ANG TOTOO ISANG napakagandang karanasan para sa akin ang sumakay ng barko pauwi ng Maynila noong Martes.
Ito iyong magdamag na kumbersasyon sa dagat at sa isang matandang Meranao na nakipagpalitan sa akin ng ilang stick ng yosi at kuwentuhan sa buong magdamag hanggang sa mag-sahur (at muntik pa naming makalimutan na fasting na pala nang maglunoy kami sa kuwentuhan sa Jabidah Massacre nang mapadaan ang barko sa Corregidor at naabutan na kami ng araw sa deck ng barko.)
Lunes nang magdesisyon akong lisanin ang Cebu at magbalik na lamang sa Maynila sa piling ng aking pamilya at mga kaibigan. Mabilisang desisyon ni hindi ko kailangang magpaliwanag sa maraming tao. Lumilisan ako 'pag malungkot ako. Lumilisan ako kapag masyadong masakit ang isang karanasan sa isang lugar. Minsan, lumilisan ako upang mapanatili ang isang alaala at kipkipin papalayo sa aking sulok.
Kinausap ko ang dagat sa haba at bagot ng biyahe:
May mga malulupit kasing mga tao: gusto nila sila lamang ang inuunawa. Ang tunay na kaibigan hindi ka iiwanan sa mga oras na hihilingin mo ang tulong, hihilingin mo ang kausap, ang manatili. Ang tunay na kaibigan tatanggapin ka kung ano ka man at pilit kang uunawain kung ano ka man at tatanggapin ang mga kahinaan mo at mga pagkukulang.
Pasensiya kung hindi ako sapat. Pasensiya kung nasabi ko na hindi kita puwedeng maging kaibigan, at mananatili iyon. Ni hindi mo tinanong kung saan ako nanggagaling.
Ni hindi mo tinanong kung ano ang nakaraan ko, bakit ako ganito. Bakit mas pinipili ko ang mag-isa sa malayong lugar. Kung bakit hindi ako nagpapahawak nang walang paalam. Kung bakit pinipili ko ang mga taong sinasamahan ko. Habang naroroon ako sa tabi mo, sa harap mo at pinakikinggan ang lahat ng kuwento mo sa buhay mo -- ang totoo, hinihintay ko na tanungin mo ako: saan ka nanggaling?
Tao ako. Hawakan mo ako. Hindi ako bagay; hindi ako konsepto. Hindi kita puwedeng maging kaibigan, ang sabi ko sa iyo noon. Ako ang lilisan.
Halos sa buong magdamag naroroon lang ako sa deck ng barko at hinahayaan kong hampasin ako ng hangin at paminsan-minsan nakikipaghuntahan sa isang matandang Meranao na nakilala ko sa biyahe, nandu'n lang kami, nag-uusap minsan walang mga salita ang namamagitan sa amin maliban sa tahimik na hithit-buga ng sigarilyo sa pagitan ng aming mga labi.
At namalayan ko na lamang nandito na ako sa Maynila. Dito, malaya ako at maligaya. Dito, maraming kaibigan at ibibigay nila sa iyo ng pag-ibig nang hindi mo nililimos na para kang aba. Dito, ang relasyon ay para sa tao at tinatanggap at itinatakwil kang tao. Dito, dito ako nanggaling. At palaging dito ako manggagaling. At masaya ako at buong-buo at walang napilas sa aking kaluluwa dahil alam ko at hindi ko itinatakwil ang aking pinanggalingan, ang kartograpiya ng aking pagkatao - iyong uri ng pagtatakwil na ni hindi mo na makikilala ang iyong sarili na malapit ko nang magawa sana sa aking sarili nang dahil sa iyo...kaya ako na lamang ang lilisan.
Sayang, ito ang unang salita sa damdamin ng pangungusap at diskurso ng panghihinayang. Sayang at muntik na kitang naging mabuting kaibigan. Ngunit ang lahat ng pangungusap ay nagtatapos sa isang tuldok: At ako na lamang ang lilisan.
Tao pa rin akong maituturing. At tao pa rin akong makikibagay at makikitungo sa ibang tao. Salamat. Alhamdulillah.
No comments:
Post a Comment