ITO AY PARA sa ating lahat na hindi mapalagay sa iisang lugar.
“Saan ka ba talaga patungo ?” Ito ang nakikita kong tanong sa mga mata ng aking nanay nang isang araw dumating na lamang ako sa Maynila mula sa Cebu noong Agosto. Walang pasabi, walang hiniling na pagsundo sa pantalan o masigabong pagsalubong sa amin sa Luzon Avenue. Ganito lang talaga siguro ako, nagtutungo sa isang lugar, nananatili roon, at malao’y hindi rin nagtatagal. Lumilisan kapag nasasaktan at minsan, hindi na nililingon ang lugar at ang mga taong nakilala sa lugar na binisita.
“Saan ka ba talaga patungo?” Ito rin ang tanong sa akin ng nanay ko nang sa loob ng nagdaang mga taon palipat-lipat na ako ng trabaho at wala akong tinagalan. Hindi na raw ako bumabata at paano ko raw pinaghahandaan ang pagtanda ko. Natawa ako, naisip ko, siguro dahil nakikita ng nanay ko na palagi akong nag-iisa, na wala pa akong asawa at iniisip rin ng nanay ko siguro, marahil, dahil sa ugali kong lumilisan at palaging nag-iisa sa lahat ng bagay at mga gawain. Hindi tulad ng mga taong nasa edad ko na kasalukuyan. Ang palagi ko namang sinasabi sa aking nanay na tatlumpu’t tatlong taon na ako at ang mga taon na lilingunin ko mula ngayon ay mga taon na ginugol ko sa pagtalima sa responsibilidad sa aking pamilya; at totoo naman na sinubok kong balansehin ang oras sa pagsusulat at pagtatrabaho sa opisina. Dahil kailangan. Dahil hindi naman ako ipinanganak na may kaya sa buhay, hindi rin naman kami ‘middle class.’ At sa edad kong ito na halos lahat ng mga kapatid ko ay may kanya-kanyang nang pamilya, nais ko naman sanang tahakin ang landas na ninanais ko sa aking buhay, sa aking sarili—ang hanapin ang espasyo para akin, iyong sa akin lamang. At ibinabalik ko sa aking nanay ang sagot sa tanong niya, na hindi na ako talaga ako bumabata ‘nay at nais ko nang tahakin ang landas na para sa aking buhay, sa aking sarili. Nabubuhay tayo para sa ating mga pangarap at kung ano tayo sa kasalukuyan ay dahil sa ating mga naging pasiya sa ating buhay at hindi dahil sa ibang tao.
Ang hindi alam ng nanay ko marahil masaya akong nag-iisa sa buhay at heto pa: ginagawa ko ang lahat ng paraan para mahanap ko ang ligaya sa aking buhay—ano pa nga ba ang kaligayahan kundi isa rin itong pagpapasiya. Ako ang nagpapasya sa aking kaligayahan at ang lunan kung saan ako liligaya. At ang mga lunan at tao na hindi ko kinailangan sa aking kaligayahan ay malimit kong lisanin o iwanan. Abandonahin.
Sandali—bago mo bigyan ng ibang kahulugan ang malimit kong lisanin ang mga tao at lunan na hindi ko kinakailangan sa aking kaligayahan, nais ko munang ipaliwanag ang ibig kong sabihin dito. Una, hindi ako Emotional Vampire (siguro minsan sa aking buhay naging ganito ako pero pangako, sinubukan kong labanan ito sa aking sarili). Ikalawa, ang paglisan para sa akin ay hindi pagtakas, paglayo. Ang paglisan sa akin ay ang lakas na kaya kong abandonahin ang isang sitwasyon, isang kumunoy kung saan unti-unti nang nilalamon ang aking katawan, ang aking sarili at pagkatao. Kaya kong talikuran—hindi, hindi talikuran—kaya kong harapin at hanapin ang lunan kung saan ako liligaya.
Emotional Vampire. Ito ang sakit na malimit na dumapo sa ating hindi mapalagay sa iisang lugar at dapat nating iiwasan. Marami nito sa kasalukuyan at marapat silang iwasan. Iwasan dahil wala silang kinalaman sa iyong kaligayahan. Emotional Vampire iyong mga kalungkutan na nagsakatawang-tao at sumusugod sila sa pinakamalungkot na oras ng ating pag-iisa, at alam nila ang mga oras na iyon dahil tulad natin, buhay din sila sa mga oras na iyon at matindi ang kanilang pangangailangan. Mag-iingat tayo sa Emotional Vampire dahil hindi natatapos ang kanilang gutom, sisipsipin nila hanggang ang pinakalatak na dugo at kaligayahan sa iyong kaluluwa; sila iyong mga tao na isinisisi nila sa iba ang kanilang kalungkutan, iyong mahina ang pagkatao at naghahanap ng ibang tao na masasandigan sa simula pero ang totoong pakay pala ay ang iyong kaluluwa, ang iyong kalungkutan, at ang masaklap alam din nila ang gutom na iyong nararamdaman dahil kilalang-kilala rin nila ang gutom na ito, dahil pareho kayong nakararamdam ng kalungkutan sa pag-iisa.
Paano maiiwasan ang mga Emotional Vampire? Una, dapat iwasan nating mga hindi mapalagay sa iisang lugar ang maging katulad nila sa pamamagitan mismo ng paglayo sa isang Emotional Vampire. Ang nakagat ng bampira ay nagiging bampira na rin. Iwasan ang mga taong naghahanap ng audience ng kanilang miserableng pag-iisa, dahil miserable ang tingin nila sa kanilang sariling pag-iisa, dahil malungkot silang kasama ang kanilang sarili sa kanilang pag-iisa. Minsan, inaakala natin na ang kanilang paglalantad ng sariling kahinaan at kalungkutan ay isang paraan ng pagbubukas ng loob sa atin at isang paanyaya sa intimacy ngunit ang totoo, heto: kailangan lang nila ng audience, ng taong buong-buo, nag-iisa at masaya at nang sa gayon masipsip nila ang kung anuman ang nalalabi pa sa ating sarili at kaluluwa. Nabubuhay sila sa hilab ng ating tiyan sa gutom ng pangangailangan na may kasama, may katuwang.
Ito ay para sa ating lahat na hindi mapalagay sa iisang lugar.
Lahat tayo, na hindi mapalagay sa iisang lugar ay minsan din naging bampira sa ating buhay. Ngunit itinatanong ba natin kung ilang tao na ang nasaktan natin at binalikan natin pagkatapos upang ibalik ang kinuha natin sa kanila? Ang pagsa-sauli, ito ang isang paraan ng pagtakas sa pagiging bampira. Ang pagtatanong sa sarili, ang pag-ungkat sa sariling konsensiya, dito mo malalaman na hindi ka na bampira at hindi ka naman talaga naging bampira. Hindi ka basta magsasabi ng, "Patawad, malungkot lang ako at maraming problema noong panahon na dumating ka sa buhay ko." Hindi, hindi ang biktima ang dumarating sa buhay ng bampira - ang bampira ang naghahanap ng kusang biktima. Hindi ka basta hihingi ng tawad bilang bampira, hindi sapat ang tawad. Kailagan mong may isauli - at kung wala ka nang maisauli, walang nang nalabi pa sa nakuha at nakamkam mo bilang bampira, mananatili ka nang bampira - iyon lamang ang paraan para maitawid mo ang araw-araw ng iyong buhay hanggang sa iyong pagtanda, sa iyong pagpanaw. Huli na ang lahat.
Tandaan: tayong hindi mapalagay sa iisang lugar huwag nating dadalhin sa lunan na patutunguhan natin kung anuman ang iniwanan natin sa nilisan na lugar. Huwag mong dadalhin ang sakit, ang lungkot at ipapasa mo ito sa mga bagong tao na makikilala mo sa bagong lugar. Tandaan: ang mga bampira, lumilisan sa kanilang pinagmulan hindi para harapin sa katapangan ang kanilang kaligayahan kundi para talikuran ang kanilang pagkatao.
Ang mga bampira, hindi nila kilala ang kanilang mga sarili dahil hindi nila nauunawaan ang kanilang mga kalungkutan—tulad natin, kilala rin nila ang sarili nilang gutom pero hindi nila ito nauunawaan. Ang talino at pagtuklas ay para lamang kasi sa matatapang. Kaya tayong hindi mapalagay sa iisang lugar, dapat nating tandaan, kilalanin natin ang ating mga sarili at paninindigan natin ang lahat-lahat na matutuklasan natin sa ating mga sarili. Gaano mo ba kakilala ang iyong sarili?
Tulad nga ng sinabi sa akin noon ng isang kaibigang makata hindi sinusukat ang paglalakbay kung gaano ka na kalayo sa iyong pinanggalingan kundi kung gaano ka na kalapit sa iyong patutunguhan. Hindi kasi lahat ng dumarating sa ating buhay ay talagang naririyan sa ating harapan, ang mga bampira, nananatili sila na nakakulong kung saan sila nagmula dahil iyon ang sumpa.
Sa darating na Biyernes lilisanin ko na namang muli ang Maynila at magtutungo sa malalayong lugar sa Mindanao at Sulu. Hindi pa ako nagpapaalam sa aking nanay at tiyak na hindi niya ako papayagan. Iniisip ko na ang paliwanag ko sa kanya bago umalis—hahanapin ko lang ang kaligayahan, ang aking sarili, ang kalayaan. Nakagat yata ako ng bampira at tila hindi yata nahilom ng karagatan sa pagitan ng Cebu at Maynila at ng limang buwan ang sugat sa aking kaluluwa.
Ito ay para sa ating lahat na hindi mapalagay sa iisang lugar. Lahat naman siguro, bampira at potensiyal na biktima ng mga bampira, naghahanap ng espasyo na para sa ating sarili - iyong espasyo na para sa atin lamang.
No comments:
Post a Comment