Saturday, July 21, 2012

Colon: Isang Nobela


MATAGAL AKONG NAWALA sa blog na ito. Sa halos tatlong taon na pagkawala, para sa lahat ng nagtatanong kung ano na nga ba ang nangyari sa akin sa panahon na ito, nais kong ibahagi na nakasulat ako ng isang nobela. Itinuturing ko na ang Colon ang 'ikalawa' kong nobela (ang 'unang' nobela ay tinatapos ko hanggang sa ngayon, ang Urbanidad, na sinimulan kong isulat sa Maynila noong 2007 at nailathala na ang bersiyon na maikling kuwento sa Journal ng Cultural Center of the Philippines noong 2005.)

Nitong Mayo lang nakatanggap ako ng paanyaya mula sa nobelista at makata na si Edgar Calabia Samar ng Ateneo de Manila University na ilathala sa Tapat Journal ang Colon sa darating na Disyembre. Lubos kong ikinatuwa ang balita mula sa kaibigang manunulat dahil marami-rami na rin ang nagtatanong sa akin kung kailan ba nila mababasa nang buo ang nobela.

At dahil Ramadan ngayon at naka-on ang 'generous mode' nais kong ibahagi ang isang kabanata ng Colon. 'Pagsilip' lamang ito sa buong nobela at inaasahan ko na babasahin mo pa rin ang buong aklat paglabas nito sa Disyembre.

Sa bahaging ito ng nobela isinasalaysay ni Blesilda ang huntahan nila ni Lolo Cali (na isang matandang Meranao at dating guro) habang nagsasaya ang buong siyudad ng Cebu sa Sinulog Festival. Sa bahaging ito ng nobela nabanggit ni Blesilda sa matanda na 'hinahabol' siya ng mga Ilaga na siya namang ikinatawa ng matanda dahil ang Ilaga ay isa na lamang alaala sa kanya at bahagi ng kanyang kabataan, isang kasaysayan. Ang kuwento ng matanda tungkol sa kanyang karanasan ay mahalagang bahagi ng paghahanap ni Blesilda sa mga kasagutan sa kamatayan ng matalik niyang kaibigan at sa paghahanap niya sa sarili niyang pagkatao.

Basa lang mga kaibigan.




KABANATA 10 (excerpt)

Madilim na ang langit nang makarating na kami sa tapat ng inuupahan kong kuwarto. Unti-unti nang nalalagas ang mga tao sa Colon. Naririnig pa rin sa malayo ang ingay ng mga tambol at silbato. Ganoon din ang mga palakpak at hiyawan ng mga tao. Nang dumating kami ni Aldo sa harap ng paupahan naroroon pa rin ang matanda at nakaupo sa tapat ng kanyang mga paninda; tumitingkad sa ilalim ng liwanag ng dilaw na bumbilya ang puti niyang kopiya. Taimtim na nagbabasa ang matanda at may suot na itong makapal na salamin.

Assalamu alaykum,” ang nakangiting bati ni Aldo sa matanda.

Wa alaykum sala’am,” ang sagot ng matanda. “Islam ka?”

“Ay! Hindi. Filipino.”

Ngumiti lang ang matanda at nagpatuloy sa pagbabasa.

Nagpaalam ako kay Aldo at nagdesisyon kaming magkita sa ikatlong araw para kausapin ang propesor sa San Carlos. Walang pasok ang mga paaralan at establishemento kinabukasan na palaging idinedeklara ng Cebu City bilang araw ng pahinga pagkatapos ng Sinulog.

“Lady, lumapit ka nga rito sa tabi ko,” ang tawag sa akin ng matanda. “Dito sa tabi ko…”

Naupo ako sa tabi ng matanda. Napansin ko na nagbabasa siya ng nobela. A Passage to India ni E.M. Forster.

“Ano nga ba ang pangalan mo, Lady?” Kapansin-pansin ang kakaibang punto sa pagsasalita ng matanda.

“Blesilda Canugan po,” ang sagot ko. Natutuwa ako sa eksena. Hindi ako nagkaroon ng lolo o lola sa aking buhay kaya isang pambihirang karanasan ang makatabi ko at makipag-usap sa isang matanda. Naisip ko tuloy kung ano kaya ang hitsura ng mga tunay kong lolo at lola, na mga magulang ng mga tunay kong mga magulang.

“Kanina tinanong mo ako kung alam ko ba ang Ilaga di ba?”

“Opo. May hinahanap ho kasi ako—at nu’ng kasama ko na naghatid sa akin dito—mga Ilaga.”

Natawa ang matanda. Malakas na tawa na sinundan ng mga mararahas na pag-ubo. Hinaplos ko ang likod niya. Iyon ang unang pagkakataon na hinawakan at hinaplos ko ang likod ng isang tao na hindi ko man lang kilala at ninanais kong gumaling siya sa karamdaman. Minsan kailangan mong magtiwala sa sarili mong mga kilos, ito marahil ang kapangyarihan ng mga ina sa kanilang mga anak na may karamdaman, naniniwala sila na kaya nilang pagalingin ang karamdaman ng anak sa pamamagitan ng mga haplos. Naniniwala sila na kayang patulugin ang nag-aalburutong bata sa pamamagitan ng mga mahihinang pagtapik sa hita. Nang magtigil ang pag-ubo ng matanda nagpatuloy ito sa pagsasalita.

“Alam mo, Blesilda, teacher ako noon sa amin. I was a high school English teacher. Sa amin, sa Wao. Hindi mo alam ang lugar na iyon basta malayo…hindi mo alam dahil sa tingin ko sa iyo isa kang Tagalog na hindi nakalabas ng Maynila. Ganyan ang mga Tagalog, Blesilda, du’n sa Maynila. Hindi sila lumalabas ng Maynila pero kaya nilang patakbuhin ang buong Pilipinas.”

Nagsasalita ang matanda na para bang wala siyang kausap. Ni hindi siya tumitingin sa akin. Sa wari ko’y matagal na niyang pinaghandaan ang kanyang mga sasabihin naghihintay lang siya ng saktong tao at pagkakataon na ilalahad niya ang mga kinikimkim na mga salita. Natutuwa pa rin ako sa kanya.

“Umalis ako sa amin sa Marawi dahil ipinagkasundo ako ng mga magulang ko sa isang pangit na babae sa Malabang. Ayaw ko talaga sa babae. Dahil matigas ang ulo ko at siyempre pinag-aral ‘ata ito sa UP tumakas ako at tumira sa tiya ko sa Wao. Teka, alam mo ba ang UP?”

Oo, naman, ang sagot ko sa matanda. University of the Philippines. Naisip ko na hindi basta-bastang tindero ang matandang ito.

“Iskolar ako noon sa UP, 1959. I am one of those first Moro students that were given a scholarship under the National Integration Commission,” may pagmamalaking deklarasyon ng matanda. “Gusto kasi ng gubyerno ninyo na tuluyan nang maging bahagi ng Pilipinas kaming mga Moro. Of course I applied—I want to be brainwashed by the Filipino Christian government,” at napangiti ang matanda at kumindat pa sa akin.

Sana nagkaroon ako ng mga lolo at lola na magkukuwento sa akin ng mga pangyayari noong unang panahon.

“Matagal akong nagturo sa Wao. Halo-halo ang mga estudiyante ko. Meranao at mga Christian. Mayroon akong isang paboritong estudiyante. Meranao. Alam mo kaming mga teacher mayroon din kaming mga paboritong estudiyante hindi lang namin inaamin. Akbar ang pangalan niya—anak ng magsasaka at unang anak na lalaki ng kanyang ama. Taga-Wao. Matalino si Akbar, aba’y magaling mag-English, marunong sumagot sa klase—articulate, masipag sa mga assignment, at hindi nala-late sa klase ko,” ginawa ulit ng matanda na isa-isa niyang itinataas ang mga daliri niya sa paglalahad ng mga ‘kagalingan’ ng kanyang paboritong estudiyante.

Nagpatuloy ang matanda at inilapag na niya ang aklat ni Forster sa lupa. Paalis na ang laksang tao sa Colon at tila patungo silang lahat sa Abellana Sports Complex para sa fire works display. Unti-uni na ring dumaraan ang mga sasakyan dahil binuksan na sa trapiko ang bahaging ito ng Colon. Dalawang tartanilla na ang nakita kong dumaan.

“Minsan pinatatawag ko sa bahay si Akbar; doon siya nagme-merienda sa amin sa bahay ng tiya ko. Pinapahiram ko rin siya ng books ko na galing pa sa Maynila, mga luma at gamit nang mga libro na nabibili ko noon sa isang Intsik diyan sa Binondo—Forster, Dickens, Tolstoy, name it marami akong books. Nakahiligan ni Akbar noon ang Heart of Darkness ni Conrad. Sa mga pagdalaw ni Akbar sa bahay napansin ng tiya ko at napansin ko rin na hindi nagsa-sambahayang si Akbar.”

Ipinaliwanag niya sa akin na kinakailangang magdasal limang beses sa isang araw ang isang Muslim; kailangan itinitindig niya ang sambayahang araw-araw, walang palya.

“Kaya isang araw, kinausap ko si Akbar, nag-usap kami sa salita naming Muslim, Meranao: ‘Ikaw, Akbar, puwede kang mag-aral sa Maynila kasama ng mga Filipino. Matalino at madali kang matutong mag-English. Kaya kitang bigyan ng rekomendasyon sa UP. Pero gusto kong makita na itinitindig mo ang sambahayang araw-araw.’ Hindi sumagot si Akbar. Sabi ko kanya, ‘Ilagay mo sa tamang lugar ang maratabat, Akbar—sa loob ng masjid.’ Nagpasalamat sa akin si Akbar at nangakong magtutungo sa masjid para hintayin ang susunod na sambayahang.”

Sa bahaging ito panandaliang natahimik ang matanda. Malalim ang kanyang iniisip na parang hinuhugot niya pa sa pinakamalalim na bahagi ng kanyang alaala ang mga susunod na mga salita. Doon ko naunawaan na minsan tumatakas sa pagdadalamhati ang mga salita, gaano mo man pinahahalagahan ang mga salitang ito, mga salitang siya ring naghahatid sa iyo pabalik ng mga alaala. Maraming pamamaraan ang pagdadalamhati na bawiin sa atin ang mga bagay na matagal na nating itinuturing na ating pag-aari.


“Pinasabog ng granada ang masjid habang naroroon sa loob si Akbar kasama ng mga Muslim na nagdarasal. Marami silang namatay—pinatay— sa loob ng masjid. Sayang si Akbar, Blesilda. Naghihintay pa naman ang UP sa kanya. Naaalala ko ang araw na iyon, that was July.”

Binibilang ko ang dumaraang tartanilla sa aming harapan. Manipis na ang ingay, hiyawan at mabibilis na musika mula sa malayong Abellana Sports Complex. Nakapako ang tingin ng matanda sa lupa at ibinaling ko ang aking mga mata sa langit na gumuguhit ang sarikulay na mga paputok at kuwitis. Kay ganda ng langit ng Cebu.

“Matapos iyon sinunog ang mga bahay—sa katahimikan ng madaling-araw kung sumusugod sila. Nagdesisyong ang tiyahin ko na umalis na lang ng Wao at sinabi niya na tumakas na lang kami pabalik ng Marawi. Dali-dali kaming umalis ng bahay at ipinaiwan ng tiyahin ko ang mga libro ko na galing sa Maynila. Tumanggi ako noon na ipawian ang mga libro ko at nais ko sanang dalhin ito pabalik sa Marawi. Tumanggi ang tiya ko, hindi raw puwedeng maraming dala sa pagbiyahe. Nakarating na lang sa amin sa Marawi na sinunog din nila ang bahay ng tiyahin ko, kasama ng mga libro ko na binabasa namin ni Akbar. Makalipas ang isang buwan, hindi pa rin natapos, marami na naman silang pinatay na Muslim sa Wao. Hindi na tayo babalik ng Wao, ang sabi sa akin tiyahin ko, at sundin mo na ang napagkasunduan sa karangaya—sa ikabubuti rin ng iyong mga angkan bago nila maubos tayong lahat.”

Gumuhit sa langit ang isang mahabang dilaw na kuwitis. Nang sumabog ito sa langit libo-libong maliliit na ilaw—bughaw, dilaw, at asul ang nagkulay sa nakababagot na dilim sa himpapawid. Sinigurado kong may sapat na layo sa pagitan naming dalawa ng matanda. Naisip ko nais niyang mapanatili ang pagitang iyon; ninanais ko sanang ipatong ang isang kamay ko sa balikat niya o yakapin siya kahit hindi pa ako nakayayakap ng isang taong hindi ko naman kilala. Pero kailangan mapanatili ang espasyong iyon sa pagitan naming dalawa. Sa palagay ko, iyon na lang kasi ang nalalabi pa sa kanya.

“Tinanong mo ako kanina kung kilala ko ang mga Ilaga. Kilala ko sila, sa haba ng buhay na inilagi ko sa mundo, kilalang-kilala ko sila…mga Filipino sila.”

No comments:

Post a Comment