Wednesday, December 18, 2013

"Hindi Kita Bati"

“Hindi kita bati.” Sa totoo lang name-miss ko na ang mga salitang ito na ginagamit natin noong mga bata pa tayo, noong hindi pa tayo marunong magtanim ng galit sa nakasakit sa atin. Hindi pa rin kasi tayo marunong noon manggamit ng kapwa at alam natin ang ibig sabihin ng ‘loyalty’ at ‘pakikipagkaibigan’ na hubad sa anumang interpretasyon maliban sa ganito: na hindi kita magiging kaibigan kung sinalbahe mo ako at ang aking mga kaibigan, hindi kita bati.

Hindi ako naniniwala na magiging kaibigan mo ang taong nanalbahe sa iyong kaibigan. Kahit sabihin mo pang ‘mapakikinabangan ko ang taong ito at wala akong kinalaman sa nangyari sa kanila (ng kaibigan ko)’. Dalawang mga salita: ‘pakinabang’ at ‘nangyari’ (sa kanila ng kaibigan ko). Ang taong kayang makipagkaibigan sa taong nanalbahe sa kanyang kaibigan, ang totoo, ay wala talagang kaibigan kundi ang kanyang mapakikinabangan at ang mga nangyayari na may kinalaman lamang (muli) sa pakinabang para sa kanila.

Sabi ni Aristotle, “A friend to all is a friend to none.” Wala talagang kaibigan ang taong palaging nasa pagitan, iyong tao na ang tanging kaibigan ay ang kanyang pangangailangan at pakinabang. Si A friend to all, siya yung ‘bati ko ang lahat’ sa lahat ng okasyon, sa lahat ng pagkakataon. At magtataka ka, siya ‘yung taong walang kaaway dahil wala rin naman siyang naging kaibigan. Manggagamit siya nang manggagamit ng kapwa hanggang sa dumating na wala na siyang magamit at mauuwi siya na gamitin na lamang ang kanyang sarili para sa pakinabang, para sa pangangailangan. Walang dignidad at respeto maging sa sarili dahil wala namang naging kaibigan.

Ikaw, sino ang bati mo?

Tuesday, March 19, 2013

The Most Effective Means of Subjugating a People is to Capture their Minds: Kung Bakit Lapastangan ang Pagbisita ni Aquino sa Anibersaryo ng Jabidah

Larawan ni Alberto Bainto/Grand Mosque, Cotabato City
 
“THE MOST EFFECTIVE means of subjugating a people is to capture their minds.” Hindi ito sa akin, mula ito sa polyeto ni Renato Constantino na The Miseducation of the Filipinos. Bagaman ang polyeto ni Constantino ay patungkol sa paggamit kay ‘Rizal’ ng sistemang edukasyon ng mga Amerikano na naglalayong lumikha, hindi ng malayang mga Filipino, kundi ng mga mababait at masunuring mga mamamayan ng kanilang kolonyal na pamahalaan at mga institusyon. Misedukasyon, ito ang kalapastanganan ni Aquino at ng ating gubyerno sa pagbisita sa ika- 45 na Anibersaryo ng Jabidah Massacre nitong nagdaang Lunes.

Dumaong ang bapor na sinasakyan namin sa pantalan ng General Santos City nitong Lunes mula sa Balut Island. Pagod ako sa biyahe at sinubok kong matulog pagdating sa transient house na tinitirahan namin sa siyudad upang makabawi ng lakas at makapagsulat sa buong maghapon. Tanghaling-tapat nang magising ako sa ingay ng ispiker mula sa malapit na parke ng siyudad. Isang boses ng babae ang nasa mikropono. “Allahu akbar! Allahu akbar!” ang singhal ng babae. Tumayo ako at nagtungo sa kompyuter. Binuksan ang Facebook upang makibalita kung anong mayroon sa Gensan, baka nga may rally. Ang unang bumulaga sa akin, sa mga status ng mga kaibigang Moro ay ang mga pananabik nila sa pagdating ng Pangulo ng Pilipinas sa anibersayo ng Jabidah Massacre sa Corregidor. Anibersaryo pala ng Jabidah Massacre ngayon, naisip ko.

Patuloy ang pagsigaw ng “Allahu akbar!” sa malayo. At naisip ko bigla ang dumalo sa lokal na pagdiriwang ng Gensan sa makasaysayang Jabidah—makasaysayan lalo sa mga Moro. Tinunton ko ang lugar kung saan nanggagaling ang ingay, sa Grandstand pala ng siyudad ito nagmumula. Nadismaya ako nang malaman ko na ang ingay pala ay mula sa kakarampot na mga tao na nagtitipun-tipon sa napakalawak na Grandstand; at dahil tanghaling-tapat at mainit, ang iba’y naroroon na sa lilim ng mga puno at wala sa harapan ng entablado kung saan nagsasalita ang babae na naririnig ko mula sa aking silid. At mas lalo akong nadismaya nang malaman ko na hindi pala ito pagdiriwang ng Jabidah ngunit sa anibersaryo ng Moro National Liberation Front. Lumapit lang ako sa isang babae na naka-kombong at nagtanong, “Pareho po ba ang araw ng anibersaryo ng MNLF at Jabidah?” Nakanganga lang sa akin ang babae. Hindi ko alam kung hindi niya naintindihan ang Tagalog ko o hindi niya alam ang Jabidah Massacre. May lumapit sa aming matandang lalaki na naka-kopiya, at inulit ko sa kanya ang tanong. Natahamik ang lalaki, nag-isip at sumagot ng:  “Yata…yata…”

Mahalaga sa akin bilang Filipino at bilang manunulat ang Jabidah Massacre. Mahalaga sa akin ito dahil ito ang edukasyon ko sa digmaan sa Mindanao. 2008 nang dumalo ako sa pagdiriwang sa Corregidor. Naaalala ko na nag-file pa ako ng leave sa opisina para lamang makarating sa isla. Ang konsepto ng pagdiriwang ay kakaiba noon. May ‘peace caravan’ ang mga people’s organization, NGO, MILF, MNLF at mga nais na dumalo sa piging na maglalakbay mula Mindanao at Sulu patungo sa Maynila. May mga lumad, Moro, at di-Moro na dumalo sa anibersaryo. Mula sa Mindanao, sa mga probinsiya at siyudad na kanilang pinanggalingan maglalakbay ang kani-kanilang mga ‘caravan’ sa bawat siyudad na madaanan at mangungusap ng kapayapaan sa mga mamamayan hanggang sa makarating nga sila sa Maynila. At mula sa Maynila, sabay-sabay silang magtutungo sa Corregidor para ipagdiwang ang anibersaryo ng Jabidah Massacre. 

Sa loob ng bus patungong Bataan nakaupo ako sa tabi na dating combatant ng MNLF at sa likod naman namin ang mga kinatawan ng MILF na magsasalita rin sa Corregidor. Iyon na marahil ang pinakamatagal kong ‘oras’ sa tabi ng isang Moro noon at hindi ako kumportable sa piling ng mga itinuturing na ‘rebelde’ ng gubyerno. Sa Corregidor ko na lamang naunawaan na ang mga taong ito pala ang magbibigay ng pinaka-epektibong lektyur sa saysay ng piging na aking dadaluhan. Sa loob ng bus habang nasa biyahe pinakikinggan ko na lamang ang kuwentuhan ng mga tao sa loob. Wala akong kilala sa kanila at nasa kabilang sasakyan naman ang kaibigan kong si Salem. Sa haba ng biyahe wala ka namang ibang pagkakaabalahan kundi ang makipaghuntahan sa iyong mga katabi at kasama sa paglalakbay. May kuwento ng mga ‘bakwit’, ng mga dating sundalo, ng mga kagila-gilalas na pakikipagsapalaran at kuwento ng mga katapangan ang ibang mga pasahero. Mga kuwento na palaging nagsisimula sa ‘Noong araw…’, ‘Dati ganito…’, ‘Natatandaan ko…’ Nananabik din ang ilan na makita sa personal si Jibin Arula, ang survivor ng massacre at marinig ang kanyang kuwento. Siya kasi noon at ang kanyang mga salaysay ang pinaka-sentro nitong pagtitipon. At dahil bago sa akin noon ang lahat, matamang makikinig na lang ako sa kanilang mga naratibo, sa kanilang mga kasaysayan na inilalahad nila sa sarili at sa malaya nilang mga salita.

Ganito sa akin bilang Filipino ang Jabidah Massacre, isa itong maliit, masikip ngunit sagradong espasyo ng kalayaan para sa mga Moro na ibinabahagi nila sa akin. Kalayaan ng isip, ng salita, sa imahinasyon at mga posibilidad ng isang malayang tao, pag-unawa at kalayaan ng Sarili. Sa Corregidor, isa-isang nagsalita ang mga kinatawan ng mga sundalo, ng pulisya, ng MNLF, MILF, mga lumad, at ordinaryong mamamayan na mula sa Mindanao. Ang mga salitang ‘kalayaan’, ‘self-determination’, ‘kolonyal na pamamahala ng mga Filipino sa mga Moro’ ay binabanggit na walang pag-aalinlangan, walang takot at pasubali. Isang makabuluhang edukasyon sana para sa isang Filipino sa kamay ng mga Moro tungkol sa kalayaan, kung ano nga ba ang saysay nito sa pagkatao, kung ano nga ba ang saysay nito sa kapayapaan at sa isang lipi.     

Ang presensiya ng pangulo ng mga Filipino sa nasabing piging ay isang anomalya sa diskurso ng kalayaan ng tao, sa diskurso ng pagiging isang tunay na Filipino. At tulad ng inaasahan, bilang simbolo ng kapangyarihan, nabigyan ng espasyo si Aquino sa piging—at sinakop ng espasyo niya ang buong pagdiriwang. Naging benyu din ang pagtitipon upang tuligsain ni Aquino ang mga kalaban niya sa pulitika at kritikal sa kanyang pamahalaan. Lumabas sa website ng gubyerno ang talumpati ni Aquino. Binasa ko ito nang paulit-ulit. Nakapanghihilakbot na panlulupig na alam mong walang dadanak na dugo, walang masasakit na mga pahayag, na ni hindi mo kailangan ng pagngawa.

Sinimulan ni Aquino ang talumpati, tulad sa marami niyang mga talumpati sa madla, sa mga ‘kabutihan’ at ‘kontribusyon’ ng kanyang mga magulang noon na mga pulitiko at kabilang na ngayon sa makulay na kasaysayan ng political dynasty sa pulitika ng Pilipinas. Isinalaysay niya ang naging partisipasyon ng kanyang ama, na dating senador ng oposisyon, sa pagbubulgar ng naganap na Jabidah Massacre sa Corregidor na pilit na ikinukubli ng gubyerno noon sa taumbayan. Naisip ko, siguro may nag-isip din sa pagdiriwang sa Corregidor na ginamit din ni Ninoy Aquino ang isyu para isulong ang kanyang pulitikal na ambisyon laban sa isa pang pulitikong Filipino, si Marcos. Ano ang kinahitnan ng pagbabanggan ng dalawang pulitikong Filipino, na mula sa mayayaman at makapangyarihang mga pamilya sa pulitika ng Pilipinas at sa pagitan nila ang mga Moro? At sige, isulong pa natin hanggang sa hangganan ang mga katanungan: Hanggang kailan ba gagamitin ng mga pulitikong Filipino ang mga Moro para sa kanilang mga interes at interes ng kanilang yaman at mga pamilya?  

Heto: ang konsepto ng edukasyon ay hindi naglalayon na makamit  ang pagsasalaysay ng mga pangyayari, ng mga empirikal na ebidensiya na nasusulat (o di naisusulat) sa mga talaan at aklat ng bayan. Hindi doon nagtatapos ang layunin ng edukasyon, hindi mo pa roon makikita ang tinatawag na ‘malayang pag-iisip’ at ‘makabagong kamalayan’. Ang edukasyon ay upang wasakin ang luma at tumuklas ng mas bago pang mga pagtingin, mas bago pang mga pamamaraan, diskurso.

Ang ginagawa ni Aquino at ng kanyang gubyerno ay isang uri na pananakop: ang isalaysay mo, bilang kapangyarihan, sa mga Moro, sa kanilang harapan ang sarili nilang kasaysayan at iparinig mo sa kanila ang nais nilang marinig. Kunin mo muna ang kanilang mga salita at sarili bago ang kung ano pang mga nalalabi pa sa kanila. Ito na marahil ang sukdulan ng katampalasanan ni Aquino sa harap ng mga kapatid na Moro.

“Nanganak ng dahas ang dahas; ang mali, nagbunga ng mas malalaki pang mali. Kung nagpanday lamang sana sila ng mga batas na kumikilala sa mga katutubo noon; kung ang mga unang hinanakit ay sinagot sana ng malasakit, sa halip na sinalubong ng armas—ilan po kaya sa tinatayang isandaan at dalawampung libong Pilipinong nasawi sa apatnapung-taon na hidwaan ang siguro’y kapiling pa ng kanilang pamilya ngayon? Ilan kaya sa tinatayang dalawang milyong napilitang lumikas sa kaguluhan, ang nagkaroon sana ng produktibong buhay, at nakaambag sa pag-angat ng rehiyon o ng buong bansa?”       

Walang bago sa perspektibo na ito ni Aquino at kung tutuusin dapat hindi na ako nagulat dahil matagal na itong kinakanlong ng mga institusyon ng ating bansa, natutunan ko na ito sa aking mga paaralan, narinig sa mga popular na awitin, nabasa sa mga pahayagan at napanood sa telebisyon at sa mga pagtatanghal sa teatro. Ito ang isang mapanupil na Naratibo ng mga Filipino sa mga Moro. Hindi ito Moro kung babalikan ko lang ang mga salita ng mga kasama kong biyahero noon sa bus, noong 2008 sa Corregidor. Sino ba ang ‘sila’ sa kanyang mga pangungusap? Sino ang isinasakdal ng kanyang mga pangungusap sa “isandaan at dalawampung libong Pilipinong nasawi sa apatnapunbg-taon na hidwaan?” Ito ang nais na ipahiwatig ni Aquino: na mga Moro mismo ang nagtulak sa kanilang sa mga sarili sa kamatayan, na iginisa nila ang mga sarili nila sa sariling mantika. Na wala naman silang napala pagkatapos kundi ang alin sa dalawa: ang walang saysay na kamatayan o ang maging Filipino. At tulad ng namamayaning pagtingin ng mga Filipino sa mga Moro na matamang si Aquino at ang kanyang gubyerno lamang ang kakatawan: saliwa ang naging pagtingin at pag-unawa ng mga Moro sa Jabidah Massacre sa loob ng apat na dekada. Na ang tama ay sa kanya, na simbolo ng kapangyarihan, na nilaanan ng podium at matatamis na ngiti at pagsulubong, ang tama ay ang sa mga Filipino. Hindi na ito bago, hindi ito moderno. Ito ay verbalisasyon lamang ng namamayaning institusyon na pagtingin ng mga Filipino sa mga Moro, na napakatagal na nating kinakanlong sa ating mga lipunan at institusyon.  Nais kong itanong kay Aquino: At bakit tila pabalik ng tatlong daang taon ang pagtingin at pag-unawa ng mga Filipino sa mga Moro na nagsimula pa noong panahon ng mga Kastila?

Nang dumating ang hapon nais ko sanang malaman ang naging reaksiyon ng mga kapatid na Moro dahil nag-aakala ako na makikita ko sa kanila ang tunay na diwa at saysay ng Jabidah. Hindi ko na kinailangang bisitahin ang kani-kanilang mga FB dahil isa-isang naglabasan sa mismong wall ko ang mga larawan, pati ang screenshot ng talumpati ni Aquino sa mga pahayagan ng mga Filipino sa Maynila, ang link ng website ng pamahalaan kung saan nakapaskil ang talumpati ng pangulo. Marami-rami rin na ipinaskil pa bilang status update na verbatim ang ilang bahagi ng talumpati ng pangulo. Nagbabago na nga ang mundo at panahon, naisip ko, ngunit hindi ako sigurado kung papasulong ba ito o pagbabalik muli sa yungib kung saan sa dilim, hindi kung sino ang may mga mata ang makapangyarihan kundi kung sino ang may mahigpit na paghawak bilang pagbikis sa mga kamay ng mga kasama sa loob.     

Ganito ang epektibong proseso ng panlulupig na nilalaman ng talumpati ni Aquino sa Jabidah: una, kukunin mo ang kanilang kasaysayan bilang pag-aari; ikalawa, kukunin mo ang kanilang mga pag-iisip sa pamamagitan ng paghulog sa bitag ng mga magaganda at mababangong mga salita na ang depinisyon at saysay ay mula sa nanlupig at wala sa nalupig—ang taong walang kasaysayan at malayang kaisipan ay walang ring sariling wika kaya babanggitin nila na parang parrot ang wika ng manlulupig. Isang kahangalan kung paniniwalaan na ang dila nila ay ang dila ng makapangyarihang manlulupig—hindi, ang dila nila ay ang dila ng aba at masunuring nalupig, mga taong walang bigat, walang saysay kundi sa interes ng kanilang manlulupig. Humihiling ako ng higit pa sa kayang ilatag sa akin sa hapag ng aking pamahalaan.

Walang nakapagsabi kay Aquino na sa kabilang dulo ng continuum, ang kabaligtaran ng pagiging aba at nalupig ay hindi karahasan, hindi ang digmaan – kundi ang malayang pag-iisip. Na ang Moro ay mga Muslim at ang Islam ay relihiyon ng kapayapaan. Iyan sana ang inisip ng mga tao sa gubyerno noon, ng mga pulitikong sina Marcos at Aquino, ng mga Filipino at hindi ang digmaan at karahasan sa mga Moro. Ito ang wala sa talumpati ni Aquino sa Anibersaryo ng Jabidah noong Lunes. Nasaan ang pagka-Filipino ni Aquino? Nasaan ang moralidad at delicadeza ng kasalukuyang gubyerno?   

Sa huli, “Ulitin ko lang po: Ang lumipas, ‘di na po natin mababago. May tungkulin tayo sa kasalukuyan, at ‘yong hinaharap ng ating salinlahi—obligasyon nating, ‘di hamak, pagandahin.” Tama, ang Kagandahan ay Kalayaan at marapat lamang, sa hinaharap at sa susunod pa na salinlahi ibalik sana natin sa kanila bilang moral na obligasyon ang kanilang mga naratibo, ang kalayaan at kabanalan ng kanilang mga Salita at espasyo. Ang Wika ng malaya, ng mga taong may kalayaan. Mabuhay ang malayang pag-iisip. Allahu Akbar!

Thursday, February 28, 2013

Manili Massacre: Ang Filipino sa Naratibo ng Bangsamoro

Manili/Larawan ni Alberto Bainto
NATAGTAG SA BIYAHE ang katawan ko sa haba ng paglalakbay mula sa downtown ng munisipalidad ng Carmen patungo sa Manili. Hindi ko inasahan na isang mahabang biyahe ng lubak-lubak na daan, makikipot na kalsada, at pataas-babang mga burol pala ang daan patungo sa aming pupuntahan. Inihanda ko na ang aking mga notebook sa loob ng sasakyan at sina Alberto Bainto at Sarah Matalam naman, ang kanilang mga kamera. Sakay ng isang maliit na jeep pinasok namin ang liblib na baranggay ng Manili. Sa harap naman katabi ng drayber nakaupo si Babo Guianida, edukador at guro sa Kabacan na siyang sumama sa aming tatlo patungo sa Manili. 

Mataas na ang araw nang makarating kami sa baranggay. Sinalubong kami ng mga kagawad at ilang residente ng Manili upang magbigay din ng kanilang kuwento tungkol sa Manili Massacre na naganap halos apat na dekada na ang nakalilipas. Naging tanyag ang pangyayaring ito sa Manili dahil isa ito sa mga naging dahilan ng pagtatag ng Mindanao Independence Movement at ng ilan pang grupo na nagnanais ng kalayaan ng mga Moro sa kolonyal na pamamalakad ng Pilipinas sa Mindanao, Sulu, at Palawan. Nais ko kasing madalaw ang Manili bilang bahagi ng aking ‘edukasyon’ sa Bangsamoro. Nais kong malaman ang kuwentong ito na tila nais nang kalimutan ng taumbayan, ng gubyerno at kung maaari lang ay nais na ring burahin sa kasaysayan. Sa Maynila, kahit ang mga kaibigan kong Moro ay hindi alam ang Manili. Ni sa loob ng mga silid-aralan sa lahat ng bahagi ng Pilipinas hindi ito binabanggit. Wala rin akong mahanap sa internet na mga artikulo na naisulat tungkol sa nasabing insidente na kumitil sa halos walumpung Maguindanaon. Sa panahong ito na lumagda sa isang kasunduan pangkapayapaan ang gubyerno at ang MILF—imoral ang mangusap ng anumang hindi umaakma sa Framework Agreement; kalaban ng ‘kapayapaan’ ng Framework Agreement ang maging kritikal at halughugin ang nakaraan at mangusap ng may kinalaman sa ‘kalayaan’, ‘self-determination’, ‘MNLF’. Ang sinumang mangangahas na tumawid sa hangganan ay may nakalaan nang pantukoy ang sanlibutan, ang mga institusyon ng pamahalaan: ‘mananabotahe’, ‘war freak’, ‘warlords’, ‘pseudo-peace advocates’, 'kalaban ng kapayapaan' at hindi matatapos ang listahan. Ito ang kulturang umiiral sa kasalukuyan. “Tyranny does not come only from men,” at minsang nangaral si Salah Jubair sa kanyang aklat. “There is tyranny of time, there is tyranny of ideas, there is tyranny of numbers.” At sa usapang 'kapayapaan' ngayon mayroon na namang mga naratibo ang nais na patahimikin. 

Patungo sa masjid/Larawan ni Sarah Matalam
Pataas ang lupa patungo sa masjid. Sa bungad isang mataas na puno ng kaimito ang sumalubong sa amin sa lugar kung saan naganap ang masaker. Nasa Sitio Bual ang dating masjid. Wala nang natira sa anumang dating istruktura ng masjid at naabutan pa namin ang isang lalaki na nagtatabas ng mga damong ligaw sa dating sahig ng bahay-sambahan. Tanging ang mga haligi na lamang ng masjid ang natira.

Tila isang koral ang tanging nalalabi pa sa dating masjid ng Sitio Bual. Naupo kami sa isang makapal na konkreto na isa sa mga haligi ng dating masjid. “Hindi talaga ito bahagi ng masjid,” ang paliwanag sa amin ni Manong Abubakar, dating kagawad ng baranggay at siya rin ang isa mga taga-Manili na maglalaan ng oras para ikuwento muli sa amin ang pangyayari. “Itinayo lang ito ng militar matapos ang masaker para hindi tumagas ang dugo at lumabas sa masjid. Hanggang bukong-bukong ang dugo sa loob ng masjid.” Ipinaliwanag ni Manong Abubakar sa amin ang nangyari matapos ang insidente, siya muna ang tumayong taga-kuwento habang hinihintay pa namin ang pagdating ng lalaking nasa loob daw mismo ng masjid nang maganap ang insidente. Sa maliit na kuwadrado na iyon inihelera ang dose-dosenang bangkay. Sa bahaging ito ang mga lalaki at du’n naman ang mga babae, paliwanag ni Manong Abubakar. At dahil masyadong marami ang mga katawan at maliit ang espasyo, iyong bangkay ng mga matatandang lalaki ay pinabukaka na lamang at sa pagitan ng mga hita nila inihilig naman ang mga ulo ng mga bangkay ng mga batang nasawi. Halos pitumpo o higit pa ang mga katawan na mga bata, babae at matatandang Moro ang naiwanan ng karahasan na ito—wala nang nagbilang at nagtala ng mga pangalan dahil nagmamadali rin ang lahat na makatakas sa Manili noong araw na iyon ng Sabado. “Saan po inilibing ang mga bangkay?” ang tanong ko kay Manong Abubakar. Malabo ang naging sagot niya at hindi ko nauwaan ang tugon niya sa magkahalong Maguinadanao at Filipino. Inulit na lamang ni Mang Abubakar ang kuwento kung paano inihanay ang mga duguang katawan pagkatapos.
Ang tanging nalalabi sa masjid. Dito rin inihimlay ang mga katawan ng mga biktima/Larawan ni Sarah Matalam
Dumating si Manong Sammy Nagli na siyang hinihintay ng lahat. Si Manong Sammy kasi ang ilan na lamang sa nalalabing survivor ng Manili Massacre. Siya na ngayon ang magpapatuloy ng kuwento ni Manong Abubakar. Dumating na rin ang mga usyoso at nakinig sa kanyang kuwento. Alam ko na matagal nang alam ng mga usyoso ang kuwento ng Manili ngunit siguro, naisip ko, isang pambihirang karanasan na ilahad muli ang kuwento sa tenga ng mga estranghero na tulad namin na nagtungo pa sa Mindanao para lamang alamin ang kuwento ng Manili. Lahat ng tao, maging kami ni Sarah at Alberto ay pumasok na sa parisukat na dating masjid. Nagsimulang magkuwento si Manong Sammy at bukas naman siyang sagutin ang aming mga katanungan.

Tirik na tirik na ang araw sa umagang iyon ng Linggo at mahinahon na umiihip sa aming mga katawan ang hangin nang simulan ni Manong Sammy ang kuwento ng Manili.

Miyerkoles pa lamang nang makatanggap si Datu Usman ng liham sa opisina ng munisipyo ng Carmen na nag-uutos na tipunin ang lahat ng mga mamamayan sa masjid ng Sitio Bual at sa paaralan ng Manili sa darating na Sabado ng umaga. Nagtatrabaho noon si Datu Usman sa munisipyo. Ang liham ay mula kay Captain Langgam at Lieutenant Lagatus ng Philippine Constubulary. Dumating ang balita sa Manili tungkol sa pagtitipon. Ordinaryong araw at abala ang lahat sa kani-kanilang gawain bagaman nakararating na rin sa liblib na baranggay ang kuwento ng karahasan ng mga Ilaga sa Upi at iba’ibang bahagi ng Cotabato at Lanao. Binatilyo pa si Mang Sammy noon at kararating lang niya sa Manili upang maghatid ng mga mais na inani. Ang ama niya ang nagsabi sa kanya na huwag nang lumabas ng Manili pagka-Biyernes dahil may pagtitipon kinabukasan ng umaga sa masjid. Sumunod naman sa utos ng ama si Manong Sammy. 

Natanggap ni Hajji Yusof Nagli, ang community leader ng baranggay Manili, ang utos mula sa liham. Hindi naman siya ang kapitan-de-baranggay ngunit kinikilala siyang 'elder' ng komunidad kaya sa kanya dinala ang liham. At dahil mula nga naman sa munisipyo, sa mga sundalo ng gubyerno ng Pilipinas ang utos, bakit hindi ka naman susunod. Dumaan ang Biyernes naghanda na ang lahat para sa pagtitipon kinabukasan. Wala pa ring nakaaalam kung para sa saan ba talaga ang pagpupulong. At nu’ng Sabado ng madaling-araw, matapos ang sambahayang, tinipon ang mga taga-Manili sa paaralan ng baranggay at iyong iba, sa masjid sa Sitio Bual, ang masjid sa tabi ng malabay na puno ng kaimito. Dahil ang ibang mga kalalahikan ay nasa bukid pa at nagsasaka -- mga bata, babae, at mga lolo at lola ang nakarating sa ‘pagtitipon’ sa loob ng masjid. 

Manong Sammy/Lawaran ni Bainto
“Para saan ho ang meeting?” ang tanong ko kay Manong Sammy. 

“May hinahanap sila sa Manili,” tugon ni Mang Sammy. 

Pagtataka. Ito ang naramdaman ng mga tao sa paaralan at sa masjid. Pagtataka dahil bukod sa mga sundalo ng mga Filipino may mga sibilyan din silang kasama at may hawak na mga baril bukod pa sa mga bagong mukha sila sa komunidad. Ang iba ay namumukhaan nila na mula sa katabing baranggay na Arunan, pero hindi sila sigurado. Pagtataka rin dahil hindi nila alam kung para saan ba ang pagtitipon at kung bakit kailangan silang tipunin lahat pati mga bata at matatanda. Alas-kuwatro ng madaling-araw nang sinimulan silang tipunin lahat sa paaralan at sa masjid. Ang iba ay may mga gawain pa sa bukid at sa kanilang mga tahanan, may mga aning mais na kailangan pang dalhin sa palengke. Aligaga at maingay sa loob ng masjid at paaralan habang naroroon sila sa loob at napalilibutan ng mga sundalo at ng mga bagong mukha. Apat na oras silang naghihintay sa loob ng mga gusaling ito.

Alas-siyete ng umaga nang ipahayag ng pinagsanib na puwersa nina Capt. Langgam, Lt. Lagatus at ng mga kasapi ng Ilaga na mula pa sa malayong Upi ang kanilang pakay sa Manili. Naririnig ko ang pagtunog ng kamera ni Sarah—at ito ang tanging ingay na nagmumula sa kanya. Natahimik ang lahat sa amin at patuloy sa pagsasalita si Manong Sammy. Marahan pa rin ang paghihip ng hangin na nahahalinhinan ng ingay ng pagkikiskisan ng mga dahon sa puno ng kaimito na nakatunghay lang sa amin. Hinahanap ng mga Filipinong sundalo at ng mga Ilaga ang isang tao: si ‘Mr. Enalang’ at hinihiling nila sa komunidad na ilabas ang machine gun, isang armalite at ilang baril na itinatago ng mga tao sa komunidad. Tumanggi ang mga tao. Hindi dahil sa ayaw nilang ilabas ang mga baril na hinahanap kundi wala namang baril sa kanilang komunidad dahil ang mga tao sa Manili ay mga magsasaka, nagtatanim ng mais, at namumuhay sa kung anuman ang ibibigay sa kanila ng isang adlaw. Ngunit kilala nila kung sino si Enalang, at hindi nila itatanggi ito. Nagpumulit ang mga Filipinong sundalo at mga kasapi ng Ilaga sa kanilang nais. Nagsimulang umiyak ang mga bata sa loob ng masjid at paaralan dahil kanina pang alas-kuwatro ng umaga sila naroroon at mag-aalas-otso na.

Nagbanta ang mga estranghero. Sa loob ng isang oras at hindi pa nailalabas ang mga armas at si Enalang, papatayin silang lahat. At tulad ng inaasahan, ano pa ang dapat mong maramdaman kung tataningan na ang iyong buhay at bibigyan ka lamang ng isang oras? Nakiusap si Hajji Yusof Nagli sa mga lalaki sa labas ng masjid. Doon sa kung saan siya nakikiusap sa mga sundalong Filipino at mga kasapi ng Ilaga natatanaw siya ng lahat sa loob ng masjid. Paano kami maglalabas ng mga armas kung wala naman talagang mailalabas? Si Enalang, tatlong kilometro pa ang layo ng bahay niya mula rito sa Manili at du’n siya sa malayo, sa Rio Grande de Mindanao malapit. Kulang ang isang oras. Bakit kayo humihingi ng imposible sa amin sa isang oras bilang katubusan ng aming mga buhay?
Ang pader na itinayo ng militar para hindi tumagas palabas ng masjid ang dugo sa nagpatung-patong na bangkay/larawan ni Bainto
At umalingawngaw ang isang putok. Ayon kay Mang Sammy-- d’yan, d'yan banda bumagsak na lamang siya at duguan—si Hajji Yusof Nagli, ang lider ng kanilang komunidad na nakikiusap kani-kanina lamang. At nagkagulo sa taranta ang lahat sa loob ng masjid. May putok ng baril sa labas. Ang mga tao sa loob ng paaralan na nakarinig din ng putok ay nagtakbuhan papalabas ngunit ang ilan ay naiwanan sa loob. Ang mga nagtakbuhan sa labas pinaputukan at isa-isang tumumba habang papalayo sa paaralan. Ang mga nagpaiwan kinandado ang mga sarili sa loob at kahit na anong pilit na puwersahin ng mga nasa labas hindi nila kaagad napasok. Malabo ang bahaging ito ng kuwento ni Mang Sammy dahil may mga nakaligtas sa mga nanatili sa loob ng paaralan. Malabo dahil hindi ko alam kung pakikinggan ko ba ang bawat salita na lumalabas sa kanyang bibig o pagmamasdan ko ang kanyang mga mata - o ituon ko ang aking tingin sa mataas na puno ng kaimito sa tabi namin. May mga sakit na ayaw kong dalhin sa akin at hayaan kong manatili sa aking kaluluwa at dadalhin ko pabalik sa amin sa Maynila. Nagpatuloy si Mang Sammy sa kanyang kuwento, makinig man ako o hindi. Ngunit ang mga nasa loob ng masjib—sa loob ng banal na lunan ng mga taga-Manili kung saan sila nagsasambahayang—hindi na nila nagawang makalabas at wala naman silang pinto at bintana sa isasara para ikulong ang sarili sa loob.

Hindi ko na ako nakarinig ng anumang ingay mula kay Sarah. Iniiwasan ko rin siyang makita at mabasa ang kanyang mukha. Isang Maguindanaon si Sarah mula sa Pagalungan. Naupo kaming lahat sa makapal na pader at doon naman nakatungtong si Mang Sammy habang nagpapatuloy sa pagkukuwento. Naaalala pa ni Mang Sammy ang lahat dahil naroroon siya sa loob ng masjid. Binatilyo na siya noon at kasama niya rin ang kanyang kamag-anak at kapitbahay sa loob.
Kaimito sa harap ng masjid/Larawan ni Matalam

Ang unang granada na inihagis sa loob ng masjib at lumapag sa pagitan ng mga hita ng isang babae. Nang sumabog ito napigtal sa katawan ng babae ang dalawa niyang binti at nagtalsikan sa kisame ang mga utak at laman-loob ng katabi pa niyang mga babae. Patuloy na pinagbabaril ang masjid at ang mga tao sa loob. Patuloy ang paghagis ng mga granada mula sa labas. Nagkalasug-lasug ang mga laman ng mga tao sa loob at nagtalsikan sa pader ang ilang bahagi ng kanilang mga katawan, sa kisame ng masjid. Alam mo, ikaw na marahil isang hindi Muslim, sa amin, nililinis muna namin ng ilang bahagi ng aming mga katawan bago magdasal; hinuhubad namin ang aming mga sapatos at tsinelas sa tuwing papasok sa loob ng masjid.

May ibang nakatakbo papalabas ng masjid at doon na rin sila pinagbabaril at bumagsak sa harapan. Masuwerte ako, ang dagdag ni Mang Sammy, dahil nag-Boy Scout ako sa elementary at mabilis akong nakatakbo. Hindi siya tumakbo ng diretso kaya nahirapan din silang sapulin siya ng bala. Matapos ang mga pagsabog pumasok sa loob ng masjid ang mga Filipinong sundalo at mga Ilaga. Hanggang bukong-bukong ang dugo sa loob ng masjid. Hindi mo malaman kung kaninong bahagi ng katawan ang kanino. Umabot at dumikit sa kisame at sa mga pader ang mga pirasong laman ng mga tao. At yung iba na gumagalaw pa ay pinagbabaril ng mga Ilaga at tinutusok ng bolo. At matapos iyon, tinanggal nila ang kanang tenga ng ilang bangkay ng lalaking Muslim. Apat ang nakita ni Mang Sammy. Ngunit ang Ilaga, alam naman natin (o alam mo ba talaga?) ay nabubuhay sa katapangan - sa kung gaano karaming tenga ang maipon nila ganoon katindi ang kanilang katapangan.

Sabado ng umaga iyon, alas-otso, ika-19 Hunyo, 1971. Tirik ang araw at patuloy na umiihip ang mga hangin mula sa mga kaparangan sa paligid. Maingay ang pakikiskisan ng mga dahon sa puno ng kaimito. May isang salita na nahihirapan akong palabasin sa aking bibig pagkatapos ang kuwentuhan kay Mang Sammy: hustisya. Kinabukasan ng Lunes, ayon sa isang mensahe na ipinadala sa akin ng isang kaibigan sa Maynila, lalagdaan na ng pangulo ng mga Filipino ang isang batas na magbibigay ng kompensasyon at pagkilala sa mga naging biktima ng rehimeng Marcos. Bahagi raw ang paglalagda sa selebrasyon ng EDSA People Power ng mga Filipino. Paano mo nga ba idudulog sa mesa ng isang Moro ng Manili ang kompensasyon at hustisya na mula sa mga Filipino na hindi mo binabayaran sa kanila ang dignidad, ang kanilang pagkatao, ang kinilang pagdadalamhati?
Ipinakikita sa amin ni Manong Abubakar kung paano isinalansan ang mga bangkay pagkatapos/larawan ni Bainto
“Saan po inilibing ang mga katawan,” at inulit ko ang aking katanungan. Napakaraming bangkay ang kinailangan na ilibing noon ng mga taga-Manili. Naisip ko kasi, sa gitna ng mga kaparangan saan kaya nila inihimlay nang mabilisan ang kanilang mga kapitbahay at kamag-anak. Sumabad muli sa Manong Abubakar at inulit ang kanyang pagpapaliwanag. Nagsalita na muli si Sarah at inulit ang tanong, nahalata niya siguro na hindi ko na naman naunawaan ang sagot sa akin ni Manong Abubakar.

“Dito na rin. Dito ang mga lalaki at bata at doon naman ang mga babae,” ang paliwanag ni Manong Abubakar.

“Dito na rin? Sa kinatatayuan natin ngayon?” Ang gimbal kong tugon kay Manong Abubakar. Napatingin kami ni Sarah sa lupa na aming inaapakan. Gusto ko sanang humakbang papalabas ng kuwardradong dating masjid dahil nasa ilalim pala ng mga paa namin ang mga bangkay. Sa mga Tagalog, sa amin sa Maynila, hindi mo inaapakan ang puntod ng mga patay.

Iyong ibang mga taga-Manili na survivor, dagdag ni Manong Sammy, nu’ng namatay na sila kahit nandu’n sila sa Pagalungan, sa Kidapawan, dito nila pinipili na ilibing na hinihiling nila sa kanilang mga kamag-anak; nais nilang ibalik sila Manili at doon ihimlay. 

Nangahas akong tanungin si Manong Abubakar tungkol sa ‘hustiya’. Dahil ano pa nga ba ang dapat mong itanong matapos ang isang mahabang kuwento ng karahasan ng mga Filipino sa mga Moro kundi kung nabigyan na nga ba sila ng hustisya at kung paano matutulungan, kung paano makakamit ang hustisya. At ipinaliwanag ko na tila may batas na lalagdaan ang aming pangulo para bigyan ng kumpensasyon at kilalanin ang mga naging biktima ni Marcos, ng mga paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law. Napatingin sa akin si Manong Abubakar. Marahan siyang nagpaliwanag at tulad ng mga Moro na nakasasalamuha ko sa paglalakbay na ito sa mga nagdaang araw, magalang silang sumasagot sa akin gaano man marahil ka-impertenente ang aking mga katanungan. Sa akin na mula sa malayong Maynila, na isang Filipino.

Pabalik sa Kabacan, dala-dala ko pa rin sa aking sarili ang kapangahasan ko sa pagtatanong ng hustisya sa harap ni Manong Abubakar. Hindi; marahil hindi iyon ang pinakasaktong tanong na marapat at moral na ipataw sa Manili. Sana hinalukay ko na muna sa aking sarili ang sagot sa tanong na bumabagabag sa akin habang nakikinig sa kuwento ni Manong Sammy tungkol sa Manili, paulit-ulit na itinatanong ko sa aking sarili: Mayroon nga bang kapayapaan kung walang kalayaan? May mga bagay na hindi naman na kailangan pang hingiin, na dapat matagal nang naririyan tulad ng kalayaan, hustisya, kasaysayan, at identidad. Ilang Moro pa para maging Filipino ka? ang tanong ko sa aking sarili. At naisip ko bilang pagpapatawad na rin sa aking kapangahasan at katampalasanan: hindi lang naman siguro ako ang tanging Filipino na palaging may saliwa at impertinenteng tanong sa harap ng isang Moro.

Friday, February 15, 2013

Kagan ng Davao Gulf

NAGSIMULA NA NOONG isang linggo ang paglalakbay ko at ng aking kaibigan na photographer na si Alberto Bainto para sa isang proyekto upang mas lalo pang maunawaan ang Bangsamoro sa pamamagitan ng pangangalap ng naratibo - sa salita, sa mga kuwento, at imahen - ng mga kapatid nating Muslim sa Mindanao, Sulu, at Palawan na naghahangad ng kapayapaan at kalayaan at gayun din ang matiwasay na pamumuhay. 

Nagsimula kami sa Davao City at inaasahang magtatapos sa Palawan. Ang paglalakbay na ito ay upang mapuntahan ang labingtatlong komunidad (o labing dalawa lamang dahil ang Tausug ay minsan na itinuturing din na isang 'nasyon' at hindi isang ethnolinguistic group ng Sulu/Bangsamoro) ng Moro sa Mindanao, Sulu, at Palawan sa loob marahil ng ilang buwan. 

Nagsimula kami sa mga Kagan, ang Moro ng Davao Gulf. Matatagpuan ang mga komunidad ng Kagan sa Davao mula Mati hanggang sa Toril sa Davao City. Sa tuwing makakausap mo ang mga Kagan nais nilang ipakilala ng kanilang mga sarili na "Peace-loving Moros ng Davao" dahil namumuhay sila sa katiwasayan at kapayapaan kasama ng mga Kristiyano, Mandaya, at Mansaka. Laging itinutuwid ng mga Kagan ang pag-aakala na sila ay mga 'Kalagan'. Ayon sa mga Kagan, iba ang mga Kalagan sa Kagan dahil ang huli ay 'non-pork eater' na mga Muslim. 

Nanatili kami ng ilang araw ni Bainto sa isang komunidad ng Kagan sa Pantukan, Compostella Valley. Isinusulat ko ang aking paglalakbay sa komunidad ng mga Kagan Moros ngayon na naririto kami at nagpapahinga sa General Santos City para sa paghahanda na rin sa susunod na komunidad ng Moro na dadalawin namin para sa aming proyekto. Nais ko ring ibahagi ang ilang larawan na mula sa mga lente ni Bainto.

 Moros of Davao Gulf/Photo by Alberto Bainto
(http://alberto.is/ontheroad/)
S
Kagan Moros of Davao Gulf/Photo by Alberto Bainto
(http://alberto.is/ontheroad/)
Kagan Moros of Davao Gulf/Photo by Alberto Bainto
(http://alberto.is/ontheroad/)
Kagan Moros of Davao Gulf/Photo by Alberto Bainto
(http://alberto.is/ontheroad/)
Kagan Moros of Davao Gulf/Photo by Alberto Bainto
(http://alberto.is/ontheroad/)
Kagan Moros of Davao Gulf/Photo by Alberto Bainto
(http://alberto.is/ontheroad/)
Si Manang Ray - siya ang aming hostess at nanirahan kami sa kanilang tahanan ng ilang araw. Kagan Moros of Davao Gulf/Photo by Alberto Bainto
(http://alberto.is/ontheroad/)
Ang tawag ng lahat sa kanya ay 'Ina'. Nagbigay siya ng napakaraming kuwento sa amin tungkol sa mga Kagan noong panahon ni Marcos, ni Cory at ang kanyang makulay na kabataan bilang isang Kagan, Muslim, at ina ng kanyang mga anak. Ito ay kuha ni Bainto sa kanyang tahanan. Kagan Moros of Davao Gulf/Photo by Alberto Bainto
(http://alberto.is/ontheroad/)

Tuesday, February 5, 2013

Lahat Tayo Naghahanap ng Espasyo para Sa Ating Sarili – Iyong sa Atin Lamang


ITO AY PARA sa ating lahat na hindi mapalagay sa iisang lugar.

“Saan ka ba talaga patungo ?” Ito ang nakikita kong tanong sa mga mata ng aking nanay nang isang araw dumating na lamang ako sa Maynila mula sa Cebu noong Agosto. Walang pasabi, walang hiniling na pagsundo sa pantalan o masigabong pagsalubong sa amin sa Luzon Avenue. Ganito lang talaga siguro ako, nagtutungo sa isang lugar, nananatili roon, at malao’y hindi rin nagtatagal. Lumilisan kapag nasasaktan at minsan, hindi na nililingon ang lugar at ang mga taong nakilala sa lugar na binisita.

“Saan ka ba talaga patungo?” Ito rin ang tanong sa akin ng nanay ko nang sa loob ng nagdaang mga taon palipat-lipat na ako ng trabaho at wala akong tinagalan. Hindi na raw ako bumabata at paano ko raw pinaghahandaan ang pagtanda ko. Natawa ako, naisip ko, siguro dahil nakikita ng nanay ko na palagi akong nag-iisa, na wala pa akong asawa at iniisip rin ng nanay ko siguro, marahil, dahil sa ugali kong lumilisan at palaging nag-iisa sa lahat ng bagay at mga gawain. Hindi tulad ng mga taong nasa edad ko na kasalukuyan. Ang palagi ko namang sinasabi sa aking nanay na tatlumpu’t tatlong taon na ako  at ang mga taon na lilingunin ko mula ngayon ay mga taon na ginugol ko sa pagtalima sa responsibilidad sa aking pamilya; at totoo naman na sinubok kong balansehin ang oras sa pagsusulat at pagtatrabaho sa opisina. Dahil kailangan. Dahil hindi naman ako ipinanganak na may kaya sa buhay, hindi rin naman kami ‘middle class.’ At sa edad kong ito na halos lahat ng mga kapatid ko ay may kanya-kanyang nang pamilya, nais ko naman sanang tahakin ang landas na ninanais ko sa aking buhay, sa aking sarili—ang hanapin ang espasyo para akin, iyong sa akin lamang. At ibinabalik ko sa aking nanay ang sagot sa tanong niya, na hindi na ako talaga ako bumabata ‘nay at nais ko nang tahakin ang landas na para sa aking buhay, sa aking sarili. Nabubuhay tayo para sa ating mga pangarap at kung ano tayo sa kasalukuyan ay dahil sa ating mga naging pasiya sa ating buhay at hindi dahil sa ibang tao.

Ang hindi alam ng nanay ko marahil masaya akong nag-iisa sa buhay at heto pa: ginagawa ko ang lahat ng paraan para mahanap ko ang ligaya sa aking buhay—ano pa nga ba ang kaligayahan kundi isa rin itong pagpapasiya. Ako ang nagpapasya sa aking kaligayahan at ang lunan kung saan ako liligaya. At ang mga lunan at tao na hindi ko kinailangan sa aking kaligayahan ay malimit kong lisanin o iwanan. Abandonahin.

Sandali—bago mo bigyan ng ibang kahulugan ang malimit kong lisanin ang mga tao at lunan na hindi ko kinakailangan sa aking kaligayahan, nais ko munang ipaliwanag ang ibig kong sabihin dito. Una, hindi ako Emotional Vampire (siguro minsan sa aking buhay naging ganito ako pero pangako, sinubukan kong labanan ito sa aking sarili). Ikalawa, ang paglisan para sa akin ay hindi pagtakas, paglayo. Ang paglisan sa akin ay ang lakas na kaya kong abandonahin ang isang sitwasyon, isang kumunoy kung saan unti-unti nang nilalamon ang aking katawan, ang aking sarili at pagkatao. Kaya kong talikuran—hindi, hindi talikuran—kaya kong harapin at hanapin ang lunan kung saan ako liligaya.

Emotional Vampire. Ito ang sakit na malimit na dumapo sa ating hindi mapalagay sa iisang lugar at dapat nating iiwasan. Marami nito sa kasalukuyan at marapat silang iwasan. Iwasan dahil wala silang kinalaman sa iyong kaligayahan. Emotional Vampire iyong mga kalungkutan na nagsakatawang-tao at sumusugod sila sa pinakamalungkot na oras ng ating pag-iisa, at alam nila ang mga oras na iyon dahil tulad natin, buhay din sila sa mga oras na iyon at matindi ang kanilang pangangailangan. Mag-iingat tayo sa Emotional Vampire dahil hindi natatapos ang kanilang gutom, sisipsipin nila hanggang ang pinakalatak na dugo at kaligayahan sa iyong kaluluwa; sila iyong mga tao na isinisisi nila sa iba ang kanilang kalungkutan, iyong mahina ang pagkatao at naghahanap ng ibang tao na masasandigan sa simula pero ang totoong pakay pala ay ang iyong kaluluwa, ang iyong kalungkutan, at ang masaklap alam din nila ang gutom na iyong nararamdaman dahil kilalang-kilala rin nila ang gutom na ito, dahil pareho kayong nakararamdam ng kalungkutan sa pag-iisa.

Paano maiiwasan ang mga Emotional Vampire? Una, dapat iwasan nating mga hindi mapalagay sa iisang lugar ang maging katulad nila sa pamamagitan mismo ng paglayo sa isang Emotional Vampire. Ang nakagat ng bampira ay nagiging bampira na rin. Iwasan ang mga taong naghahanap ng audience ng kanilang miserableng pag-iisa, dahil miserable ang tingin nila sa kanilang sariling pag-iisa, dahil malungkot silang kasama ang kanilang sarili sa kanilang pag-iisa. Minsan, inaakala natin na ang kanilang paglalantad ng sariling kahinaan at kalungkutan ay isang paraan ng pagbubukas ng loob sa atin at isang paanyaya sa intimacy ngunit ang totoo, heto: kailangan lang nila ng audience, ng taong buong-buo, nag-iisa at masaya at nang sa gayon masipsip nila ang kung anuman ang nalalabi pa sa ating sarili at kaluluwa. Nabubuhay sila sa hilab ng ating tiyan sa gutom ng pangangailangan na may kasama, may katuwang.

Ito ay para sa ating lahat na hindi mapalagay sa iisang lugar. 

Lahat tayo, na hindi mapalagay sa iisang lugar ay minsan din naging bampira sa ating buhay. Ngunit itinatanong ba natin kung ilang tao na ang nasaktan natin at binalikan natin pagkatapos upang ibalik ang kinuha natin sa kanila? Ang pagsa-sauli, ito ang isang paraan ng pagtakas sa pagiging bampira. Ang pagtatanong sa sarili, ang pag-ungkat sa sariling konsensiya, dito mo malalaman na hindi ka na bampira at hindi ka naman talaga naging bampira. Hindi ka basta magsasabi ng, "Patawad, malungkot lang ako at maraming problema noong panahon na dumating ka sa buhay ko." Hindi, hindi ang biktima ang dumarating sa buhay ng bampira - ang bampira ang naghahanap ng kusang biktima. Hindi ka basta hihingi ng tawad bilang bampira, hindi sapat ang tawad. Kailagan mong may isauli - at kung wala ka nang maisauli, walang nang nalabi pa sa nakuha at nakamkam mo bilang bampira, mananatili ka nang bampira - iyon lamang ang paraan para maitawid mo ang araw-araw ng iyong buhay hanggang sa iyong pagtanda, sa iyong pagpanaw. Huli na ang lahat. 

Tandaan: tayong hindi mapalagay sa iisang lugar huwag nating dadalhin sa lunan na patutunguhan natin kung anuman ang iniwanan natin sa nilisan na lugar. Huwag mong dadalhin ang sakit, ang lungkot at ipapasa mo ito sa mga bagong tao na makikilala mo sa bagong lugar. Tandaan: ang mga bampira, lumilisan sa kanilang pinagmulan hindi para harapin sa katapangan ang kanilang kaligayahan kundi para talikuran ang kanilang pagkatao.

Ang mga bampira, hindi nila kilala ang kanilang mga sarili dahil hindi nila nauunawaan ang kanilang mga kalungkutan—tulad natin, kilala rin nila ang sarili nilang gutom pero hindi nila ito nauunawaan. Ang talino at pagtuklas ay para lamang kasi sa matatapang. Kaya tayong hindi mapalagay sa iisang lugar, dapat nating tandaan, kilalanin natin ang ating mga sarili at paninindigan natin ang lahat-lahat na matutuklasan natin sa ating mga sarili. Gaano mo ba kakilala ang iyong sarili?

Tulad nga ng sinabi sa akin noon ng isang kaibigang makata hindi sinusukat ang paglalakbay kung gaano ka na kalayo sa iyong pinanggalingan kundi kung gaano ka na kalapit sa iyong patutunguhan. Hindi kasi lahat ng dumarating sa ating buhay ay talagang naririyan sa ating harapan, ang mga bampira, nananatili sila na nakakulong kung saan sila nagmula dahil iyon ang sumpa.

Sa darating na Biyernes lilisanin ko na namang muli ang Maynila at magtutungo sa malalayong lugar sa Mindanao at Sulu. Hindi pa ako nagpapaalam sa aking nanay at tiyak na hindi niya ako papayagan. Iniisip ko na ang paliwanag ko sa kanya bago umalis—hahanapin ko lang ang kaligayahan, ang aking sarili, ang kalayaan. Nakagat yata ako ng bampira at tila hindi yata nahilom ng karagatan sa pagitan ng Cebu at Maynila at ng limang buwan ang sugat sa aking kaluluwa.

Ito ay para sa ating lahat na hindi mapalagay sa iisang lugar. Lahat naman siguro, bampira at potensiyal na biktima ng mga bampira, naghahanap ng espasyo na para sa ating sarili - iyong espasyo na para sa atin lamang.  

Monday, February 4, 2013

Unang Salang: 'Ang Mga Maharlika' sa Writers Bloc, Inc.

NATAPOS KAHAPON ANG meeting ng Writers Bloc, Inc. mga bandang alas-singko ng hapon at binasa ng mga kasama at kaibigan kong mandudula ang aking bagong dula na ipapasa ko bilang entry sa 2013 Virgin Labfest sa Cultural Center of the Philippines ngayong Hulyo. Hindi na ako kuwalipikado para sa one-act play sa nasabing festival (lahat ng may apat o higit pang dula na naipalabas sa taunang Labfest ay hindi na maaari pang makasali sa one-act play category) kaya ang bago kong dula ay isang ganap ang haba (full length play).

Ito rin ang kauna-unahang pagkakataon na nabasa ng ibang tao ang aking bagong akda. Ito rin kasi ang unang dula na naisulat ko mula noong Enero, 2009. Ang huling dula na naisulat ko at naipalabas din sa Virgin Labfest noong taon ding iyon ay ang ikatlo sa aking 'Ranaw Trilogy', Ang So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman, na natapos kong isulat sa Cebu City. 

Ang Mga Maharlika ang pamagat ng aking dula at naging madugo ang pagbasa at ang mga komento ng aking mga kasamang mandudula. Nagpapasalamat naman ako sa oras na inilaan nila sa pagbabasa at sa mga perspektibo na tiyak na makatutulong sa akin sa pag-rebisa ng akda. Matapos ang pulong nagtungo ako sa UP Diliman at naglakad-lakad matapos ang huntahan sa isang kasama. Pilit kong iniisip at tinitimbang ang mga puna na iginawad ng mga kaibigan kong makata sa aking akda.

Ang Mga Maharlika ay tungkol kay Ferdinand Marcos at sa 'kabit' niya noong si Dovie Beams. Sa paglalakad ko (ganito ang ginagawa ko kapag nababagabag ako ng isang damdamin o kaisipan, naglalakad ako nang naglalakad) isang bagay ang naging klaro sa akin na siyang tatahakin ng aking dula: hindi talaga ako papanig kay Marcos at sa samu't saring mito na nililikha ng kanyang pamilya (at niya mismo!) ngunit ambivalent naman ako sa 'Marcos' na kinagisnan ko na mula sa mga kontra niya sa pulitika (si Ninoy Aquino halimbawa), ng mga naging biktima ng Martial Law, ng Kaliwa.  Mula sa klarong perspektibong ito sisimulan ko ang rebisyon ng aking dula at doon ko rin huhugutin ang tapang upang ipagtanggol ang aking akda.

"Maraming danger ang dula mo, kapatid," ang puna ng isang kasama ko nang pauwi na kami at inihatid niya ako sa Unibersidad ng Pilipinas. "I like the entertainment and the play itself - but I totally disagree with the play," ang dagdag pa niya. Nagkaroon kami ng maikling huntahan kung bakit. At tulad ng inaasahan, na marami naman sa atin ngayon (at dapat lang!) ayaw niya kay Marcos at hindi siya kumportable marahil sa mga eksena na namimigay ng amerikana niya si Marcos at si Imelda bilang kawawang 'asawa'. Ipinaliwanag ko sa kanya ang intensiyon ko sa dula at nagdagdag pa na "hindi ba't ganyan naman talaga dapat ang mga dula - lagi kang ilalagay sa bingit ng kapahamakan na matisod ka at mahulog sa bangin ng pagdududa laban sa mga paniniwala at realidad na mahigpit mong mga pinanghahawakang?" Hindi, hindi pa rin talaga makukubinse ang aking kasama dahil hindi niya talaga gusto si Marcos (at dapat lang!). Ngunit ang usapan namin dagdag pa sa mga komento ng mga kasamang mandudula sa Writers Blog ay isang imbitasyon din sa akin tingnan ko ang 'form' ng dula. Marami pa rin akong dapat na matutunan sa pagsusulat ng dula at marapat lamang na matutunan ko rin ang iba't ibang estratehiya ng pagkukuwento sa entablado.

Umaasa na lamang ako ngayon na matatanggap ang aking dula na humihikayat ng bagong pagtanaw kay Marcos bilang isang pasista at korap na pangulo ng Pilipinas at sa kanyang rehimen sa Virgin Labfest 2013 kahit iisang slot lamang ang nakalaan para sa full length play sa nasabing festival. 

   

Sunday, January 6, 2013

Si Love Woman at ang Maikling Talambuhay ng isang Campus Writer

NAALALA KO PA ang huli naming pagkikita ilang taon na ang nakalilipas sa Awarding Ceremony ng Palanca Awards. Isa siya sa mga hurado at ako naman, pinakiusapan ng isang kaibigang mandudula na samahan siya sa pagtanggap ng gantimpala. Lumapit ako sa mesa niya at bumati ng nakasanayan ng “Hello, Ma’am Ophie.” Matagal na kaming hindi nagkikita at minsan iniisip ko na kung dadalawin ko ba siya sa Unibersidad ng Santo Tomas maaalala niya pa kaya ako. Nang lumingon sa akin ang guro ganoon pa rin siya sa tuwing sasalubong sa mga dating mag-aaral na manunulat ng Santo Tomas na dumadalaw sa kanya makalipas ang maraming taon mula nang lisanin ang Unibersidad. Iisa palagi ang postura ni Ma’am Ophie sa mga babati sa kanya: hindi siya tatayo sa kanyang kinauupuan para salubungin ka, ikaw ang lalapit sa kanya at yuyukod at iaalok ang iyong pisngi sa kanyang mga halik; at siya naman, habang nakaupo, nakataas ang kanyang mga kamay at tila bukana ang kanyang katawan na naghihintay sa iyong pagpasok; ilalapat niya ang kanyang mga palad sa iyong batok o balikat at mararamdaman mo kaagad na matagal ka niyang hinihintay na dumalaw o bumalik at sa kanyang kilos na iyon sa paghalik para bang nais na niyang huwag ka nang umalis sa piling niya. Kung hindi niya suot ang Chanel niyang salamin mababasa mo palagi sa kanyang mga mata ang lugod na muli ka niyang nakita. Noong gabing iyon ng Palanca Awards, matapos ang pagbati at paghalik, ganoon pa rin ang salitang binitiwan niya sa akin: “How’s your writing? Next time ikaw naman ang mananalo.” Malayo ang mga salitang ito sa lambing ng kanyang pagsalubong at paghalik. Tall order mula sa isang guro ng Panitikan, sa Dekana ng aming Pakultad, mula sa ina ng mga Tomasinong manunulat, sa diyosa at tagapagtanggol ng Thomasian Writers Guild, mula sa isang makata. At sa aking palagay, nalugod siya sa aming pagkikita dahil hindi ako nagkamali sa aking sagot, sa inaasahan niyang sagot mula sa dating kasapi ng Thomasian Writers Guild. “Yes, Ma’am Ophie. Sasali po ako next year.”
            Nang dumating sa akin mula sa Maynila ang balita ng kamatayan niya hindi ako makapaniwala na maaari pala siyang pumanaw. Hindi pinahihintulutan sa amin sa Islam ang magdalamhati kung may pumanaw ngunit hindi ko na matandaan kung ilang beses akong naiyak sa biyahe mula sa Compostela patungo sa Cebu City—nasa tabi ako noon ng drayber ng mabagal pa sa kalesang Rusco jeep at papasok sa opisina sa Lahug nang makarating sa akin ang balita. Lihim ko na lamang na pinapahiran ang aking mga luha dahil na rin sa hiya sa katabing drayber. Sa mga panahong iyon hinihintay ko rin ang tugon ng Artistic Director ng Artistang Artlets, ang student theatre guild ng aming Pakultad, na humingi ng isang dula mula sa akin at ipalalabas daw nila sa Santo Tomas. Matagal ko nang nais na maipalabas sa Santo Tomas ang aking mga dula at imbitahan ang makata. Nais ko sanang ipagmalaki sa kanya na heto na ako ngayon, Ma’am Ophie, binabasa, pinapalakpakan, at patuloy kong pag-iibayuhin ang aking Sining dahil ninanais kong patunayan sa iyo, na palagi, na mayroon akong mararating—malayo, mas malayo kaysa sa mas tila pinapaboran mo noong mga mag-aaral na nagsusulat sa Ingles; malayo kahit nagsusulat ako sa sarili nating wika.
            Hindi ko talaga siya naging guro sa Santo Tomas. Mga kurso ng Literature majors ang hawak niya. Agham Pampulitika ang kinukuha kong kurso noon sa Unibersidad. Ngunit noong ika-tatlong taon ko sa kolehiyo ninais ko nang seryosohin ang pag-aaral sa aking pagsusulat. Ngunit mahirap ipaliwanag sa aking nanay noon na nais kong magdagdag ng isang kurso sa darating na semester—nangangahulugan kasi na isa na naman itong dagdag sa mga gastusin sa aking tuition fee at wala namang kinalaman ang Poetry Class sa aking disiplina. Kamamatay lang noon ng aking tatay at si Nanay lang ang nagtataguyod sa amin sa pagtitinda ng isda sa talipapa. Umaasa na noon ang aking pamilya na agaran na akong makatapos sa kolehiyo at makatulong sa pagpapa-aral ng limang nakababatang kapatid. Ngunit nais ko talagang mag-aral ng pagtula. Kaya gamit ang Olympia Typewriter na bili pa ng aking tatay sa kasama niyang construction worker sa Jeddah, lumiham ako kay Ma’am Ophie, ang aming dekana, na kung maaari, sa walang anumang bayad at sa sitwasyon ng aking pamilya maaari ba akong makapasok sa kanyang klase sa Poetry. May agam-agam akong iniabot ang liham sa staff ng Faculty Office para sa Dekana dahil natatakot akong tanggihan. Makalipas ang tatlong araw binalikan ko ang opisina, tinanong ang staff kung may tugon na ang Dekana, at hayun, inilabas niya ang liham. Nakita ko nga sa ibabaw ng mga letra na tinipa pa mula sa Olympia Typewriter ng aking Tatay ang malaking “OK” at pirma ng dakilang makata. Hindi ako makapaniwala, una nabigyan ako ng pagkakataon na makapag-aral ng Panitikan at ikalawa, ang maging mag-aaral ni Ophelia Alcantara-Dimalanta.
            Naalala ko pa noong unang araw ng klase sa Poetry ni Dimalanta. Halos wala pang dalawampu ang mag-aaral na kumukuha ng Literature bilang major sa aming Pakultad. Pagpasok ko sa klase ipinakita ko kaagad ang liham at inanyayahan niya akong maupo. Tinapos ko ang buong semester na ‘sit-in’ student sa kanyang klase. Bagaman tumataas na noon ang demands ng mga major subjects ko sa Agham Pampulitika, nagagawan ko ng paraan na hindi makaliban sa kanyang klase. Nais kong suklian ng pagpapakita ng sigasig at dedikasyon ang pagpayag niya na makadalo ako sa kanyang klase na libre.
            Noong taon ding iyon, sa kauna-kaunahang pagkakataon sa aking buhay nakilala ng ibang tao ang aking likha. Nagwagi ang aking maikling kuwento sa Gawad Ustetika, isang patimpalak-panulat sa Unibersidad ng Santo Tomas. Ipinasa ko noon ang kuwento ko tungkol sa Balanguiga Massacre, na siyang ring final requirement paper ko sa klase ko sa Retorika, isang minor subject namin  sa Agham Pampulitika. Naalala ko noon ang guro ko sa Retorika nang isinauli na niya ang mga papel sa amin. Huli niyang tinawag ang aking pangalan at pinalapit niya ako sa mesa niya.
             “Ikaw ba ang sumulat nitong kuwento?” may pagdududa niyang tanong sa akin habang diretsong nakatingin sa mga mata ko. Kinabahan ako at wala naman akong alam na saliwang nagawa sa pagsusulat ng kuwento na requirement niya sa klase.
            Inilapit niya ang mukha niya sa akin at tiningnan ko naman siya ng diretso sa mga mata bilang pagkumbinse na magsasabi ako ng totoo at sasagutin ko ang lahat ng itatanong niya sa akin.
            “Opo, ma’am,” ang sagot ko. “Waray din kasi ang nanay ko—iyong ‘pikat’ sa bahay namin ang ibig sabihin niyan ‘malandi’.”  Maaari nang makapasok ang mga Waray sa bahay namin sa Quezon City dahil pumanaw na ang aking tatay at lolo na mga Ilonggo mula sa Negros. Magkahalong Hiligaynon, Waray at Tagalog ang salita sa loob ng bahay namin noon. Ang ‘Pikat’ naman ang pangalan ng pangunahing tauhan sa aking kuwento na isang malupit na guro ng Ingles sa Balanguiga bago naganap ang tanyag ngunit ikinubling masaker ng mga Amerikano sa Balanguiga noong 1908, isang munisipalidad sa Samar.
            “Maganda siya,” ang sagot ng guro at iniabot niya sa akin ang kuwento. Nang tunghayan ko ang papel hayun sa ibabaw ng mga letrang tinipa pa sa Olympia typewriter ang grado: 99%. “Masyado lang itong mahaba kaya di ko nabigyan ng perfect,” ang pahabol ng guro.
            Apat na bagay lang para kilalanin kang ‘tanyag’ na manunulat sa loob ng campus ng Unibersidad ng Santo Tomas noong dekada ‘90: ang maging kasapi ng Thomasian Writers Guild (TWG) na nangangahulugang mailalathala ang mga likha mo sa mga dahon ng The Varsitarian at The Flame, ang mapararangalan ang akda mo ka ng Gawad Ustetika (dahil bibihira o tila wala pa noong mag-aaral ng Santo Tomas ang nagwawagi ng Palanca), ang makakuha ng fellowship sa mga pambansang palihan sa Dumaguete, Baguio o Iligan at ang huli, ang maging manunulat ka ng The Varsitarian. ‘Tanyag’ dahil sistematiko ang kultura sa loob ng Santo Tomas para ilagay sa pedestal ang kanyang mga manunulat na mag-aaral. At sa sistemang ito nagsisimula at nagtatapos kay Dimalanta. Walang ‘tanyag’ na manunulat sa loob ng Unibersidad ang hindi dumaraan sa kanyang Pormalistikong pamamaraan ng pagsusuri at pagtuturo ng pagsusulat, lalo na iyong mga makatang mga mag-aaral na nagsusulat sa Ingles.
            Nang sumunod na semester, isang imbitasyon ang lumapit sa akin. Isang mag-aaral, tanyag na makata at sanaysayista sa Unibersidad na inabandona ang pag-aaral niya ng Physical Therapy sa Unibersidad para lumipat ng kurso sa Literature sa aming pakultad at maging mag-aaral ni Dimalanta. Pinahahanap daw ako ni Dimalanta, ayon sa kanya, para maging kasapi ng Thomasian Writers Guild. Natuwa naman ako sa imbistasyon dahil hindi birong samahan ang TWG sa loob ng Unibersidad. Hindi mamerang mga campus writer ang naging kasapi ng samahang ito na ngayo’y kinikilala nang mga tanyag na mga manunulat ng bansa. Pero sa isang kondisyon, ang pagpapatuloy ng makata at sanaysayista, kailangan na makadalo raw ako ngayong bakasyon sa workshop ng TWG at makapasa sa nasabing workshop para tuluyang tanggapin na kasapi ng samahan. Noong bakasyong din iyong dumalo ako sa workshop. Dumating sa workshop ang kilalang manunulat bilang mga panelista, mga manunulat na nababasa ko lamang noon sa high school at sa mga aklat sa loob ng Filipino Section ng Central Library ng Unibersidad: Bienvenido Lumbera, J. Neil Garcia, Nerissa del Carmen Guevara, Jose Wendell Capili, Cirilo Bautista, Rebecca T. Anoñuevo, F. Sionil Jose, V.E. Carmelo Nadera, at hayun, hindi mawawala si Dimalanta sa mesa ng palihan. Dumalaw din sa palihan ang mga dating kasapi ng TWG upang matunghayan ang mga bagong kasapi ng grupo. Naroroon silang lahat at nakapalibot sa iyo – mga makata, sanaysayista, nobelista, at mga tanyag na manunulat na mula sa Unibersidad at bumabalik dahil sa paanyaya ni Dimalanta upang tulungan na pandayin ang pagsusulat ng mga kasapi ng TWG.
            Sa loob ng mga palihan ng TWG isang katotohanan ang matingkad na sumalubong sa akin, isang katotohanan na siya ring makikita ko sa loob mismo ng samahan nang maging pormal na kasapi na ako ng grupo. Natapos ang isang linggong workshop at hindi dumaan sa palihan ang akda kong maikling kuwento. Nang tanungin ko noon ang makata at sanaysayista tungkol sa aking akda, nagulat siya – at maging ako sa tugon niya: nakalimutan daw na ilagay sa schedule ng palihan ang aking akda. Tinanong ko siya kung maaapektuhan ba nito ang aplikasyon ko sa samahan. Sinagot niya ako na si Dimalanta ang naglagay sa akin sa workshop at pormalidad lamang na idaan ako sa workshop dahil iyon ang panuntunan ng Thomasian Writers Guild sa mga sasapi sa grupo: kailangan makadalo ng isang national writers workshop ang kasapi, magkamit ng award sa isang pambansang patimpalak sa panulat o sa Ustetika, o nailathala nang maraming beses sa mga pambansang pahayagan o magazines. Tanging ang mumunting award sa Ustetika at ang nais ni Dimalanta na isali ako sa samahan ang bitbit ko noon sa pagpasok sa TWG. At kahit hindi naisalang sa workshop ang aking akda, nang magbukas ang semester, naging opisyal na akong kasapi ng Thomasian Writers Guild—ang tanging kasapi ng samahan na nagsusulat o piniling magsulat sa Filipino. Ngayon ko na lamang naiisip at nauunawaan kung bakit ganoon na lang ang utos ni Dimalanta na isali ako sa samahan.
            Nang magbukas ang semester lumapit muli ang makata at sanaysayista sa akin. Kumuha raw ako ng pagsusulit para sa The Flame, ang dyornal ng Pakultad ng Sining at Panitik. Ang makata at sanaysayista ang bagong Pangulo na ngayon ng Thomasian Writers Guild. “Pero hindi ako Journalism major,” ang sagot ko sa kanya. “At Chairman ako ng DEKADA,” ang dagdag ko pa. Kilala ang The Flame noon na pinatatakbo ng mga Journalism majors mula Editorial Board hanggang sa mga staff writers at kilala rin ang journal na tumutuligsa sa Student Council kaya hindi nila hinahayaan na maging kasapi ng pahayagan ang mga ‘kilalang pulitiko’ ng Pakultad. Chairman ako noon ng isang political party sa Student Council, at ang mga alumni ng political party na ito ang minsang nakabangga ni Dimalanta sa isyu ng pagsusuot ng uniporme at ‘freedom of expression’ sa loob ng Campus. “Pero writer ka at kilala ka ni Dimalanta,” ang sagot lang niya sa akin. Nang makapasa ako sa pagsusulit ng The Flame, lalong naging hayag ang mga plano ni Dimalanta: sa taong iyon, isang Literature major, ang pangulo ng Thomasian Writers Guild ang siya ring magiging Editor-in-Chief ng journal at halos lahat ng mga kasapi ay mula sa Journalism at Literature majors maliban sa isa—ang patnugot ng Filipino Section.
            Sa loob ng The Flame at Thomasian Writers Guild ko unang naranasan ang makisalamuha sa mga kapwa ko manunulat—sa pagitan ng ilang  yosi at sandosenang bote ng Red Horse at Colt 45 sa lugar kung saan nag-iinuman ang mga bus driver at konduktor ng bus sa Maria de Leon sa Dapitan ang mga diskusyon tungkol sa pagsusulat, sa mga manunulat na hinahangaan at kinamumuhian, sa mga susunod na artikulong lalabas sa journal at sa kinabukasan ng aming pagsusulat sa labas ng Unibersidad. Masigasig—ito ang pinakatamang salita sa mga kasama ko noon sa The Flame at Thomasian Writers Guild. Naalala ko noon na kahit lango na sa alak ang aming editor-in-chief, doon sa isang sulok ng inuman sa Dapitan ipatatawag niya ako tungkol sa mga artikulo na lalabas sa aking seksiyon. Palagi niyang hawak ang bughaw na Pilot na siyang ginagamit niya palagi sa pag-eedit ng aming mga artikulo at galleys at sa pagsusulat ng kanyang mga tula at sanaysay. ‘Blue Moonfish’ kung tawagin namin noon ang aming editor-in-chief na siya ring pangulo ng Thomasian Writerts Guild.  Naalala ko noon na dahil iba-iba ang mga schedule namin sa klase at para na rin mai-dokumento ang mga utos, babala at paunawa ng mga section editors at ibang staffers isang logbook ang inilaan sa lahat ng kasapi ng dyornal. At dahil ang mga kasapi ng journal ay halos mga manunulat at makata imbes na mga utos at paalala ang laman ng journal, mga tula, sanaysay at mga saloobin ng mga staff tungkol sa mga personal na karanasan, sa paglalaro ng mga talinghaga at mga salita at ang mga problema ng kanilang pagsusulat. Hindi na mabilang kung nakailang palit kami ng logbook noon sa loob lamang ng isang semester.
            Hindi naging madali sa akin ang maging patnugot ng Filipino Section ng The Flame lalo na sa mga relasyon sa mga kasamang manunulat at mamamahayag sa loob mismo journal, ang mapanuring paninimbang ng mga mag-aaral ng pakultad sa saysay ng journal sa pagiging kritikal nito sa usapin at isyu ng mga mag-aaral at ng lipunan na noo’y naglulunoy sa talamak na korupsiyon ni Erap sa gurbyerno at ‘nakakabit’ kasi ang journal sa dekana ng pakultad, at iyon nga, sa relasyon ng The Flame sa The Varsitarian na siyang opisyal na pahayagan ng Unibersidad.
 Wala akong karanasan sa pagiging kasapi ng isang campus newspaper kahit noong nasa hayskul pa ako. Ang  TWG at ang The Flame ay ikinakabit noon kay Dimalanta na kasalukuyang Dekana ng Pakultad ng Sining at Panitik – hindi magandang imahen ang maging ‘Dimalanta baby’ sa ilang kasapi noon ng aming partido lalo na sa mga kaklase ko sa Agham Pampulitika na mga kasapi ng League of Filipino Students, SAMASA at kalabang partido ng aking partido. Ako ang pangulo ng Senior Class ng Agham Pampulitika. Minsan biniro ako ng isang kaibigan sa Agham Pampulitika na habang naroroon ang buong klase namin sa SONA ni Erap sa Batasan, naroroon naman daw ako sa ilalim ng saya ni Dimalanta at nagsusulat ng mga tula tungkol sa Pag-ibig at Kalibugan. Ang pagiging patnugot ko sa The Flame ang ikinabuwisit din ng isang lider ng Journalism Society—naging kuwenstiyon sa kanya ang posisyon ko sa journal at ang ‘karapatan’ kong i-edit ang kanyang artikulo at tula dahil hindi naman ako Journalism major; nauwi pa sa pananakot na huwag daw akong dadaan sa isang lugar sa bahagi sa Unibersidad dahil ‘doon’ daw tumatambay ang kanyang fraternity. Hinamon ko na lamang siya ng duwelong suntukan sa Botanical Garden ng Unibersidad na hindi naman natuloy.
Isang bagay sa digmaan ang natutunan ko sa relasyon noon ng The Flame at ng The Varsitarian, isang institusyon sa kasaysayan ng campus journalism hindi lamang sa Santo Tomas kundi sa bansa: kung gaano kaya kasalimuot at ka-banayad ang labanan ng mga karagatan. Napag-alaman ko na si Blue Moonfish pala ay dating kasapi ng The Varsitarian. Nang lisanin nito ang pahayagan, nilisan din nito ang pag-aaral niya ng Physical Therapy  sa Unibersidad para mag-aral ng Panitikan sa aming Pakultad na talaga namang ikanagulat sa TWG sa kung hanggang saan ang kayang isakripisyo ng isang kasapi ang kanyang kinabukasan para sa pagsusulat. Kung mayroon kaming Blue Moonfish, naroroon naman sa kanyang trono, sa loob ng malamig na airconditioned room sa makasaysayang Main Building ang isang makata, ang ‘Sea Child’ na mula rin sa aming pakultad. Banayad at tahimik ang pag-agos ng relasyon ng dalawa patungo sa kani-kanilang mga pampang. Wala kang maririnig na mga mahahayap na salita na bibitiwan ng dalawa sa isa’t isa – ngunit ang digmaan ay naroroon sa mga hindi nabibitiwang mga salita. May problema siya sa balarila sa Ingles, kiming sasabihin ng isa. Hindi na nagbago ang tema ng kanyang mga likha, ang sasabihin naman ng isa na halos pabulong. At dahil pangulo ng Thomasian Writers Guild si Blue Moonfish, dumalang ang paglalathala ng mga mga taga-TWG sa mga pahina ng The Varsitarian (maliban sa isang makata na mula sa College of Music), bigla nang nawala ang ‘TWG’ sa pangalan ni Sea Child sa tuwing may tula itong mailalathala (may ‘TWG’ kasi na ikinakabit  sa tabi ng pangalan ng kasapi sa tuwing may mailalathalang tula, dula, kuwento o sanaysay), at magkakaroon lang saysay sa usapan ng mga kasapi ng TWG at ng The Flame ang pahayagan sa Main Building sa tuwing mapag-uusapan ang USTetika na taunang iniisponsoran ng The Varsitarian. Kung tanyag si Blue Moonfish sa kanyang mga sanaysay, si Sea Child ay tanyag sa makata sa aming Pakultad na sa katunayan mayroon pa nga akong babaeng kaibigan sa Agham Pampulitika na hanggang sa ngayon ipinaalala pa rin sa akin ang pangako ng makata noon na isang tula na isusulat para sa kanya. Ang mga editor ng The Varsitarian at ng The Flame ay magka-klase sa Journalism. Ganoon din si Blue Moonfish at Sea Child at ang ilang kasapi ng TWG sa Literature—at pareho silang mag-aaral ni Dimalanta.
Mayroong akong problema: bago pa man ako naging kasapi ng TWG may ipinasa na akong kuwento sa The Varsitarian na mailalathala anumang buwan sa ikalawang semester noong taon na iyon. Si Sea Child, nakilala ko na bago ko pa man nakilala si Blue Moonfish bilang presidente at punong-patnugot. At mayroon din akong naging isang kaibigan na mamamahayag sa The Varsitarian na palagi kong dinadalaw sa opisina ng The Varsitarian at nagkukuwentuhan kami halos magdamag kung hindi sa Lover’s Lane, ang mahabang daan na niyuyungyungan ng mga puno sa likod ng Arch of the Century na nagtatapos sa rebulto ni Benavidez o sa tapat ng ospital ng Santo Tomas sa ilalim ng mga puno.  Hindi ko noon alam kung paano lalanguyin ang banayad na relasyon na ito ng dalawang pahayagan na hindi ako pupulikatin sa lalim at tuluyang malunod at ipadpad sa alinman sa kanilang mga pampang.  
            At dahil si Dimalanta ang itinuring na ‘ina’ ng mga makata na ito, hindi naging hayag ang kanilang tampulan at tuluyang nahati ang mga dating magkakaibigan at magkakakilalang manunulat sa loob ng Uunibersidad. Hindi pinababayaan ni Dimalanta ang mga manunulat ng Unibersidad; lahat ng suporta at gabay tinatanggap namin noon sa The Flame— at siya ang Dekana ng Pakultad ng Sining at Panitik at ang The Flame na pinatatakbo ng kanyang Thomasian Writers Guild.
            Bukod sa aking major ang isang bagay na nagpapatingkad sa akin sa Thomasian Writers Guild at The Flame – ako lamang ang kasapi na nagsusulat sa Filipino bukod sa isa kong staff noon sa Filipino Section na freshman at dating mag-aaral ni Michael Coroza sa Southridge Night School. Naalala ko noon ang una kong kuwento na nailathala; tungkol ang kuwento sa paghihintay ng isang asawa sa kanyang bana na nasa piling ng isang puta sa buong magdamag. Naging alingasngas noon ang pamagat ng aking kuwento—“Bana”. Suhestiyon ng isang kasapi ng journal na palitan daw ang pamagat ng aking kuwento dahil hindi raw ito maiintindihan ng mga magbabasa.
            “Hindi ‘yan Tagalog,” ang sabi niya. “Ang setting sa Makati?”
            “E, di magbigay ka ng katumbas na Tagalog ng ‘husband’,” ang sangga ko.
            Wala siyang maibigay bukod sa ‘asawa’. Bago pa man makarating kay Blue Moonfish ang suhestiyon inunahan ko na ito. Sa gitna ang umaalingasaw na nasusunog na mantika na pinaglulutuan ng mojos sa tabing kantina sa Colayco Park ng Unibersidad at ng usok ng sigarilyo ni Blue Moonfish isang maalinsangang tanghali ipinaliwanag ko sa kanya na ‘bana’ ang salitang ginagamit namin sa balay kung ituturing ang ‘husband’ sa usapan. Negrense ang tatay ko at Waray naman ang nanay ko. Matapos ang mahabang paliwanag sa harap ni Blue Moonfish nailabas din ang kuwento gamit ang salita bilang pamagat—sa balay ng mga pobreng migranteng Waray at Ilonggo na naninirahan at namuhay na sa Maynila, mula sa mga wika ng aking mga magulang.
Wika. Hindi ko alam kung ano ang mayroon sa pagsusulat sa sariling wika sa isang institusyon na sa Ingles nagsusulat ang karamihan ng mga manunulat at itinuturing na ang pagsusulat sa sariling wika ay paglalantad ng ugaling subersibo at pagiging aktibista. Hindi ako subersibo at mas lalong hindi ako aktibista. Ayaw ng mga magulang ko sa mga aktibista at mas lalong ayaw nila sa mga komunista. Drayber ng traktora sa hacenda sa Negros ang lolo ko at kaibigan naman niya ang mga hacendero at ang cadre ng NPA sa amin noon sa Kabankalan. Hindi pa rin nakalilimutan sa balay namin ang karanasan ng nanay ko noon sa Kabankalan nang may dumating na mga NPA sa balay ng aking lolo, sukbit ang kanilang mga baril at tatlo lang kaming naiwanan ng nanay ko sa balay at kapatid kong sumunod sa akin. Dahil sa takot ng nanay ko (at hindi naman siya taga-Negros; mula sa Dulag sa Leyte ang nanay ko) inihagis kami ng nanay ko sa silong upang ikubli sa mga lalaki at babaeng napadaan na may sukbit na mahahabang baril at kukunin daw ang mga itinabing bigas at manok ng aking lolo para sa kanila. Ang nanay ko rin ang tipo ng manggagawa sa pabrika na talaga namang ikabubuwisit mo dahil hindi siya sasali sa piket at wala siyang pakialam sa unyon; isa rin siya siguro sa mga loyalistang nalungkot nu’ng nawala si Marcos sa puwesto, hindi dahil kay Marcos kundi dahil para sa kababayan niyang si Imelda.
            Agosto kung ipagdiwang ng Unibersidad ang ‘Linggo ng Wika’. Sa isang linggo ng pagdiriwang na ito isang patimpalak ang itinatanghal ng Languages Department ng Unibersidad—nasa ilalim ng kagawaran ang pamamahala ng tatlong lengguwahe na itinuturo sa Unibersidad—Ingles, Filipino at Español. Dalawang magkasunod na taon akong ipinadala ng aming kolehiyo sa patimpalak-bigkasan na ito. Sa unang taon ako ang kumatawan sa kolehiyo at nagwagi ako ng ikalawang gantimpala. Sinulat ng isang mataas na editor ng The Varsitarian ang aking piyesa na binigkas sa harap ng hurado at ng madla. Sa sumunod na taon, ako at ang aming kolehiyo ang inaasahang susungkit ng unang puwesto dahil nagtapos na sa Unibersidad ang kinatawan ng isang kolehiyo na halos taun-taong nananalo sa patimpalak na iyon. Ito rin ang paniniwala at pag-asam ng guro ko sa Filipino na siya ring ‘adviser coach’ ko sa patimpalak. Noong nagdaang mga taon ipinasusulat sa isang editor ng Varsitarian ang mga talumpati na binibigkas sa patimpalak ngunit sa taong ito at dahil ako naman ay isang manunulat at hangang-hanga pa rin sa akin ang guro sa kuwento ko ng Balanguiga Massacre sa kanyang klase hinayaan niya na ako mismo ang susulat ng talumpating bibigkasin sa patimpalak. Nagboluntaryo ako na bibigkasin ko ang sarili kong talumpati. Labis ang lugod ng aking guro sa aking proposal—hanggang sa narinig na niya ang talumpati.
            Sa aking talumpati tinuligsa ko ang saliwang polisiya ng Unibersidad ukol sa pagpapa-unlad ng Wikang Filipino. Ang lantarang pagkatig ng unibersidad sa Ingles ay isang institusyunal na pamamaraan ng pagmamardyinalisa ng Unibersidad sa taumbayan sa mga diskurso sa larangan ng karunungan. Noong mga panahon na iyon nahuhumaling na ako sa pagbabasa sa mga dyornal ng Sentro ng Wikang Filipino mula sa kabilang unibersidad. May guro kami noon sa Filipino na isinasara niya palagi ang pintuan ng klase at lumilihis sa syllabus ng kanyang klase at binabanggit niya sa klase ang iba’t ibang pamamaraan ng mga karatig na unibersidad sa Maynila sa pagpapa-unlad ng Wikang Pambansa. Naalala ko noon habang binibigkas ko ang aking talumpati hindi mapakali at taranta ang aking guro sa Filipino sa kanyang kinauupuan habang nakapatong ang mga palad niya sa kanyang mukha. Huli na nang dumating sa akin ko nagre-report din siya sa ilalim ng Languages Department at nilagay ko siya sa hindi kanais-nais na posisyon sa kanyang mga amo. Habang binibigkas ko ang aking talumpati pinatayo ng puno ng Languages Department ang mga hurado at pinalabas. Tila ang mga hurado ay mga guro at mananaliksik na inimbitahan ng departamento mula sa iba’t ibang institusyon. Hindi ako nagwagi at ang aming kolehiyo sa talumpatian kahit man lamang ikatlong gantimpala. Nang matapos ang pakontes taas-noo kaming dalawa ng guro ko sa Filipino na nagbalik sa aming aming Pakultad mula sa tanghalan sa Education Building. Magpa-file kami ng protesta at magsusumbong sa aming dekana.
            Nakabarong pa ako nang pumasok kami sa opisina ni Dimalanta. Tatlo kami sa loob ng silid—ako, si Dimalanta at ang aba kong guro sa Filipino. Nagtanong ang dekana kung bakit natalo ang kanyang pakultad sa patimpalak. Nagpaliwanag ang guro ko sa Filipino. Dahil sa nilalaman ng talumpati, ang sagot ko. Ipinaliwanag ko ang aking talumpati; nagtanong ang dekana kung sino ang nagsulat ng talumpati, ang sabi ko ako. Nagkaroon ng panandaliang katahimikan sa loob ng silid. Nagsalita ang dekana. Nagpaliwanag siya tungkol sa globalisasyon, sa nagbabagong mundo lalo na’t paparating na ang bagong milenyum at sa pakikipagsabayan ng mga Filipino sa ibang bansa sa pandaigdigang talastasan at papaliit nang papaliit na mundo dahil sa information technology. Pero oo nga naman, si Erap nga na hindi marunong mag-Ingles naging President at maka-masa pero tingnan mo ang pagpapatakbo ng gubyerno natin? Marahan at madulas na Ingles ang pagpapaliwanag ng makata sa amin. Ngunit nangatwiran pa rin ako tungkol sa wika at sa marginalisasyon sa patuloy na paggamit ng Ingles sa mga diskursong intelektuwal. Nakayukod lang ang guro ko sa Filipino habang nangangatwiran ako sa dekana, tila nakalimutan na kasi na ang dahilan ng pagpupulong na iyon ay ang protesta.
            “Kapag Filipino ka wala kang mararating,” ang sabi niya sa akin para tapusin na ang humahabang usapan. Doon lamang ako natahimik panandalian at hindi ko na maalala ngayon kung ano nga ba ang isinagot ko sa dekana nang pakawalan niya ang mga salitang iyon—o pilit na lamang kinalilimutan na alalahanin ng aking alaala ang naging sitwasyon sa loob ng opisina ng dekana. Tiningnan ko ang aking guro sa Filipino at nais ko sanang habulin ng aking mga mata ang kanyang mga tingin. Nais kong humingi ng tulong sa kanya at katigan ako sa aking pagpapaliwanag. Hayun siya at nakayuko sa aming harapan at magkapatong ang mga kamay niya sa harap ng kanyang katawan at tuod na nakatayo.
            “Pero ma’am…” at nais ko pa sanang magpaliwanag.
            “Kapag Filipino ka wala kang mararating,” at inulit niyang muli sa akin. At doon ko na ibinababa ang aking bandila at tuluyang sumuko.  Iniwasan ko na lamang magsalita—siya ang aking ina, siya ang guro ko sa Panitikan. Pumasok sa silid ang isang guro ng Español sa aming pakultad; nakarating na marahil sa kanya ang balita mula sa Languages Department. Nagtanong siyang muli sa nilalaman ng talumpati at kung bakit di nagwagi ang pakultad. Ipinaliwanag ko sa kanya na sa La Salle, sa Ateneo, at sa Unibersidad ng Pilipinas nakahiwalay ang Filipino Department sa ibang mga wika at pinagtutuunan nila ng pansin ang pagpapaunlad ng wika. Umismid ang guro ng Español at nagsabing bakit hindi na lamang daw ako lumipat sa La Salle, Ateneo, o UP. Pinalabas na lamang ako ng kuwarto at naiwanan ang guro ko sa Filipino kasama nilang dalawa sa loob.
            Maraming beses ko nang tinangka na balikan ang guro na iyon sa Filipino at humingi ng tawad sa kasutilan ko at siya ang nagisa sa nangyari sa talumpatian. Makalipas ang ilang taon lumisan din daw ng Unibersidad ang guro at nanirahan sa ibang bansa at naging isang Overseas Filipino Worker. Gaanon nga siguro kalayo ang nararating kapag ‘Filipino ka.’
             Nang magbalik ako sa opisina ng The Flame matapos ang pag-uusap sa opisina ni Dimalanta nais kong ilabas ang  aking saloobin sa mga kapwa ko manunulat, sa mga makata ng Thomasian Writers Guild. Tinangka kong magpaliwanag ngunit nakamata lang sila sa akin; ganyan talaga ‘yan ang sagot nila sa akin. Lahat sila nagsusulat sa Ingles. Lumapit sa akin ang isang bagong guro noon sa Filipino at dati ring kasapi ng Thomasian Writers Guild at sa opisina ng The Flame na rin tumatambay; isa siyang babaeng makata na nagsusulat sa Filipino. Ipinaliwanag ko sa kanya ang lahat. Tinanong niya sa akin kung saan ko nakuha ang mga perspektibo ko. Sabi ko sa mga libreng journal at polyeto ng Setro ng Wikang Filipino sa UP Diliman. “Sa UP,” ang sabi niya bilang panimula sa isang aral, “OK ang mga ganyan du’n. Nasa Santo Tomas ka.” Isang aral na dapat kong dalhin sa buhay kung nais kong maging manunulat at mamuhay nang matiwasay: hindi ikababawas ng iyong talinghaga at ‘pagiging manunulat’ ang bumalik paminsan-minsan sa realidad. Nagyaya na lamang ang mga kasamang manunulat ng inuman sa Dapitan upang mabanlawan ang masamang karanasan sa buong maghapon.
            Hindi pa man lumilipas ang isang semester mula nang maganap ang insidente sa talumpatian, isang pangyayari ang naganap at nagimbal ang lahat sa kolehiyo dahil sa pangyayari na ito. Sa pagitan ng pangyayaring ito at ng talumpatian patuloy na nailalathala ang mga kuwento at tula ko. Itinanghal din akong “Kuwentista ng Taon” sa Gawad Ustetika dahil nagwagi ang aking kuwento ukol muli sa Balanguiga Massacre. Lumabas na rin sa The Varsitarian ang aking kuwento na halos kalahating taon kong hinintay at isa at kalahating pahina ang nakain nito sa pahayagan. Ilang na ilang ako noon kay Blue Moonfish ang lumabas ang kuwento pero nakatanggap naman ako sa kanya ng pagbati.
            Ito ang naganap. Napansin ng pamunuan ng sangkaparian ang tila napaririwarang mga mag-aaral ng aming pakultad hinggil sa pagsunod sa “uniform at dress code policy” ng Unibersidad. Sa kolehiyo lang namin makikita ang mga bayot na pinatatahi ang kanilang mga barong at khaki na tila damit ng babae at tila ‘blouse’ na halos ang mga barong. Pumapasok sa klase ang mga mag-aaral na iba’t iba ang kulay ng buhok, ang kulay ng mga kuko sa daliri, naka-sandals. Minsan at hindi ko makalilimutan na pumasok pa sa loob ng klase ang kasama kong editor sa The Flame na ipinatabas niya ang uniporme niyang pambabae kawangis ng damit ni Sailor Moon at nakasuot ng malaking sapatos na itim na hiniram niya raw sa isang kaibigang payaso. Minsan pumasok din siya sa klase na balot na balot ng itim na kasuotan mula sa make-up, lipistik, hanggang sa medyas. “Nagbreak kami ng boyfriend ko,” ang sabi niya sa akin. Nakita ang lahat nang ito ng mga diyus-diyosan sa Main Building at dagling inutusan ang aming pakultad sa ibalik muli at pairalin ang mahigpit na pagpapatupad ng uniform at dress code policy ng Unibersidad.
            Tulad ng inaasahan maraming umalma. Ginamit ng ilang mga aktibista at mga political party ng student council ang argumento ng panunupil ng freedom of expression. Nagkaroon ng kaliwa’t kanang pagtutol sa mga pasilyo ng pakultad. May mga nangalap ng lagda at ihahabla muli ang mga administrador ng pakultad sa ‘suppression of freedom of expression.’ Dahil si Dimalanta ang dekana ng pakultad kinakailangan niyang ipatupad ang utos ng nakatataas. Naghigpit ang kolehiyo sa tamang pagsusuot ng uniporme sa klase; sinuspinde ang mga lider ng political party at student leaders na hindi sumusunod sa patakaran. Noong panahong iyon ang partido namin ang may hawak ng pinakatamataas na posisyon sa Student Council at mas pinapaboran ng aming presidente ang mga isyung may kinalaman sa programa ng student council sa mga outreach programs, grievances, scholarship programs at mga fora at symphosia na tumutugon sa akademikong mga pangangailangan ng mga mag-aaral. Kaklase ko rin sa Agham Pampulitika ang pangulo ng aming Student Council at isang matalik na kaibigan. Mainit ang mga mata noon ng mga propesor at ng administrasyon sa amin dahil may kasaysayan na sa Pakultad na magkaroon ng rally ang mga mag-aaral noon ng Agham Pampulitika dahil sa isyu rin ng freedom of expression at umabot pa raw ito sa husgado.
            Dalawampu’t anim lamang kaming seniors ng Agham Pampulitika sa Kolehiyo. Bukod sa akin, sa dalawa kong matalik na kaibigan na pawang mga ‘grade conscious’, sa president ng Pax Romana, sa president ng choral group ng aming pakultad at sa presidente ng aming Student Council at ang kanyang uyab na palaging nakabuntot sa kanya—lahat  ng nalalabi sa klase kung hindi kabilang sa partidong lantarang tumutuligsa sa uniform policy ng Unibersidad ay mga aktibista at kasapi ng nga organisasyong hindi pinahihintulutan sa loob ng Unibersidad—League of Filipino Students, Student Christian Movement.
            Dahil ang mga klase ng Agham Pampulitika ay sa gabi o tuwing Sabado nakasanayan na ng aming klase ang pumasok sa naka-‘dressdown’: maong, t-shirt, rubber shoes. At nakasanayan na rin ng aming mga propesor na pumapasok sa klase nila na hindi nagsusuot ng uniporme ang kanilang mga estudiyante. Naging praktikal din ang ‘dress down’ para sa aking mga kaklase dahil mas madali nilang nagagampanan ang mga gawain nila sa labas ng Unibersidad: iyong mga dumadalo sa rally, iyong mga kaklase ko na nagtutungo sa mga komunidad ng mga maralitang taga-lungsod sa Tondo, iyong may mga gawain pa sa kanilang mga sari-sariling mga organisasyon sa labas ng Unibersidad.
            Ang totoo: walang bilib ang mga kaklase ko sa administrasyon ni Dimalanta. Wala rin silang pakialam kung anumang bagong anunsiyo o patakaran na ipatutupad ng pakultad. Hindi sa dahil wala silang pakialam noon o nais lamang nilang baliin ang patakaran ng Unibersidad: wala lang talaga silang pakialam noon dahil mas nakatuon ang aking mga kaklase sa mga gawain nila sa labas ng Unibersidad at sa mas malawak na isyu sa lipunan tulad ng korapsiyon noon ni Erap, ang militarisasyon sa kanayunan, ang mga maralitang taga-lungsod, ang nalalapit naming graduation at kung lahat ba kami ay magtatapos dahil sa mga hindi na praktikal at makatotohanang hiling ng aming mga guro matapos lamang ang kurso, ang mga responsibilidad sa aming mga pamilya. Isang maliit lang na isyu sa akin, lalo na sa aking mga kaklase, ang pagsusuot o di pag-susuot ng uniporme sa klase.
             Nagkataon isang gabi napadaan ang isang ‘morality police’ sa harap ng aming silid-aralan at nasilip niya mula sa pintuan na halos lahat sa amin sa loob ng klase ay hindi naka-uniporme. Natatandaan ko na klase namin iyon sa Political Theory. Dali-daling nagsumbong ang bubwit sa Dean’s Office at nang makarating kay Dimalanta ang nangyari, nagpuyos daw ito sa galit at kahit kailan problema niya raw palagi ang mga nagiging seniors ng Agham Pampulitika. Mas lalo raw nagalit ang Dekana nang malaman na ang presidente ng seniors class ay ang Filipino Editor ng The Flame at kasapi pa ng Thomasian Writers Guild.
            Makalipas ang ilang araw ipinatawag sa Dean’s Office Blue Moonfish.  Natatahimik lang noon ang ibang editors kung papasok ako sa opisina. Problemado noon palagi ang editor-in-chief namin at pake-paketeng sigarilyo ang nauubos nila ng ibang editors sa pag-uusap sa labas ng opisina ng The Flame (maaari pa noon talagang manigarilyo sa loob ng campus ng UST). Kinausap ako ng masinsinan ng aming editor-in-chief. Gusto raw akong ipatanggal ni Dimalanta sa The Flame, pero sabi niya: “Ganda lang talaga ng Nanay mo; huhupa rin ‘yan—mahal ka lang niyan.” Malabo ang paliwanag niya sa akin pero tinatanggap ko na lamang ito dahil siguro ganoon naman talaga ang timpla ng ugali ng mga makata at tila nakasasanayan ko na dahil halos mga makata silang lahat na mga kasama ko sa Thomasian Writers Guild.
            Nasuspinde ang buong klase sa Agham Pampulitika at maiaalis lamang ang suspension kung maipadadala namin sa opisina ng Dean’s Office ang aming mga magulang. Natakot ako noon dahil paano ko pahaharapin sa isang Inglesera at eleganteng makata ang nanay ko na di nga nakatapos ng elementarya sa kanila sa Leyte at di rin niya maiwanan ang tindahan namin ng isda sa talipapa sa Luzon Avenue. Pinapunta ko na lamang sa Santo Tomas ang tiyahin ko at siya ang nagpaliwanag sa Dean’s Office sa sitwasyon ko sa aking pamilya: na wala na kaming ama sa pamilya at bilang panganay sa magkakapatid ako ang inaasahan ng aking pamilya na kailangang magtapos sa lalong madaling panahon at makatulong sa aking pamilya at mga kapatid. Tinawagan ako ng isa kong tiya at pinagalitan sa telepono. Aktibista na raw ba ako at bumalik na lang daw ako sa Negros at maging NPA. Kung anu-ano raw ang pinagkakaabalahan at hindi ko na lamang isipin ang pagtatapos sa nalalapit na Marso.
            Kinausap ako noon ng adviser ng Student Council tungkol kay Dimalanta. Isang mabait na guro sa Ingles at Journalism ang propesor na ito. Personal akong kilala at ang ilang kasapi ng partido ng propesor na ito; ito rin ang propesor na ilang araw bago siya pumanaw nilapitan niya ako at walang anu-ano’y sinabihan ako na: “Huwag na huwag kang titigil sa pagsusulat.” Ganoon din ang sinabi niya sa akin noong araw na kinausap niya ako tungkol kay Dimalanta, “Pagpasensiyahan mo na ang Nanay mo; ganyan talaga ‘yan mahal ka niyan.”
            Halos isang buwan ang lumipas bago ako muling nakalapit kay Dimalanta. Natatandaan ko noon na sa pagbubukas ng Creative Writing Center and Studies ng Santo Tomas binigyan ko siya ng dalawang dosenang pulang mga rosas bilang paghingi ng tawad. Mula noon naging magaang na muli ang loob niya sa akin at nanumbalik na ang nakasanayan niyang pagbati sa akin tuwing magkikita kami sa loob ng kolehiyo, na tila matagal na kaming hindi nagkikita. Minsan ipinatatawag niya pa kami ng mga kasama ko sa Thomasian Writers Guild para ipakilala sa mga matatandang manunulat na dumadalaw sa kanya sa Center. Minsan naabutan ko pa silang dalawa ng isang matandang premyadong makata na dumalaw sa kanya at may bote ng alak sa pagitan nilang dalawa gayong mahigpit na ipinagbabawal sa loob ng Unibersidad ang alkohol, maging ang pagpasok sa klase na lango sa alkohol. Alam kong lango na sa alak ang makatang lalaki at magiliw nilang pinag-uusapan na parang dating mag-kaibigan na muling nagkita ang Unibersidad ng Santo Tomas noong mga panahon nila at doon ko nakita si Dimalanta na tumatawa at napapangiti na parang ordinaryong tao, iyong parang matandang babae na nakakatabi sa loob ng jeep o iyong nanay mo na kausap ang kanyang matagal nang hindi nakikitang kumare. Binabanggit ng lalaking makata ang biro na mayroon isang makata na naipasok daw sa mental asylum dahil nabaliw sa pag-ibig sa dekana noong kabataan pa nila. Tumakas sa akin ang pangalan ng makatang binabanggit ngunit nakikita ko sa mga mata ni Dimalanta ang pag-urirat sa isang matamis na alaala ng kanyang kabataan. Inalok pa ako ng alak ng matandang makata sa loob ng opisina ng dekana habang patuloy ang kanilang kuwentuhan. Naalala ko noon ang kuwento ng isang kasapi ng TWG na si Dimalanta pa raw ang magtatanggol sa mga ismid at puna ng mga administrador at ilang matataas na tao sa Unibersidad sa mga sinusulat ng mga makata niyang estudiyante lalo na’t patungkol ito sa mga sensual na relasyon. Makakausap mo raw si Dimalanta sa ganitong mga usapin hanggang sa ikaw na mismo ang magulat sa kanyang mga perspektibo. Hindi ko naranasan kay Dimalanta ang ganoong mga usapan, ang pinakamalapit naming huntahan sa isa’t isa ay ang patungkol nga sa wika. Ngayon iniisip ko kung nababasa niya ba noon ang lahat ng naisulat ko sa Santo Tomas, hindi ako sigurado. Pero sigurado ako na hindi niya ako pinabayaan sa Thomasian Writers Guild, sa Santo Tomas. Bagaman ilang ako sa kanya noon at nahihiyang lumapit sa kanya, si Dimalanta ang ikalawang tao na naniniwala sa kakayanan kong magsulat sa mura kong edad—ikalawa lamang sa aking sarili.
            Naalala ko noong unang linggo ng Marso, ilang araw na lamang at magtatapos na ako sa kolehiyo ipinatawag ako ni Dimalanta sa kanyang opisina. Pagpasok sa opisina walang sere-seremonyang sinabi niya sa akin na igagawad ang Literary Excellence Award ng Unibersidad sa aking pagtatapos. “But I am not a Literature major, ma’am,” ang sagot ko sa kanya. Mahaba ang paliwanag niya pagkatapos na para bang nais niyang sabihin sa akin na hindi lang ikaw ang may kakayanang lumihis sa nakatakda at inaasahan—na baka nakalimutan mong isa rin akong makata: na kaya kong likhain at wasakin ang mga tradisyon, na kaya ko ring bumalik sa realidad paminsan-minsan. Nagpasalamat ako sa kanya at sinabi niya sa akin na “You should continue writing ha even outside the University?”
            Ngayon na nasa labas na ako ng Unibersidad, malayo sa Maynila at halos lagpas isang dekada na ang nakalilipas mula nang maging kasapi ako ng Thomasian Writers Guild, sa bawat pagyuko ko sa entablado sa pasasalamat sa mga manonood ng aking mga dula, sa bawat kuwento ko na mailalathala o matatapos maisulat—lagi kong iniisip ang hamon sa akin pagkatapos kung hanggang saan ba ang mararating ng aking pagsusulat, kung ano nga ba ang maging isang Filipino at magsulat sa sariling wika. Kung ano nga ba ang maging isang manunulat at yakapin nang buong-buo ang paglalakbay sa landas na ito na hindi mo mararating ang dulo ng daan kahit siguro sa kamatayan. Minsan ipinatawag kaming lahat ni Blue Moonfish dahil mayroon daw mga bagong kasapi ng grupo. Nagulat ako noon dahil tila espesyal ang mga bagong kasapi na ito na kailangan pa na tawagin ang lahat bilang pagsalubong. Nang makita ko tatlong mag-aaral pala ng UST High School ang mga bagong kasapi, isang babae at dalawang lalaki na yayat ang isa. Naisip ko noon, masuwerte ang mga highschool na ito at nabigyan sila ng pagkakataon na makasali sa grupo sa murang edad. Puwede ba tayong tumanggap ng High School ang tanong ng ilang kasapi, maging ako na alam ang mga bisyo at ugali ng mga kasapi ng TWG at hindi ko alam kung makababagay ba ang mga mag-aaral sa sekondaryang paaralan sa mga gawain at libangan ng grupo. “Mga bataraw ‘yan ni Krip Yuson, sabi ni Love Woman,” ang tugon lang sa amin ni Blue Moonfish bilang paliwanag kung bakit dapat maging kasapi ng grupo ang tatlo. Namangha ang lahat sa tatlong batang kasapi, marahil magagaling itong mga makata, mas magagaling kaysa sa mga kasalukuyang mga makata noon ng aming grupo. Hindi ko pa noon nababasa si Krip Yuson at kung ano nga ba ang dala ng kanyang pangalan. Ngayon iniisip ko kung nasaan na kaya ang mga batang iyon at kung nagpatuloy ba sila sa pagsusulat nang makatungtong ng kolehiyo o ngayon siguro na mayroon na silang sari-sariling mga pamilya. Marami rin kasi na dating mga kasapi ng Thomasian Writers Guild na lumihis ng landas at namuhay sa ‘labas ng Panitikan’ nang lisanin ang Unibersidad. “Sagrado at banal na lugar ang daigdig ng Panitikan,”  ang paliwanag sa amin noon ni Blue Moonfish sa isang seryosohang diskusyon ng mga kasapi ng TWG  sa kinabukasan ng aming pagsusulat at kung ang manunulat nga ba ay ‘ipinanganak’ o sadyang isa sa mga desisyon lamang sa buhay. “Hindi ito para sa lahat,” dagdag pa niya. Kay Dimalanta, tulad ng mga makata na kasama ko noon sa Thomasian Writers Guild, ang Pag-Ibig ang siyang simula at hangganan ng Lahat; na ang maging tampalasan ay umibig; na sa aming mga manunulat ang daigdig ay ang Panitikan at ang Panitikan ay ang daigdig—at ang mga nalalabi sa sansinukob ay ang mga nakababagot na karaniwan ng buhay at rela-relasyon. Na hindi ang mga malalakas ang nananatili kundi ang mga matatapang.