Sunday, January 6, 2013

Si Love Woman at ang Maikling Talambuhay ng isang Campus Writer

NAALALA KO PA ang huli naming pagkikita ilang taon na ang nakalilipas sa Awarding Ceremony ng Palanca Awards. Isa siya sa mga hurado at ako naman, pinakiusapan ng isang kaibigang mandudula na samahan siya sa pagtanggap ng gantimpala. Lumapit ako sa mesa niya at bumati ng nakasanayan ng “Hello, Ma’am Ophie.” Matagal na kaming hindi nagkikita at minsan iniisip ko na kung dadalawin ko ba siya sa Unibersidad ng Santo Tomas maaalala niya pa kaya ako. Nang lumingon sa akin ang guro ganoon pa rin siya sa tuwing sasalubong sa mga dating mag-aaral na manunulat ng Santo Tomas na dumadalaw sa kanya makalipas ang maraming taon mula nang lisanin ang Unibersidad. Iisa palagi ang postura ni Ma’am Ophie sa mga babati sa kanya: hindi siya tatayo sa kanyang kinauupuan para salubungin ka, ikaw ang lalapit sa kanya at yuyukod at iaalok ang iyong pisngi sa kanyang mga halik; at siya naman, habang nakaupo, nakataas ang kanyang mga kamay at tila bukana ang kanyang katawan na naghihintay sa iyong pagpasok; ilalapat niya ang kanyang mga palad sa iyong batok o balikat at mararamdaman mo kaagad na matagal ka niyang hinihintay na dumalaw o bumalik at sa kanyang kilos na iyon sa paghalik para bang nais na niyang huwag ka nang umalis sa piling niya. Kung hindi niya suot ang Chanel niyang salamin mababasa mo palagi sa kanyang mga mata ang lugod na muli ka niyang nakita. Noong gabing iyon ng Palanca Awards, matapos ang pagbati at paghalik, ganoon pa rin ang salitang binitiwan niya sa akin: “How’s your writing? Next time ikaw naman ang mananalo.” Malayo ang mga salitang ito sa lambing ng kanyang pagsalubong at paghalik. Tall order mula sa isang guro ng Panitikan, sa Dekana ng aming Pakultad, mula sa ina ng mga Tomasinong manunulat, sa diyosa at tagapagtanggol ng Thomasian Writers Guild, mula sa isang makata. At sa aking palagay, nalugod siya sa aming pagkikita dahil hindi ako nagkamali sa aking sagot, sa inaasahan niyang sagot mula sa dating kasapi ng Thomasian Writers Guild. “Yes, Ma’am Ophie. Sasali po ako next year.”
            Nang dumating sa akin mula sa Maynila ang balita ng kamatayan niya hindi ako makapaniwala na maaari pala siyang pumanaw. Hindi pinahihintulutan sa amin sa Islam ang magdalamhati kung may pumanaw ngunit hindi ko na matandaan kung ilang beses akong naiyak sa biyahe mula sa Compostela patungo sa Cebu City—nasa tabi ako noon ng drayber ng mabagal pa sa kalesang Rusco jeep at papasok sa opisina sa Lahug nang makarating sa akin ang balita. Lihim ko na lamang na pinapahiran ang aking mga luha dahil na rin sa hiya sa katabing drayber. Sa mga panahong iyon hinihintay ko rin ang tugon ng Artistic Director ng Artistang Artlets, ang student theatre guild ng aming Pakultad, na humingi ng isang dula mula sa akin at ipalalabas daw nila sa Santo Tomas. Matagal ko nang nais na maipalabas sa Santo Tomas ang aking mga dula at imbitahan ang makata. Nais ko sanang ipagmalaki sa kanya na heto na ako ngayon, Ma’am Ophie, binabasa, pinapalakpakan, at patuloy kong pag-iibayuhin ang aking Sining dahil ninanais kong patunayan sa iyo, na palagi, na mayroon akong mararating—malayo, mas malayo kaysa sa mas tila pinapaboran mo noong mga mag-aaral na nagsusulat sa Ingles; malayo kahit nagsusulat ako sa sarili nating wika.
            Hindi ko talaga siya naging guro sa Santo Tomas. Mga kurso ng Literature majors ang hawak niya. Agham Pampulitika ang kinukuha kong kurso noon sa Unibersidad. Ngunit noong ika-tatlong taon ko sa kolehiyo ninais ko nang seryosohin ang pag-aaral sa aking pagsusulat. Ngunit mahirap ipaliwanag sa aking nanay noon na nais kong magdagdag ng isang kurso sa darating na semester—nangangahulugan kasi na isa na naman itong dagdag sa mga gastusin sa aking tuition fee at wala namang kinalaman ang Poetry Class sa aking disiplina. Kamamatay lang noon ng aking tatay at si Nanay lang ang nagtataguyod sa amin sa pagtitinda ng isda sa talipapa. Umaasa na noon ang aking pamilya na agaran na akong makatapos sa kolehiyo at makatulong sa pagpapa-aral ng limang nakababatang kapatid. Ngunit nais ko talagang mag-aral ng pagtula. Kaya gamit ang Olympia Typewriter na bili pa ng aking tatay sa kasama niyang construction worker sa Jeddah, lumiham ako kay Ma’am Ophie, ang aming dekana, na kung maaari, sa walang anumang bayad at sa sitwasyon ng aking pamilya maaari ba akong makapasok sa kanyang klase sa Poetry. May agam-agam akong iniabot ang liham sa staff ng Faculty Office para sa Dekana dahil natatakot akong tanggihan. Makalipas ang tatlong araw binalikan ko ang opisina, tinanong ang staff kung may tugon na ang Dekana, at hayun, inilabas niya ang liham. Nakita ko nga sa ibabaw ng mga letra na tinipa pa mula sa Olympia Typewriter ng aking Tatay ang malaking “OK” at pirma ng dakilang makata. Hindi ako makapaniwala, una nabigyan ako ng pagkakataon na makapag-aral ng Panitikan at ikalawa, ang maging mag-aaral ni Ophelia Alcantara-Dimalanta.
            Naalala ko pa noong unang araw ng klase sa Poetry ni Dimalanta. Halos wala pang dalawampu ang mag-aaral na kumukuha ng Literature bilang major sa aming Pakultad. Pagpasok ko sa klase ipinakita ko kaagad ang liham at inanyayahan niya akong maupo. Tinapos ko ang buong semester na ‘sit-in’ student sa kanyang klase. Bagaman tumataas na noon ang demands ng mga major subjects ko sa Agham Pampulitika, nagagawan ko ng paraan na hindi makaliban sa kanyang klase. Nais kong suklian ng pagpapakita ng sigasig at dedikasyon ang pagpayag niya na makadalo ako sa kanyang klase na libre.
            Noong taon ding iyon, sa kauna-kaunahang pagkakataon sa aking buhay nakilala ng ibang tao ang aking likha. Nagwagi ang aking maikling kuwento sa Gawad Ustetika, isang patimpalak-panulat sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ipinasa ko noon ang kuwento ko tungkol sa Balanguiga Massacre, na siyang ring final requirement paper ko sa klase ko sa Retorika, isang minor subject namin  sa Agham Pampulitika. Naalala ko noon ang guro ko sa Retorika nang isinauli na niya ang mga papel sa amin. Huli niyang tinawag ang aking pangalan at pinalapit niya ako sa mesa niya.
             “Ikaw ba ang sumulat nitong kuwento?” may pagdududa niyang tanong sa akin habang diretsong nakatingin sa mga mata ko. Kinabahan ako at wala naman akong alam na saliwang nagawa sa pagsusulat ng kuwento na requirement niya sa klase.
            Inilapit niya ang mukha niya sa akin at tiningnan ko naman siya ng diretso sa mga mata bilang pagkumbinse na magsasabi ako ng totoo at sasagutin ko ang lahat ng itatanong niya sa akin.
            “Opo, ma’am,” ang sagot ko. “Waray din kasi ang nanay ko—iyong ‘pikat’ sa bahay namin ang ibig sabihin niyan ‘malandi’.”  Maaari nang makapasok ang mga Waray sa bahay namin sa Quezon City dahil pumanaw na ang aking tatay at lolo na mga Ilonggo mula sa Negros. Magkahalong Hiligaynon, Waray at Tagalog ang salita sa loob ng bahay namin noon. Ang ‘Pikat’ naman ang pangalan ng pangunahing tauhan sa aking kuwento na isang malupit na guro ng Ingles sa Balanguiga bago naganap ang tanyag ngunit ikinubling masaker ng mga Amerikano sa Balanguiga noong 1908, isang munisipalidad sa Samar.
            “Maganda siya,” ang sagot ng guro at iniabot niya sa akin ang kuwento. Nang tunghayan ko ang papel hayun sa ibabaw ng mga letrang tinipa pa sa Olympia typewriter ang grado: 99%. “Masyado lang itong mahaba kaya di ko nabigyan ng perfect,” ang pahabol ng guro.
            Apat na bagay lang para kilalanin kang ‘tanyag’ na manunulat sa loob ng campus ng Unibersidad ng Santo Tomas noong dekada ‘90: ang maging kasapi ng Thomasian Writers Guild (TWG) na nangangahulugang mailalathala ang mga likha mo sa mga dahon ng The Varsitarian at The Flame, ang mapararangalan ang akda mo ka ng Gawad Ustetika (dahil bibihira o tila wala pa noong mag-aaral ng Santo Tomas ang nagwawagi ng Palanca), ang makakuha ng fellowship sa mga pambansang palihan sa Dumaguete, Baguio o Iligan at ang huli, ang maging manunulat ka ng The Varsitarian. ‘Tanyag’ dahil sistematiko ang kultura sa loob ng Santo Tomas para ilagay sa pedestal ang kanyang mga manunulat na mag-aaral. At sa sistemang ito nagsisimula at nagtatapos kay Dimalanta. Walang ‘tanyag’ na manunulat sa loob ng Unibersidad ang hindi dumaraan sa kanyang Pormalistikong pamamaraan ng pagsusuri at pagtuturo ng pagsusulat, lalo na iyong mga makatang mga mag-aaral na nagsusulat sa Ingles.
            Nang sumunod na semester, isang imbitasyon ang lumapit sa akin. Isang mag-aaral, tanyag na makata at sanaysayista sa Unibersidad na inabandona ang pag-aaral niya ng Physical Therapy sa Unibersidad para lumipat ng kurso sa Literature sa aming pakultad at maging mag-aaral ni Dimalanta. Pinahahanap daw ako ni Dimalanta, ayon sa kanya, para maging kasapi ng Thomasian Writers Guild. Natuwa naman ako sa imbistasyon dahil hindi birong samahan ang TWG sa loob ng Unibersidad. Hindi mamerang mga campus writer ang naging kasapi ng samahang ito na ngayo’y kinikilala nang mga tanyag na mga manunulat ng bansa. Pero sa isang kondisyon, ang pagpapatuloy ng makata at sanaysayista, kailangan na makadalo raw ako ngayong bakasyon sa workshop ng TWG at makapasa sa nasabing workshop para tuluyang tanggapin na kasapi ng samahan. Noong bakasyong din iyong dumalo ako sa workshop. Dumating sa workshop ang kilalang manunulat bilang mga panelista, mga manunulat na nababasa ko lamang noon sa high school at sa mga aklat sa loob ng Filipino Section ng Central Library ng Unibersidad: Bienvenido Lumbera, J. Neil Garcia, Nerissa del Carmen Guevara, Jose Wendell Capili, Cirilo Bautista, Rebecca T. Anoñuevo, F. Sionil Jose, V.E. Carmelo Nadera, at hayun, hindi mawawala si Dimalanta sa mesa ng palihan. Dumalaw din sa palihan ang mga dating kasapi ng TWG upang matunghayan ang mga bagong kasapi ng grupo. Naroroon silang lahat at nakapalibot sa iyo – mga makata, sanaysayista, nobelista, at mga tanyag na manunulat na mula sa Unibersidad at bumabalik dahil sa paanyaya ni Dimalanta upang tulungan na pandayin ang pagsusulat ng mga kasapi ng TWG.
            Sa loob ng mga palihan ng TWG isang katotohanan ang matingkad na sumalubong sa akin, isang katotohanan na siya ring makikita ko sa loob mismo ng samahan nang maging pormal na kasapi na ako ng grupo. Natapos ang isang linggong workshop at hindi dumaan sa palihan ang akda kong maikling kuwento. Nang tanungin ko noon ang makata at sanaysayista tungkol sa aking akda, nagulat siya – at maging ako sa tugon niya: nakalimutan daw na ilagay sa schedule ng palihan ang aking akda. Tinanong ko siya kung maaapektuhan ba nito ang aplikasyon ko sa samahan. Sinagot niya ako na si Dimalanta ang naglagay sa akin sa workshop at pormalidad lamang na idaan ako sa workshop dahil iyon ang panuntunan ng Thomasian Writers Guild sa mga sasapi sa grupo: kailangan makadalo ng isang national writers workshop ang kasapi, magkamit ng award sa isang pambansang patimpalak sa panulat o sa Ustetika, o nailathala nang maraming beses sa mga pambansang pahayagan o magazines. Tanging ang mumunting award sa Ustetika at ang nais ni Dimalanta na isali ako sa samahan ang bitbit ko noon sa pagpasok sa TWG. At kahit hindi naisalang sa workshop ang aking akda, nang magbukas ang semester, naging opisyal na akong kasapi ng Thomasian Writers Guild—ang tanging kasapi ng samahan na nagsusulat o piniling magsulat sa Filipino. Ngayon ko na lamang naiisip at nauunawaan kung bakit ganoon na lang ang utos ni Dimalanta na isali ako sa samahan.
            Nang magbukas ang semester lumapit muli ang makata at sanaysayista sa akin. Kumuha raw ako ng pagsusulit para sa The Flame, ang dyornal ng Pakultad ng Sining at Panitik. Ang makata at sanaysayista ang bagong Pangulo na ngayon ng Thomasian Writers Guild. “Pero hindi ako Journalism major,” ang sagot ko sa kanya. “At Chairman ako ng DEKADA,” ang dagdag ko pa. Kilala ang The Flame noon na pinatatakbo ng mga Journalism majors mula Editorial Board hanggang sa mga staff writers at kilala rin ang journal na tumutuligsa sa Student Council kaya hindi nila hinahayaan na maging kasapi ng pahayagan ang mga ‘kilalang pulitiko’ ng Pakultad. Chairman ako noon ng isang political party sa Student Council, at ang mga alumni ng political party na ito ang minsang nakabangga ni Dimalanta sa isyu ng pagsusuot ng uniporme at ‘freedom of expression’ sa loob ng Campus. “Pero writer ka at kilala ka ni Dimalanta,” ang sagot lang niya sa akin. Nang makapasa ako sa pagsusulit ng The Flame, lalong naging hayag ang mga plano ni Dimalanta: sa taong iyon, isang Literature major, ang pangulo ng Thomasian Writers Guild ang siya ring magiging Editor-in-Chief ng journal at halos lahat ng mga kasapi ay mula sa Journalism at Literature majors maliban sa isa—ang patnugot ng Filipino Section.
            Sa loob ng The Flame at Thomasian Writers Guild ko unang naranasan ang makisalamuha sa mga kapwa ko manunulat—sa pagitan ng ilang  yosi at sandosenang bote ng Red Horse at Colt 45 sa lugar kung saan nag-iinuman ang mga bus driver at konduktor ng bus sa Maria de Leon sa Dapitan ang mga diskusyon tungkol sa pagsusulat, sa mga manunulat na hinahangaan at kinamumuhian, sa mga susunod na artikulong lalabas sa journal at sa kinabukasan ng aming pagsusulat sa labas ng Unibersidad. Masigasig—ito ang pinakatamang salita sa mga kasama ko noon sa The Flame at Thomasian Writers Guild. Naalala ko noon na kahit lango na sa alak ang aming editor-in-chief, doon sa isang sulok ng inuman sa Dapitan ipatatawag niya ako tungkol sa mga artikulo na lalabas sa aking seksiyon. Palagi niyang hawak ang bughaw na Pilot na siyang ginagamit niya palagi sa pag-eedit ng aming mga artikulo at galleys at sa pagsusulat ng kanyang mga tula at sanaysay. ‘Blue Moonfish’ kung tawagin namin noon ang aming editor-in-chief na siya ring pangulo ng Thomasian Writerts Guild.  Naalala ko noon na dahil iba-iba ang mga schedule namin sa klase at para na rin mai-dokumento ang mga utos, babala at paunawa ng mga section editors at ibang staffers isang logbook ang inilaan sa lahat ng kasapi ng dyornal. At dahil ang mga kasapi ng journal ay halos mga manunulat at makata imbes na mga utos at paalala ang laman ng journal, mga tula, sanaysay at mga saloobin ng mga staff tungkol sa mga personal na karanasan, sa paglalaro ng mga talinghaga at mga salita at ang mga problema ng kanilang pagsusulat. Hindi na mabilang kung nakailang palit kami ng logbook noon sa loob lamang ng isang semester.
            Hindi naging madali sa akin ang maging patnugot ng Filipino Section ng The Flame lalo na sa mga relasyon sa mga kasamang manunulat at mamamahayag sa loob mismo journal, ang mapanuring paninimbang ng mga mag-aaral ng pakultad sa saysay ng journal sa pagiging kritikal nito sa usapin at isyu ng mga mag-aaral at ng lipunan na noo’y naglulunoy sa talamak na korupsiyon ni Erap sa gurbyerno at ‘nakakabit’ kasi ang journal sa dekana ng pakultad, at iyon nga, sa relasyon ng The Flame sa The Varsitarian na siyang opisyal na pahayagan ng Unibersidad.
 Wala akong karanasan sa pagiging kasapi ng isang campus newspaper kahit noong nasa hayskul pa ako. Ang  TWG at ang The Flame ay ikinakabit noon kay Dimalanta na kasalukuyang Dekana ng Pakultad ng Sining at Panitik – hindi magandang imahen ang maging ‘Dimalanta baby’ sa ilang kasapi noon ng aming partido lalo na sa mga kaklase ko sa Agham Pampulitika na mga kasapi ng League of Filipino Students, SAMASA at kalabang partido ng aking partido. Ako ang pangulo ng Senior Class ng Agham Pampulitika. Minsan biniro ako ng isang kaibigan sa Agham Pampulitika na habang naroroon ang buong klase namin sa SONA ni Erap sa Batasan, naroroon naman daw ako sa ilalim ng saya ni Dimalanta at nagsusulat ng mga tula tungkol sa Pag-ibig at Kalibugan. Ang pagiging patnugot ko sa The Flame ang ikinabuwisit din ng isang lider ng Journalism Society—naging kuwenstiyon sa kanya ang posisyon ko sa journal at ang ‘karapatan’ kong i-edit ang kanyang artikulo at tula dahil hindi naman ako Journalism major; nauwi pa sa pananakot na huwag daw akong dadaan sa isang lugar sa bahagi sa Unibersidad dahil ‘doon’ daw tumatambay ang kanyang fraternity. Hinamon ko na lamang siya ng duwelong suntukan sa Botanical Garden ng Unibersidad na hindi naman natuloy.
Isang bagay sa digmaan ang natutunan ko sa relasyon noon ng The Flame at ng The Varsitarian, isang institusyon sa kasaysayan ng campus journalism hindi lamang sa Santo Tomas kundi sa bansa: kung gaano kaya kasalimuot at ka-banayad ang labanan ng mga karagatan. Napag-alaman ko na si Blue Moonfish pala ay dating kasapi ng The Varsitarian. Nang lisanin nito ang pahayagan, nilisan din nito ang pag-aaral niya ng Physical Therapy  sa Unibersidad para mag-aral ng Panitikan sa aming Pakultad na talaga namang ikanagulat sa TWG sa kung hanggang saan ang kayang isakripisyo ng isang kasapi ang kanyang kinabukasan para sa pagsusulat. Kung mayroon kaming Blue Moonfish, naroroon naman sa kanyang trono, sa loob ng malamig na airconditioned room sa makasaysayang Main Building ang isang makata, ang ‘Sea Child’ na mula rin sa aming pakultad. Banayad at tahimik ang pag-agos ng relasyon ng dalawa patungo sa kani-kanilang mga pampang. Wala kang maririnig na mga mahahayap na salita na bibitiwan ng dalawa sa isa’t isa – ngunit ang digmaan ay naroroon sa mga hindi nabibitiwang mga salita. May problema siya sa balarila sa Ingles, kiming sasabihin ng isa. Hindi na nagbago ang tema ng kanyang mga likha, ang sasabihin naman ng isa na halos pabulong. At dahil pangulo ng Thomasian Writers Guild si Blue Moonfish, dumalang ang paglalathala ng mga mga taga-TWG sa mga pahina ng The Varsitarian (maliban sa isang makata na mula sa College of Music), bigla nang nawala ang ‘TWG’ sa pangalan ni Sea Child sa tuwing may tula itong mailalathala (may ‘TWG’ kasi na ikinakabit  sa tabi ng pangalan ng kasapi sa tuwing may mailalathalang tula, dula, kuwento o sanaysay), at magkakaroon lang saysay sa usapan ng mga kasapi ng TWG at ng The Flame ang pahayagan sa Main Building sa tuwing mapag-uusapan ang USTetika na taunang iniisponsoran ng The Varsitarian. Kung tanyag si Blue Moonfish sa kanyang mga sanaysay, si Sea Child ay tanyag sa makata sa aming Pakultad na sa katunayan mayroon pa nga akong babaeng kaibigan sa Agham Pampulitika na hanggang sa ngayon ipinaalala pa rin sa akin ang pangako ng makata noon na isang tula na isusulat para sa kanya. Ang mga editor ng The Varsitarian at ng The Flame ay magka-klase sa Journalism. Ganoon din si Blue Moonfish at Sea Child at ang ilang kasapi ng TWG sa Literature—at pareho silang mag-aaral ni Dimalanta.
Mayroong akong problema: bago pa man ako naging kasapi ng TWG may ipinasa na akong kuwento sa The Varsitarian na mailalathala anumang buwan sa ikalawang semester noong taon na iyon. Si Sea Child, nakilala ko na bago ko pa man nakilala si Blue Moonfish bilang presidente at punong-patnugot. At mayroon din akong naging isang kaibigan na mamamahayag sa The Varsitarian na palagi kong dinadalaw sa opisina ng The Varsitarian at nagkukuwentuhan kami halos magdamag kung hindi sa Lover’s Lane, ang mahabang daan na niyuyungyungan ng mga puno sa likod ng Arch of the Century na nagtatapos sa rebulto ni Benavidez o sa tapat ng ospital ng Santo Tomas sa ilalim ng mga puno.  Hindi ko noon alam kung paano lalanguyin ang banayad na relasyon na ito ng dalawang pahayagan na hindi ako pupulikatin sa lalim at tuluyang malunod at ipadpad sa alinman sa kanilang mga pampang.  
            At dahil si Dimalanta ang itinuring na ‘ina’ ng mga makata na ito, hindi naging hayag ang kanilang tampulan at tuluyang nahati ang mga dating magkakaibigan at magkakakilalang manunulat sa loob ng Uunibersidad. Hindi pinababayaan ni Dimalanta ang mga manunulat ng Unibersidad; lahat ng suporta at gabay tinatanggap namin noon sa The Flame— at siya ang Dekana ng Pakultad ng Sining at Panitik at ang The Flame na pinatatakbo ng kanyang Thomasian Writers Guild.
            Bukod sa aking major ang isang bagay na nagpapatingkad sa akin sa Thomasian Writers Guild at The Flame – ako lamang ang kasapi na nagsusulat sa Filipino bukod sa isa kong staff noon sa Filipino Section na freshman at dating mag-aaral ni Michael Coroza sa Southridge Night School. Naalala ko noon ang una kong kuwento na nailathala; tungkol ang kuwento sa paghihintay ng isang asawa sa kanyang bana na nasa piling ng isang puta sa buong magdamag. Naging alingasngas noon ang pamagat ng aking kuwento—“Bana”. Suhestiyon ng isang kasapi ng journal na palitan daw ang pamagat ng aking kuwento dahil hindi raw ito maiintindihan ng mga magbabasa.
            “Hindi ‘yan Tagalog,” ang sabi niya. “Ang setting sa Makati?”
            “E, di magbigay ka ng katumbas na Tagalog ng ‘husband’,” ang sangga ko.
            Wala siyang maibigay bukod sa ‘asawa’. Bago pa man makarating kay Blue Moonfish ang suhestiyon inunahan ko na ito. Sa gitna ang umaalingasaw na nasusunog na mantika na pinaglulutuan ng mojos sa tabing kantina sa Colayco Park ng Unibersidad at ng usok ng sigarilyo ni Blue Moonfish isang maalinsangang tanghali ipinaliwanag ko sa kanya na ‘bana’ ang salitang ginagamit namin sa balay kung ituturing ang ‘husband’ sa usapan. Negrense ang tatay ko at Waray naman ang nanay ko. Matapos ang mahabang paliwanag sa harap ni Blue Moonfish nailabas din ang kuwento gamit ang salita bilang pamagat—sa balay ng mga pobreng migranteng Waray at Ilonggo na naninirahan at namuhay na sa Maynila, mula sa mga wika ng aking mga magulang.
Wika. Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa pagsusulat sa sariling wika sa isang institusyon na sa Ingles nagsusulat ang karamihan ng mga manunulat at itinuturing na ang pagsusulat sa sariling wika ay paglalantad ng ugaling subersibo at pagiging aktibista. Hindi ako subersibo at mas lalong hindi ako aktibista. Ayaw ng mga magulang ko sa mga aktibista at mas lalong ayaw nila sa mga komunista. Drayber ng traktora sa hacenda sa Negros ang lolo ko at kaibigan naman niya ang mga hacendero at ang cadre ng NPA sa amin noon sa Kabankalan. Hindi pa rin nakalilimutan sa balay namin ang karanasan ng nanay ko noon sa Kabankalan nang may dumating na mga NPA sa balay ng aking lolo, sukbit ang kanilang mga baril at tatlo lang kaming naiwanan ng nanay ko sa balay at kapatid kong sumunod sa akin. Dahil sa takot ng nanay ko (at hindi naman siya taga-Negros; mula sa Dulag sa Leyte ang nanay ko) inihagis kami ng nanay ko sa silong upang ikubli sa mga lalaki at babaeng napadaan na may sukbit na mahahabang baril at kukunin daw ang mga itinabing bigas at manok ng aking lolo para sa kanila. Ang nanay ko rin ang tipo ng manggagawa sa pabrika na talaga namang ikabubuwisit mo dahil hindi siya sasali sa piket at wala siyang pakialam sa unyon; isa rin siya siguro sa mga loyalistang nalungkot nu’ng nawala si Marcos sa puwesto, hindi dahil kay Marcos kundi dahil para sa kababayan niyang si Imelda.
            Agosto kung ipagdiwang ng Unibersidad ang ‘Linggo ng Wika’. Sa isang linggo ng pagdiriwang na ito isang patimpalak ang itinatanghal ng Languages Department ng Unibersidad—nasa ilalim ng kagawaran ang pamamahala ng tatlong lengguwahe na itinuturo sa Unibersidad—Ingles, Filipino at Español. Dalawang magkasunod na taon akong ipinadala ng aming kolehiyo sa patimpalak-bigkasan na ito. Sa unang taon ako ang kumatawan sa kolehiyo at nagwagi ako ng ikalawang gantimpala. Sinulat ng isang mataas na editor ng The Varsitarian ang aking piyesa na binigkas sa harap ng hurado at ng madla. Sa sumunod na taon, ako at ang aming kolehiyo ang inaasahang susungkit ng unang puwesto dahil nagtapos na sa Unibersidad ang kinatawan ng isang kolehiyo na halos taun-taong nananalo sa patimpalak na iyon. Ito rin ang paniniwala at pag-asam ng guro ko sa Filipino na siya ring ‘adviser coach’ ko sa patimpalak. Noong nagdaang mga taon ipinasusulat sa isang editor ng Varsitarian ang mga talumpati na binibigkas sa patimpalak ngunit sa taong ito at dahil ako naman ay isang manunulat at hangang-hanga pa rin sa akin ang guro sa kuwento ko ng Balanguiga Massacre sa kanyang klase hinayaan niya na ako mismo ang susulat ng talumpating bibigkasin sa patimpalak. Nagboluntaryo ako na bibigkasin ko ang sarili kong talumpati. Labis ang lugod ng aking guro sa aking proposal—hanggang sa narinig na niya ang talumpati.
            Sa aking talumpati tinuligsa ko ang saliwang polisiya ng Unibersidad ukol sa pagpapa-unlad ng Wikang Filipino. Ang lantarang pagkatig ng unibersidad sa Ingles ay isang institusyunal na pamamaraan ng pagmamardyinalisa ng Unibersidad sa taumbayan sa mga diskurso sa larangan ng karunungan. Noong mga panahon na iyon nahuhumaling na ako sa pagbabasa sa mga dyornal ng Sentro ng Wikang Filipino mula sa kabilang unibersidad. May guro kami noon sa Filipino na isinasara niya palagi ang pintuan ng klase at lumilihis sa syllabus ng kanyang klase at binabanggit niya sa klase ang iba’t ibang pamamaraan ng mga karatig na unibersidad sa Maynila sa pagpapa-unlad ng Wikang Pambansa. Naalala ko noon habang binibigkas ko ang aking talumpati hindi mapakali at taranta ang aking guro sa Filipino sa kanyang kinauupuan habang nakapatong ang mga palad niya sa kanyang mukha. Huli na nang dumating sa akin ko nagre-report din siya sa ilalim ng Languages Department at nilagay ko siya sa hindi kanais-nais na posisyon sa kanyang mga amo. Habang binibigkas ko ang aking talumpati pinatayo ng puno ng Languages Department ang mga hurado at pinalabas. Tila ang mga hurado ay mga guro at mananaliksik na inimbitahan ng departamento mula sa iba’t ibang institusyon. Hindi ako nagwagi at ang aming kolehiyo sa talumpatian kahit man lamang ikatlong gantimpala. Nang matapos ang pakontes taas-noo kaming dalawa ng guro ko sa Filipino na nagbalik sa aming aming Pakultad mula sa tanghalan sa Education Building. Magpa-file kami ng protesta at magsusumbong sa aming dekana.
            Nakabarong pa ako nang pumasok kami sa opisina ni Dimalanta. Tatlo kami sa loob ng silid—ako, si Dimalanta at ang aba kong guro sa Filipino. Nagtanong ang dekana kung bakit natalo ang kanyang pakultad sa patimpalak. Nagpaliwanag ang guro ko sa Filipino. Dahil sa nilalaman ng talumpati, ang sagot ko. Ipinaliwanag ko ang aking talumpati; nagtanong ang dekana kung sino ang nagsulat ng talumpati, ang sabi ko ako. Nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa loob ng silid. Nagsalita ang dekana. Nagpaliwanag siya tungkol sa globalisasyon, sa nagbabagong mundo lalo na’t paparating na ang bagong milenyum at sa pakikipagsabayan ng mga Filipino sa ibang bansa sa pandaigdigang talastasan at papaliit nang papaliit na mundo dahil sa information technology. Pero oo nga naman, si Erap nga na hindi marunong mag-Ingles naging President at maka-masa pero tingnan mo ang pagpapatakbo ng gubyerno natin? Marahan at madulas na Ingles ang pagpapaliwanag ng makata sa amin. Ngunit nangatwiran pa rin ako tungkol sa wika at sa marginalisasyon sa patuloy na paggamit ng Ingles sa mga diskursong intelektuwal. Nakayukod lang ang guro ko sa Filipino habang nangangatwiran ako sa dekana, tila nakalimutan na kasi na ang dahilan ng pagpupulong na iyon ay ang protesta.
            “Kapag Filipino ka wala kang mararating,” ang sabi niya sa akin para tapusin na ang humahabang usapan. Doon lamang ako natahimik panandalian at hindi ko na maalala ngayon kung ano nga ba ang isinagot ko sa dekana nang pakawalan niya ang mga salitang iyon—o pilit na lamang kinalilimutan na alalahanin ng aking alaala ang naging sitwasyon sa loob ng opisina ng dekana. Tiningnan ko ang aking guro sa Filipino at nais ko sanang habulin ng aking mga mata ang kanyang mga tingin. Nais kong humingi ng tulong sa kanya at katigan ako sa aking pagpapaliwanag. Hayun siya at nakayuko sa aming harapan at magkapatong ang mga kamay niya sa harap ng kanyang katawan at tuod na nakatayo.
            “Pero ma’am…” at nais ko pa sanang magpaliwanag.
            “Kapag Filipino ka wala kang mararating,” at inulit niyang muli sa akin. At doon ko na ibinababa ang aking bandila at tuluyang sumuko.  Iniwasan ko na lamang magsalita—siya ang aking ina, siya ang guro ko sa Panitikan. Pumasok sa silid ang isang guro ng Español sa aming pakultad; nakarating na marahil sa kanya ang balita mula sa Languages Department. Nagtanong siyang muli sa nilalaman ng talumpati at kung bakit di nagwagi ang pakultad. Ipinaliwanag ko sa kanya na sa La Salle, sa Ateneo, at sa Unibersidad ng Pilipinas nakahiwalay ang Filipino Department sa ibang mga wika at pinagtutuunan nila ng pansin ang pagpapaunlad ng wika. Umismid ang guro ng Español at nagsabing bakit hindi na lamang daw ako lumipat sa La Salle, Ateneo, o UP. Pinalabas na lamang ako ng kuwarto at naiwanan ang guro ko sa Filipino kasama nilang dalawa sa loob.
            Maraming beses ko nang tinangka na balikan ang guro na iyon sa Filipino at humingi ng tawad sa kasutilan ko at siya ang nagisa sa nangyari sa talumpatian. Makalipas ang ilang taon lumisan din daw ng Unibersidad ang guro at nanirahan sa ibang bansa at naging isang Overseas Filipino Worker. Gaanon nga siguro kalayo ang nararating kapag ‘Filipino ka.’
             Nang magbalik ako sa opisina ng The Flame matapos ang pag-uusap sa opisina ni Dimalanta nais kong ilabas ang  aking saloobin sa mga kapwa ko manunulat, sa mga makata ng Thomasian Writers Guild. Tinangka kong magpaliwanag ngunit nakamata lang sila sa akin; ganyan talaga ‘yan ang sagot nila sa akin. Lahat sila nagsusulat sa Ingles. Lumapit sa akin ang isang bagong guro noon sa Filipino at dati ring kasapi ng Thomasian Writers Guild at sa opisina ng The Flame na rin tumatambay; isa siyang babaeng makata na nagsusulat sa Filipino. Ipinaliwanag ko sa kanya ang lahat. Tinanong niya sa akin kung saan ko nakuha ang mga perspektibo ko. Sabi ko sa mga libreng journal at polyeto ng Setro ng Wikang Filipino sa UP Diliman. “Sa UP,” ang sabi niya bilang panimula sa isang aral, “OK ang mga ganyan du’n. Nasa Santo Tomas ka.” Isang aral na dapat kong dalhin sa buhay kung nais kong maging manunulat at mamuhay nang matiwasay: hindi ikababawas ng iyong talinghaga at ‘pagiging manunulat’ ang bumalik paminsan-minsan sa realidad. Nagyaya na lamang ang mga kasamang manunulat ng inuman sa Dapitan upang mabanlawan ang masamang karanasan sa buong maghapon.
            Hindi pa man lumilipas ang isang semester mula nang maganap ang insidente sa talumpatian, isang pangyayari ang naganap at nagimbal ang lahat sa kolehiyo dahil sa pangyayari na ito. Sa pagitan ng pangyayaring ito at ng talumpatian patuloy na nailalathala ang mga kuwento at tula ko. Itinanghal din akong “Kuwentista ng Taon” sa Gawad Ustetika dahil nagwagi ang aking kuwento ukol muli sa Balanguiga Massacre. Lumabas na rin sa The Varsitarian ang aking kuwento na halos kalahating taon kong hinintay at isa at kalahating pahina ang nakain nito sa pahayagan. Ilang na ilang ako noon kay Blue Moonfish ang lumabas ang kuwento pero nakatanggap naman ako sa kanya ng pagbati.
            Ito ang naganap. Napansin ng pamunuan ng sangkaparian ang tila napaririwarang mga mag-aaral ng aming pakultad hinggil sa pagsunod sa “uniform at dress code policy” ng Unibersidad. Sa kolehiyo lang namin makikita ang mga bayot na pinatatahi ang kanilang mga barong at khaki na tila damit ng babae at tila ‘blouse’ na halos ang mga barong. Pumapasok sa klase ang mga mag-aaral na iba’t iba ang kulay ng buhok, ang kulay ng mga kuko sa daliri, naka-sandals. Minsan at hindi ko makalilimutan na pumasok pa sa loob ng klase ang kasama kong editor sa The Flame na ipinatabas niya ang uniporme niyang pambabae kawangis ng damit ni Sailor Moon at nakasuot ng malaking sapatos na itim na hiniram niya raw sa isang kaibigang payaso. Minsan pumasok din siya sa klase na balot na balot ng itim na kasuotan mula sa make-up, lipistik, hanggang sa medyas. “Nagbreak kami ng boyfriend ko,” ang sabi niya sa akin. Nakita ang lahat nang ito ng mga diyus-diyosan sa Main Building at dagling inutusan ang aming pakultad sa ibalik muli at pairalin ang mahigpit na pagpapatupad ng uniform at dress code policy ng Unibersidad.
            Tulad ng inaasahan maraming umalma. Ginamit ng ilang mga aktibista at mga political party ng student council ang argumento ng panunupil ng freedom of expression. Nagkaroon ng kaliwa’t kanang pagtutol sa mga pasilyo ng pakultad. May mga nangalap ng lagda at ihahabla muli ang mga administrador ng pakultad sa ‘suppression of freedom of expression.’ Dahil si Dimalanta ang dekana ng pakultad kinakailangan niyang ipatupad ang utos ng nakatataas. Naghigpit ang kolehiyo sa tamang pagsusuot ng uniporme sa klase; sinuspinde ang mga lider ng political party at student leaders na hindi sumusunod sa patakaran. Noong panahong iyon ang partido namin ang may hawak ng pinakatamataas na posisyon sa Student Council at mas pinapaboran ng aming presidente ang mga isyung may kinalaman sa programa ng student council sa mga outreach programs, grievances, scholarship programs at mga fora at symphosia na tumutugon sa akademikong mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Kaklase ko rin sa Agham Pampulitika ang pangulo ng aming Student Council at isang matalik na kaibigan. Mainit ang mga mata noon ng mga propesor at ng administrasyon sa amin dahil may kasaysayan na sa Pakultad na magkaroon ng rally ang mga mag-aaral noon ng Agham Pampulitika dahil sa isyu rin ng freedom of expression at umabot pa raw ito sa husgado.
            Dalawampu’t anim lamang kaming seniors ng Agham Pampulitika sa Kolehiyo. Bukod sa akin, sa dalawa kong matalik na kaibigan na pawang mga ‘grade conscious’, sa president ng Pax Romana, sa president ng choral group ng aming pakultad at sa presidente ng aming Student Council at ang kanyang uyab na palaging nakabuntot sa kanya—lahat  ng nalalabi sa klase kung hindi kabilang sa partidong lantarang tumutuligsa sa uniform policy ng Unibersidad ay mga aktibista at kasapi ng nga organisasyong hindi pinahihintulutan sa loob ng Unibersidad—League of Filipino Students, Student Christian Movement.
            Dahil ang mga klase ng Agham Pampulitika ay sa gabi o tuwing Sabado nakasanayan na ng aming klase ang pumasok sa naka-‘dressdown’: maong, t-shirt, rubber shoes. At nakasanayan na rin ng aming mga propesor na pumapasok sa klase nila na hindi nagsusuot ng uniporme ang kanilang mga estudiyante. Naging praktikal din ang ‘dress down’ para sa aking mga kaklase dahil mas madali nilang nagagampanan ang mga gawain nila sa labas ng Unibersidad: iyong mga dumadalo sa rally, iyong mga kaklase ko na nagtutungo sa mga komunidad ng mga maralitang taga-lungsod sa Tondo, iyong may mga gawain pa sa kanilang mga sari-sariling mga organisasyon sa labas ng Unibersidad.
            Ang totoo: walang bilib ang mga kaklase ko sa administrasyon ni Dimalanta. Wala rin silang pakialam kung anumang bagong anunsiyo o patakaran na ipatutupad ng pakultad. Hindi sa dahil wala silang pakialam noon o nais lamang nilang baliin ang patakaran ng Unibersidad: wala lang talaga silang pakialam noon dahil mas nakatuon ang aking mga kaklase sa mga gawain nila sa labas ng Unibersidad at sa mas malawak na isyu sa lipunan tulad ng korapsiyon noon ni Erap, ang militarisasyon sa kanayunan, ang mga maralitang taga-lungsod, ang nalalapit naming graduation at kung lahat ba kami ay magtatapos dahil sa mga hindi na praktikal at makatotohanang hiling ng aming mga guro matapos lamang ang kurso, ang mga responsibilidad sa aming mga pamilya. Isang maliit lang na isyu sa akin, lalo na sa aking mga kaklase, ang pagsusuot o di pag-susuot ng uniporme sa klase.
             Nagkataon isang gabi napadaan ang isang ‘morality police’ sa harap ng aming silid-aralan at nasilip niya mula sa pintuan na halos lahat sa amin sa loob ng klase ay hindi naka-uniporme. Natatandaan ko na klase namin iyon sa Political Theory. Dali-daling nagsumbong ang bubwit sa Dean’s Office at nang makarating kay Dimalanta ang nangyari, nagpuyos daw ito sa galit at kahit kailan problema niya raw palagi ang mga nagiging seniors ng Agham Pampulitika. Mas lalo raw nagalit ang Dekana nang malaman na ang presidente ng seniors class ay ang Filipino Editor ng The Flame at kasapi pa ng Thomasian Writers Guild.
            Makalipas ang ilang araw ipinatawag sa Dean’s Office Blue Moonfish.  Natatahimik lang noon ang ibang editors kung papasok ako sa opisina. Problemado noon palagi ang editor-in-chief namin at pake-paketeng sigarilyo ang nauubos nila ng ibang editors sa pag-uusap sa labas ng opisina ng The Flame (maaari pa noon talagang manigarilyo sa loob ng campus ng UST). Kinausap ako ng masinsinan ng aming editor-in-chief. Gusto raw akong ipatanggal ni Dimalanta sa The Flame, pero sabi niya: “Ganda lang talaga ng Nanay mo; huhupa rin ‘yan—mahal ka lang niyan.” Malabo ang paliwanag niya sa akin pero tinatanggap ko na lamang ito dahil siguro ganoon naman talaga ang timpla ng ugali ng mga makata at tila nakasasanayan ko na dahil halos mga makata silang lahat na mga kasama ko sa Thomasian Writers Guild.
            Nasuspinde ang buong klase sa Agham Pampulitika at maiaalis lamang ang suspension kung maipadadala namin sa opisina ng Dean’s Office ang aming mga magulang. Natakot ako noon dahil paano ko pahaharapin sa isang Inglesera at eleganteng makata ang nanay ko na di nga nakatapos ng elementarya sa kanila sa Leyte at di rin niya maiwanan ang tindahan namin ng isda sa talipapa sa Luzon Avenue. Pinapunta ko na lamang sa Santo Tomas ang tiyahin ko at siya ang nagpaliwanag sa Dean’s Office sa sitwasyon ko sa aking pamilya: na wala na kaming ama sa pamilya at bilang panganay sa magkakapatid ako ang inaasahan ng aking pamilya na kailangang magtapos sa lalong madaling panahon at makatulong sa aking pamilya at mga kapatid. Tinawagan ako ng isa kong tiya at pinagalitan sa telepono. Aktibista na raw ba ako at bumalik na lang daw ako sa Negros at maging NPA. Kung anu-ano raw ang pinagkakaabalahan at hindi ko na lamang isipin ang pagtatapos sa nalalapit na Marso.
            Kinausap ako noon ng adviser ng Student Council tungkol kay Dimalanta. Isang mabait na guro sa Ingles at Journalism ang propesor na ito. Personal akong kilala at ang ilang kasapi ng partido ng propesor na ito; ito rin ang propesor na ilang araw bago siya pumanaw nilapitan niya ako at walang anu-ano’y sinabihan ako na: “Huwag na huwag kang titigil sa pagsusulat.” Ganoon din ang sinabi niya sa akin noong araw na kinausap niya ako tungkol kay Dimalanta, “Pagpasensiyahan mo na ang Nanay mo; ganyan talaga ‘yan mahal ka niyan.”
            Halos isang buwan ang lumipas bago ako muling nakalapit kay Dimalanta. Natatandaan ko noon na sa pagbubukas ng Creative Writing Center and Studies ng Santo Tomas binigyan ko siya ng dalawang dosenang pulang mga rosas bilang paghingi ng tawad. Mula noon naging magaang na muli ang loob niya sa akin at nanumbalik na ang nakasanayan niyang pagbati sa akin tuwing magkikita kami sa loob ng kolehiyo, na tila matagal na kaming hindi nagkikita. Minsan ipinatatawag niya pa kami ng mga kasama ko sa Thomasian Writers Guild para ipakilala sa mga matatandang manunulat na dumadalaw sa kanya sa Center. Minsan naabutan ko pa silang dalawa ng isang matandang premyadong makata na dumalaw sa kanya at may bote ng alak sa pagitan nilang dalawa gayong mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng Unibersidad ang alkohol, maging ang pagpasok sa klase na lango sa alkohol. Alam kong lango na sa alak ang makatang lalaki at magiliw nilang pinag-uusapan na parang dating mag-kaibigan na muling nagkita ang Unibersidad ng Santo Tomas noong mga panahon nila at doon ko nakita si Dimalanta na tumatawa at napapangiti na parang ordinaryong tao, iyong parang matandang babae na nakakatabi sa loob ng jeep o iyong nanay mo na kausap ang kanyang matagal nang hindi nakikitang kumare. Binabanggit ng lalaking makata ang biro na mayroon isang makata na naipasok daw sa mental asylum dahil nabaliw sa pag-ibig sa dekana noong kabataan pa nila. Tumakas sa akin ang pangalan ng makatang binabanggit ngunit nakikita ko sa mga mata ni Dimalanta ang pag-urirat sa isang matamis na alaala ng kanyang kabataan. Inalok pa ako ng alak ng matandang makata sa loob ng opisina ng dekana habang patuloy ang kanilang kuwentuhan. Naalala ko noon ang kuwento ng isang kasapi ng TWG na si Dimalanta pa raw ang magtatanggol sa mga ismid at puna ng mga administrador at ilang matataas na tao sa Unibersidad sa mga sinusulat ng mga makata niyang estudiyante lalo na’t patungkol ito sa mga sensual na relasyon. Makakausap mo raw si Dimalanta sa ganitong mga usapin hanggang sa ikaw na mismo ang magulat sa kanyang mga perspektibo. Hindi ko naranasan kay Dimalanta ang ganoong mga usapan, ang pinakamalapit naming huntahan sa isa’t isa ay ang patungkol nga sa wika. Ngayon iniisip ko kung nababasa niya ba noon ang lahat ng naisulat ko sa Santo Tomas, hindi ako sigurado. Pero sigurado ako na hindi niya ako pinabayaan sa Thomasian Writers Guild, sa Santo Tomas. Bagaman ilang ako sa kanya noon at nahihiyang lumapit sa kanya, si Dimalanta ang ikalawang tao na naniniwala sa kakayanan kong magsulat sa mura kong edad—ikalawa lamang sa aking sarili.
            Naalala ko noong unang linggo ng Marso, ilang araw na lamang at magtatapos na ako sa kolehiyo ipinatawag ako ni Dimalanta sa kanyang opisina. Pagpasok sa opisina walang sere-seremonyang sinabi niya sa akin na igagawad ang Literary Excellence Award ng Unibersidad sa aking pagtatapos. “But I am not a Literature major, ma’am,” ang sagot ko sa kanya. Mahaba ang paliwanag niya pagkatapos na para bang nais niyang sabihin sa akin na hindi lang ikaw ang may kakayanang lumihis sa nakatakda at inaasahan—na baka nakalimutan mong isa rin akong makata: na kaya kong likhain at wasakin ang mga tradisyon, na kaya ko ring bumalik sa realidad paminsan-minsan. Nagpasalamat ako sa kanya at sinabi niya sa akin na “You should continue writing ha even outside the University?”
            Ngayon na nasa labas na ako ng Unibersidad, malayo sa Maynila at halos lagpas isang dekada na ang nakalilipas mula nang maging kasapi ako ng Thomasian Writers Guild, sa bawat pagyuko ko sa entablado sa pasasalamat sa mga manonood ng aking mga dula, sa bawat kuwento ko na mailalathala o matatapos maisulat—lagi kong iniisip ang hamon sa akin pagkatapos kung hanggang saan ba ang mararating ng aking pagsusulat, kung ano nga ba ang maging isang Filipino at magsulat sa sariling wika. Kung ano nga ba ang maging isang manunulat at yakapin nang buong-buo ang paglalakbay sa landas na ito na hindi mo mararating ang dulo ng daan kahit siguro sa kamatayan. Minsan ipinatawag kaming lahat ni Blue Moonfish dahil mayroon daw mga bagong kasapi ng grupo. Nagulat ako noon dahil tila espesyal ang mga bagong kasapi na ito na kailangan pa na tawagin ang lahat bilang pagsalubong. Nang makita ko tatlong mag-aaral pala ng UST High School ang mga bagong kasapi, isang babae at dalawang lalaki na yayat ang isa. Naisip ko noon, masuwerte ang mga highschool na ito at nabigyan sila ng pagkakataon na makasali sa grupo sa murang edad. Puwede ba tayong tumanggap ng High School ang tanong ng ilang kasapi, maging ako na alam ang mga bisyo at ugali ng mga kasapi ng TWG at hindi ko alam kung makababagay ba ang mga mag-aaral sa sekondaryang paaralan sa mga gawain at libangan ng grupo. “Mga bataraw ‘yan ni Krip Yuson, sabi ni Love Woman,” ang tugon lang sa amin ni Blue Moonfish bilang paliwanag kung bakit dapat maging kasapi ng grupo ang tatlo. Namangha ang lahat sa tatlong batang kasapi, marahil magagaling itong mga makata, mas magagaling kaysa sa mga kasalukuyang mga makata noon ng aming grupo. Hindi ko pa noon nababasa si Krip Yuson at kung ano nga ba ang dala ng kanyang pangalan. Ngayon iniisip ko kung nasaan na kaya ang mga batang iyon at kung nagpatuloy ba sila sa pagsusulat nang makatungtong ng kolehiyo o ngayon siguro na mayroon na silang sari-sariling mga pamilya. Marami rin kasi na dating mga kasapi ng Thomasian Writers Guild na lumihis ng landas at namuhay sa ‘labas ng Panitikan’ nang lisanin ang Unibersidad. “Sagrado at banal na lugar ang daigdig ng Panitikan,”  ang paliwanag sa amin noon ni Blue Moonfish sa isang seryosohang diskusyon ng mga kasapi ng TWG  sa kinabukasan ng aming pagsusulat at kung ang manunulat nga ba ay ‘ipinanganak’ o sadyang isa sa mga desisyon lamang sa buhay. “Hindi ito para sa lahat,” dagdag pa niya. Kay Dimalanta, tulad ng mga makata na kasama ko noon sa Thomasian Writers Guild, ang Pag-Ibig ang siyang simula at hangganan ng Lahat; na ang maging tampalasan ay umibig; na sa aming mga manunulat ang daigdig ay ang Panitikan at ang Panitikan ay ang daigdig—at ang mga nalalabi sa sansinukob ay ang mga nakababagot na karaniwan ng buhay at rela-relasyon. Na hindi ang mga malalakas ang nananatili kundi ang mga matatapang.

Sunday, December 30, 2012

Kung Paano ko Pinanood na Filipino ang ‘Thy Womb’ ni Mendoza at may Katabi akong Moro sa loob ng Nilalangaw na Sinehan



Nora Aunor bilang Shaleha sa pelikula. 
ANG NASASAAD SA 2012 Framework Agreement ng Gubyerno ng mga Filipino at ng MILF: ‘The relationship of the Central Government with the Bangsamoro Government shall be asymmetric.’ Naisip ko: ano kaya ang makukuha mo sa isang relasyon na itinakda mo na ang guwang sa pagitan ninyong dalawa. Maaaring sa pagitan ng dalawang gubyerno o sa pagitan ng gubyerno at rebeldeng grupo, sa pulitika marahil—marami. Ngunit sa personal na buhay—sa personal na rela-relasyon, sa isang kasal halimbawa, nagtatagal kaya ang pagsasama ng mga taong pinananatili na mataas ang isa kaysa sa kanyang katuwang?  Kompromiso, konsesyon—mahahalaga ang mga ito sa isang relasyon. Ngunit nawawala ang bisa ng konsesyon lalo na ng kompromiso kung sa simula pa lamang ng relasyon hindi na pantay ang inyong katayuan sa loob ng isang relasyon.
Kahapon kasama kong nanood ng ‘Thy Womb’ ni Mendoza ang isang kapatid na Meranao mula sa Lumba Bayabao sa Lanao del Sur. Ang kapatid na ito ay isa ring matalino, para sa akin, na graduwadong mag-aaral ng Islamic Studies sa Unibersidad ng Pilipinas na talaga namang napakabuti sa akin at hindi ako pinagdaramutan ng kanyang mga pag-aaral, aklat at riserts mula sa Unibersidad – at oway sa malimit niyang panlilibre sa akin. Nais kong mapanood ang pelikula dahil magtutungo ako sa Bongao sa mga susunod na buwan kasama ng photographer na si Alberto Bainto at makatutulong marahil sa akin ang pelikula ni Mendoza upang mas kilalanin pa ang ‘lugar’ na dadalawin ko para sa aking pagsusulat. Ninais ko ring mapanood ang pelikula na may kasamang Moro (wala akong matalik na kaibigang Tausug, Samal, o Yakan o Badjao na mahihila sa panonood ng pelikula at alam kong makakausap ko sa diskusyon pagkatapos—wala rin sa Maynila ang kaibigan kong Kagan at hayun at aligaga pa rin sa kanila sa Compostela Valley dahil sa nagdaang bagyo) para mas madali sa aking magtanong sa mga hindi ko mauunawaan habang nanonood ng pelikula. Ang kapatid na Meranao ang pinaka-‘swak’ na isama dahil nag-aaral din ito ng Islam—bagaman may agam-agam ako na magka-interes siya sa pelikula dahil kabilang siya sa ibang ethno-linguistic group na bumubuo sa ‘Bangsamoro’ (labingtatlo ang grupong ito mula sa Palawan, Sulu, at Mindanao at kabilang dito ang mga Meranao sa Lanao at ang mga Badjao sa Sulu at Zamboanga—ngunit sa bisa ng Framework Agreement ang depinisyon ng ‘Bangsamoro’ ay hindi na ang labingtatlong ethnoliguistic na grupo na ito kundi ang mga probinsiya at siyudad na kabilang sa ARMM ng ating Saligang Batas at ang sampung porsiyento pa ng mga botante sa mga karatig na probinsiya at siyudad na magnanais na mapabilang sa ‘Bangsamoro.’)
            Binalak ko ang SM Fairview sana dahil mas malapit sa aming dalawa na parehong taga-Culiat sa Quezon City. Hindi na ipinalalabas ang pelikula sa SM Fairview. Sinubukan ko sa Robinson’s Ermita, wala rin ang pelikula roon bagkus tila sa dalawang sinehan nila ipinalalabas ang ‘Sisterakas’. At napagdesisyunan namin ang Mall of Asia dahil palabas daw doon ang pelikula, at isang beses pa lamang akong nakararating sa Mall kaya okay lamang sa aming dalawa na tawirin ang Ilog Pasig mapanood lamang ang pelikula. Nang nasa Cultural Center of the Philippines na kami bandang hapon, nalaman ko na wala na rin pala ang pelikula sa Mall of Asia. Nalaman ko sa internet na unti-unti na palang tinatanggal sa mga sinehan ang ‘Thy Womb’ ni Mendoza at ang pinakamalapit na sinehan sa amin ngayon na pinalalabas pa ang pelikula ay ang SM Manila. Bokya sa takilya ang pelikula sa Festival na ito. May nabasa ako na nakabuburyong daw ang kuwento at bigla na lamang natapos at wala naman daw ‘nangyayari’ sa kuwento. Kinahaban ako. Paano kung pangit nga talaga ang pelikula kaya nilalangaw ang takilya? Sayang ang pera. Kinabahan rin ako sa kasama ko. Paano kung ‘artsy’ nga ang pelikula baka iwanan ako ng kasama ko sa sinehan at maging ako rin—ayaw kong manood ng mga artsy film sa kasalukuyan sa panahong itong na ‘festive’ at ‘Festival’ ang simoy ng hangin sa buong Kamaynilaan—baka bigla kong iwanan ang pelikula at magwaldas ng salapi.   
At hayun nga, nagtungo kami sa SM Manila at nanood. Sa loob ng sinehan, may mangilan-ngilan akong nakita na naka-hijab na nanonood kasama ng kanilang mga bana marahil. Mapapansin mo ang iba mong mga kasama sa loob ng sinehan dahil, tulad nga ng balita at nabanggit, bokya talaga sa takilya ang pelikula na ito.
At nagbukas nga ang kuwento sa pelikula.
Nagsimula ang kuwento sa eksena na nagpapa-anak si Shaleha, isa kasi siyang komadrona sa bahaging ito ng Bongao sa Tawi-Tawi na hindi naman matanda ngunit masasabing ‘may edad na’. Sa unang eksena pa lamang nakahinga na ako. Isa sa mga agam-agam ko kasi sa tuwing manonood ng mga naratibo na ‘galing sa Mindanao’ ang tinatawag kong ‘cultural show’ na may sundot ng irita at pagkasuya—mga kuwento na magsasabi sa akin na kailangan kong ‘ariin’ ang kultura, kasaysayan, at masisining na pagpapahayag ng mga Moro bilang bahagi ng malaking proyekto ng konstruksiyon ng kamalayan at nasyunalismong Pilipino. Makatotohanan ang unang eksena ng pagpapa-anak ni Shaleha at inihanda ko na ang sarili ko sa halos isang oras at kahati marahil na ‘makatotohanang’ pagsasadula ng kuwento.
Tahimik lamang ang pelikula. Halos mabibilang sa mga daliri sa katawan ang mga linya ni Shaleha sa kabuuan ng pelikula. Alam mo rin na pag-ibig ang isa sa mga tinatalakay ng pelikula dahil ilang eksena na ang ipinakita na magkasama sa ‘hirap at ginhawa’ sina Shaleha at ang bana niyang si Bangas-an. Magkasama sila sa pangingisda, sa pagkakalakal ng kanilang mga bulad sa bangkerohan, sa mga gawain sa bahay, at si Bangas-an pa ang naghahatid at nagsusundo kay Shaleha sa mga gawain nito bilang komadrona sa pagtawid-tawid sa mga isla at mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng karagatan sa bahaging iyon ng Tawi-Tawi. Mga Badjao sina Bangas-an at Shalena – ‘marahil’ dahil maari namang Yakan sila mula sa Basilan na tumawid sa Bongao, o Samal, o Tausug.
“Mukhang makagagawa ako ng critique dito,” ang pagbabanta ng kasama ko sa aking tabi. Ito ang mga uri ng Moro na nais kong maging manonood ng aking mga dula at sa mga pamorningan na usapan sa kape at biskuwit. Hindi ako nagkamali sa aking isinama.
“Mali ang pronunciation niya,” ang puna ng kasama ko nang bumati ng ‘Assalamu alaykum’ ang artista na gumaganap sa tauhan ni Shaleha, maging sa tauhan ni Bangas-an. Sanay na ang kanyang mga tenga na marinig ang mga salita o malay lang siyang hindi Moro ang artistang gumaganap sa pelikula, hindi ko alam. Napapansin niya sa mga artista na gumaganap na imam ang siyang may tumpak na pagbigkas sa mga salitang Arabic. Siguro, naisip ko, baka mga totoong Muslim sila o ustadz kaya gamay nila ang tamang pagbikas sa wika. Tila magiging kritikal ang kasama ko sa mga aspektong may kinalaman sa Islam sa kabuuan ng pelikula, na aasahan mo naman sa isang mag-aaral ng Islamic Studies.  
“Ang ganda ng shot,” naibulalas ko nang manatili ang daloy ng kuwento sa eksena na naghihintay sina Shaleha at Bangas-an kasama ng isang matandang lalaking Moro sa pagdaan ng babaeng hinahanap nila. “Bakit maganda?” ang tanong niya. “Parang painting,” ang sabi ko. “May perspectives at balance ang paghahanay ng mga imahen.”
Hindi totoong ‘walang nangyayari’ sa kuwento tulad ng mga sinasabi sa mga blog at FB wall post na nababasa ko. Nagsimula ang conflict nang magdesisyon ang mag-asawa na hanapan nang mas batang babaeng mapapangasawa si Bangas-an para sa iisang dahilan: nais kasing bigyan ng anak ni Shaleha ang kanyang bana. Si Shaleha, mahihinuha natin, bagaman kilalang komadrona na nagpapa-anak sa komunidad, ay hindi pala kayang bigyan ng anak ang sariling bana.
Dalawa ang problema ng mag-asawa sa ninanais nila: una, ang mahanap ang pinakatamang babae para maging asawa ni Bangas-an. Ikalawa, tila naging mahal na ang dowry ng mga babae sa komunidad dahil nakapag-aaral na sila at mayroon nang edukasyon, hindi tulad ni Sheleha na bagaman kilalang komadrona ng komunidad ay isang semi-illiterate. “Pag mataas ang pinag-aralan, mas mataas ang dowry,” ang paliwanag ng kasama ko. At hayun nga sa pelikula, ang mga imahen ng sanlaksang mga batang babaeng estudiyante habang ang mga batang lalaki, naglalaro ng saranggola, nagtatampisaw sa dagat. Sa loob ng masjid, sa araw ng Jummah, mas napupuno ang lugar ng mga babae sa pagsasambahayang kaysa ang sa mga lalaki. At naalala ko ang kalupitan ng Pilar College sa Zamboanga City sa mga kabataang babaeng Muslim. Sa Islam kasi, wala pagpipilit sa pananampalataya. Kaya kung ang isang babaeng Muslim na magdesisyon na magsuot ng hijab, isa itong sagradong pagtatapon ng kanyang kalayaan bilang babae at bilang isang Muslim sa daigdig na nais niyang manampalataya. Ipinagbawal ng mga pinuno at di-Muslim na mga magulang ng Pilar College ang pagsusuot ng hijab ng mga kabataang mag-aaral sa loob ng kanilang paaralan. Kalaban talaga ng diskurso ng kalayaan ang mga makikitid na isipan. Nang minsang ialok ni Shaleha sa isang masipag na tindera sa bangkerohan ang kanyang bana bilang asawa sinagot siya ng babae na hindi ko na nga kayang buhayin ang sarili ko mag-aasawa pa ako—kung may kalayaan ialok sa merkado ng pangunahing tauhan sa kuwento ang lahat ng kanilang mga kalakal, may kalayaan din na tumanggi ang pinag-aalukan. Alam natin na hindi lamang pag-ibig ang nais na talakayin ng pelikula, eksplorasyon din ito sa konsepto ng kalayaan.
“Parang sa amindin,” ang paliwanag ng kasama kong Meranao. Nakikita niya sa mga imahen sa pelikula ang mga personal niyang mga karanasan sa kanilang komunidad bagaman kultura at realidad ng mga Badjao ang nasa kuwento. May eksena na ikinakasal ang dalawang tauhan sa kuwento at ipinapakita ang mga tradisyon at gawi sa kasal ng mga Badjao. “Parang ganyan din sa amin.” Ang binanggit niyang muli. Gusto ko sanang itugon sa kanya: sa amin, sa simbahan ginaganap ang kasal kung gusto mong maging tradisyunal. May mga abay. Nagsisimula sa ligawan. May kilig. May pamamanhikan. May pari at hindi pinag-uusapan ang halaga ng dowry—dahil walang dowry.   Sa amin, hindi mo hahanapan ng ibang asawa ang iyong bana. May konsepto kami ng ‘kabit’, ng ‘Other Woman’ sa hawla na kung tawagin ay ‘kasal’.
Nagsimulang maglala ng banig si Shaleha. “Alam ko kung paano iyan,” ang paliwanag sa akin ng aking kasama. “Marunong ng ganyan ang ante ko at ang nanay ko,” ang pagmamayabang niya sa akin. “Talaga?” ang sagot ko. At habang ipinapakita sa pelikula ang paraan ng paggawa ng banig inilalahad niya sa akin ang pangalan ng mga kasangkapan—mula sa pagkukulay, sa pagpapakulo ng mga dahon ng abaka, maging ang buong proseso—sa salitang Meranao. “Parang ganyan din sa amin. Kararaang tawag sa proseso. Riyara ang tawag sa product. Kaya ko yan. 500 pesos ang benta sa banig.” Nais ko sanang itugon bilang ‘pakiki-amin’ na mayroong ding ganyan sa Samar, sa Bicol, sa maraming probinsiya sa Luzon. Pero hindi ko na lamang ito itinugon. Ayaw kong mahulog sa bitag: iyon marahil ang proseso niya ng paglikha ng kamalayan ng kanilang nasyon, ng proseso ng konstruksiyon ng sarili niyang komunidad, ng ‘imagined community’ ika nga ni Anderson—siya na isang Meranao, at naroroon sa pelikula ang mga imahen na mga Badjao—“Parang sa amin din.” At bilang paggalang marapat lamang na tanggapin ko sa sarili na hindi ako kasama sa nasasakop ng ‘amin’ na iyon—ang ‘Bangsa Moro’ ng Moro National Liberation Front at ‘Ummah’ naman ng Moro Islamic Liberation Front.
May kakatwang eksena, isang dambuhalang baka ang isinakay sa bangka para itawid ng dagat. Sa kabilang pampang kakatayin ang baka na ito para ihanda sa piging, sa isang kasal. “Sa amin, pag ganyan hinahati ang baka equally sa lahat—kung 28 kayong lahat hahatiin sa 28 ang mga bahagi for distribution,” paliwanag sa akin ng kasama ko habang ipinapakita sa eksena na kinakatay ang baka habang nagsha-shahada ang kakatay. Ngunit habang itinatawid ang bangka na may sakay na baka biglang dumaan ang humaharurot na sasakyang pandagat ng Philippine Navy. Lumikha ito ng naglalakihang mga alon. Tumaob ang bangka at nahulog sa lalim ng dagat ang baka. Ngunit nagtulong-tulong ang mga tao upang isakay na muli ang baka sa bangka at maihatid sa pampang. Ganoon din sa reception ng kasal. Habang nagsasaya ang lahat nagkaroon ng encounter, putukan, nagkagulo ang mga tao. Huwag daw itigil ang sayaw at hayun nga, nang tumila ang mga putukan napanatag ang lahat at tuloy ang sayawan pati ng dalawang ikinakasal. Minsan napag-utusan si Shaleha na bumili ng mga kamoteng kahoy at nagkaroon ng hagaran, nabangga siya ng mga tumatakbong sundalo at nahulog niya mga pinamili sa lupa—tulad kung paano isinampa muli ang baka sa bangka, ang ituloy sayaw natapos ang encounter—kasimbilis niyang ring itinidig ang sarili sa mga panandaliang maliliit na eksena na sumisingit sa normal nilang pamumuhay. Naging bahagi na ng buhay nila ang mga ‘singit’ na ito.
“Mali ‘yan,” ang dagdag muli ng aking kasama. “Dapat itinitigil nila ang lahat ng gawain kapag   narinig na ang adhan.” Ngunit nasa eksena ang kasal at ang ‘pamamanhikan’ at totoo ngang habang nag-uusap ang mga kalalakihan naririnig ang adhan sa paligid. Nang dumating ang eksena na nakaharap sa karagatan ang mga Badjao at nag-aalay ng mga maliliit na bangka marahil para humiling nang mas masaganang pangingisda at bumibigkas ng Surah Fatihah ang madla napabulalas sa gulat ang aking kasama, “Ano ‘yan?” At alam kong hindi iyon pinahihintulutan sa Islam. “Baka pre-Islamic,” ang sabi na lamang niya bilang tugon na rin sa sariling tanong. “Culturesiguro,” ang sabi ko, “parang pag-ipatng mga Maguindanaoan.” Gusto ko sanang idagdag: parang Darangen ninyo. Bakit hindi pinag-aaralan kung anu-ano ang mga pagkakatulad at variations ng mga practices  sa Islam ng iba’t ibang tribong Moro? ang tanong ko sa kanya. Itinanong ko iyon sa kanya bilang isang kapatid na Muslim. Hindi moral para sa akin, sa lahat ng sitwasyon at pagkakataon na magtapon ng katanungan o mga pangungusap sa kapatid na Moro na naglalaman ng ‘kung ano nga ba ang dapat sa inyo’—ngunit hindi naman ako perpektong tao, may mga pagkakataon din na nahuhulog ako sa bitag dahil isa pa rin akong Filipino.
At hindi nga nahulog sa bitag ang Thy Womb ni Mendoza. Ang totoo: damang-dama mo na maingat na naglalakad sa gilid ng patibong ang pelikula. Malay ito na may bitag sa kanyang harapan at pinili nito ang manatili na naglalakad sa bingit ng pagkahulog. May mga bahagi sa pelikula na tila napapahawak ako sa dibdib sa takot na tuluyan na itong madulas o mapatid ng nakausling sanga at tuluyang mahulog sa bitag. Ngunit nagwagi ang pelikula. Dito ko nakita ang isang marikit na pag-asa sa Naratibo ng mga Filipino sa mga Moro: dahil malay ka sa bitag at nananatili ka pa ring naglalakad sa paligid nito nauunawaan mo ang iyong Sarili, ang iyong sariling mga takot, agam-agam, mga katanungan. “Ano ang gusto nilang sabihin, ha?” ang tanong ng akin ng kasama ko nang lumabas sa eksena na napadaan sina Shaleha at Bangas-an sa isang chapel ng mga Katoliko—tadtad ng bala ang mga haligi at nagkalat ang mga imahen ng mga santo sa loob. Tila nahulog sa bitag ang aking kasama. Nais ko sanang ipaliwanag sa kanya na hindi, hindi ninanais ng pelikula na ilarawan ang matagal na nating nalalaman, ang matagal nang ipinamumukha sa atin ng gubyerno at lipunan maging ng mga palabas, pagtatanghal at kuwento mula sa Mindanao. Nais lamang ipaalala ng pelikula na sa daigdig na inilalarawan sa kuwento, walang lugar ang kahinaan at ang saliwang relihiyon.
Sa pagtalakay ng Thy Womb sa buhay ng mga Moro sa bahaging ito ng Tawi-Tawi, pagtalakay na ingat na ingat na muhulog ang naratibo sa bitag, hindi malay ang pelikula na tinatalakay na pala nito ang neo-kolonyal na relasyon ng Pilipinas sa Bangsamoro: na ang daan na tinatahak nating mga Filipino sa konstruksiyon ng ating identidad, ng ating pagkatao at nasyunalismo hinuhubad natin ang mga bagay na magpapakatao sa atin—pag-ibig, responsibilidad sa iniibig, katapangan, pagwaksi sa takot ng pag-iisa sa katandaan, sa kamatayan, pananampalataya. Naalala ko bigla sa loob ng sinehan ang sinabi sa akin noon ng isang kapatid na Moro, “Baka kami ang inyong nakaraan na pilit niyong tinatalikuran?”
Kung ang Bangsamoro ang salamin na hawak ng Filipino upang mas makilala pa niya ang kanyang sarili, isang pambihirang pagtatangka sa katapangan ang Thy Womb na humarap sa salamin bagaman nakapikit ang kanyang mga mata upang sipatin ang sarili. Mas mainam na ang ganito kaysa ang nakasanayan na na ang siyang nakaharap sa salamin ang nagdidikta kung paano nga ba niya dapat makita at makilala ang kanyang sarili.     
   At nahanap nga ni Shaleha ang babaeng para sa kanyang bana. Si Mersila—bata, maganda, may pinag-aralan. At siguradong makapagbibigay ng anak kay Bangas-an. Ngunit malaki ang dowry ni Mersila tulad ng inaasahan. At nagpursige si Shaleha na likumin ang salaping kinakailangan para sa dowry ng mapapangasawa ng kanyang bana. Pati sarili niyang mga alahas at ang motor ng kanilang bangka na ginagamit niya sa paglalakbay sa mga isla bilang komadrona ibenenta para lamang mapunan ang pangangailangan ng dowry. Nakita rin kung paano sila tinulungan ng kanilang komunidad para lamang maipon ang sapat na salapi. Ganoon kamahal ni Shaleha ang kanyang bana. Ngunit kasama sa dowry ang isang bagay, ang isang katotohanan na ipinaalala ni Mersila kay Bangas-an: sa oras na isilang ko ang iyong anak, hihiwalayan mo ang iyong unang asawa, hihiwalayan mo si Shaleha. “Ang lungkot,” ang naibulalas ko sa aking kasama. “Hindi ganyan sa amin,” ang sagot naman niya, “ang unang asawa minsan ang masusunod.” Malungkot dahil maiiwanang nag-iisa sa katandaan si Shaleha—hindi na siya bata tulad ni Mersila na hahandugan ng nagtataasang dowry, wala nang lalaki ang iibig pa sa kanya marahil. Saan siya pupunta?
Naunawaan ko lamang ang lahat nang ipakita ang eksena na si Shaleha pa ang nagpaanak kay Mersila. Na ang institusyon ng kasal para kay Shaleha ay hindi isang hawla kung saan siya naikulong—ang kasal sa kanya ay isang espasyo para ibahagi niya ang kanyang pag-ibig at responsibilidad sa pinakamamahal niyang lalaki na katuwang sa buhay at paghahanap-buhay, isang espasyo na itatakda niya ang kanyang kalayaan bilang isang babae na may kapangyarihan sa kanyang mga desisyon at sarili, ang lunan kung saan malaya niyang sasambahin ang Allah (swt) at mapananatili ang pagpapakumbaba ng kanyang imaan. Na hindi ako mamamatay sa lungkot sa oras ng aking pag-iisa at mawala ang aking bana, kung sakaling maging shahid man ang aking bana at maiwanan sa akin ang pagtatagayod ng aking pamilya. Mahigpit na magkalingkis ang pag-ibig at katapangan sa bahaging ito ng daigdig, ayon sa pelikula na ito ni Mendoza.
Pagkatapos ng pelikula hindi kaagad kami tumayo ng aking kasama. Maraming salitang nais na pakawalan sa pagitan naming dalawa. Ganoon dapat ang Sining—hindi nito tinatapos sa aliwan ang lahat. Hindi nagtatapos sa palakpakan, sa tawanan ang relasyon ng likha at ng kanyang manonood o mambabasa. Hindi ninanais ng Sining ang pagtakas—tulad ng mga ninanais na ibahagi sa atin ng mga telenobela at mga mamerang pelikula ng mga kabit at nakakikilig na pag-iibigan ng mga magaganda at guwapong mga artista, na parang ang mga magagandang tao lamang ang may karapatan na umibig at mabigo sa pag-ibig at relasyon. Hindi pagtakas ang ninanais ng Sining, kundi paglaya.
Binasa namin ang closing credits ng pelikula. Pinasalamatan ng pelikula ang mga taong naging bahagi ng kanilang produksiyon. “Bakit magkapareho ang last name ng governor at vice-governor ng Tawi-Tawi?” ang tanong ko. Hindi sumagot ang aking kasama dahil baka namalik-mata lang ako sa aking pagbabasa. O may mga katotohanan sa labas ng pelikula, sa tunay na daigdig na kapwa naming iniiwasang pag-usapan. Tumindig na lamang kami sa aming mga kinauupuan at lumabas ng sinehan. Nakalulungkot isipin na sa paglabas para talagang kaming dalawa lamang ang nanood ng Thy Womb ni Mendoza.
“Bakit walang nanonood?” ang tanong ko sa aking kasama nang makita ko ang pila sa pelikula paglabas na pinagbibidahan ng anak ng dating pangulo ng Pilipinas. Hindi na naman siya sumagot.  At sa  pananahimik naming dalawa habang papalayo sa sinehan bigla akong nagimbal sa aking naisip na kasagutan sa sariling katanungan. Hindi, mali. Hindi dahil sa ‘bakya’ ang panlasa ng mga tao na parokyano ng taunang Festival na ito at hindi nila dinudumog ang takilya. Hindi, mali. Hindi dahil sa tila nakasasanayan na ng panlasa ng masa ang halos araw-araw at maghapon na soap operas at hahanapin na nila ang ‘teleserye’ sa lahat ng aliwan na kanilang hinahanap. Nakagigimbal na katotohanan: takot pa rin pala tayong harapin ang salamin. May mga katotohanan at naratibo na pilit pa rin nating iwinawaksi at di-malay na iniiwasan. Dito pala nanggagaling ang konsepto ng ‘asymmetric’ na relasyon. Hindi ito tapang at pagbabandera ng katapangan at paglalayon ng isang tunay na kapayapaan. Isa pala itong naratibo ng ating kaduwagan—at sa kaduwagang ito namamanhid na ang ating mga balat, ang ating mga budhi, ang ating mga kaluluwa at maging ang mga panlasa sa kung alin ang maganda sa karaniwan. Kaya sa harap ng madla, sa loob mismo ng Malacanang noong Setyembre, sa isang malakihang piging na hinahayaan natin silang hilingin sa atin ang mga bagay na marapat nang matagal na naririyan: ang hustisya, ang kanilang kasaysayan at identidad, ang kanilang mga kinabukasan, ang kanilang kalayaan. Hindi tayo nakaramdam o natinag man lamang sa hiya sa kanilang harapan, sa daigdig.
Mas lalong tumingkad ang aking pagkagimbal nang dumaong na muli sa akin ang katinuan na si Nora Aunor pala, na bagaman hindi na ang reyna ng takilya sa mahabang kasaysayan ng Festival na ito ngunit hindi mangyayaring lalangawin ng ganoon ang kanyang pelikula, ang gumanap sa Shaleha sa Thy Womb. Siya pala ang artista na gumaganap sa tauhan ni Shaleha sa kabuuan ng kuwento. Bravo.

Tuesday, August 21, 2012

Eid ul Fitr 2012

Eid ul Fitr Celebration ni Rogelio Braga. This is it!
ITO NA YATA ang isa sa pinakamagandang salubong sa akin pagbalik ko ng Maynila mula Cebu. Nang makauwi na ako ng Maynila sinigurado kong binuhay kong muli ang komunikasyon sa mga kaibigan at kapatid ko sa Young Moro Professional Networks Inc (YMPN) na naiwanan ko rito sa Maynila halos tatlong taon na ang nakalilipas. 

















Dahil nagkataon na nalalapit na ang Eid nang magdesisyon akong magbalik ng Maynila nakatanggap ako ng imbistasyon sa aking mga kaibigan - sina Ara at Nahda na makisaya sa Eid nila para sa mga bata at mag-aaral ng Liwanag ng Kapayapaan Foundation sa Fairview (ito yung foundation at eskuwelahan ng Muslim na actor na si Robin Padilla - at nakita ko siya sa personal!) 

















Labis ang aking pasasalamat at nakadalo sa piging at nabigyan din ng pagkakataon na makatulong sa pamamagitan ng pagiging accidental 'emcee' at facilitator ng children's game para mga dumalong mga mag-aaral. 

Ako bilang dakilang emcee. Para lang kaming umaarte sa entablado.
Masaya lalo na ang mga palaro ng mga bata at ang salu-salo kasama ang kapatid kong mga Muslim. Kahit masungit ang panahon at hindi mo malaman kung uulan o aaraw - nadama ko ang pananabik ng lahat ng dumalo sa piging. Marami rin akong mga bagong kaibigan na nakilala sa pananatili at sinubukan kong tumikim ng iba't ibang putahe mula sa iba't ibang ethno-linguistic group sa Mindanao (mayroon Tausug, Maguindanaoan na hindi ako nakatikim ng paborito kong pastil, Meranao, Yakan). 

Nais ko lamang ibahagi ang ilang mga larawan mula sa aming Eid: 

Si Muhammed Mustafa Samur mula sa Turkey. Bagong kakilala mula Nur Factory. 

Sabi ng kaibigan kong si Ara ito raw ang 'bersiyon' ng cake ng mga Yakan - ang 'maligey'. 

Si Nahda (nasa gitna) ay isang guro sa Liwanag ng Kapayapaan Foundation. 

Alam ko na ang tsokolate talaga ang kahinaan ko...pero napigilan ko ang aking sarili noong araw na iyon. Bigla kong na-miss ang chocolate extreme sa Dessert Factory sa Cebu.
Girl Power! 
Naubos yata ang lakas ko sa excitement sa palarong ito. Sa simula dapat itlog ang gagamitin namin pero dahil hindi kaya ng mga bata at ng kutsara ang itlog ginamit na lamang namin ang kalamansi. Dahil umuulan at iniiwasan na magkasakit ang mga bata sa loob ng masjid ginanap ang palaro. 

Okay let's test it!
At ako kasama sina teachers at yes, emcee for the children's party...si Nahiya ang emcee ng buong piging (yung unang babae sa kaliwa) at kinailangan lamang niya ng tulong mula sa amin.



Monday, August 20, 2012

Jazz Music, Poets, at Ano Na ang Nangyari sa Iyo?


NAIS KO SANANG simulan ang post na ito sa tula ng makata na si Luisa Igloria dahil ang lahat ng uri ng paglisan ay may binabaong sakit at pag-asa. Hindi mo sinusukat ang paglisan sa layo nang narating mo mula sa iyong pinanggalingan kundi sa kung gaano ka na kalapit sa iyong nais na patutunguhan:

You do not hear me, but I still ask it:
If I left, would you follow my trail,
Would you collect the bones of stories they will tell about me
And wear them as a pledge;
And most of all, oh most of all
What would you give up
For that glimpse of me
You will risk again and again to see:
A figure under broken lamplight,
The endpoints of my cape flying upward to the moon
Because finally nothing, not even magnetism,
Could withhold from us the ache,
The promise of such music.

Nitong nagdaang gabi matapos ang halos apat na taon nagkita-kita kaming muli ng mga personal kong mga kaibigan. Natutuwa ako at nakasama ko silang muli. Sa aming mga magkakaibigan, silang apat ay pawang mga seryosong makata, propesor unibersidad at ako lamang ang mandudula at nagsusulat ng fiction. 

Pero sila ang mga bestfriend ko at tunay na mga kaibigan.  

Ang pagkikitang iyong ay para sa isang kaibigan na aalis na muli bukas patungong Amerika para ipagpatuloy ang pag-aaral sa Wisconsin.  Sa gitna ang huntahan sa kape at tsaa naitanong ng aking mga kaibigan ko kung bakit bigla na lamang akong bumalik ng Maynila at nilisan ang Cebu. At alam kong wala akong maitatago sa kanila at kalkulado na nila ang aking ugali. At hayun, ikinuwento ko nga sa kanila ang nangyari sa akin. At natutuwa ako na naunawaan naman nila ako at nagpasalamat na nakabalik na ako ng Maynila - at natutuwa ako na hiniling nila na sana hindi na ako muling aalis ng Maynila. Doon ko naiisip na masuwerte pa rin ako at mayroong mga taong nagpapahalaga sa akin - maging sa aking mga limitasyon at pagkukulang. 

Mabigat ang usapan naming lima - panitikan, relasyon, kaligayahan, tula, buhay, at ang mga pinagdadaanan namin sa kasalukuyan. Na-miss ko ang ganitong mga kausap, ang ganitong mga tao na binubuksan nila ang sarili nila sa akin at malaya ko ring binubuksan ang sarili ko sa kanila. Ganito marahil ang relasyon: bubuksan mo ang sarili mo isang tao at ganoon din ang gagawin niya sa iyo - at hindi mo sasabihin sa kanya pagkatapos: bahala ka, buhay mo iyan gawin mo ang gusto mo. Hindi ganyan ang kaibigan, hindi ganyan ang relasyon. At nagpapasalamat ako at nagkaroon ako ng mga kaibigan na tao kung magdamdam, na tao kung makitungo. At inaasahan nila na naririyan ka at hindi ka tatapunan ng paghusga sa sandaling magkamali ka. Sila ang unang uunawa sa iyo, sasabihin nila ang totoo, hindi sila magtatago ng kahit na ano. Tapat sila sa iyong pagkatao, at ninanais nila na matunton mo ang ninanais mong marating. 

Matapos ang mahabang huntahan sa kape at tsaa nagtungo kami sa isang jazz bar sa Timog. At naglunoy kaming lahat sa musika - walang mga salita ang namagitan sa amin sa haba ng mga pagtatanghal ng mga banda at hinayaan namin na ang musika at magsalansan ng aming mga damdamin - ako, sa aking kalungkutan. Doon ko unang naunawaan ang rikit ng jazz bilang genre. Walang salita, walang konkreto at nakasasakal na istruktura - musika lamang, spontaneous. Damdamin, ang buhay at ang mga posibilidad. 

Nabanggit ng isa kong kaibigan na propesor sa Ateneo de Manila at isang makata nang mapansin niyang nalulungkot ako sa aking mga kuwento sa nangyari sa akin sa Cebu gayon din ang isa kong kaibigan na katatapos lamang tapusin ang isang anim na taong relasyon. Sabi niya sa amin,  hindi ang maging masaya o malungkot dahil ang lahat nang ito ay natatamasa lamang sa haba ng sandali. Ang hanapin ay ang kapanatagan ng loob.

Nais ko sana na magbalik muli sa akin ang kapanatagan ng loob, o matagpuan ko ito sa isang tao. Alam ko pa rin ang maging tao dahil alam ko pa rin kung paano ang tunay na magdamdam at maging malakas at matatag na unawain ko ang aking Sarili. 


Saturday, August 18, 2012

"A Kind of Burning": Ang Makata, Ang Kahirapan, Ang Pag-Ibig, at ang Student Writer


TULAD NG MGA kasama kong Tomasinong manunulat, o iyong mga manunulat na nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas o mga naging kasapi ng Thomasian Writers Guild mataas ang pagtingin namin kay 'Ma'am Ophie' bilang guro, kaibigan, mentor, at 'ina ng mga Tomasinong manunulat'

Hindi ko talaga naging guro si Dimalanta sa kahit na anumang kurso sa kolehiyo (dahil Agham Pampulitika ang kurso ko sa Santo Tomas) pero nabigyan ako ng maikling pagkakataon na maging guro ang dakilang makata, ang dekana. 

Ganito ang kuwento:

Kamamatay lang noon ng tatay ko at ang tanging nagtataguyod sa amin ay ang nanay ko sa pamamagitan ng maliit naming tindahan ng isda sa isang talipapa riyan sa Luzon Avenue.  Halos ibenta na ng nanay ko  ang lahat ng mga gamit namin na naipundar ng tatay ko sa mahabang taon na construction worker sa Middle East at isanla ang kanyang wedding ring para lang makabayad ng tuition ko noon sa kolehiyo, kailangan ko na kasing makatapos ng pag-aaral at makapagtrabaho para masuportahan ko ang mga nakababata kong kapatid sa pag-aaral at gampanan ang responsibilidad na iniwanan ng aking ama. 

Natatandaan ko noon, 4th year college ako. At ito ang taon na nahumaling ako sa Panitikan at pagsusulat dahil ito rin ang taon na naging kasapi ako ng Thomasian Writers Guild at naging patnugot sa Filipino ng The Flame. Ito rin ang taon na nararamdaman ko na ang pressure ng pagiging 'padre-de-pamilya' matapos ko lamang ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Malaki at mabigat ang papasanin ko matapos ko lang ang aking pag-aaral. Kailangan ko nang kumita ng pera at tumulong sa pamilya. Ito rin ang taon,  sa hindi ko maisip na kadahilanan sa ngayon, nagdesisyon akong maging isang 'manunulat'. Ang sabi ko sa sarili ko noon, matapos ko lang ang pag-aaral na ito magiging isang manunulat ako pero gagampanan ko ang responsibilidad ko sa aking pamilya.  Hindi ko pa noon ganoon kakilala ang buhay at responsibilidad, inakala ko na ganoon lang kadali ang lahat paglabas mo sa Unibersidad.

Pero paano ako magiging manunulat kung ang kurso ko ay Political Science at wala akong kurso na may kinalaman sa pagsusulat? Disiplina ang pagsusulat at kailangan mo itong pag-aralan. Nais ko noong mag-aral ng Poetry, iyong seryosong pag-aralan ang disiplina ng pagtula. Sino ba namang ayaw maging si Rio Alma, Cirilo Bautista, Ramil Gulle, Lourd de Veyra o maging si Dimalanta. Pero ang problema: paano ko ipaliliwanag sa nanay ko na kailangan kong magdagdag pa ng isa pang kurso higit pa sa mga regular ko na kurso sa aking major? Dagdag gastos na naman ito para sa aking pamilya. Pero nais kong mag-aral sana ng Poetry kay Dimalanta at maka-enrol sa klase niya. 

Si Dimalanta, kahit aristokrata sa kilos, pananalita at pananamit ay isang mabuting tao  at mananatili sa akin palagi ang isang bagay na nagawa niya sa akin at sa aking pamilya bagaman may mga pagkakataon noon sa kolehiyo na may hindi kami pagkakaunawaan sa ilang bagay na may kinalaman din sa pagsusulat. 

Ang hindi alam ng nakararami mayroon kaming isang lihim ni Dimalanta. 

Gamit ang malaking Olympia typewriter na binili pa ng tatay ko noon sa kasama niyang construction worker (construction worker ang tatay ko noong nabubuhay pa siya) lumiham ako kay Dimalanta. Ipinaliwanag ko sa liham ang sitwasyon ng aking pamilya at ang pagnanais kong makapag-aral ng Tula at maging isang makata pero hindi na kayang tustusan pa ng aking pamilya ang dagdag na kurso lalo na't wala naman itong kinalaman sa aking major. Iniabot ko sa sikretarya niya ang liham, nilunok ko ang lahat ng pride at nalalabing hiya sa katawan at umasa na hindi aaprubahan ng dekana at makata ang hiling ng isang hindi-naman-literature-major na tulad ko at nagsusulat pa sa Filipino (sa Ingles lamang nagsusulat si Dimalanta.)  Hilining ko kasi sa makata na makapasok sa klase niya ng libre sa buong semester. Pakapalan na lang ito ng mukha, kapit sa patalim ika nga nila sa Tagalog. 

Dalawang araw din akong hindi makatulog at iniiwasan na balikan ang Dean's Office kung 'approve' o 'disapprove' ba ni Dimalanta ang hiling ko. Pero naglakas-loob akong kunin ang liham sa ikatlong araw. At nang iniabot sa akin ang liham - halos maiyak ako sa tuwa, sa ibabaw ng mga letra na tinipa pa sa typewriter ang isang malaking "OK" at ang pirma ng Dekana. 

Iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam ako ng suporta mula sa isang tao, sa isang 'malaking tao' ng Panitikan ng Pilipinas para sa aking pagsusulat.  Doon ko nakita na sa kahit na anong sitwasyon naroroon ang iyong buhay, kahirapan halimbawa o gampanan ang responsibilidad sa pamilya, hindi ito sapat para itigil ang pagsusulat, ang mangarap. 

At sa mga panahong ito ng aking buhay na tila nasusubok ang pagtitiwala ko sa kabutihan ng mga tao at sa intensiyon ng mga taong nagnanais na maging bahagi ng aking buhay, nais kong balikan si Dimalanta - ang guro, ang Makata, ang ina na minsan hindi ako tinalikuran nang humiling ako ng pag-ibig, pagkalinga, at pag-unawa. 

Mayroon pang mabubuting tao. Hindi kailangang maging mapait ang lasa ng buhay. 

Kaya ngayon, sa mga panahong ito ng aking buhay na malapit na akong mawalan ng tiwala sa kabutihan ng mga taong nagnanais na maging bahagi ng aking buhay, sa mga saliwang intensiyon ng mga tao sa akin - nais kong balikan si Dimalanta, ang bahaging iyon ng aking buhay, sa aking kabataan. At noong mga panahong iyon ng aking kabataan na naglulunoy din ako sa lungkot, kahirapan sa buhay, sa dalamhati at pag-iisa palagi kong ibinibigkas sa aking sarili ang tulang ito ni Dimalanta. Ngayon, sa edad kong ito, natatawa ako't binibigkas ko pa rin ang tulang ito ni Dimalanta na tila dasal - dasal sa sarili at sa kaligtasan ng pananampalataya sa relasyon at pag-ibig. 

A Kind of Burning
Ophelia Alcantara-Dimalanta


it is perhaps because
one way or the other
we keep this distance
closeness will tug as apart
in many directions
in absolute din
how we love the same
trivial pursuits and
insignificant gewgaws
spoken or inert
claw at the same straws
pore over the same jigsaws
trying to make heads or tails
you take the edges
i take the center
keeping fancy guard
loving beyond what is there
you sling at the stars
i bedeck the weeds
straining in song or
profanities towards some
fabled meeting apart
from what dreams read
and suns dismantle
we have been all the hapless
lovers in this wayward world
in almost all kinds of ways
except we never really meet
but for this kind of burning.

(Abangan sa aking blog ang isang sanaysay sa naisulat ko bilang pag-alaala kay Dimalanta. Nasa Compostela, Cebu pa ako noon naninirahan nang makarating sa akin ang balita ng pagpanaw ng guro. Sa Compostela naisulat ang unang burador ng sanaysay na ipababasa ko muna sa mga kasama at kaibigan kong manunulat sa dating mga kasapi rin ng Thomasian Writers Guild bago ko ilathala sa aking blog. RB)

Thursday, August 16, 2012

Paglisan.


ANG TOTOO ISANG napakagandang karanasan para sa akin ang sumakay ng barko pauwi ng Maynila noong Martes. 

Ito iyong magdamag na kumbersasyon sa dagat at sa isang matandang Meranao na nakipagpalitan sa akin ng ilang stick ng yosi at kuwentuhan sa buong magdamag hanggang sa mag-sahur (at muntik pa naming makalimutan na fasting na pala nang maglunoy kami sa kuwentuhan sa Jabidah Massacre nang mapadaan ang barko sa Corregidor at naabutan na kami ng araw sa deck ng barko.) 

Lunes nang magdesisyon akong lisanin ang Cebu at magbalik na lamang sa Maynila sa piling ng aking pamilya at mga kaibigan. Mabilisang desisyon ni hindi ko kailangang magpaliwanag sa maraming tao. Lumilisan ako 'pag malungkot ako. Lumilisan ako kapag masyadong masakit ang isang karanasan sa isang lugar. Minsan, lumilisan ako upang mapanatili ang isang alaala at kipkipin papalayo sa aking sulok.  

Kinausap ko ang dagat sa haba at bagot ng biyahe:

May mga malulupit kasing mga tao: gusto nila sila lamang ang inuunawa. Ang tunay na kaibigan hindi ka iiwanan sa mga oras na hihilingin mo ang tulong, hihilingin mo ang kausap, ang manatili. Ang tunay na kaibigan tatanggapin ka kung ano ka man at pilit kang uunawain kung ano ka man at tatanggapin ang mga kahinaan mo at mga pagkukulang. 

Pasensiya kung hindi ako sapat. Pasensiya kung nasabi ko na hindi kita puwedeng maging kaibigan, at mananatili iyon. Ni hindi mo tinanong kung saan ako nanggagaling. 

Ni hindi mo tinanong kung ano ang nakaraan ko, bakit ako ganito. Bakit mas pinipili ko ang mag-isa sa malayong lugar. Kung bakit hindi ako nagpapahawak nang walang paalam. Kung bakit pinipili ko ang mga taong sinasamahan ko. Habang naroroon ako sa tabi mo, sa harap mo at pinakikinggan ang lahat ng kuwento mo sa buhay mo -- ang totoo, hinihintay ko na tanungin mo ako: saan ka nanggaling? 

Tao ako. Hawakan mo ako. Hindi ako bagay; hindi ako konsepto. Hindi kita puwedeng maging kaibigan, ang sabi ko sa iyo noon. Ako ang lilisan. 

Halos sa buong magdamag naroroon lang ako sa deck ng barko at hinahayaan kong hampasin ako ng hangin at paminsan-minsan nakikipaghuntahan sa isang matandang Meranao na nakilala ko sa biyahe, nandu'n lang kami, nag-uusap minsan walang mga salita ang namamagitan sa amin maliban sa tahimik na hithit-buga ng sigarilyo sa pagitan ng aming mga labi. 

At namalayan ko na lamang nandito na ako sa Maynila. Dito, malaya ako at maligaya. Dito, maraming kaibigan at ibibigay nila sa iyo ng pag-ibig nang hindi mo nililimos na para kang aba. Dito, ang relasyon ay para sa tao at tinatanggap at itinatakwil kang tao. Dito, dito ako nanggaling. At palaging dito ako manggagaling. At masaya ako at buong-buo at walang napilas sa aking kaluluwa dahil alam ko at hindi ko itinatakwil ang aking pinanggalingan, ang kartograpiya ng aking pagkatao - iyong uri ng pagtatakwil na ni hindi mo na makikilala ang iyong sarili na malapit ko nang magawa sana sa aking sarili nang dahil sa iyo...kaya ako na lamang ang lilisan. 

Sayang, ito ang unang salita sa damdamin ng pangungusap at diskurso ng panghihinayang. Sayang at muntik na kitang naging mabuting kaibigan. Ngunit ang lahat ng pangungusap ay nagtatapos sa isang tuldok: At ako na lamang ang lilisan.

Tao pa rin akong maituturing. At tao pa rin akong makikibagay at makikitungo sa ibang tao. Salamat. Alhamdulillah.