Lahat tayo, sa mga Moro o sa Filipino man, ay naghahanap ng isang lipunan at masang kritikal. Isang lipunan na pinatatakbo ng mga ideya, damdamin, at pananampalataya. Isang lipunan na bukas sa sanlibo't sandaang mga pananaw na kung hindi man umaayon ay nagtutunggalian sa isa't isa. Lahat tayo naghahanap ng papasulong na kabihasnan dahil lahat tayo may perspektibo at walang maliw tayong naniniwala sa sangkatauhan.
May bigat sa akin ang halaga ng mga perspektibo dahil naniniwala ako sa sangkatauhan at mahalaga ang perspektibo sa aking pagsusulat at sa aking Sining. Naniniwala rin ako sa papasulong na kabihasnan at sa isang kritikal na lipunan at masa. Palagi ko ngang sinasabi na ang mismong pagpapalabas ng mga dula sa mga tanghalan ay isang payak na imbitasyon sa mga manonood sa isang bagong perspektibo. Hindi ito dula kung wala itong bagong perspektibo na ihahain sa mga manonood. Ang mga dula, kuwento, at alin mang uri ng masining na pagpapahayag, maging ito man ay dayunday performance sa pinakaliblib na pook na maiisip mo, ay mga uri ng imbitasyon sa mga perspektibo na nais nang pakawalan sa daigdig.
Kaya mabigat ang responsibilidad na pinapasan ng isang mandudula (o ng isang manunulat) sa kanyang lipunan at sa kanyang kabihasnan. Ito rin ang responsibilidad na ipinapapasan ng epikong Darangen sa kanyang mga mang-aawit, sa mga alagad ng Sining, sa mga manunulat at kuwentista ng ating bayan, at sa atin mismo: ikuwento natin nang walang patid ang talambuhay ng ating mga ninuno at ng ating mga bayan na may pagpapahalaga sa maratabat ng ating mga mahal sa buhay at sa atin mismong maratabat at sarili, na ang bayan ay ang kuwento at ang kuwento ay ang bayan kaya't hinihikayat tayong huwag isuko hindi lamang ang ating mga bayan kundi ang ating mga kuwento, na ang Kagandahan ay ang kalayaan ng pag-iisip, ng mga salita ngunit kaakibat nito dapat ang pagpapahalaga sa sarili at sa kapakanan ng komunidad at nakararami.
Kaya sa mga oras na dinadalaw ako ng takot sa aking pagsusulat at nitong uri ng agam-agam 'sa mga oras ng di matiyak na misteryo ng Sining' binabalikan ko ang Darangen at ang mga pundasyon kung saan nakatayo ang kanyang mga kuwento: malayang kamalayan at pagpapahayag, kritikal na lipunan, Kagandahan ng Buhay at ang kalayaan.
Ang Darangen ay isang matikas na torogan na nakatayo sa gilid ng daan na aking tinatahak na laging nagpapaalala sa akin na ang mga perspektibo na nagsasabi ng Katotohanan at Kagandahan ay nanatiling may saysay kahit sa loob ng ilang daang taon. Hindi ito papanaw dahil wala namang tutunguhin ang katauhan at kabihasnan kundi papasulong.
Kasing laki ng buhay ang mga perspektibong dala-dala ng Darangen dahil ang mismong epiko ay isa nang perspektibo, isa nang kabihasnan.
***
Sandali -- nais ko lamang liwanagin na hindi ako Moro: ako ay isang Filipino. Lagi ko itong inilalahad sa tuwing may magtatanong sa akin tungkol sa napanood nilang dula. Isa akong Filipino na nangungusap ng Bangsa Moro. Malinaw sa akin ito at hindi ako magbabalat-kayo. Minsan sa ganitong perspektibo nakakakuha ako ng hindi kaaya-ayang reaksiyon - sa Moro man o kapwa Filipino na nasa aking harapan. 'Bakit iba ba ang Moro sa Filipino? Hindi ba sila ang 'Filipino Muslim?''
Mabuti na lamang mahaba ang aking pasensiya sa mga ganitong sitwasyon, dahil maging ako man noong una kong narinig na 'iba ang Moro sa Filipino' sa anibersaryo ng Jabidah Massacre sa Corregidor, Bataan ilang taon na ang nakararaan ay hindi rin naging kumportable. Isa itong perspektibo na inilatag sa aking harapan at nagtulak sa aking lakbayin papaloob ang aking sarili. Nagkaroon din ako ng maraming mga tanong na minsan nga, sa pinakamalalim na bahagi ng aking pagkatao ay kinatatakutan kong malaman ang sagot.
'Iba ang Moro sa Filipino' - napakagandang perspektibo dahil winawasak nito ang lahat-lahat na itinuro sa akin sa paaralan, ang padron ng pag-iisip sa kung paano ko titimbangin at huhusgahan ang aking daigdig, padron na nilikha ng kolektibang kamalayan sa aking lipunan, ng aking kasaysayan. Hindi ito mahirap tanggapin dahil sa bansang ito na pinatatakbo ng hindi maturol-turol na mga multo at kasinungalingan sa aking kasaysayan, mas mabuti nang laging walang tatanggapin kaysa may isang palaging panghahawakang katotohanan.
Binalikan ko ang kasaysayan at binuksan ko aking mga mga tenga sa kuwento ng mga Moro na masasalubong sa daan, makakasama sa opisina, kahuntahan sa mahahabang biyahe sa bus at mga bagong naging kaibigan. May 'Moro' na pala bago nabuo 'Filipino'. May mga kuwento na hanggang ngayon pilit pa ring itinatago sa daigdig dahil sadyang mahirap tanggapin halimbawa ang Tacub Massacre sa Kauswagan, Lanao del Norte. Na puwede ka palang mamuhay sa dikriminasyon at marginalisasyon habang tahimik na nakamata ang daigdig sa iyong sitwasyon tulad ng mga Meranao sa Lanao del Norte. Na nabubuhay pala ako sa isang lipunan na tila national pastime (kasunod ng boksing, pulitika, showbiz) na ng sambayanan ang pumatay ng Muslim. Na maraming perspektibo ang sinusupil at patuloy na pinatatahimik dahil mahirap silang tanggapin.
Marami palang perspektibo na hindi nakarating sa akin. Masyado sigurong malayo ang Maynila sa Mindanao o di kaya'y masyadong matataas ang bakod ng mga unibersidad na aking pinasukan. Ngunit tulad ng responsibilidad na nais na ipataw ng Darangen ikuwento mo ng walang patid ang talambuhay ng iyong mga ninuno at bayan, ang kuwento ay ang bayan at ang bayan ay ang kuwento kaya dalawang silang bibitbitin mo sa gitna ng labanan. Wala kang iiwanang isa.
***
Hindi lang minsan na kung nagugulat ako sa kasalukuyang ginagawa ng mga institusyon ng midya na pag-aari ng mayayamang pamilya, mga principalia, sa salita ni Dante Simbulan, kung paano nila tinuturuan ang taumbayan na kilalanin ang sarili sa punto-de-bista ng Nasyunalismong Filipino. Bayan ni Juan ('Juan' bilang katunog ng 'one' o 'iisa') ang bandera ng isang istasyon ng tv. Mga artista at showbiz personalities ang nagsasalita sa taumbayan kung ano ang kanilang nasyunalismo. Paano si Akbar, Norayda, Saliha sa Bayan ni Juan?
Sa komersiyal na ito na pagbibigay depinisyon sa Nasyunalismo maraming pespektibo ang nailalagay sa gilid. Sila pa rin ang kumikita. Hindi pa rin nabibigyan ng sagot ang ilan sa pinakamahahalagang tanong sa bayan: Sa Nasyunalismong ito na ilang dekada nang niyayakap ng mga Filipino, sino mas nakinabang at patuloy na nakikibang?
Kaya naghahanap ako at sa aking mga akda sa kasalukuyan ng isang perspektibo kung paano ko titimbangin ang Nasyunalismong Filipino. At maari, sa ngayon, siguro mas mabuting tingnan ang Nasyunalismong Filipino sa punto-de-bista ng Bangsa Moro. Marami pa akong dapat na malaman at mahalaga sa kasalukuyan ay nakikita ko ang halaga nito sa aking buhay at aking mga gawain. Isang perspektibo para sa akin ang 'Bangsa Moro.' Para sa akin hindi lang ito pakikipagtunggali ng mga Moro sa isang politikal sa pagsasarili - mahalaga ito sa akin dahil isa itong pakikipagtunggali upang makamit ang kalayaan ng tao. Human freedom. Ang kapayapaan. 'Walang kapayapaan kasi walang kalayaan.' Kaya mahalaga ito sa akin bilang isang Filipino. Kaya mahalaga ito sa akin bilang isang alagad ng Sining. Bilang isang tao na niniwala sa perspektibo at sangkatauhan.
My goodness! Filipino ka nga...nosebleed ako dito...LOL
ReplyDelete