KALAYAAN
Ektaryang lupa ang nakuha ng DOLE at Del Monte sa Mindanao. Maraming lumad ang na-displaced sa sarili nilang lupain (ancestral land). Next Tampakan naman ba ang makikita natin na ibabandera ng/sa Kalayaan? |
Ang konsepto ng event ay isang pagpapakita o showcase ng iba’t ibang ‘kultura’ – sayaw, galaw at pagkain mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Masaya ito, naisip ko. Masaya dahil magkakaroon ako ng kakaibang karanasan na makita ko ang iba’t ibang putahe at yun nga, kultura, mula sa iba’t ibang rehiyon.
Nang makapasok ako sa covered court ng dormitoryo sumalubong sa akin ang laksang mga mag-aaral ng unibersidad at mga bisita. Una kong pinuntahan ang mga ‘booth’ kung saan naroroon nga at naka-display ang mga putahe at pagkain mula sa iba’t ibang rehiyon. Isa-isa kong binisita ang mga booth.
At doon ko simulang nakita na parang may hindi ako maintindihan sa mga booth na ito. Na parang may nadahas sa aking kamalayan sa mga nilalaman ng mga booth na maayos na nakasalansan sa gilid ng dormitoryo. Halos limang beses akong nagpabalik-balik sa mga booth paroo’t parito upang mas maunawaan ko pa ang aking nararamdaman, ang aking kalituhan. Sa huling balik ko mula sa unang booth nagsimula na akong magtanong sa mga bantay na nakatalaga sa bawat booth.
Marami akong tanong. Kailangan ko ng kasagutan.
NAGLIBOG KO, PRAMIS
Una akong nagkaroon ng isang malaking katanungan nang mapatigil ako sa booth kung saan nakadisplay ang mga kakanin na alam kong minsang inihain na sa akin ng mga kaibigan kong Tausug. Sigurado ako na mula sa Sulu at Zamboanga ang mga kakanin na ito. Pilit kong inurirat sa isip ang mga pangalan ng kakanin. Nakita ko rin sa nasabing mesa ang isang pagkain na inihain sa amin noon ng Colano (sultan) ng mga Sangir sa Balut Island. Maaring ang mga pagkain at putahe, tulad ng wika, ay walang borders pero alam kong ang mga kakanin na ito ay mula sa mga Muslim na pangkat etniko sa Mindanao at Sulu. Hindi ko nga lang maalala ang pangalan ng mga kakainin kaya kumuha na lamang ako ng mga larawan.
Ngunit hindi ang kakanin ang aking problema.
Sa kabilang booth, na dinisenyuhan ng masjid, doon ko inasahan na makikita ang pagkain na ito ng mga Tausug at Sangir. Nagtungo ako sa booth na kawangis ng isang masjid. Nagtanong ako sa nagbabantay. Wala siyang maisagot sa tanong ko kung ang mga pagkain na ito ba ay sa mga Muslim o Moro. Tiningnan ko ang mga nakalatag na pagkain. Wala akong makita rito na masasabi ko na mula sa pangkat etniko ng mga Moro.
Saang mesa mo ilalagay ang putli mandi at pasung? |
Binalikan ko ang booth kung saan nakadisplay ang pagkain ng mga Tausug. Bakit wala siya doon sa kabilang booth (na may disenyong masjid), ang tanong ko. Sabi sa akin bilang tugon na kabilang daw ang Zamboanga City ang mesa na ito kaya nandito ang mga kakanin.
Dito ko nakita kung bakit dapat talaga na malito ako sa dalawang booth na ito at sa kanilang nilalaman.
Nang makarating ako sa isang booth pinilit kong isipin sa sarili kong ano’ng rehiyon naman ito. Hindi ko makilala ang mga pagkain. Nagtanong ako sa nagbabantay. Negros Occidental daw. Napanganga ako. Tiningnan ko muli ang mga pagkain sa mesa. Piyaya! Nanggaling ako sa Negros, sa Bacolod at Silay, pero bakit hindi ko nakilala ang booth na mula sa aming probinsiya? Tinanong ko ang nagbabantay baka sakaling kababayan ko. Tinanong ko kung ano ang brand ng piyaya (na hinati-hati sa maliliit na bahagi kaya hindi ko nakilala) at hindi niya ako masagot.
Kung may isang bagay ako na nagustuhan sa mga booth ay ang sa Pampanga. Alam ko na ang mga putahe at kakainin na nakalatag sa mesa ay mula sa mga Kabalen. At nagtanong ako nang nagtanong sa nagbabantay at natuwa naman ako na nasasagot niya ang lahat ng aking mga katanungan.
Maskara mula sa Bacolod City |
Kung nasaan man ang ilang bahagi ng Central Visayas, hindi ko rin alam.
Ikinatuwa ko rin ang booth na ginayakan ng Pahiyas sa Quezon. Doon maayos na nakasalansan ang mga kakainin na makikita mo sa Laguna, Lucena at Quezon. Natutuwa rin ako na kayang ipaliwanag ng mga nagbabantay ang kanilang mga putahe.
Ang huling booth ay mula sa Northern Luzon. Maayos na nakasalansan ang mga pagkain at tulad ng booth ng Southern Tagalog, maayos din nilang dinisenyuhan ang kanilang mesa. Natutuwa ako na kaya rin sagutin ng mga nagbabantay ang lahat ng mga katanungan ko tungkol sa mga pagkain na hindi ko pa natitikman o nakikita.
ANG IPINAPASOK SA BIBIG, ANG HINDI SINASABI
Ang hindi sinasabi ng mga booth na ito ng Kalayaan Residence Hall ay nasa kalituhan kung saan nga ba ilalagay, ikakahon ang isang kultura upang mapanatili ang gahum ng konsepto ng ‘Philippine region’. Ang salita: gahum. At dahil sa pilit na pagkahon ng mga organizer sa mga ‘kulturang’ ito lumilitaw ang mga kontradiksiyon, nalalantad ang mga maliliit at kubling kasaysayan at mga boses na pilit na pinatatahimik ng bayang ito upang mapanatili natin ang gahum ng Nasyunalismong Filipino sa lahat ng diskurso ng bayan/banwa/Ummah. At ito ang pakikisangkot ng mga organizer at mga mag-aaral ng Kalayaan Resident Hall sa diskurso ng ‘pagsasa-bayan/banwa’ ng Pilipinas – isang salu-salo, isang piging, pista.
Ang ‘kalituhan’ kung saang mesa nga ba dapat na ilagay ang pagkain ng mga Tausug ay isang pulitikal na pagpapahayag. Isa itong lantad na katumpakan sa kasaysayan ng Pilipinas bilang Pilipinas, ng Pilipinas bilang Filipino. Na ang Zamboanga City ay marapat na nasa kabilang mesa. Kung gaano ang kalituhan ng mga mga mesang ito ganoon naman katumpak marahil sa mga tao kung saan nanggaling ang mga pagkain na ito na sila ay Muslim, na sila ay mula sa Zamboanga City--na sila ay banwa, bayan bago pa man naging Pilipinas ang Pilipinas. Na kung ano ang ipinapasok nila sa kanilang bibig iyon din ang kanilang sinasabi.
Sa kalituhang ito, naging tahimik ang piging ng Kalayaan Residence Hall sa mga tinig ng mga nasa evacuation center sa Zamboanga City, sa mga Sama na pilit na inililipat ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City na malayo sila sa dagat, sa pagpulbos at panununog sa mga masjid at tahanan ng mga Muslim sa Rio Hondo. Naging tahimik ang Kalayaan Residence Hall sa mga boses ng mga tumalikod sa protekto ng MILF at Gubyerno sa Pilipinisasyon ng Bangsamoro.
Kung may hindi naihain ang mesa ng Negros ay ito: ang malalawak na tubuhan na pag-aari ng iilan. Ang migrasyon ng mga kabataang Ilonggo palabas ng Bacolod, ng Negros patungo sa Cebu, Maynila, at Estados Unidos dahil sa kakulangan ng oportunidad sa kanilang siyudad. Totoo nga na sa Visayas, sa Bacolod mo matatagpuan ang pinakamamasarap na pagkain, ilang porsiyento ng mamamayan sa labas ng siyudad ang hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw?
Naalala ko noon na kahirapan sa Negros ang nagtulak sa amin palabas ng Maynila. Oportunidad naman sa ibang lugar kung bakit nakarating sa Maynila ang aking mga magulang.
Ang Bisayas bilang 'tourist destination' |
Sa ganitong sistema ng komodipikasyon ng panlasa rin tumatakbo ang prostitusyon sa turismo ng Central Visayas. May brand, may bentahan—may pagkakahon at may pang-aakit sa target market. Kung anuman ang hindi inihain sa hapag ng Central Visayas ay ang kung ilan sa mga manggagawa ng mga kakainin at pagkaing-turismo na ito ang nawalan ng trabaho dahil sa lindol sa Bisayas noong isang taon, ilan sa kanila ang nababayaran ba ng sapat, ilan sa kanila ang umaasa ng kabuhayan sa turismo ng kanilang lugar.
May hihigit pang ihahain ang Cebu at Bohol bukod sa turismo; turismo kasi ang siyang nais na paglagakan sa kanila ng Maynila sa ikasusulong ng ekonomiya ng bansa.
THE HORROR! THE HORROR!
At dahil lumalalim na ang gabi at isang oras pa bago ipatikim sa mga bisita ang mga pagkain sa mga booth naisipan ko nang umuwi na lamang. Palabas ng venue nakaagaw ng pansin sa akin ang palabas na bahagi ng piging ng Kalayaan Residence Hall.
Tila may pakontes ng mga ‘cultural presentation’. Nanatili ako nang maagaw ang pansin ko ng mga nagsasayaw sa entablado sa saliw ng awitin ng tila Masskara Festival sa Bacolod. Natuwa ako sa mga nagsasayaw dahil kuhang-kuha nila ang galaw ng mga mananayaw ng festival na ito tuwing Oktubre. Pero nagdalawang-isip ako kung Masskara Festival nga ba ito dahil nasaan ang mga nakangiting maskara? Hindi nga ba’t ang Masskara Festival at tungkol saan pa – sa mga ngiti. Dahil nilikha ang festival na ito ng mga Bacolodnon upang itago sa likod ng mga nakangiting maskara ang taggutom, ang pagbagsak ng sugar industry, ang trahedya na kumitil ng maraming tao sa Negros. Ngunit ang mga nagsasayaw, bagaman nakangiti, ay walang maskara na nakangiti (na nasa likod ng ulo nila) upang isabuhay ang katuturan ng Masskara Festival sa mga manonood.
Matapos ang tila Masskara Festival sumunod ang isang nakabuburyong na skit na hindi mo alam kung ano nga ba ang ginagawa ng mga mananayaw sa entablado. Nalaglag ang panga ko na ang boring na skit pala ay bahagi ng Sinulog!
Bagaman sumasayaw ang mga nasa entablado sa awit at tugtog ng Sinulog—hindi iyon Sinulog. Nasaan ang makukulay na damit? Ang pagsabog ng mga kulay? Ang Sinulog ang pista sa lahat ng pista sa bayang ito. Ang lahat sa araw ng parada sa Cebu City ay eksaherado. Hindi puwede ang sapat, lahat lumalabis. At hindi ko maintindihan kung lalaki o babae ba ang may hawak ng Sto. NiƱo kagabi. Ngunit ang alam ko, babae ang may hawak ng santo at nakasuot ito ng eksaheradang damit at hindi siya matatabunan ng sarikulay na costume ng kanyang mga dancer.
Fail.
Ngunit ang talagang nagpauwi sa akin at nagtapon papalabas ng Kalayaan Residence Hall ay ang pagtatanghal matapos faux Sinulog. Hindi ko mawari kung anong tonong ang sumanib at nakaisip ng konseptong katutubong sayaw ng lumad (Ng aling pangkat? Hindi ko alam) at ng prinsesa ng singkil (o singkil ba talaga iyon?) sa saliw ng awitin mula Norte (parang Bagbagtu sa Cordillera) ang organizer/choreographer ng sayaw na ito. Parang bumaligtad ang sikmura ko at gusto kong matunaw sa paulit na pagsambit na Diyos ko! Diyos ko! Wala sanang Meranao sa audience (pero makikipagkita sana ako sa dalawang kaibigang Meranao na naroroon din sa Kalayaan pero aalis din daw sila kaagad kaya hindi na kami nagkita).
Mali. Maling-mali.
Itinuturo ba natin sa mga kabataan ang respeto sa komunidad kung saan nanggagaling ang mga 'cultural expression'? |
At nahinuha ko sa emcee na ang mga palabas pala na iyon ay isang pakontes. Sino kaya ang itatanghal na nagwagi sa paglalabanan ng mga sayaw, galaw at ‘kultura’? Kaninong panuntunan kaya ang gagamitin sa pagsukat kung kaninong kultura ang nagwagi at kung kanino ang kulelat. Sana hindi sa kung gaano ka kalapit sa sa agenda ng Nasyunalismong Filipino ganoon ka kalapit sa pagwawagi. Sana. Pero hindi ko alam, ang bawat pakontes, tulad ng neo-liberal na ekonomiks ay may sariling agenda na puwedeng isulong sa kubling pamimilit bilang panghihikayat. Bilang Kalayaan, kuno.
CULTURAL DIFFERENCES VS. CULTURAL DIVERSITY: ANG AGENDA NG NASYUNALISMONG FILIPINO
Teoretikal at konseptuwal ang puna ko sa bentahan ng cultural diversity bilang antithesis sa cultural differences. At nakita ko ang problema na ito sa Kalayaan.
Malimit mahulog sa bitag ng ‘universalization’ ang cultural diversity. Ito rin ang puna ni Bhabha sa makinasyon ng cultural diversity upang ikubli ang galamay ng kolonyal na dominasyon ng gahum ng Kakanluraning perspektibo at kaisipan.
Sa piging ng Kalayaan kagabi: ang gahum ng Nasyunalismong Filipino ang nangibabaw, ang pagsasa-Pilipinas ng lahat karanasan, realidad, boses, kontra-karanasan, kontra-boses, kontra-realidad at kontra-naratibo at isa itong karahasan.
Ang diskurso ng cultural diversity ay tila kumot na ibinalumbon sa katawan upang ikubli ang iba’t ibang bahagi at ang tanging lumitaw lamang ay ang ulo at ang iisang hugis o hubog na binalot ng kumot—dahil nga ang agenda ng cultural diversity ay unibersal: na tayo ay iisa.
Unibersal din ang agenda ng Filipinas sa Bangsamoro--na tayo lahat ay Filipino.
Sa cultural differences kinikilala ang espasyo at ang kalayaan, ang awtonomiya at ang indibidwal ng espasyo na ito. Kinikilala na ang isang naratibo ay buhay at isang subheto, hindi obheto tulad ng ginagawa ng cultural diversity na tila artefact sa museo ang lahat ng realidad maging ang pagkatao. Sa cultural differences, diskurso ang pagkakaiba, dinamiko ang relasyon—ang lahat ng gahum nailalagay sa mesa at inuukilkil.
Sa Kalayaan kagabi, nakita kung gaano nga ba kasalimuot ang proyekto ng Nasyunalismong Filipino bilang kumot na ibabalumbon sa lahat ng boses at realidad upang patahimikin, upang isiksik ang hugis at hulma sa iisang debuho.
Kalayaan, para kanino ba ang Nasyunalismong Filipino?
Lumisan ako kagabi palabas ng unibersidad at naglakad pauwi sa amin. Sa daan, sa ilang stick ng yosi ang naupos ko sa paglalakad, pinag-iisipan ko kung tama ba ang institusyon na aking napasukan. Na kung sapat na ba ang paglilinis ko ng isip at kaluluwa sa isang uri ng edukasyon kung saan hinulma rin ako at ang aking pagkatao—noong highschool at sa elemetarya sa mga cultural presentation, field demonstration at Linggo ng Wika bilang proseso ng interpelasyon ng Estado na pinatatakbo ng iilang pamilya at ng kanilang mga perspektibo at realidad.
Magiging sapat ba ang paghuhubad ko ng kamalayan na hindi na umaayon sa aking realidad, sa realidad ng aking lipunan.
Pero naisip ko pa rin na isa itong unibersidad—na rito, marahil (at hindi ako sigurado) puwede muna siguro ako na maging isang nag-iisip na tao bago maging isang Filipino.
Magiging sapat ba ang paghuhubad ko ng kamalayan na hindi na umaayon sa aking realidad, sa realidad ng aking lipunan.
Pero naisip ko pa rin na isa itong unibersidad—na rito, marahil (at hindi ako sigurado) puwede muna siguro ako na maging isang nag-iisip na tao bago maging isang Filipino.
No comments:
Post a Comment