Tuesday, January 28, 2014

Gratitude


NITONG MGA NAGDAANG araw, o sabihin na nating nitong mga nagdaang buwan, nagkaroon ako ng hindi magandang relasyon sa taong nanghingi ng napakaraming tulong sa akin. Nakalulungkot isipin na nagtiwala rin ako sa tao at binuksan ko ang aking sarili sa kanya. At tumulong sa abot ng aking makakaya. Pero isa palang tao na may masamang budhi ang aking pinagkatiwalaan, mapanghusga, manipulative at scheming, at higit sa lahat, sanay sa gawi ng lansangan - ang brutal na transaksiyon ng 'blackmailing' sa lahat ng relasyon upang makuha ang nais nila sa iyo, masaid hanggang sa walang matira, at itatapon ka kung basyo nang natira.

Nakalulungkot isipin na sanay ang tao na ito sa ganoong gawain - at mas lalong nakalulungkot isipin na matagal kong ininda ang ugali ng tao na ito upang matapos lang ang ipinangako sa kanya. Ito ang una na nagkaroon ako ng ganitong karanasan. Public shaming at ibubulgar daw ako sa mga kasama niya at sa madla kung hindi ko siya titigilan. Homophobia, bigotry. Nangyari bigla ang pagsasakatuparan ng modus nang makukuha na niya ang lahat ng gusto niya sa akin. Hulyo iyon, 2013. 

Ito rin ang unang karanasan ko na magkaroon ng kritisismo bilang manunulat mula sa isang Muslim. Kritisismo na walang kinalaman sa aking pagsusulat kundi sa personal kong pagkatao dahil nagkaraoon siya ng akses sa akin. Ayon sa kanya hindi raw ako Muslim (at siya raw ang totoo) at dubious ang mga intensiyon ng aking mga sinusulat at perspektibo. At muli, ang blackmail: ibubulgar niya raw ako sa madla at ang saliwa kong mga gawain na nagtatago sa likod ng aking mga sinusulat. Homophobia, bigotry.

Sanay na talaga ang tao na ito sa kahihiyan bilang mabisang salapi sa isang uri ng transaksiyon (o laro) na improkrisiya ang batas. Taong-lansangan. Ugaling lansangan. Nakakatakot ang taong ito lalo na kung magkaroon siya ng mga taong maniniwala sa kanya at sa kanyang mga transaksiyon. Ngunit isa lang ang natutunan ko: na ang tao palang maraming inililihim na baho sa buhay nila, sa takot nila na maibulgar ito sa madla, sa iba nila ipinapasa at ito rin ang ginagamit nilang putik upang ipangsaboy sa iba. Ang kasinungalingan pagtatakpan pa ng isang kasinungalingan. Lahat tayo, maging ako, ay guilty sa ganito. Pero ibang usapin kung ito na ang naging pagkatao mo, ito na ang naging batayan mo kung paano mo susukatin ang sarili mo at ang relasyon mo sa iba. Ito na ng istatus mo sa buhay.

Nagpapasalamat ako na naging totoo (kahit na papaano) ang pakikitungo ko sa mga taong nakasasalamuha ko araw-araw. Ni minsan hindi ako nanghusga sa kapwa ko Muslim at tapunan sila na 'hindi ka Islam' o gamitin ang relihiyon, ang sekswalidad, ang mga personal na pagkukulang at kamalian upang isakdal ang tao sa madla. At may respeto ako sa bukas-loob na pagbabahagi sa akin ng ibang tao ng kanilang buhay, ng kanilang saloobin at personal na suliranin at hindi ko ginagamit ang mga ito upang mang-blackmail sa bandang huli. Lalo na kung nakuha mo ang detalye na ito sa personal na interaksiyon, sa pagtitiwala. Hindi ganyan ang buhay at hindi ganyan ang pakikipag-relasyon sa kapwa, sa Muslim man o kung anong relihiyon ang kinabibilangan.

At nagpapasalamat ako na mas kilala ko ang aking Sarili, ang aking pagsusulat, at mga prinsipyo na mga pinanghahawakan ko sa aking buhay higit pa sa inaasahan sa akin ng mga tao. Ang totoo: wala akong inaasahan sa ibang tao dahil hindi ako nabubuhay sa kung ano ang tingin at iniisip sa akin ng ibang tao. Malaya ako at indibidwal. Indibidwal ako at may awtonomiya. Masakit lang sa akin dahil pagtitiwala ang ginamit ng tao na ito upang mapasok ang aking loob, at maging malapit sa akin bilang kaibigan kunwari. Kapatid, kakampi. Masakit dahil minsang kumatok, pinagbuksan mo, pinapasok. Masakit dahil may panghahamak. Hindi lahat ng bisita ay may magandang pakay sa mga pagdalaw. Nakalulungkot isipin na huhubarin ng isang tao ang totoo niyang kulay sa iyong harapan, tao na itinuring mong kaibigan, malapit na kaibigan, sa ganitong pamamaraan. Lahat tayo nasasaktan, lahat nagdaramdam sa pandarambong.

At ibinigay ko sa kanya ang isang bagay na ibinabahagi ko lamang sa aking mga malalapit na kaibigan, minsan sa aking Sarili lamang--ang aking pagsusulat. Dahil ito lamang ang mayroon ako, ito lamang ang simula at hangganan ng aking pagkatao. Masakit dahil may panghahamak. 

Ungrateful. 

Ito ang salita. Callous and cruel -- at heto pa. At matapos ang mga paghusga sa aking pagkatao nakapanghihilakbot malaman na patuloy pa rin pala niyang pinakikinabangan ang lahat ng naitulong ko sa kanya. Hanggang ngayon, walang pakundangan, walang pagtatalong-isip. Nakikinabang sa aking mga naisulat sa harap ng ibang tao habang himahamak ako ng palihim kung nakatalikod na sa madla. At habang pinakikibangan niya patuloy niyang pinatutunayan ang mga paratang niya sa akin. Malupit dahil walang pag-aalinlangan.

Ang totoo: ang lungkot. Ang lungkot dahil kailangan mong tingnan ang katotohanan ng isang tao na minsan mong iginalang, hinangaan at pinakibagayan. Ang lungkot dahil ang lahat ng pinagsamahan ay sinukat, tinimbang, at nilagyan ng halaga sa pangangailangan, sa mga pangarap na kailangan mong manggamit ng kapwa upang makamtan. Malungkot dahil kailangan mong magputol ng relasyon, ng pagkakaibigan. 

Malungkot dahil kailangan mong bawiin ang lahat ng iyong ibinigay, inihandog sa ikapapanatag ng iyong loob sa pagbubuo muli ng sarili, ng mga pananampalataya sa tao, sa kapwa. Nais kong bigyan ang sarili ko ng pagkakataon na maniwala pa na may ningning sa pagbibigay sa kapwa, na may ningning ang pakikipagkapwa-tao sa relasyon, na may hihigit pa sa transaksiyon. Na kailangan kong bawiin ang lahat dahil may ligaya sa pagsasabi ng 'Maraming salamat', ng 'Magsukol, ng 'Daghang Salamat,' ng 'Madakel a salamat' sa biyaya na bigay na handog ng kapwa, na hindi ng pagkakataon at kapalaran lamang.

Darating ang araw at mauupo ako sa harap ng aking pagsusulat at tatanawin ko ang lahat ng ito na walang galit, walang paninisi (sa sarili at iba), walang panghihinayang at maitatakda ko ang aral na makukuha at nakuha sa pakikipagkapwa-tao. Na ang lahat, siguro, marahil, ng ito ay may dahilan. Sa ngayon, nais kong manatiling tao sa harap ng unos na ito. Nais kong panghawakan ang aking mga pinaniniwalaang mga birtud sa Sarili, sa pakikipagkapwa, sa relasyon, at sa pakikipagkaibigan nang sa bandang huli, pagkatapos ng lahat , ng pasakit at sakit, makikilala ko pa rin ang aking Sarili.

No comments:

Post a Comment