Tuesday, January 28, 2014

Gratitude


NITONG MGA NAGDAANG araw, o sabihin na nating nitong mga nagdaang buwan, nagkaroon ako ng hindi magandang relasyon sa taong nanghingi ng napakaraming tulong sa akin. Nakalulungkot isipin na nagtiwala rin ako sa tao at binuksan ko ang aking sarili sa kanya. At tumulong sa abot ng aking makakaya. Pero isa palang tao na may masamang budhi ang aking pinagkatiwalaan, mapanghusga, manipulative at scheming, at higit sa lahat, sanay sa gawi ng lansangan - ang brutal na transaksiyon ng 'blackmailing' sa lahat ng relasyon upang makuha ang nais nila sa iyo, masaid hanggang sa walang matira, at itatapon ka kung basyo nang natira.

Nakalulungkot isipin na sanay ang tao na ito sa ganoong gawain - at mas lalong nakalulungkot isipin na matagal kong ininda ang ugali ng tao na ito upang matapos lang ang ipinangako sa kanya. Ito ang una na nagkaroon ako ng ganitong karanasan. Public shaming at ibubulgar daw ako sa mga kasama niya at sa madla kung hindi ko siya titigilan. Homophobia, bigotry. Nangyari bigla ang pagsasakatuparan ng modus nang makukuha na niya ang lahat ng gusto niya sa akin. Hulyo iyon, 2013. 

Ito rin ang unang karanasan ko na magkaroon ng kritisismo bilang manunulat mula sa isang Muslim. Kritisismo na walang kinalaman sa aking pagsusulat kundi sa personal kong pagkatao dahil nagkaraoon siya ng akses sa akin. Ayon sa kanya hindi raw ako Muslim (at siya raw ang totoo) at dubious ang mga intensiyon ng aking mga sinusulat at perspektibo. At muli, ang blackmail: ibubulgar niya raw ako sa madla at ang saliwa kong mga gawain na nagtatago sa likod ng aking mga sinusulat. Homophobia, bigotry.

Sanay na talaga ang tao na ito sa kahihiyan bilang mabisang salapi sa isang uri ng transaksiyon (o laro) na improkrisiya ang batas. Taong-lansangan. Ugaling lansangan. Nakakatakot ang taong ito lalo na kung magkaroon siya ng mga taong maniniwala sa kanya at sa kanyang mga transaksiyon. Ngunit isa lang ang natutunan ko: na ang tao palang maraming inililihim na baho sa buhay nila, sa takot nila na maibulgar ito sa madla, sa iba nila ipinapasa at ito rin ang ginagamit nilang putik upang ipangsaboy sa iba. Ang kasinungalingan pagtatakpan pa ng isang kasinungalingan. Lahat tayo, maging ako, ay guilty sa ganito. Pero ibang usapin kung ito na ang naging pagkatao mo, ito na ang naging batayan mo kung paano mo susukatin ang sarili mo at ang relasyon mo sa iba. Ito na ng istatus mo sa buhay.

Nagpapasalamat ako na naging totoo (kahit na papaano) ang pakikitungo ko sa mga taong nakasasalamuha ko araw-araw. Ni minsan hindi ako nanghusga sa kapwa ko Muslim at tapunan sila na 'hindi ka Islam' o gamitin ang relihiyon, ang sekswalidad, ang mga personal na pagkukulang at kamalian upang isakdal ang tao sa madla. At may respeto ako sa bukas-loob na pagbabahagi sa akin ng ibang tao ng kanilang buhay, ng kanilang saloobin at personal na suliranin at hindi ko ginagamit ang mga ito upang mang-blackmail sa bandang huli. Lalo na kung nakuha mo ang detalye na ito sa personal na interaksiyon, sa pagtitiwala. Hindi ganyan ang buhay at hindi ganyan ang pakikipag-relasyon sa kapwa, sa Muslim man o kung anong relihiyon ang kinabibilangan.

At nagpapasalamat ako na mas kilala ko ang aking Sarili, ang aking pagsusulat, at mga prinsipyo na mga pinanghahawakan ko sa aking buhay higit pa sa inaasahan sa akin ng mga tao. Ang totoo: wala akong inaasahan sa ibang tao dahil hindi ako nabubuhay sa kung ano ang tingin at iniisip sa akin ng ibang tao. Malaya ako at indibidwal. Indibidwal ako at may awtonomiya. Masakit lang sa akin dahil pagtitiwala ang ginamit ng tao na ito upang mapasok ang aking loob, at maging malapit sa akin bilang kaibigan kunwari. Kapatid, kakampi. Masakit dahil minsang kumatok, pinagbuksan mo, pinapasok. Masakit dahil may panghahamak. Hindi lahat ng bisita ay may magandang pakay sa mga pagdalaw. Nakalulungkot isipin na huhubarin ng isang tao ang totoo niyang kulay sa iyong harapan, tao na itinuring mong kaibigan, malapit na kaibigan, sa ganitong pamamaraan. Lahat tayo nasasaktan, lahat nagdaramdam sa pandarambong.

At ibinigay ko sa kanya ang isang bagay na ibinabahagi ko lamang sa aking mga malalapit na kaibigan, minsan sa aking Sarili lamang--ang aking pagsusulat. Dahil ito lamang ang mayroon ako, ito lamang ang simula at hangganan ng aking pagkatao. Masakit dahil may panghahamak. 

Ungrateful. 

Ito ang salita. Callous and cruel -- at heto pa. At matapos ang mga paghusga sa aking pagkatao nakapanghihilakbot malaman na patuloy pa rin pala niyang pinakikinabangan ang lahat ng naitulong ko sa kanya. Hanggang ngayon, walang pakundangan, walang pagtatalong-isip. Nakikinabang sa aking mga naisulat sa harap ng ibang tao habang himahamak ako ng palihim kung nakatalikod na sa madla. At habang pinakikibangan niya patuloy niyang pinatutunayan ang mga paratang niya sa akin. Malupit dahil walang pag-aalinlangan.

Ang totoo: ang lungkot. Ang lungkot dahil kailangan mong tingnan ang katotohanan ng isang tao na minsan mong iginalang, hinangaan at pinakibagayan. Ang lungkot dahil ang lahat ng pinagsamahan ay sinukat, tinimbang, at nilagyan ng halaga sa pangangailangan, sa mga pangarap na kailangan mong manggamit ng kapwa upang makamtan. Malungkot dahil kailangan mong magputol ng relasyon, ng pagkakaibigan. 

Malungkot dahil kailangan mong bawiin ang lahat ng iyong ibinigay, inihandog sa ikapapanatag ng iyong loob sa pagbubuo muli ng sarili, ng mga pananampalataya sa tao, sa kapwa. Nais kong bigyan ang sarili ko ng pagkakataon na maniwala pa na may ningning sa pagbibigay sa kapwa, na may ningning ang pakikipagkapwa-tao sa relasyon, na may hihigit pa sa transaksiyon. Na kailangan kong bawiin ang lahat dahil may ligaya sa pagsasabi ng 'Maraming salamat', ng 'Magsukol, ng 'Daghang Salamat,' ng 'Madakel a salamat' sa biyaya na bigay na handog ng kapwa, na hindi ng pagkakataon at kapalaran lamang.

Darating ang araw at mauupo ako sa harap ng aking pagsusulat at tatanawin ko ang lahat ng ito na walang galit, walang paninisi (sa sarili at iba), walang panghihinayang at maitatakda ko ang aral na makukuha at nakuha sa pakikipagkapwa-tao. Na ang lahat, siguro, marahil, ng ito ay may dahilan. Sa ngayon, nais kong manatiling tao sa harap ng unos na ito. Nais kong panghawakan ang aking mga pinaniniwalaang mga birtud sa Sarili, sa pakikipagkapwa, sa relasyon, at sa pakikipagkaibigan nang sa bandang huli, pagkatapos ng lahat , ng pasakit at sakit, makikilala ko pa rin ang aking Sarili.

Sunday, January 19, 2014

Sunday with the Ladies of Pinay.com

I SPENT SUNDAY afternoon at the Fort Santiago in Intramuros to join these women in their photo op for Pinay.com. Pinay correspondent (photographer and poet) Bopeep Espiritu lead the activity yesterday.We managed to take pictures inside the famous Fort Santiago where Rizal was incarcerated before he was executed in Bagumbayan. After Fort Santiago we went straight to the Cultural Center of the Philippines in Roxas Boulevard to catch a glimpse of the famous Manila Bay sunset.

Pinay.com is looking at finding new images for its website and campaigns. A space for Pinays and 'Pinays-at-heart', this website captures the new images of Pinays in the Philippines and in diaspora.

What is so exciting in Pinay.com recently is its new direction. Since this a 'space for Pinay' the website now takes the challenge of having hijabi Pinays as among its images of women in the Philippines. Pinay.com's Facebook covers (the site has several and you may visit Pinay.com's FB page to check several glamorous FB covers carrying Pinay.com's advocacy of 'shine mentality') will soon have veiled women from Southern Philippines. 

Two (real) Meranao Muslim sisters actually joined the fun yesterday. I am sharing some of the images my camera captured during the event. 

'Father and Son' together. I took this image at the harbor near the Cultural Center of the Philippines while the team was busy with the photo op.

Bopeep leading the model for a pose. I met Bopeep as Virginia Perpetua Espiritu in UST; she was a poet and member of the Thomasian Writers Guild. 

Bopeep with the hijabi sisters

Bopeep at work

Jovy taking a break while waiting for her queue.

Filipino and Meranao Bangsamoro women on break.

Planning for the next pose? Women bonding together for the project.

Okay they have to pose for me, too. 

The famous Manila Bay sunset. An image I took while waiting for the ladies to finish their work.

Wearing a veil (hijab) has raised considerable debates among Westerners if this practice oppresses women. Pinay.com would like to further the discourse by bringing the discussions to Muslim realities in the Philippines. Here Muslim women would like to participate in the debate (Pinay.com will release articles written by women from Mindanao and the Cordilleras soon.)

Yasmira. She is a graduate student at the University of the Philippines in Diliman taking  up Political Science. She writes for Pinay.com and co-moderates Moroism.org, a website for postcolonial and colonial  critical discourses on Moro history, culture, politics, and expressions.

Tuesday, January 14, 2014

Moroism.org

I CREATED AN community online to serve as a 'space' for Filipino and Moro intellectuals, artists, readers and students to discuss and reach out to each other for discourses, pedantry and exchanges on issues and themes of postcoloniality (and coloniality) and the dynamic relationships of Moro-Filipino consciousness, expressions, narratives, and subject-positions and the spaces created by these relationships.

This endeavor  is borne out of seemingly inadequate spaces provided by Facebook and other social media sites for discussions. One limitation of a Facebook 'comment' and 'status' is we tend to express our thoughts in haste - and usually this does not lead us to a careful evaluation of our ideas and perspectives before sharing it to the world. 

Moroism.org is managed by me and my few Moro colleagues and friends in the university and on the ground who are into Moro and Philippine studies. Ideas to be presented to the public will pass through the interventions of editor/s and core members of the group before publication. And the public - Moros and Filipinos alike - can join the discussions on various areas such as but not limited to literature, politics, history, popular culture, Islamic studies by creating an account in the site. 

Kabayaan Ka will remain to be my personal blog (and my personal Facebook account will soon be 'inactive' as I will transfer some of the contents here and in Moroism.org including entries from collaborative effort, a project-in-progress, with photographer-friend Alberto Bainto for Sa Kabila ng Lahat). Of course, I still would like to keep in touch with you who's with me for almost five years now. 

For the first quarter of 2014 Moroism.org announces the 'pitched' topics for discussions. I am sharing the announcement for the readers and frequent visitors of Kabayaan Ka so you, too, can join the discussion and be part of the community. 
Moroism.org  invites the community to join the discussions to further the discourse onMoroism.
For the First Quarter of 2014 Moroism.org is soliciting articles, opinions, papers, and creative works from the community related to the following topics and concepts for discussions on Moroism:
  1. Nur Misuari
  2. Moros in Philippine cinema
  3. Tausug Nationalism
  4. GRP-MILF Framework Agreement on the Bangsamoro
  5. Moros in Filipino Novels in English
  6. Narratology as a discourse
  7. Islam and Nationalism: Bangsamoro Republik
  8. Iranun Bangsamoro
  9. Filipino folk band ASIN and the narratives of Mindanao
  10. Muslim women’s perspectives on arranged marriage
All contributions must follow proper citation of sources. Moroism.org accepts contributions in Filipino, English and in other Moro languages and dialects.
All manuscripts are subjected to editorial interventions and discretion before publication.
You may send your contributions and questions to editor@moroism.org. We encourage our readers to also join the discussions by creating their profile in the Moroismo community.

Koronadal City's AST 9th Theatrical Season



Morolandia by AST of Koronadal, South Cotabato
Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal
 sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte

and

Ang Mga Mananahi





Tagulaylay sa Kamatayan ng iyong Maratabat (2012, DLSU St. Benilde)

Ang awiting "Tagulaylay sa Kamatayan ng Iyong Maratabat" mula sa aking dula So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman. Ang musika ay inilapat ni Bing Veloso at ng Bailan.


Wednesday, December 18, 2013

"Hindi Kita Bati"

“Hindi kita bati.” Sa totoo lang name-miss ko na ang mga salitang ito na ginagamit natin noong mga bata pa tayo, noong hindi pa tayo marunong magtanim ng galit sa nakasakit sa atin. Hindi pa rin kasi tayo marunong noon manggamit ng kapwa at alam natin ang ibig sabihin ng ‘loyalty’ at ‘pakikipagkaibigan’ na hubad sa anumang interpretasyon maliban sa ganito: na hindi kita magiging kaibigan kung sinalbahe mo ako at ang aking mga kaibigan, hindi kita bati.

Hindi ako naniniwala na magiging kaibigan mo ang taong nanalbahe sa iyong kaibigan. Kahit sabihin mo pang ‘mapakikinabangan ko ang taong ito at wala akong kinalaman sa nangyari sa kanila (ng kaibigan ko)’. Dalawang mga salita: ‘pakinabang’ at ‘nangyari’ (sa kanila ng kaibigan ko). Ang taong kayang makipagkaibigan sa taong nanalbahe sa kanyang kaibigan, ang totoo, ay wala talagang kaibigan kundi ang kanyang mapakikinabangan at ang mga nangyayari na may kinalaman lamang (muli) sa pakinabang para sa kanila.

Sabi ni Aristotle, “A friend to all is a friend to none.” Wala talagang kaibigan ang taong palaging nasa pagitan, iyong tao na ang tanging kaibigan ay ang kanyang pangangailangan at pakinabang. Si A friend to all, siya yung ‘bati ko ang lahat’ sa lahat ng okasyon, sa lahat ng pagkakataon. At magtataka ka, siya ‘yung taong walang kaaway dahil wala rin naman siyang naging kaibigan. Manggagamit siya nang manggagamit ng kapwa hanggang sa dumating na wala na siyang magamit at mauuwi siya na gamitin na lamang ang kanyang sarili para sa pakinabang, para sa pangangailangan. Walang dignidad at respeto maging sa sarili dahil wala namang naging kaibigan.

Ikaw, sino ang bati mo?

Tuesday, March 19, 2013

The Most Effective Means of Subjugating a People is to Capture their Minds: Kung Bakit Lapastangan ang Pagbisita ni Aquino sa Anibersaryo ng Jabidah

Larawan ni Alberto Bainto/Grand Mosque, Cotabato City
 
“THE MOST EFFECTIVE means of subjugating a people is to capture their minds.” Hindi ito sa akin, mula ito sa polyeto ni Renato Constantino na The Miseducation of the Filipinos. Bagaman ang polyeto ni Constantino ay patungkol sa paggamit kay ‘Rizal’ ng sistemang edukasyon ng mga Amerikano na naglalayong lumikha, hindi ng malayang mga Filipino, kundi ng mga mababait at masunuring mga mamamayan ng kanilang kolonyal na pamahalaan at mga institusyon. Misedukasyon, ito ang kalapastanganan ni Aquino at ng ating gubyerno sa pagbisita sa ika- 45 na Anibersaryo ng Jabidah Massacre nitong nagdaang Lunes.

Dumaong ang bapor na sinasakyan namin sa pantalan ng General Santos City nitong Lunes mula sa Balut Island. Pagod ako sa biyahe at sinubok kong matulog pagdating sa transient house na tinitirahan namin sa siyudad upang makabawi ng lakas at makapagsulat sa buong maghapon. Tanghaling-tapat nang magising ako sa ingay ng ispiker mula sa malapit na parke ng siyudad. Isang boses ng babae ang nasa mikropono. “Allahu akbar! Allahu akbar!” ang singhal ng babae. Tumayo ako at nagtungo sa kompyuter. Binuksan ang Facebook upang makibalita kung anong mayroon sa Gensan, baka nga may rally. Ang unang bumulaga sa akin, sa mga status ng mga kaibigang Moro ay ang mga pananabik nila sa pagdating ng Pangulo ng Pilipinas sa anibersayo ng Jabidah Massacre sa Corregidor. Anibersaryo pala ng Jabidah Massacre ngayon, naisip ko.

Patuloy ang pagsigaw ng “Allahu akbar!” sa malayo. At naisip ko bigla ang dumalo sa lokal na pagdiriwang ng Gensan sa makasaysayang Jabidah—makasaysayan lalo sa mga Moro. Tinunton ko ang lugar kung saan nanggagaling ang ingay, sa Grandstand pala ng siyudad ito nagmumula. Nadismaya ako nang malaman ko na ang ingay pala ay mula sa kakarampot na mga tao na nagtitipun-tipon sa napakalawak na Grandstand; at dahil tanghaling-tapat at mainit, ang iba’y naroroon na sa lilim ng mga puno at wala sa harapan ng entablado kung saan nagsasalita ang babae na naririnig ko mula sa aking silid. At mas lalo akong nadismaya nang malaman ko na hindi pala ito pagdiriwang ng Jabidah ngunit sa anibersaryo ng Moro National Liberation Front. Lumapit lang ako sa isang babae na naka-kombong at nagtanong, “Pareho po ba ang araw ng anibersaryo ng MNLF at Jabidah?” Nakanganga lang sa akin ang babae. Hindi ko alam kung hindi niya naintindihan ang Tagalog ko o hindi niya alam ang Jabidah Massacre. May lumapit sa aming matandang lalaki na naka-kopiya, at inulit ko sa kanya ang tanong. Natahamik ang lalaki, nag-isip at sumagot ng:  “Yata…yata…”

Mahalaga sa akin bilang Filipino at bilang manunulat ang Jabidah Massacre. Mahalaga sa akin ito dahil ito ang edukasyon ko sa digmaan sa Mindanao. 2008 nang dumalo ako sa pagdiriwang sa Corregidor. Naaalala ko na nag-file pa ako ng leave sa opisina para lamang makarating sa isla. Ang konsepto ng pagdiriwang ay kakaiba noon. May ‘peace caravan’ ang mga people’s organization, NGO, MILF, MNLF at mga nais na dumalo sa piging na maglalakbay mula Mindanao at Sulu patungo sa Maynila. May mga lumad, Moro, at di-Moro na dumalo sa anibersaryo. Mula sa Mindanao, sa mga probinsiya at siyudad na kanilang pinanggalingan maglalakbay ang kani-kanilang mga ‘caravan’ sa bawat siyudad na madaanan at mangungusap ng kapayapaan sa mga mamamayan hanggang sa makarating nga sila sa Maynila. At mula sa Maynila, sabay-sabay silang magtutungo sa Corregidor para ipagdiwang ang anibersaryo ng Jabidah Massacre. 

Sa loob ng bus patungong Bataan nakaupo ako sa tabi na dating combatant ng MNLF at sa likod naman namin ang mga kinatawan ng MILF na magsasalita rin sa Corregidor. Iyon na marahil ang pinakamatagal kong ‘oras’ sa tabi ng isang Moro noon at hindi ako kumportable sa piling ng mga itinuturing na ‘rebelde’ ng gubyerno. Sa Corregidor ko na lamang naunawaan na ang mga taong ito pala ang magbibigay ng pinaka-epektibong lektyur sa saysay ng piging na aking dadaluhan. Sa loob ng bus habang nasa biyahe pinakikinggan ko na lamang ang kuwentuhan ng mga tao sa loob. Wala akong kilala sa kanila at nasa kabilang sasakyan naman ang kaibigan kong si Salem. Sa haba ng biyahe wala ka namang ibang pagkakaabalahan kundi ang makipaghuntahan sa iyong mga katabi at kasama sa paglalakbay. May kuwento ng mga ‘bakwit’, ng mga dating sundalo, ng mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran at kuwento ng mga katapangan ang ibang mga pasahero. Mga kuwento na palaging nagsisimula sa ‘Noong araw…’, ‘Dati ganito…’, ‘Natatandaan ko…’ Nananabik din ang ilan na makita sa personal si Jibin Arula, ang survivor ng massacre at marinig ang kanyang kuwento. Siya kasi noon at ang kanyang mga salaysay ang pinaka-sentro nitong pagtitipon. At dahil bago sa akin noon ang lahat, matamang makikinig na lang ako sa kanilang mga naratibo, sa kanilang mga kasaysayan na inilalahad nila sa sarili at sa malaya nilang mga salita.

Ganito sa akin bilang Filipino ang Jabidah Massacre, isa itong maliit, masikip ngunit sagradong espasyo ng kalayaan para sa mga Moro na ibinabahagi nila sa akin. Kalayaan ng isip, ng salita, sa imahinasyon at mga posibilidad ng isang malayang tao, pag-unawa at kalayaan ng Sarili. Sa Corregidor, isa-isang nagsalita ang mga kinatawan ng mga sundalo, ng pulisya, ng MNLF, MILF, mga lumad, at ordinaryong mamamayan na mula sa Mindanao. Ang mga salitang ‘kalayaan’, ‘self-determination’, ‘kolonyal na pamamahala ng mga Filipino sa mga Moro’ ay binabanggit na walang pag-aalinlangan, walang takot at pasubali. Isang makabuluhang edukasyon sana para sa isang Filipino sa kamay ng mga Moro tungkol sa kalayaan, kung ano nga ba ang saysay nito sa pagkatao, kung ano nga ba ang saysay nito sa kapayapaan at sa isang lipi.     

Ang presensiya ng pangulo ng mga Filipino sa nasabing piging ay isang anomalya sa diskurso ng kalayaan ng tao, sa diskurso ng pagiging isang tunay na Filipino. At tulad ng inaasahan, bilang simbolo ng kapangyarihan, nabigyan ng espasyo si Aquino sa piging—at sinakop ng espasyo niya ang buong pagdiriwang. Naging benyu din ang pagtitipon upang tuligsain ni Aquino ang mga kalaban niya sa pulitika at kritikal sa kanyang pamahalaan. Lumabas sa website ng gubyerno ang talumpati ni Aquino. Binasa ko ito nang paulit-ulit. Nakapanghihilakbot na panlulupig na alam mong walang dadanak na dugo, walang masasakit na mga pahayag, na ni hindi mo kailangan ng pagngawa.

Sinimulan ni Aquino ang talumpati, tulad sa marami niyang mga talumpati sa madla, sa mga ‘kabutihan’ at ‘kontribusyon’ ng kanyang mga magulang noon na mga pulitiko at kabilang na ngayon sa makulay na kasaysayan ng political dynasty sa pulitika ng Pilipinas. Isinalaysay niya ang naging partisipasyon ng kanyang ama, na dating senador ng oposisyon, sa pagbubulgar ng naganap na Jabidah Massacre sa Corregidor na pilit na ikinukubli ng gubyerno noon sa taumbayan. Naisip ko, siguro may nag-isip din sa pagdiriwang sa Corregidor na ginamit din ni Ninoy Aquino ang isyu para isulong ang kanyang pulitikal na ambisyon laban sa isa pang pulitikong Filipino, si Marcos. Ano ang kinahitnan ng pagbabanggan ng dalawang pulitikong Filipino, na mula sa mayayaman at makapangyarihang mga pamilya sa pulitika ng Pilipinas at sa pagitan nila ang mga Moro? At sige, isulong pa natin hanggang sa hangganan ang mga katanungan: Hanggang kailan ba gagamitin ng mga pulitikong Filipino ang mga Moro para sa kanilang mga interes at interes ng kanilang yaman at mga pamilya?  

Heto: ang konsepto ng edukasyon ay hindi naglalayon na makamit  ang pagsasalaysay ng mga pangyayari, ng mga empirikal na ebidensiya na nasusulat (o di naisusulat) sa mga talaan at aklat ng bayan. Hindi doon nagtatapos ang layunin ng edukasyon, hindi mo pa roon makikita ang tinatawag na ‘malayang pag-iisip’ at ‘makabagong kamalayan’. Ang edukasyon ay upang wasakin ang luma at tumuklas ng mas bago pang mga pagtingin, mas bago pang mga pamamaraan, diskurso.

Ang ginagawa ni Aquino at ng kanyang gubyerno ay isang uri na pananakop: ang isalaysay mo, bilang kapangyarihan, sa mga Moro, sa kanilang harapan ang sarili nilang kasaysayan at iparinig mo sa kanila ang nais nilang marinig. Kunin mo muna ang kanilang mga salita at sarili bago ang kung ano pang mga nalalabi pa sa kanila. Ito na marahil ang sukdulan ng katampalasanan ni Aquino sa harap ng mga kapatid na Moro.

“Nanganak ng dahas ang dahas; ang mali, nagbunga ng mas malalaki pang mali. Kung nagpanday lamang sana sila ng mga batas na kumikilala sa mga katutubo noon; kung ang mga unang hinanakit ay sinagot sana ng malasakit, sa halip na sinalubong ng armas—ilan po kaya sa tinatayang isandaan at dalawampung libong Pilipinong nasawi sa apatnapung-taon na hidwaan ang siguro’y kapiling pa ng kanilang pamilya ngayon? Ilan kaya sa tinatayang dalawang milyong napilitang lumikas sa kaguluhan, ang nagkaroon sana ng produktibong buhay, at nakaambag sa pag-angat ng rehiyon o ng buong bansa?”       

Walang bago sa perspektibo na ito ni Aquino at kung tutuusin dapat hindi na ako nagulat dahil matagal na itong kinakanlong ng mga institusyon ng ating bansa, natutunan ko na ito sa aking mga paaralan, narinig sa mga popular na awitin, nabasa sa mga pahayagan at napanood sa telebisyon at sa mga pagtatanghal sa teatro. Ito ang isang mapanupil na Naratibo ng mga Filipino sa mga Moro. Hindi ito Moro kung babalikan ko lang ang mga salita ng mga kasama kong biyahero noon sa bus, noong 2008 sa Corregidor. Sino ba ang ‘sila’ sa kanyang mga pangungusap? Sino ang isinasakdal ng kanyang mga pangungusap sa “isandaan at dalawampung libong Pilipinong nasawi sa apatnapunbg-taon na hidwaan?” Ito ang nais na ipahiwatig ni Aquino: na mga Moro mismo ang nagtulak sa kanilang sa mga sarili sa kamatayan, na iginisa nila ang mga sarili nila sa sariling mantika. Na wala naman silang napala pagkatapos kundi ang alin sa dalawa: ang walang saysay na kamatayan o ang maging Filipino. At tulad ng namamayaning pagtingin ng mga Filipino sa mga Moro na matamang si Aquino at ang kanyang gubyerno lamang ang kakatawan: saliwa ang naging pagtingin at pag-unawa ng mga Moro sa Jabidah Massacre sa loob ng apat na dekada. Na ang tama ay sa kanya, na simbolo ng kapangyarihan, na nilaanan ng podium at matatamis na ngiti at pagsulubong, ang tama ay ang sa mga Filipino. Hindi na ito bago, hindi ito moderno. Ito ay verbalisasyon lamang ng namamayaning institusyon na pagtingin ng mga Filipino sa mga Moro, na napakatagal na nating kinakanlong sa ating mga lipunan at institusyon.  Nais kong itanong kay Aquino: At bakit tila pabalik ng tatlong daang taon ang pagtingin at pag-unawa ng mga Filipino sa mga Moro na nagsimula pa noong panahon ng mga Kastila?

Nang dumating ang hapon nais ko sanang malaman ang naging reaksiyon ng mga kapatid na Moro dahil nag-aakala ako na makikita ko sa kanila ang tunay na diwa at saysay ng Jabidah. Hindi ko na kinailangang bisitahin ang kani-kanilang mga FB dahil isa-isang naglabasan sa mismong wall ko ang mga larawan, pati ang screenshot ng talumpati ni Aquino sa mga pahayagan ng mga Filipino sa Maynila, ang link ng website ng pamahalaan kung saan nakapaskil ang talumpati ng pangulo. Marami-rami rin na ipinaskil pa bilang status update na verbatim ang ilang bahagi ng talumpati ng pangulo. Nagbabago na nga ang mundo at panahon, naisip ko, ngunit hindi ako sigurado kung papasulong ba ito o pagbabalik muli sa yungib kung saan sa dilim, hindi kung sino ang may mga mata ang makapangyarihan kundi kung sino ang may mahigpit na paghawak bilang pagbikis sa mga kamay ng mga kasama sa loob.     

Ganito ang epektibong proseso ng panlulupig na nilalaman ng talumpati ni Aquino sa Jabidah: una, kukunin mo ang kanilang kasaysayan bilang pag-aari; ikalawa, kukunin mo ang kanilang mga pag-iisip sa pamamagitan ng paghulog sa bitag ng mga magaganda at mababangong mga salita na ang depinisyon at saysay ay mula sa nanlupig at wala sa nalupig—ang taong walang kasaysayan at malayang kaisipan ay walang ring sariling wika kaya babanggitin nila na parang parrot ang wika ng manlulupig. Isang kahangalan kung paniniwalaan na ang dila nila ay ang dila ng makapangyarihang manlulupig—hindi, ang dila nila ay ang dila ng aba at masunuring nalupig, mga taong walang bigat, walang saysay kundi sa interes ng kanilang manlulupig. Humihiling ako ng higit pa sa kayang ilatag sa akin sa hapag ng aking pamahalaan.

Walang nakapagsabi kay Aquino na sa kabilang dulo ng continuum, ang kabaligtaran ng pagiging aba at nalupig ay hindi karahasan, hindi ang digmaan – kundi ang malayang pag-iisip. Na ang Moro ay mga Muslim at ang Islam ay relihiyon ng kapayapaan. Iyan sana ang inisip ng mga tao sa gubyerno noon, ng mga pulitikong sina Marcos at Aquino, ng mga Filipino at hindi ang digmaan at karahasan sa mga Moro. Ito ang wala sa talumpati ni Aquino sa Anibersaryo ng Jabidah noong Lunes. Nasaan ang pagka-Filipino ni Aquino? Nasaan ang moralidad at delicadeza ng kasalukuyang gubyerno?   

Sa huli, “Ulitin ko lang po: Ang lumipas, ‘di na po natin mababago. May tungkulin tayo sa kasalukuyan, at ‘yong hinaharap ng ating salinlahi—obligasyon nating, ‘di hamak, pagandahin.” Tama, ang Kagandahan ay Kalayaan at marapat lamang, sa hinaharap at sa susunod pa na salinlahi ibalik sana natin sa kanila bilang moral na obligasyon ang kanilang mga naratibo, ang kalayaan at kabanalan ng kanilang mga Salita at espasyo. Ang Wika ng malaya, ng mga taong may kalayaan. Mabuhay ang malayang pag-iisip. Allahu Akbar!