasi silang gumamit ng google at hanapin sa internet ang mga detalye ng mga trabaho ko bilang isang mandudula at mangangatha. Pero naitanong ko rin sa sarili ko na gaano na nga ba karami ang nalikha kong mga akda at bakit wala pa ring makalikha o makasulat ng talambuhay ko? Hindi pa ba sapat ang mga akda ko na mga dula at kuwento bilang talambuhay ni 'Rogelio Braga ang malungkot at nag-iisang namumuhay sa Cebu na mandudula at mangangatha'?     

Ngayon iniisip ko na may 'halaga' pala sa ibang tao lalo na sa mga mag-aaral at mga guro ang mga sinusulat ko. 

Tinanong kong muli ang aking sarili, paulit-paulit, kung ginagawa ko nga ba sa kasalukuyan ang dapat kong gawin sa aking buhay. Kung ginugugol ko nga ba ang mga oras ko sa isang gawain na mas makatutulong sa ibang tao, sa aking sarili at sa pagpapadayon ng Sining at Panitikan, ng paglikha: ang pagsusulat, ang pagiging isang mandudula at lumikha ng mga kuwento para sa entablado, ang lumikha ng mga kuwento. Pero, muli, palagi kong sinasabi sa aking sarili at sa isang kaibigang manunulat na nagtatanong sa akin kung bakit ako naglulunoy sa mga gawain sa kung nasasaan man ako ngayon: nabubuhay ako sa daigdig, nakikisalamuha ako sa mga tao kahit nahihirapan akong makitungo sa ilan, at nakakadaupang-palad ko ang sarikulay na mga buhay. Pero, siguro, ngayon parang mali na ako. Natakot ako bigla paano nga kaya kung sakaling mayroon nang konkretong talambuhay ni Rogelio Braga - paano kaya ako lilingunin at huhusgahan ng mga babasa? 

Saturday, July 21, 2012

Colon: Isang Nobela


MATAGAL AKONG NAWALA sa blog na ito. Sa halos tatlong taon na pagkawala, para sa lahat ng nagtatanong kung ano na nga ba ang nangyari sa akin sa panahon na ito, nais kong ibahagi na nakasulat ako ng isang nobela. Itinuturing ko na ang Colon ang 'ikalawa' kong nobela (ang 'unang' nobela ay tinatapos ko hanggang sa ngayon, ang Urbanidad, na sinimulan kong isulat sa Maynila noong 2007 at nailathala na ang bersiyon na maikling kuwento sa Journal ng Cultural Center of the Philippines noong 2005.)

Nitong Mayo lang nakatanggap ako ng paanyaya mula sa nobelista at makata na si Edgar Calabia Samar ng Ateneo de Manila University na ilathala sa Tapat Journal ang Colon sa darating na Disyembre. Lubos kong ikinatuwa ang balita mula sa kaibigang manunulat dahil marami-rami na rin ang nagtatanong sa akin kung kailan ba nila mababasa nang buo ang nobela.

At dahil Ramadan ngayon at naka-on ang 'generous mode' nais kong ibahagi ang isang kabanata ng Colon. 'Pagsilip' lamang ito sa buong nobela at inaasahan ko na babasahin mo pa rin ang buong aklat paglabas nito sa Disyembre.

Sa bahaging ito ng nobela isinasalaysay ni Blesilda ang huntahan nila ni Lolo Cali (na isang matandang Meranao at dating guro) habang nagsasaya ang buong siyudad ng Cebu sa Sinulog Festival. Sa bahaging ito ng nobela nabanggit ni Blesilda sa matanda na 'hinahabol' siya ng mga Ilaga na siya namang ikinatawa ng matanda dahil ang Ilaga ay isa na lamang alaala sa kanya at bahagi ng kanyang kabataan, isang kasaysayan. Ang kuwento ng matanda tungkol sa kanyang karanasan ay mahalagang bahagi ng paghahanap ni Blesilda sa mga kasagutan sa kamatayan ng matalik niyang kaibigan at sa paghahanap niya sa sarili niyang pagkatao.

Basa lang mga kaibigan.




KABANATA 10 (excerpt)

Madilim na ang langit nang makarating na kami sa tapat ng inuupahan kong kuwarto. Unti-unti nang nalalagas ang mga tao sa Colon. Naririnig pa rin sa malayo ang ingay ng mga tambol at silbato. Ganoon din ang mga palakpak at hiyawan ng mga tao. Nang dumating kami ni Aldo sa harap ng paupahan naroroon pa rin ang matanda at nakaupo sa tapat ng kanyang mga paninda; tumitingkad sa ilalim ng liwanag ng dilaw na bumbilya ang puti niyang kopiya. Taimtim na nagbabasa ang matanda at may suot na itong makapal na salamin.

Assalamu alaykum,” ang nakangiting bati ni Aldo sa matanda.

Wa alaykum sala’am,” ang sagot ng matanda. “Islam ka?”

“Ay! Hindi. Filipino.”

Ngumiti lang ang matanda at nagpatuloy sa pagbabasa.

Nagpaalam ako kay Aldo at nagdesisyon kaming magkita sa ikatlong araw para kausapin ang propesor sa San Carlos. Walang pasok ang mga paaralan at establishemento kinabukasan na palaging idinedeklara ng Cebu City bilang araw ng pahinga pagkatapos ng Sinulog.

“Lady, lumapit ka nga rito sa tabi ko,” ang tawag sa akin ng matanda. “Dito sa tabi ko…”

Naupo ako sa tabi ng matanda. Napansin ko na nagbabasa siya ng nobela. A Passage to India ni E.M. Forster.

“Ano nga ba ang pangalan mo, Lady?” Kapansin-pansin ang kakaibang punto sa pagsasalita ng matanda.

“Blesilda Canugan po,” ang sagot ko. Natutuwa ako sa eksena. Hindi ako nagkaroon ng lolo o lola sa aking buhay kaya isang pambihirang karanasan ang makatabi ko at makipag-usap sa isang matanda. Naisip ko tuloy kung ano kaya ang hitsura ng mga tunay kong lolo at lola, na mga magulang ng mga tunay kong mga magulang.

“Kanina tinanong mo ako kung alam ko ba ang Ilaga di ba?”

“Opo. May hinahanap ho kasi ako—at nu’ng kasama ko na naghatid sa akin dito—mga Ilaga.”

Natawa ang matanda. Malakas na tawa na sinundan ng mga mararahas na pag-ubo. Hinaplos ko ang likod niya. Iyon ang unang pagkakataon na hinawakan at hinaplos ko ang likod ng isang tao na hindi ko man lang kilala at ninanais kong gumaling siya sa karamdaman. Minsan kailangan mong magtiwala sa sarili mong mga kilos, ito marahil ang kapangyarihan ng mga ina sa kanilang mga anak na may karamdaman, naniniwala sila na kaya nilang pagalingin ang karamdaman ng anak sa pamamagitan ng mga haplos. Naniniwala sila na kayang patulugin ang nag-aalburutong bata sa pamamagitan ng mga mahihinang pagtapik sa hita. Nang magtigil ang pag-ubo ng matanda nagpatuloy ito sa pagsasalita.

“Alam mo, Blesilda, teacher ako noon sa amin. I was a high school English teacher. Sa amin, sa Wao. Hindi mo alam ang lugar na iyon basta malayo…hindi mo alam dahil sa tingin ko sa iyo isa kang Tagalog na hindi nakalabas ng Maynila. Ganyan ang mga Tagalog, Blesilda, du’n sa Maynila. Hindi sila lumalabas ng Maynila pero kaya nilang patakbuhin ang buong Pilipinas.”

Nagsasalita ang matanda na para bang wala siyang kausap. Ni hindi siya tumitingin sa akin. Sa wari ko’y matagal na niyang pinaghandaan ang kanyang mga sasabihin naghihintay lang siya ng saktong tao at pagkakataon na ilalahad niya ang mga kinikimkim na mga salita. Natutuwa pa rin ako sa kanya.

“Umalis ako sa amin sa Marawi dahil ipinagkasundo ako ng mga magulang ko sa isang pangit na babae sa Malabang. Ayaw ko talaga sa babae. Dahil matigas ang ulo ko at siyempre pinag-aral ‘ata ito sa UP tumakas ako at tumira sa tiya ko sa Wao. Teka, alam mo ba ang UP?”

Oo, naman, ang sagot ko sa matanda. University of the Philippines. Naisip ko na hindi basta-bastang tindero ang matandang ito.

“Iskolar ako noon sa UP, 1959. I am one of those first Moro students that were given a scholarship under the National Integration Commission,” may pagmamalaking deklarasyon ng matanda. “Gusto kasi ng gubyerno ninyo na tuluyan nang maging bahagi ng Pilipinas kaming mga Moro. Of course I applied—I want to be brainwashed by the Filipino Christian government,” at napangiti ang matanda at kumindat pa sa akin.

Sana nagkaroon ako ng mga lolo at lola na magkukuwento sa akin ng mga pangyayari noong unang panahon.

“Matagal akong nagturo sa Wao. Halo-halo ang mga estudiyante ko. Meranao at mga Christian. Mayroon akong isang paboritong estudiyante. Meranao. Alam mo kaming mga teacher mayroon din kaming mga paboritong estudiyante hindi lang namin inaamin. Akbar ang pangalan niya—anak ng magsasaka at unang anak na lalaki ng kanyang ama. Taga-Wao. Matalino si Akbar, aba’y magaling mag-English, marunong sumagot sa klase—articulate, masipag sa mga assignment, at hindi nala-late sa klase ko,” ginawa ulit ng matanda na isa-isa niyang itinataas ang mga daliri niya sa paglalahad ng mga ‘kagalingan’ ng kanyang paboritong estudiyante.

Nagpatuloy ang matanda at inilapag na niya ang aklat ni Forster sa lupa. Paalis na ang laksang tao sa Colon at tila patungo silang lahat sa Abellana Sports Complex para sa fire works display. Unti-uni na ring dumaraan ang mga sasakyan dahil binuksan na sa trapiko ang bahaging ito ng Colon. Dalawang tartanilla na ang nakita kong dumaan.

“Minsan pinatatawag ko sa bahay si Akbar; doon siya nagme-merienda sa amin sa bahay ng tiya ko. Pinapahiram ko rin siya ng books ko na galing pa sa Maynila, mga luma at gamit nang mga libro na nabibili ko noon sa isang Intsik diyan sa Binondo—Forster, Dickens, Tolstoy, name it marami akong books. Nakahiligan ni Akbar noon ang Heart of Darkness ni Conrad. Sa mga pagdalaw ni Akbar sa bahay napansin ng tiya ko at napansin ko rin na hindi nagsa-sambahayang si Akbar.”

Ipinaliwanag niya sa akin na kinakailangang magdasal limang beses sa isang araw ang isang Muslim; kailangan itinitindig niya ang sambayahang araw-araw, walang palya.

“Kaya isang araw, kinausap ko si Akbar, nag-usap kami sa salita naming Muslim, Meranao: ‘Ikaw, Akbar, puwede kang mag-aral sa Maynila kasama ng mga Filipino. Matalino at madali kang matutong mag-English. Kaya kitang bigyan ng rekomendasyon sa UP. Pero gusto kong makita na itinitindig mo ang sambahayang araw-araw.’ Hindi sumagot si Akbar. Sabi ko kanya, ‘Ilagay mo sa tamang lugar ang maratabat, Akbar—sa loob ng masjid.’ Nagpasalamat sa akin si Akbar at nangakong magtutungo sa masjid para hintayin ang susunod na sambayahang.”

Sa bahaging ito panandaliang natahimik ang matanda. Malalim ang kanyang iniisip na parang hinuhugot niya pa sa pinakamalalim na bahagi ng kanyang alaala ang mga susunod na mga salita. Doon ko naunawaan na minsan tumatakas sa pagdadalamhati ang mga salita, gaano mo man pinahahalagahan ang mga salitang ito, mga salitang siya ring naghahatid sa iyo pabalik ng mga alaala. Maraming pamamaraan ang pagdadalamhati na bawiin sa atin ang mga bagay na matagal na nating itinuturing na ating pag-aari.


“Pinasabog ng granada ang masjid habang naroroon sa loob si Akbar kasama ng mga Muslim na nagdarasal. Marami silang namatay—pinatay— sa loob ng masjid. Sayang si Akbar, Blesilda. Naghihintay pa naman ang UP sa kanya. Naaalala ko ang araw na iyon, that was July.”

Binibilang ko ang dumaraang tartanilla sa aming harapan. Manipis na ang ingay, hiyawan at mabibilis na musika mula sa malayong Abellana Sports Complex. Nakapako ang tingin ng matanda sa lupa at ibinaling ko ang aking mga mata sa langit na gumuguhit ang sarikulay na mga paputok at kuwitis. Kay ganda ng langit ng Cebu.

“Matapos iyon sinunog ang mga bahay—sa katahimikan ng madaling-araw kung sumusugod sila. Nagdesisyong ang tiyahin ko na umalis na lang ng Wao at sinabi niya na tumakas na lang kami pabalik ng Marawi. Dali-dali kaming umalis ng bahay at ipinaiwan ng tiyahin ko ang mga libro ko na galing sa Maynila. Tumanggi ako noon na ipawian ang mga libro ko at nais ko sanang dalhin ito pabalik sa Marawi. Tumanggi ang tiya ko, hindi raw puwedeng maraming dala sa pagbiyahe. Nakarating na lang sa amin sa Marawi na sinunog din nila ang bahay ng tiyahin ko, kasama ng mga libro ko na binabasa namin ni Akbar. Makalipas ang isang buwan, hindi pa rin natapos, marami na naman silang pinatay na Muslim sa Wao. Hindi na tayo babalik ng Wao, ang sabi sa akin tiyahin ko, at sundin mo na ang napagkasunduan sa karangaya—sa ikabubuti rin ng iyong mga angkan bago nila maubos tayong lahat.”

Gumuhit sa langit ang isang mahabang dilaw na kuwitis. Nang sumabog ito sa langit libo-libong maliliit na ilaw—bughaw, dilaw, at asul ang nagkulay sa nakababagot na dilim sa himpapawid. Sinigurado kong may sapat na layo sa pagitan naming dalawa ng matanda. Naisip ko nais niyang mapanatili ang pagitang iyon; ninanais ko sanang ipatong ang isang kamay ko sa balikat niya o yakapin siya kahit hindi pa ako nakayayakap ng isang taong hindi ko naman kilala. Pero kailangan mapanatili ang espasyong iyon sa pagitan naming dalawa. Sa palagay ko, iyon na lang kasi ang nalalabi pa sa kanya.

“Tinanong mo ako kanina kung kilala ko ang mga Ilaga. Kilala ko sila, sa haba ng buhay na inilagi ko sa mundo, kilalang-kilala ko sila…mga Filipino sila.”

Monday, May 31, 2010

High Chair Poetry Magazine Publishes 'Ang Moralidad ng Naratibo'

HIGH CHAIR POETRY JOURNAL published my essay on Ampatuan Massacre, Ang Moralidad ng Naratibo, last week. I was informed last December that the journal will provide a space for this essay. Editors of the journal decided to have a special issue on the Ampatuan Massacre and asked for contributions from poets here and abroad. Oh well I am not a poet (and a frustrated one and I will confess it) but I am so happy to see my work on this page since High Chair is being refereed by the country's foremost poets (mostly writing in English) and readers of poetry visit the site.

I don't want to explain what the essay is all about but I encourage you to visit High Chair's site and read the entire piece.

"Ang naganap na krimen sa Ampatuan, Maguindanao at ang pambublikong piyesta ng galit, suklam, at pagdadalamhati ay isang banal na proseso para sa sambayanang Filipino. Isa itong paglilinis ng sarili sa mga dugo sa ating mga kamay, dugo ng mga Moro na tumitingkad sa dilim. At ang prosesong ito, sa pinakamalalim na bahagi ng ating mga loob, na nakapanghihilakbot dahil kaya nating itanggi kahit sa ating mga sarili, ang katotohanan na naaliw tayo, na mas lalo nating nauunawaan ang ating mga pagkatao, na mas lalo nating nakikita ang ating bansa: ito ang naratibo ng mga Filipino sa mga Moro." - Ang Moralidad ng Naratibo.

Saturday, April 10, 2010

So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman

NAIS KO LANG ibahagi ang ilang larawan mula sa aking dula So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman (2009). Ipinalabas ang dula noong isang taon, July 2009, sa Cultural Center of the Philippines bilang entry ng 2009 Virgin Labfest. Ang dula ay idinirehe ni Rikki Benedicto, kasama ang Tanghalang Filipino, ang musika mula sa grupong Bailan at ni Bing Veloso, commentary nina Jal Salic Umngan at Jelanie Mangondato. Ang mga larawan ay mula sa aking mabuting kaibigan Alberto Bainto.

Ang dula ay isang ars poetica para sa isang Bangsa Moro freedom figther Aldul Rahman Macapaar at sa kanya ko rin inihahandog itong dula.

"Marami akong gustong sabihin noon ganito ganyan pero sadyag maikli ang oras. Heto ka na ngayon: hindi ka pa rin nagbago ilang taon na ang nagdaan. Bata ka pa rin. Mananatili kang ganyan sa akin, Abdul Rahman…dito, sa akin. Nababasa ko sa mga mata mo noon na nais mo akong tanungin kung nais ko bang sumama sa iyo pabalik ng Lanao o kung maghihintay ba ako sa iyong pagbabalik. Sabi mo kasi na ano ang pag-ibig, buhay at pagkatao kung walang maratabat (Iiyak) Sasama lang ako sa lalaking may maratabat, Abdul Rahman, iyon ang gusto kong isagot sa iyo noon…Sasama lang ako sa lalaking may maratabat. Siguro hanggang doon na lang ang lahat. Hanggang dito na lang. Napakalupit ng pag-ibig—kaya nitong wasakin ng isang salita; guguho ang lahat ng mga itinindig na mga alaala sa isang pagkakamali…kahit ng isang sagot…"
-Mula sa dula.













Maaari akong kontakin sa aking mga dula para humingi ng permiso. Magpadala lamang email. Hindi ko pinahihintulan ang alin man sa aking dula na ipalabas saan mang bahagi ng Lanao del Norte lalo na sa Iligan.












Thursday, February 4, 2010

Maikling Kuwentong "Mga" nasa Palanca Website Na.

NAKATATANGGAP AKO NG mga email sa mga estudiyante (maging sa aking unibersidad dito sa Cebu, San Carlos) na humihingi ng kopya ang aking kuwentong 'Mga' para sa kanilang klase. Nagpapasalamat ako sa Don Carlos Palanca Foundation at ipinaskil na nila ang aking akda sa kanilang website
Bisitahin na lang natin ang website ng Palanca at naroroon na ang aking akda bagaman medyo 'weird' ang pagkakalay-out ng kuwento sa kanilang pahina.
Muli, salamat sa pagbibigay ng panahon sa aking akda. Sa mga katanugan at mga ideya na nais na ibahagi masusulatan ako sa ogiebraga@yahoo.com
Sala'am!
Rogelio Braga
Elizabeth Pond St.,
Cebu City, Cebu.

Saturday, November 7, 2009

Varsitarian, Nostalgia at Publikasyon

ISA NA SIGURO sa pinaka-highlight ng nagdaan kong linggo ang karanasan sa isang estranghero mula sa the Varsitarian. Estranghero dahil hindi ko naman siya kilala at malamang na hindi niya rin ako kilala. Nais ko lang sanang magtanong kung sa paanong paraan ako magkapagpapasa ng kuwento para sa publikasyon na may makukuha akong sagot na email. Nagpasa na kasi ako noong isang taon ngunit ni wala akong nakuhang tugon.

Ibinigay ng estranghero ang email address (at mababasa mo sa nga sagot niya sa email na wala siyang gana sa buhay) na siyang email address na pinagpasahan ko noon. Maayos akong nagtanong kung matatanggap kaya ang aking email sa address na iyon. Mukhang lalo siyang nagalit sa dati nang galit at iritableng pakikipag-ugnayan ko. Sinubukan ko siyang tawagan ng long distance para mas maayos ko siyang makausap. Hindi niya sinasagot ang aking tawag. Inisip ko na lang, naku baka bad mood itong taong ito.

Nagtataka tuloy ako at ang aking mga ka-opisina sa paraan ng pagsagot niya sa mga text ko. Ipinababasa ko kasi sa mga ka-opisina ko ang mga text niya. Ang weird. Sabi ko na lang siguro akala niya estudiyante pa rin ako. Ang sabi naman ng isa kong ka-opisina kahit estudiyante ka dapat i-trato ka niya ng maayos dahil maayos kang nakikiusap sa kanya. Siguro malas lang talaga ako at bad trip siya noong mga oras na iyon.

Nakakatuwang isipin na may mga taong 'bitch' sa hindi nila kilala lalo na sa mga estrangherong maayos namang lumalapit sa kanila. Pamilyar ako sa kulturang 'don't talk to strangers' ng mga bansa sa Kanluran ngunit hindi ako pamilyar sa ganitong kalakaran ng pagbuo ng rela-relasyon sa aking lipunan. Hindi ito ugaling Filipino. Maging ang mga nakadaupang-palad ko na mga Talaandig na mga alagad ng Sining (sila'y mga pintor, musikero, at gumagawa sila ng mga istrumentong pangmusika) sa malayong Bukidnon ay marunong makisama sa mga estrangherong minsang nadaan sa kanilang komunidad.

Malas talaga.

Nais ko sana ng isang 'repeat' sa isang magandang karanasan ko noon noong nasa Santo Tomas pa ako at nagsusulat. Ang ending: biktima tuloy ako ang sarili kong nostalgia.

Hindi ka Tomasino kung hindi mo alam ang The Varsitarian o hindi mo man lamang nahawakan ang mga pahina nito noong nag-aaral ka pa sa Santo Tomas

Naghahanap ako ng paraan na mailathala ang aking mga bagong kuwento. Dahil wala naman akong kilala rito sa Cebu City kaya minarapat ko maghanap sa Maynila na maari kong ipalathala ang aking mga akda. Dumating sa Cebu City ang isang kaibigan na dating nakasama sa The Flame sa UST. Nagkaroon kami ng mahabang huntahan tungkol sa nakaraan namin sa Santo Tomas at ang pagsusulat sa loob ng Unibersidad noon. Hindi palagi na may nadadalaw sa akin dito sa Cebu na kilala ko sa Maynila. Sa pakikipag-usap ko sa kanya binalikan kong muli ang magagandang alaala ko sa Santo Tomas, sa the Flame at sa Varsitarian na noo'y labis ang pagsuporta sa mga manunulat sa loob ng Unibersidad.

Ngayon ko lang naisip na mali pala minsan ang maging nostalgic sa mga bagay-bagay. Puwede kang maging biktima ng sarili mong nostalgia. Dahil ang lahat ay nagbabago. Isa palang malaking pagkakamali ang balikan ang Varsitarian at mag-akalang ang mga tao roon sa ngayon ay katulad pa rin ng mga nakilala ko noon na sobrang malaki ang suporta sa akin, sa aming mga manunulat sa Unibersidad (at lalo na noon ang mga editor nila na may 'espesyal' na 'pagtrato' at 'pagkalinga' sa mga nagsusulat sa Filipino dahil mas nalalathala noon at nabibigyan ng pansin sa Unibersidad ang mga nagsusulat sa Ingles na nakikita ito marahil ng mga patnugot noon ng the Varsitarian - kaya malaki ang respeto ko sa kanila.)

Isa sa pinakamasayang bahagi sa buhay ng isang manunulat ay iyong makita mong nakalathala ang iyong likha at nababasa nang mas maraming tao. Mas nababasa ng mas nakararaming Tomasino ang the Varsitarian kaysa sa the Flame at ilang pang-kolehiyong lathalain.

Naalala ko ang Varsitarian sa aking kabataan. Naalala ko noong unang nalathala ang aking kuwento sa isang publikasyon na mas mababasa nang mas nakararaming mambabasa. Isa itong napakasayang karanasan. Nalalathala na noon ang ilang sa aking mga kuwento sa The Flame (dahil patnugot ako ng seksiyon sa Filipino) nang ilathala nila ang aking kuwento. Ngunit iba pa rin noon ang malathala ka sa the Varsitarian. Isa kasi itong institusyon, isa ito (o ito na siguro) ang pinakamatandang publikasyong pang-mag-aaral sa Pilipinas at halos lahat ng mga kilalang dyarista at manunulat sa bansang ito ay nailathala ang kanilang mga pangalan sa mga dahon ng the Varsitarian. Alam ko ito dahil sa mga oras noon na kailangan kong patayin ang paghihintay sa susunod kong klase sa Political Science (minsan ang klase ko alas-9 ng umaga at ang susunod ay alas- 7 na ng gabi) naglalagi ako sa Filipiniana section ng Main Library at binabalikan ko ang mga lumang isyu ng the Varsitarian: 'andun silang lahat: Jose Villa Panganiban, F. Sionil Jose, Cristina Pantoja-Hidalgo, J. Neil Garcia, V. E Carmelo Nadera at hindi matatapos ang listahan.

Pinangarap ko noon na malathala ang kahit man lang ang isa sa aking mga kuwento sa pahagayang ito. Bibit ang hardcopy, diskette, pangarap at ilang agam-agam ipinasa ko sa patnugot noon ng Filipino Section ang aking akda. Hindi ko kilala noon ang patnugot sa Filipino dahil mula siya ibang kolehiyo (Engineering 'ata.) Mayo iyon at bakasyon ng klase. Kaibigan ko noon ang kasalukuyang mga patnugot ng pahayagan dahil kilala ko sila sa mga activity ng Student Council sa Faculty of Arts and Letters. May bago akong kuwento noon. Maari ko namang ipalathala ang kuwento sa the Flame dahil papasok ako noong patnugot sa darating na Hunyo. Sabi ko noon, heto na heto na ang short story kong pang-Varsitarian.

Mula nang iabot ko ang aking akda sa isang patnugot halos buwan-buwan ko nang dinadalaw ang opisina ng the Varsitarian sa Main Building. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang patnugot noon sa Filipino dahil noong una siyang ipinakilala sa akin ng isang kaibigan na patnugot sa the Varsitarian biniro ako na 'O, bakit naba-blush ka?' Iniwasan ko na siya mula noon.
Naalala ko na mabigat noon ang kanilang pinto at lumalangitngit kapag binubuksan. Pagpasok mo sa kanilang opisina sasalubong sa iyo ang lamig mula sa aircon, sa pader kung saang hanggang doon lamang ang mga bisita ay mayroong isang salamin na halos maari ka nang lamunin pati ang iyong kaluluwa sa laki nito at lawak na sakop ang isang pader, sasalubong sa iyo ang mga ngiti at pagbati (minsan mapanuring mga tingin), may mga aligagang staff writer, at minsan naabutan ko pa ang isang bagong gising na pupungas-pungas pa. Tila bukas noon ang kanilang opisina 24 na oras sa pitong adlaw. Kahit alas-3 ng madaling araw may pa tao sa kanilang opisina. Tawagin mo nang lobbying ang presensiya ko sa opisina nila noon wala akong pakialam. Alam ko noon ang aking nais: ang aking kuwento sa pahina ng the Varsitarian. Nakikibalita ako noon kung lalabas na ba ang aking kuwento o hindi ba ito nakapasa sa patnugot ng seksiyon kaya't itinapon na lamang ito sa basurahan.

Doon ko rin nakilala, sa mga pagdalaw na iyon at pakikibalita kung mailalathala ba ang aking kuwento, ang ilan sa mga naging kaibigan ko na ngayong dating mga manunulat sa The Varsitarian. Masyadong mahaba ang kuwento mo, Braga, ang sabi sa akin ng isang kaibigang patnugot sa loob na lubha kong ikinalungkot, limitado lang mga pahina ng diyaryo para sa Filipino section pero o s'ya pray lang ha?

Makalipas ang ilang buwan hayun nagbunga aking mga dasal at pagdalaw-dalaw sa kanilang opisina, nailathala ang aking kuwento. Gaano man ka-limitado ang espasyo para sa Filipino nagawan nila ng paraan. Oktubre na yata ito nang mailathala. Ito na siguro ang isa sa pinakasamayang bahagi ng aking buhay sa aking kabataan dahil ito ang unang pagkakataon na nailathala ang aking kuwento sa isang pahayagan na mababasa nang mas nakakarami, nang mas nakakaraming Tomasino.

Tuwang-tuwa kami noon ng mga kaibigan at kaklase ko sa PolSci dahil naroon, hayun, nakatambad ang aking pangalan sa isang pahayagan na mas matanda pa sa aming mga magulang. At kahit hindi raw ako Literature at Journalism major nalalathala ang aking kuwento sa 'the V' (mayroon kasi akong kaibigan noon sa PolSci na taga-hanga ng makatang si Carlomar Daoana at lagi niyang kinukulit ang makata na gumawa ng tula para sa kanya). At naroon ang aking kuwento, andun kami ng mga kaklase sa Humanities Section ng Main Library at inilatag ang the Varsitarian sa malapad na parihabang mesa ng aklatan. 'Andun ang walang katapusang congratulations, kilig at hagikgikan na mababasa kaya ng crush namin na mga Philo majors ang kuwento at naalala kong nagtabi pa ng ilang sipi ng diyaryo ang aking kaibigan.

Naroon siya: Ang Bapor Tabo, ang kuwento na isinulat ko kung ano nga ba ang damdamin ng isang bata sa kauna-unahang pagkakataon na mauunawaan niya ang kahirapan ng buhay sa iskwater at kawalan ang hustisyang panlipunan. Na kung paano namatay ang kaibigan niyang tumanda na sa kahirapan ganoon din ang kasasapitan niya sa kanyang katandaan. Tanda-tanda ko na halos isa at kalahating pahina ang aking kuwento. Binabaybay ng mga daliri namin ng mga kaibigan ko sa PolSci ang bawat pangungusap habang binabasa nang malakas sa loon ng aklatan. Paborito naming magbasa at mag-aral sa bahaging ito ng aklatan dahil dito lang mataas ang kisame at ang kabuoan ng silid ay pinaliliguan ng sarikulay na liwanag, liwanag na mula sa labas na sinasala naman ng mga makukulay at dinesenyunhang salaming bintana sa pader na nagkakabit sa kisame. Ilang beses kong binasa aking kuwento bago matulog. Wala silang pinutol, walang idinagdag. Buong-buo kung paano ko ito ipinasa sa kanila. Doon ko rin unang naramdaman itong tuwa ng isang manunulat na malathala na alam mong mas marami ang makababasa ng iyong akda.

Kumpleto na ang buhay ko bilang isang manunulat dahil noong aking kabataan may akda akong nalathala sa the Varsitarian. Hanggang ngayon struggle sa mga katulad kong nagsusulat sa sariling wika ang mailathala, minsan nasusungitan ka pa at hindi makatatanggap ng maayos na pagtrato.

Kahit hindi naging maayos ang naging karanasahan ko sa Varsitarian sa kasalukuyan lilingunin ko pa rin nang may paggalang ang institusyon, ang mga tao noon (nasaan na kaya sila?) na hindi ko kalilimutang sumuporta sa akin at kailanman hindi nagbitiw ng mga salitang wawasak sa aking pangarap bilang isang batang manunulat sa Santo Tomas.
At ngayon binabalikan ko ang karanasan sa isang estranghero sa Varsitarian noong isang linggo, nais kong tingnan ito sa isang positibong perspektibo: kahit ngayon pala, nais pa rin akong suportahan ng isang institusyon na minsang nagpaligaya sa aking kabataan bilang manunulat. Parang pinangaralan ako ng the Varsitarian, na tapos na ang panahon mo sa amin, nagpasalamat na tayo sa isa't isa para sa kagandahan ng Panitikan. At doon na iyon natapos at huwag nang balikan. Wala ka nang ibang patutunguhan kundi ang papasulong at huwag ka nang babalik dahil sadyang malawak ang daigdig para sa iyong pananakop.

Hindi naman pala mahirap ang magsabi ng isang kay gandang pasasalamat. Alhamdullilah.

Saturday, September 12, 2009

Perspektibo

Lahat tayo, sa mga Moro o sa Filipino man, ay naghahanap ng isang lipunan at masang kritikal. Isang lipunan na pinatatakbo ng mga ideya, damdamin, at pananampalataya. Isang lipunan na bukas sa sanlibo't sandaang mga pananaw na kung hindi man umaayon ay nagtutunggalian sa isa't isa. Lahat tayo naghahanap ng papasulong na kabihasnan dahil lahat tayo may perspektibo at walang maliw tayong naniniwala sa sangkatauhan.

May bigat sa akin ang halaga ng mga perspektibo dahil naniniwala ako sa sangkatauhan at mahalaga ang perspektibo sa aking pagsusulat at sa aking Sining. Naniniwala rin ako sa papasulong na kabihasnan at sa isang kritikal na lipunan at masa. Palagi ko ngang sinasabi na ang mismong pagpapalabas ng mga dula sa mga tanghalan ay isang payak na imbitasyon sa mga manonood sa isang bagong perspektibo. Hindi ito dula kung wala itong bagong perspektibo na ihahain sa mga manonood. Ang mga dula, kuwento, at alin mang uri ng masining na pagpapahayag, maging ito man ay dayunday performance sa pinakaliblib na pook na maiisip mo, ay mga uri ng imbitasyon sa mga perspektibo na nais nang pakawalan sa daigdig.

Kaya mabigat ang responsibilidad na pinapasan ng isang mandudula (o ng isang manunulat) sa kanyang lipunan at sa kanyang kabihasnan. Ito rin ang responsibilidad na ipinapapasan ng epikong Darangen sa kanyang mga mang-aawit, sa mga alagad ng Sining, sa mga manunulat at kuwentista ng ating bayan, at sa atin mismo: ikuwento natin nang walang patid ang talambuhay ng ating mga ninuno at ng ating mga bayan na may pagpapahalaga sa maratabat ng ating mga mahal sa buhay at sa atin mismong maratabat at sarili, na ang bayan ay ang kuwento at ang kuwento ay ang bayan kaya't hinihikayat tayong huwag isuko hindi lamang ang ating mga bayan kundi ang ating mga kuwento, na ang Kagandahan ay ang kalayaan ng pag-iisip, ng mga salita ngunit kaakibat nito dapat ang pagpapahalaga sa sarili at sa kapakanan ng komunidad at nakararami.

Kaya sa mga oras na dinadalaw ako ng takot sa aking pagsusulat at nitong uri ng agam-agam 'sa mga oras ng di matiyak na misteryo ng Sining' binabalikan ko ang Darangen at ang mga pundasyon kung saan nakatayo ang kanyang mga kuwento: malayang kamalayan at pagpapahayag, kritikal na lipunan, Kagandahan ng Buhay at ang kalayaan.

Ang Darangen ay isang matikas na torogan na nakatayo sa gilid ng daan na aking tinatahak na laging nagpapaalala sa akin na ang mga perspektibo na nagsasabi ng Katotohanan at Kagandahan ay nanatiling may saysay kahit sa loob ng ilang daang taon. Hindi ito papanaw dahil wala namang tutunguhin ang katauhan at kabihasnan kundi papasulong.

Kasing laki ng buhay ang mga perspektibong dala-dala ng Darangen dahil ang mismong epiko ay isa nang perspektibo, isa nang kabihasnan.

***

Sandali -- nais ko lamang liwanagin na hindi ako Moro: ako ay isang Filipino. Lagi ko itong inilalahad sa tuwing may magtatanong sa akin tungkol sa napanood nilang dula. Isa akong Filipino na nangungusap ng Bangsa Moro. Malinaw sa akin ito at hindi ako magbabalat-kayo. Minsan sa ganitong perspektibo nakakakuha ako ng hindi kaaya-ayang reaksiyon - sa Moro man o kapwa Filipino na nasa aking harapan. 'Bakit iba ba ang Moro sa Filipino? Hindi ba sila ang 'Filipino Muslim?''

Mabuti na lamang mahaba ang aking pasensiya sa mga ganitong sitwasyon, dahil maging ako man noong una kong narinig na 'iba ang Moro sa Filipino' sa anibersaryo ng Jabidah Massacre sa Corregidor, Bataan ilang taon na ang nakararaan ay hindi rin naging kumportable. Isa itong perspektibo na inilatag sa aking harapan at nagtulak sa aking lakbayin papaloob ang aking sarili. Nagkaroon din ako ng maraming mga tanong na minsan nga, sa pinakamalalim na bahagi ng aking pagkatao ay kinatatakutan kong malaman ang sagot.

'Iba ang Moro sa Filipino' - napakagandang perspektibo dahil winawasak nito ang lahat-lahat na itinuro sa akin sa paaralan, ang padron ng pag-iisip sa kung paano ko titimbangin at huhusgahan ang aking daigdig, padron na nilikha ng kolektibang kamalayan sa aking lipunan, ng aking kasaysayan. Hindi ito mahirap tanggapin dahil sa bansang ito na pinatatakbo ng hindi maturol-turol na mga multo at kasinungalingan sa aking kasaysayan, mas mabuti nang laging walang tatanggapin kaysa may isang palaging panghahawakang katotohanan.

Binalikan ko ang kasaysayan at binuksan ko aking mga mga tenga sa kuwento ng mga Moro na masasalubong sa daan, makakasama sa opisina, kahuntahan sa mahahabang biyahe sa bus at mga bagong naging kaibigan. May 'Moro' na pala bago nabuo 'Filipino'. May mga kuwento na hanggang ngayon pilit pa ring itinatago sa daigdig dahil sadyang mahirap tanggapin halimbawa ang Tacub Massacre sa Kauswagan, Lanao del Norte. Na puwede ka palang mamuhay sa dikriminasyon at marginalisasyon habang tahimik na nakamata ang daigdig sa iyong sitwasyon tulad ng mga Meranao sa Lanao del Norte. Na nabubuhay pala ako sa isang lipunan na tila national pastime (kasunod ng boksing, pulitika, showbiz) na ng sambayanan ang pumatay ng Muslim. Na maraming perspektibo ang sinusupil at patuloy na pinatatahimik dahil mahirap silang tanggapin.

Marami palang perspektibo na hindi nakarating sa akin. Masyado sigurong malayo ang Maynila sa Mindanao o di kaya'y masyadong matataas ang bakod ng mga unibersidad na aking pinasukan. Ngunit tulad ng responsibilidad na nais na ipataw ng Darangen ikuwento mo ng walang patid ang talambuhay ng iyong mga ninuno at bayan, ang kuwento ay ang bayan at ang bayan ay ang kuwento kaya dalawang silang bibitbitin mo sa gitna ng labanan. Wala kang iiwanang isa.

***

Hindi lang minsan na kung nagugulat ako sa kasalukuyang ginagawa ng mga institusyon ng midya na pag-aari ng mayayamang pamilya, mga principalia, sa salita ni Dante Simbulan, kung paano nila tinuturuan ang taumbayan na kilalanin ang sarili sa punto-de-bista ng Nasyunalismong Filipino. Bayan ni Juan ('Juan' bilang katunog ng 'one' o 'iisa') ang bandera ng isang istasyon ng tv. Mga artista at showbiz personalities ang nagsasalita sa taumbayan kung ano ang kanilang nasyunalismo. Paano si Akbar, Norayda, Saliha sa Bayan ni Juan?

Sa komersiyal na ito na pagbibigay depinisyon sa Nasyunalismo maraming pespektibo ang nailalagay sa gilid. Sila pa rin ang kumikita. Hindi pa rin nabibigyan ng sagot ang ilan sa pinakamahahalagang tanong sa bayan: Sa Nasyunalismong ito na ilang dekada nang niyayakap ng mga Filipino, sino mas nakinabang at patuloy na nakikibang?

Kaya naghahanap ako at sa aking mga akda sa kasalukuyan ng isang perspektibo kung paano ko titimbangin ang Nasyunalismong Filipino. At maari, sa ngayon, siguro mas mabuting tingnan ang Nasyunalismong Filipino sa punto-de-bista ng Bangsa Moro. Marami pa akong dapat na malaman at mahalaga sa kasalukuyan ay nakikita ko ang halaga nito sa aking buhay at aking mga gawain. Isang perspektibo para sa akin ang 'Bangsa Moro.' Para sa akin hindi lang ito pakikipagtunggali ng mga Moro sa isang politikal sa pagsasarili - mahalaga ito sa akin dahil isa itong pakikipagtunggali upang makamit ang kalayaan ng tao. Human freedom. Ang kapayapaan. 'Walang kapayapaan kasi walang kalayaan.' Kaya mahalaga ito sa akin bilang isang Filipino. Kaya mahalaga ito sa akin bilang isang alagad ng Sining. Bilang isang tao na niniwala sa perspektibo at sangkatauhan.