Thursday, February 28, 2013

Manili Massacre: Ang Filipino sa Naratibo ng Bangsamoro

Manili/Larawan ni Alberto Bainto
NATAGTAG SA BIYAHE ang katawan ko sa haba ng paglalakbay mula sa downtown ng munisipalidad ng Carmen patungo sa Manili. Hindi ko inasahan na isang mahabang biyahe ng lubak-lubak na daan, makikipot na kalsada, at pataas-babang mga burol pala ang daan patungo sa aming pupuntahan. Inihanda ko na ang aking mga notebook sa loob ng sasakyan at sina Alberto Bainto at Sarah Matalam naman, ang kanilang mga kamera. Sakay ng isang maliit na jeep pinasok namin ang liblib na baranggay ng Manili. Sa harap naman katabi ng drayber nakaupo si Babo Guianida, edukador at guro sa Kabacan na siyang sumama sa aming tatlo patungo sa Manili. 

Mataas na ang araw nang makarating kami sa baranggay. Sinalubong kami ng mga kagawad at ilang residente ng Manili upang magbigay din ng kanilang kuwento tungkol sa Manili Massacre na naganap halos apat na dekada na ang nakalilipas. Naging tanyag ang pangyayaring ito sa Manili dahil isa ito sa mga naging dahilan ng pagtatag ng Mindanao Independence Movement at ng ilan pang grupo na nagnanais ng kalayaan ng mga Moro sa kolonyal na pamamalakad ng Pilipinas sa Mindanao, Sulu, at Palawan. Nais ko kasing madalaw ang Manili bilang bahagi ng aking ‘edukasyon’ sa Bangsamoro. Nais kong malaman ang kuwentong ito na tila nais nang kalimutan ng taumbayan, ng gubyerno at kung maaari lang ay nais na ring burahin sa kasaysayan. Sa Maynila, kahit ang mga kaibigan kong Moro ay hindi alam ang Manili. Ni sa loob ng mga silid-aralan sa lahat ng bahagi ng Pilipinas hindi ito binabanggit. Wala rin akong mahanap sa internet na mga artikulo na naisulat tungkol sa nasabing insidente na kumitil sa halos walumpung Maguindanaon. Sa panahong ito na lumagda sa isang kasunduan pangkapayapaan ang gubyerno at ang MILF—imoral ang mangusap ng anumang hindi umaakma sa Framework Agreement; kalaban ng ‘kapayapaan’ ng Framework Agreement ang maging kritikal at halughugin ang nakaraan at mangusap ng may kinalaman sa ‘kalayaan’, ‘self-determination’, ‘MNLF’. Ang sinumang mangangahas na tumawid sa hangganan ay may nakalaan nang pantukoy ang sanlibutan, ang mga institusyon ng pamahalaan: ‘mananabotahe’, ‘war freak’, ‘warlords’, ‘pseudo-peace advocates’, 'kalaban ng kapayapaan' at hindi matatapos ang listahan. Ito ang kulturang umiiral sa kasalukuyan. “Tyranny does not come only from men,” at minsang nangaral si Salah Jubair sa kanyang aklat. “There is tyranny of time, there is tyranny of ideas, there is tyranny of numbers.” At sa usapang 'kapayapaan' ngayon mayroon na namang mga naratibo ang nais na patahimikin. 

Patungo sa masjid/Larawan ni Sarah Matalam
Pataas ang lupa patungo sa masjid. Sa bungad isang mataas na puno ng kaimito ang sumalubong sa amin sa lugar kung saan naganap ang masaker. Nasa Sitio Bual ang dating masjid. Wala nang natira sa anumang dating istruktura ng masjid at naabutan pa namin ang isang lalaki na nagtatabas ng mga damong ligaw sa dating sahig ng bahay-sambahan. Tanging ang mga haligi na lamang ng masjid ang natira.

Tila isang koral ang tanging nalalabi pa sa dating masjid ng Sitio Bual. Naupo kami sa isang makapal na konkreto na isa sa mga haligi ng dating masjid. “Hindi talaga ito bahagi ng masjid,” ang paliwanag sa amin ni Manong Abubakar, dating kagawad ng baranggay at siya rin ang isa mga taga-Manili na maglalaan ng oras para ikuwento muli sa amin ang pangyayari. “Itinayo lang ito ng militar matapos ang masaker para hindi tumagas ang dugo at lumabas sa masjid. Hanggang bukong-bukong ang dugo sa loob ng masjid.” Ipinaliwanag ni Manong Abubakar sa amin ang nangyari matapos ang insidente, siya muna ang tumayong taga-kuwento habang hinihintay pa namin ang pagdating ng lalaking nasa loob daw mismo ng masjid nang maganap ang insidente. Sa maliit na kuwadrado na iyon inihelera ang dose-dosenang bangkay. Sa bahaging ito ang mga lalaki at du’n naman ang mga babae, paliwanag ni Manong Abubakar. At dahil masyadong marami ang mga katawan at maliit ang espasyo, iyong bangkay ng mga matatandang lalaki ay pinabukaka na lamang at sa pagitan ng mga hita nila inihilig naman ang mga ulo ng mga bangkay ng mga batang nasawi. Halos pitumpo o higit pa ang mga katawan na mga bata, babae at matatandang Moro ang naiwanan ng karahasan na ito—wala nang nagbilang at nagtala ng mga pangalan dahil nagmamadali rin ang lahat na makatakas sa Manili noong araw na iyon ng Sabado. “Saan po inilibing ang mga bangkay?” ang tanong ko kay Manong Abubakar. Malabo ang naging sagot niya at hindi ko nauwaan ang tugon niya sa magkahalong Maguinadanao at Filipino. Inulit na lamang ni Mang Abubakar ang kuwento kung paano inihanay ang mga duguang katawan pagkatapos.
Ang tanging nalalabi sa masjid. Dito rin inihimlay ang mga katawan ng mga biktima/Larawan ni Sarah Matalam
Dumating si Manong Sammy Nagli na siyang hinihintay ng lahat. Si Manong Sammy kasi ang ilan na lamang sa nalalabing survivor ng Manili Massacre. Siya na ngayon ang magpapatuloy ng kuwento ni Manong Abubakar. Dumating na rin ang mga usyoso at nakinig sa kanyang kuwento. Alam ko na matagal nang alam ng mga usyoso ang kuwento ng Manili ngunit siguro, naisip ko, isang pambihirang karanasan na ilahad muli ang kuwento sa tenga ng mga estranghero na tulad namin na nagtungo pa sa Mindanao para lamang alamin ang kuwento ng Manili. Lahat ng tao, maging kami ni Sarah at Alberto ay pumasok na sa parisukat na dating masjid. Nagsimulang magkuwento si Manong Sammy at bukas naman siyang sagutin ang aming mga katanungan.

Tirik na tirik na ang araw sa umagang iyon ng Linggo at mahinahon na umiihip sa aming mga katawan ang hangin nang simulan ni Manong Sammy ang kuwento ng Manili.

Miyerkoles pa lamang nang makatanggap si Datu Usman ng liham sa opisina ng munisipyo ng Carmen na nag-uutos na tipunin ang lahat ng mga mamamayan sa masjid ng Sitio Bual at sa paaralan ng Manili sa darating na Sabado ng umaga. Nagtatrabaho noon si Datu Usman sa munisipyo. Ang liham ay mula kay Captain Langgam at Lieutenant Lagatus ng Philippine Constubulary. Dumating ang balita sa Manili tungkol sa pagtitipon. Ordinaryong araw at abala ang lahat sa kani-kanilang gawain bagaman nakararating na rin sa liblib na baranggay ang kuwento ng karahasan ng mga Ilaga sa Upi at iba’ibang bahagi ng Cotabato at Lanao. Binatilyo pa si Mang Sammy noon at kararating lang niya sa Manili upang maghatid ng mga mais na inani. Ang ama niya ang nagsabi sa kanya na huwag nang lumabas ng Manili pagka-Biyernes dahil may pagtitipon kinabukasan ng umaga sa masjid. Sumunod naman sa utos ng ama si Manong Sammy. 

Natanggap ni Hajji Yusof Nagli, ang community leader ng baranggay Manili, ang utos mula sa liham. Hindi naman siya ang kapitan-de-baranggay ngunit kinikilala siyang 'elder' ng komunidad kaya sa kanya dinala ang liham. At dahil mula nga naman sa munisipyo, sa mga sundalo ng gubyerno ng Pilipinas ang utos, bakit hindi ka naman susunod. Dumaan ang Biyernes naghanda na ang lahat para sa pagtitipon kinabukasan. Wala pa ring nakaaalam kung para sa saan ba talaga ang pagpupulong. At nu’ng Sabado ng madaling-araw, matapos ang sambahayang, tinipon ang mga taga-Manili sa paaralan ng baranggay at iyong iba, sa masjid sa Sitio Bual, ang masjid sa tabi ng malabay na puno ng kaimito. Dahil ang ibang mga kalalahikan ay nasa bukid pa at nagsasaka -- mga bata, babae, at mga lolo at lola ang nakarating sa ‘pagtitipon’ sa loob ng masjid. 

Manong Sammy/Lawaran ni Bainto
“Para saan ho ang meeting?” ang tanong ko kay Manong Sammy. 

“May hinahanap sila sa Manili,” tugon ni Mang Sammy. 

Pagtataka. Ito ang naramdaman ng mga tao sa paaralan at sa masjid. Pagtataka dahil bukod sa mga sundalo ng mga Filipino may mga sibilyan din silang kasama at may hawak na mga baril bukod pa sa mga bagong mukha sila sa komunidad. Ang iba ay namumukhaan nila na mula sa katabing baranggay na Arunan, pero hindi sila sigurado. Pagtataka rin dahil hindi nila alam kung para saan ba ang pagtitipon at kung bakit kailangan silang tipunin lahat pati mga bata at matatanda. Alas-kuwatro ng madaling-araw nang sinimulan silang tipunin lahat sa paaralan at sa masjid. Ang iba ay may mga gawain pa sa bukid at sa kanilang mga tahanan, may mga aning mais na kailangan pang dalhin sa palengke. Aligaga at maingay sa loob ng masjid at paaralan habang naroroon sila sa loob at napalilibutan ng mga sundalo at ng mga bagong mukha. Apat na oras silang naghihintay sa loob ng mga gusaling ito.

Alas-siyete ng umaga nang ipahayag ng pinagsanib na puwersa nina Capt. Langgam, Lt. Lagatus at ng mga kasapi ng Ilaga na mula pa sa malayong Upi ang kanilang pakay sa Manili. Naririnig ko ang pagtunog ng kamera ni Sarah—at ito ang tanging ingay na nagmumula sa kanya. Natahimik ang lahat sa amin at patuloy sa pagsasalita si Manong Sammy. Marahan pa rin ang paghihip ng hangin na nahahalinhinan ng ingay ng pagkikiskisan ng mga dahon sa puno ng kaimito na nakatunghay lang sa amin. Hinahanap ng mga Filipinong sundalo at ng mga Ilaga ang isang tao: si ‘Mr. Enalang’ at hinihiling nila sa komunidad na ilabas ang machine gun, isang armalite at ilang baril na itinatago ng mga tao sa komunidad. Tumanggi ang mga tao. Hindi dahil sa ayaw nilang ilabas ang mga baril na hinahanap kundi wala namang baril sa kanilang komunidad dahil ang mga tao sa Manili ay mga magsasaka, nagtatanim ng mais, at namumuhay sa kung anuman ang ibibigay sa kanila ng isang adlaw. Ngunit kilala nila kung sino si Enalang, at hindi nila itatanggi ito. Nagpumulit ang mga Filipinong sundalo at mga kasapi ng Ilaga sa kanilang nais. Nagsimulang umiyak ang mga bata sa loob ng masjid at paaralan dahil kanina pang alas-kuwatro ng umaga sila naroroon at mag-aalas-otso na.

Nagbanta ang mga estranghero. Sa loob ng isang oras at hindi pa nailalabas ang mga armas at si Enalang, papatayin silang lahat. At tulad ng inaasahan, ano pa ang dapat mong maramdaman kung tataningan na ang iyong buhay at bibigyan ka lamang ng isang oras? Nakiusap si Hajji Yusof Nagli sa mga lalaki sa labas ng masjid. Doon sa kung saan siya nakikiusap sa mga sundalong Filipino at mga kasapi ng Ilaga natatanaw siya ng lahat sa loob ng masjid. Paano kami maglalabas ng mga armas kung wala naman talagang mailalabas? Si Enalang, tatlong kilometro pa ang layo ng bahay niya mula rito sa Manili at du’n siya sa malayo, sa Rio Grande de Mindanao malapit. Kulang ang isang oras. Bakit kayo humihingi ng imposible sa amin sa isang oras bilang katubusan ng aming mga buhay?
Ang pader na itinayo ng militar para hindi tumagas palabas ng masjid ang dugo sa nagpatung-patong na bangkay/larawan ni Bainto
At umalingawngaw ang isang putok. Ayon kay Mang Sammy-- d’yan, d'yan banda bumagsak na lamang siya at duguan—si Hajji Yusof Nagli, ang lider ng kanilang komunidad na nakikiusap kani-kanina lamang. At nagkagulo sa taranta ang lahat sa loob ng masjid. May putok ng baril sa labas. Ang mga tao sa loob ng paaralan na nakarinig din ng putok ay nagtakbuhan papalabas ngunit ang ilan ay naiwanan sa loob. Ang mga nagtakbuhan sa labas pinaputukan at isa-isang tumumba habang papalayo sa paaralan. Ang mga nagpaiwan kinandado ang mga sarili sa loob at kahit na anong pilit na puwersahin ng mga nasa labas hindi nila kaagad napasok. Malabo ang bahaging ito ng kuwento ni Mang Sammy dahil may mga nakaligtas sa mga nanatili sa loob ng paaralan. Malabo dahil hindi ko alam kung pakikinggan ko ba ang bawat salita na lumalabas sa kanyang bibig o pagmamasdan ko ang kanyang mga mata - o ituon ko ang aking tingin sa mataas na puno ng kaimito sa tabi namin. May mga sakit na ayaw kong dalhin sa akin at hayaan kong manatili sa aking kaluluwa at dadalhin ko pabalik sa amin sa Maynila. Nagpatuloy si Mang Sammy sa kanyang kuwento, makinig man ako o hindi. Ngunit ang mga nasa loob ng masjib—sa loob ng banal na lunan ng mga taga-Manili kung saan sila nagsasambahayang—hindi na nila nagawang makalabas at wala naman silang pinto at bintana sa isasara para ikulong ang sarili sa loob.

Hindi ko na ako nakarinig ng anumang ingay mula kay Sarah. Iniiwasan ko rin siyang makita at mabasa ang kanyang mukha. Isang Maguindanaon si Sarah mula sa Pagalungan. Naupo kaming lahat sa makapal na pader at doon naman nakatungtong si Mang Sammy habang nagpapatuloy sa pagkukuwento. Naaalala pa ni Mang Sammy ang lahat dahil naroroon siya sa loob ng masjid. Binatilyo na siya noon at kasama niya rin ang kanyang kamag-anak at kapitbahay sa loob.
Kaimito sa harap ng masjid/Larawan ni Matalam

Ang unang granada na inihagis sa loob ng masjib at lumapag sa pagitan ng mga hita ng isang babae. Nang sumabog ito napigtal sa katawan ng babae ang dalawa niyang binti at nagtalsikan sa kisame ang mga utak at laman-loob ng katabi pa niyang mga babae. Patuloy na pinagbabaril ang masjid at ang mga tao sa loob. Patuloy ang paghagis ng mga granada mula sa labas. Nagkalasug-lasug ang mga laman ng mga tao sa loob at nagtalsikan sa pader ang ilang bahagi ng kanilang mga katawan, sa kisame ng masjid. Alam mo, ikaw na marahil isang hindi Muslim, sa amin, nililinis muna namin ng ilang bahagi ng aming mga katawan bago magdasal; hinuhubad namin ang aming mga sapatos at tsinelas sa tuwing papasok sa loob ng masjid.

May ibang nakatakbo papalabas ng masjid at doon na rin sila pinagbabaril at bumagsak sa harapan. Masuwerte ako, ang dagdag ni Mang Sammy, dahil nag-Boy Scout ako sa elementary at mabilis akong nakatakbo. Hindi siya tumakbo ng diretso kaya nahirapan din silang sapulin siya ng bala. Matapos ang mga pagsabog pumasok sa loob ng masjid ang mga Filipinong sundalo at mga Ilaga. Hanggang bukong-bukong ang dugo sa loob ng masjid. Hindi mo malaman kung kaninong bahagi ng katawan ang kanino. Umabot at dumikit sa kisame at sa mga pader ang mga pirasong laman ng mga tao. At yung iba na gumagalaw pa ay pinagbabaril ng mga Ilaga at tinutusok ng bolo. At matapos iyon, tinanggal nila ang kanang tenga ng ilang bangkay ng lalaking Muslim. Apat ang nakita ni Mang Sammy. Ngunit ang Ilaga, alam naman natin (o alam mo ba talaga?) ay nabubuhay sa katapangan - sa kung gaano karaming tenga ang maipon nila ganoon katindi ang kanilang katapangan.

Sabado ng umaga iyon, alas-otso, ika-19 Hunyo, 1971. Tirik ang araw at patuloy na umiihip ang mga hangin mula sa mga kaparangan sa paligid. Maingay ang pakikiskisan ng mga dahon sa puno ng kaimito. May isang salita na nahihirapan akong palabasin sa aking bibig pagkatapos ang kuwentuhan kay Mang Sammy: hustisya. Kinabukasan ng Lunes, ayon sa isang mensahe na ipinadala sa akin ng isang kaibigan sa Maynila, lalagdaan na ng pangulo ng mga Filipino ang isang batas na magbibigay ng kompensasyon at pagkilala sa mga naging biktima ng rehimeng Marcos. Bahagi raw ang paglalagda sa selebrasyon ng EDSA People Power ng mga Filipino. Paano mo nga ba idudulog sa mesa ng isang Moro ng Manili ang kompensasyon at hustisya na mula sa mga Filipino na hindi mo binabayaran sa kanila ang dignidad, ang kanilang pagkatao, ang kinilang pagdadalamhati?
Ipinakikita sa amin ni Manong Abubakar kung paano isinalansan ang mga bangkay pagkatapos/larawan ni Bainto
“Saan po inilibing ang mga katawan,” at inulit ko ang aking katanungan. Napakaraming bangkay ang kinailangan na ilibing noon ng mga taga-Manili. Naisip ko kasi, sa gitna ng mga kaparangan saan kaya nila inihimlay nang mabilisan ang kanilang mga kapitbahay at kamag-anak. Sumabad muli sa Manong Abubakar at inulit ang kanyang pagpapaliwanag. Nagsalita na muli si Sarah at inulit ang tanong, nahalata niya siguro na hindi ko na naman naunawaan ang sagot sa akin ni Manong Abubakar.

“Dito na rin. Dito ang mga lalaki at bata at doon naman ang mga babae,” ang paliwanag ni Manong Abubakar.

“Dito na rin? Sa kinatatayuan natin ngayon?” Ang gimbal kong tugon kay Manong Abubakar. Napatingin kami ni Sarah sa lupa na aming inaapakan. Gusto ko sanang humakbang papalabas ng kuwardradong dating masjid dahil nasa ilalim pala ng mga paa namin ang mga bangkay. Sa mga Tagalog, sa amin sa Maynila, hindi mo inaapakan ang puntod ng mga patay.

Iyong ibang mga taga-Manili na survivor, dagdag ni Manong Sammy, nu’ng namatay na sila kahit nandu’n sila sa Pagalungan, sa Kidapawan, dito nila pinipili na ilibing na hinihiling nila sa kanilang mga kamag-anak; nais nilang ibalik sila Manili at doon ihimlay. 

Nangahas akong tanungin si Manong Abubakar tungkol sa ‘hustiya’. Dahil ano pa nga ba ang dapat mong itanong matapos ang isang mahabang kuwento ng karahasan ng mga Filipino sa mga Moro kundi kung nabigyan na nga ba sila ng hustisya at kung paano matutulungan, kung paano makakamit ang hustisya. At ipinaliwanag ko na tila may batas na lalagdaan ang aming pangulo para bigyan ng kumpensasyon at kilalanin ang mga naging biktima ni Marcos, ng mga paglabag sa karapatang pantao noong Martial Law. Napatingin sa akin si Manong Abubakar. Marahan siyang nagpaliwanag at tulad ng mga Moro na nakasasalamuha ko sa paglalakbay na ito sa mga nagdaang araw, magalang silang sumasagot sa akin gaano man marahil ka-impertenente ang aking mga katanungan. Sa akin na mula sa malayong Maynila, na isang Filipino.

Pabalik sa Kabacan, dala-dala ko pa rin sa aking sarili ang kapangahasan ko sa pagtatanong ng hustisya sa harap ni Manong Abubakar. Hindi; marahil hindi iyon ang pinakasaktong tanong na marapat at moral na ipataw sa Manili. Sana hinalukay ko na muna sa aking sarili ang sagot sa tanong na bumabagabag sa akin habang nakikinig sa kuwento ni Manong Sammy tungkol sa Manili, paulit-ulit na itinatanong ko sa aking sarili: Mayroon nga bang kapayapaan kung walang kalayaan? May mga bagay na hindi naman na kailangan pang hingiin, na dapat matagal nang naririyan tulad ng kalayaan, hustisya, kasaysayan, at identidad. Ilang Moro pa para maging Filipino ka? ang tanong ko sa aking sarili. At naisip ko bilang pagpapatawad na rin sa aking kapangahasan at katampalasanan: hindi lang naman siguro ako ang tanging Filipino na palaging may saliwa at impertinenteng tanong sa harap ng isang Moro.

No comments:

Post a Comment