Saturday, November 7, 2009

Varsitarian, Nostalgia at Publikasyon

ISA NA SIGURO sa pinaka-highlight ng nagdaan kong linggo ang karanasan sa isang estranghero mula sa the Varsitarian. Estranghero dahil hindi ko naman siya kilala at malamang na hindi niya rin ako kilala. Nais ko lang sanang magtanong kung sa paanong paraan ako magkapagpapasa ng kuwento para sa publikasyon na may makukuha akong sagot na email. Nagpasa na kasi ako noong isang taon ngunit ni wala akong nakuhang tugon.

Ibinigay ng estranghero ang email address (at mababasa mo sa nga sagot niya sa email na wala siyang gana sa buhay) na siyang email address na pinagpasahan ko noon. Maayos akong nagtanong kung matatanggap kaya ang aking email sa address na iyon. Mukhang lalo siyang nagalit sa dati nang galit at iritableng pakikipag-ugnayan ko. Sinubukan ko siyang tawagan ng long distance para mas maayos ko siyang makausap. Hindi niya sinasagot ang aking tawag. Inisip ko na lang, naku baka bad mood itong taong ito.

Nagtataka tuloy ako at ang aking mga ka-opisina sa paraan ng pagsagot niya sa mga text ko. Ipinababasa ko kasi sa mga ka-opisina ko ang mga text niya. Ang weird. Sabi ko na lang siguro akala niya estudiyante pa rin ako. Ang sabi naman ng isa kong ka-opisina kahit estudiyante ka dapat i-trato ka niya ng maayos dahil maayos kang nakikiusap sa kanya. Siguro malas lang talaga ako at bad trip siya noong mga oras na iyon.

Nakakatuwang isipin na may mga taong 'bitch' sa hindi nila kilala lalo na sa mga estrangherong maayos namang lumalapit sa kanila. Pamilyar ako sa kulturang 'don't talk to strangers' ng mga bansa sa Kanluran ngunit hindi ako pamilyar sa ganitong kalakaran ng pagbuo ng rela-relasyon sa aking lipunan. Hindi ito ugaling Filipino. Maging ang mga nakadaupang-palad ko na mga Talaandig na mga alagad ng Sining (sila'y mga pintor, musikero, at gumagawa sila ng mga istrumentong pangmusika) sa malayong Bukidnon ay marunong makisama sa mga estrangherong minsang nadaan sa kanilang komunidad.

Malas talaga.

Nais ko sana ng isang 'repeat' sa isang magandang karanasan ko noon noong nasa Santo Tomas pa ako at nagsusulat. Ang ending: biktima tuloy ako ang sarili kong nostalgia.

Hindi ka Tomasino kung hindi mo alam ang The Varsitarian o hindi mo man lamang nahawakan ang mga pahina nito noong nag-aaral ka pa sa Santo Tomas

Naghahanap ako ng paraan na mailathala ang aking mga bagong kuwento. Dahil wala naman akong kilala rito sa Cebu City kaya minarapat ko maghanap sa Maynila na maari kong ipalathala ang aking mga akda. Dumating sa Cebu City ang isang kaibigan na dating nakasama sa The Flame sa UST. Nagkaroon kami ng mahabang huntahan tungkol sa nakaraan namin sa Santo Tomas at ang pagsusulat sa loob ng Unibersidad noon. Hindi palagi na may nadadalaw sa akin dito sa Cebu na kilala ko sa Maynila. Sa pakikipag-usap ko sa kanya binalikan kong muli ang magagandang alaala ko sa Santo Tomas, sa the Flame at sa Varsitarian na noo'y labis ang pagsuporta sa mga manunulat sa loob ng Unibersidad.

Ngayon ko lang naisip na mali pala minsan ang maging nostalgic sa mga bagay-bagay. Puwede kang maging biktima ng sarili mong nostalgia. Dahil ang lahat ay nagbabago. Isa palang malaking pagkakamali ang balikan ang Varsitarian at mag-akalang ang mga tao roon sa ngayon ay katulad pa rin ng mga nakilala ko noon na sobrang malaki ang suporta sa akin, sa aming mga manunulat sa Unibersidad (at lalo na noon ang mga editor nila na may 'espesyal' na 'pagtrato' at 'pagkalinga' sa mga nagsusulat sa Filipino dahil mas nalalathala noon at nabibigyan ng pansin sa Unibersidad ang mga nagsusulat sa Ingles na nakikita ito marahil ng mga patnugot noon ng the Varsitarian - kaya malaki ang respeto ko sa kanila.)

Isa sa pinakamasayang bahagi sa buhay ng isang manunulat ay iyong makita mong nakalathala ang iyong likha at nababasa nang mas maraming tao. Mas nababasa ng mas nakararaming Tomasino ang the Varsitarian kaysa sa the Flame at ilang pang-kolehiyong lathalain.

Naalala ko ang Varsitarian sa aking kabataan. Naalala ko noong unang nalathala ang aking kuwento sa isang publikasyon na mas mababasa nang mas nakararaming mambabasa. Isa itong napakasayang karanasan. Nalalathala na noon ang ilang sa aking mga kuwento sa The Flame (dahil patnugot ako ng seksiyon sa Filipino) nang ilathala nila ang aking kuwento. Ngunit iba pa rin noon ang malathala ka sa the Varsitarian. Isa kasi itong institusyon, isa ito (o ito na siguro) ang pinakamatandang publikasyong pang-mag-aaral sa Pilipinas at halos lahat ng mga kilalang dyarista at manunulat sa bansang ito ay nailathala ang kanilang mga pangalan sa mga dahon ng the Varsitarian. Alam ko ito dahil sa mga oras noon na kailangan kong patayin ang paghihintay sa susunod kong klase sa Political Science (minsan ang klase ko alas-9 ng umaga at ang susunod ay alas- 7 na ng gabi) naglalagi ako sa Filipiniana section ng Main Library at binabalikan ko ang mga lumang isyu ng the Varsitarian: 'andun silang lahat: Jose Villa Panganiban, F. Sionil Jose, Cristina Pantoja-Hidalgo, J. Neil Garcia, V. E Carmelo Nadera at hindi matatapos ang listahan.

Pinangarap ko noon na malathala ang kahit man lang ang isa sa aking mga kuwento sa pahagayang ito. Bibit ang hardcopy, diskette, pangarap at ilang agam-agam ipinasa ko sa patnugot noon ng Filipino Section ang aking akda. Hindi ko kilala noon ang patnugot sa Filipino dahil mula siya ibang kolehiyo (Engineering 'ata.) Mayo iyon at bakasyon ng klase. Kaibigan ko noon ang kasalukuyang mga patnugot ng pahayagan dahil kilala ko sila sa mga activity ng Student Council sa Faculty of Arts and Letters. May bago akong kuwento noon. Maari ko namang ipalathala ang kuwento sa the Flame dahil papasok ako noong patnugot sa darating na Hunyo. Sabi ko noon, heto na heto na ang short story kong pang-Varsitarian.

Mula nang iabot ko ang aking akda sa isang patnugot halos buwan-buwan ko nang dinadalaw ang opisina ng the Varsitarian sa Main Building. Hindi ako nagkaroon ng pagkakataon na makausap ang patnugot noon sa Filipino dahil noong una siyang ipinakilala sa akin ng isang kaibigan na patnugot sa the Varsitarian biniro ako na 'O, bakit naba-blush ka?' Iniwasan ko na siya mula noon.
Naalala ko na mabigat noon ang kanilang pinto at lumalangitngit kapag binubuksan. Pagpasok mo sa kanilang opisina sasalubong sa iyo ang lamig mula sa aircon, sa pader kung saang hanggang doon lamang ang mga bisita ay mayroong isang salamin na halos maari ka nang lamunin pati ang iyong kaluluwa sa laki nito at lawak na sakop ang isang pader, sasalubong sa iyo ang mga ngiti at pagbati (minsan mapanuring mga tingin), may mga aligagang staff writer, at minsan naabutan ko pa ang isang bagong gising na pupungas-pungas pa. Tila bukas noon ang kanilang opisina 24 na oras sa pitong adlaw. Kahit alas-3 ng madaling araw may pa tao sa kanilang opisina. Tawagin mo nang lobbying ang presensiya ko sa opisina nila noon wala akong pakialam. Alam ko noon ang aking nais: ang aking kuwento sa pahina ng the Varsitarian. Nakikibalita ako noon kung lalabas na ba ang aking kuwento o hindi ba ito nakapasa sa patnugot ng seksiyon kaya't itinapon na lamang ito sa basurahan.

Doon ko rin nakilala, sa mga pagdalaw na iyon at pakikibalita kung mailalathala ba ang aking kuwento, ang ilan sa mga naging kaibigan ko na ngayong dating mga manunulat sa The Varsitarian. Masyadong mahaba ang kuwento mo, Braga, ang sabi sa akin ng isang kaibigang patnugot sa loob na lubha kong ikinalungkot, limitado lang mga pahina ng diyaryo para sa Filipino section pero o s'ya pray lang ha?

Makalipas ang ilang buwan hayun nagbunga aking mga dasal at pagdalaw-dalaw sa kanilang opisina, nailathala ang aking kuwento. Gaano man ka-limitado ang espasyo para sa Filipino nagawan nila ng paraan. Oktubre na yata ito nang mailathala. Ito na siguro ang isa sa pinakasamayang bahagi ng aking buhay sa aking kabataan dahil ito ang unang pagkakataon na nailathala ang aking kuwento sa isang pahayagan na mababasa nang mas nakakarami, nang mas nakakaraming Tomasino.

Tuwang-tuwa kami noon ng mga kaibigan at kaklase ko sa PolSci dahil naroon, hayun, nakatambad ang aking pangalan sa isang pahayagan na mas matanda pa sa aming mga magulang. At kahit hindi raw ako Literature at Journalism major nalalathala ang aking kuwento sa 'the V' (mayroon kasi akong kaibigan noon sa PolSci na taga-hanga ng makatang si Carlomar Daoana at lagi niyang kinukulit ang makata na gumawa ng tula para sa kanya). At naroon ang aking kuwento, andun kami ng mga kaklase sa Humanities Section ng Main Library at inilatag ang the Varsitarian sa malapad na parihabang mesa ng aklatan. 'Andun ang walang katapusang congratulations, kilig at hagikgikan na mababasa kaya ng crush namin na mga Philo majors ang kuwento at naalala kong nagtabi pa ng ilang sipi ng diyaryo ang aking kaibigan.

Naroon siya: Ang Bapor Tabo, ang kuwento na isinulat ko kung ano nga ba ang damdamin ng isang bata sa kauna-unahang pagkakataon na mauunawaan niya ang kahirapan ng buhay sa iskwater at kawalan ang hustisyang panlipunan. Na kung paano namatay ang kaibigan niyang tumanda na sa kahirapan ganoon din ang kasasapitan niya sa kanyang katandaan. Tanda-tanda ko na halos isa at kalahating pahina ang aking kuwento. Binabaybay ng mga daliri namin ng mga kaibigan ko sa PolSci ang bawat pangungusap habang binabasa nang malakas sa loon ng aklatan. Paborito naming magbasa at mag-aral sa bahaging ito ng aklatan dahil dito lang mataas ang kisame at ang kabuoan ng silid ay pinaliliguan ng sarikulay na liwanag, liwanag na mula sa labas na sinasala naman ng mga makukulay at dinesenyunhang salaming bintana sa pader na nagkakabit sa kisame. Ilang beses kong binasa aking kuwento bago matulog. Wala silang pinutol, walang idinagdag. Buong-buo kung paano ko ito ipinasa sa kanila. Doon ko rin unang naramdaman itong tuwa ng isang manunulat na malathala na alam mong mas marami ang makababasa ng iyong akda.

Kumpleto na ang buhay ko bilang isang manunulat dahil noong aking kabataan may akda akong nalathala sa the Varsitarian. Hanggang ngayon struggle sa mga katulad kong nagsusulat sa sariling wika ang mailathala, minsan nasusungitan ka pa at hindi makatatanggap ng maayos na pagtrato.

Kahit hindi naging maayos ang naging karanasahan ko sa Varsitarian sa kasalukuyan lilingunin ko pa rin nang may paggalang ang institusyon, ang mga tao noon (nasaan na kaya sila?) na hindi ko kalilimutang sumuporta sa akin at kailanman hindi nagbitiw ng mga salitang wawasak sa aking pangarap bilang isang batang manunulat sa Santo Tomas.
At ngayon binabalikan ko ang karanasan sa isang estranghero sa Varsitarian noong isang linggo, nais kong tingnan ito sa isang positibong perspektibo: kahit ngayon pala, nais pa rin akong suportahan ng isang institusyon na minsang nagpaligaya sa aking kabataan bilang manunulat. Parang pinangaralan ako ng the Varsitarian, na tapos na ang panahon mo sa amin, nagpasalamat na tayo sa isa't isa para sa kagandahan ng Panitikan. At doon na iyon natapos at huwag nang balikan. Wala ka nang ibang patutunguhan kundi ang papasulong at huwag ka nang babalik dahil sadyang malawak ang daigdig para sa iyong pananakop.

Hindi naman pala mahirap ang magsabi ng isang kay gandang pasasalamat. Alhamdullilah.

2 comments:

  1. http://www.facebook.com/album.php?profile=1&id=100000297071816#!/photo.php?pid=159267&id=100000297071816

    :) submissions po pwede

    ReplyDelete
  2. maraming salamat. pero kung maaari iiwasan ko na ang inyong publikasyon dahil nangha-harass kayo ng mga tao. salamat at goodluck =)

    ReplyDelete