Sunday, December 30, 2012

Kung Paano ko Pinanood na Filipino ang ‘Thy Womb’ ni Mendoza at may Katabi akong Moro sa loob ng Nilalangaw na Sinehan



Nora Aunor bilang Shaleha sa pelikula. 
ANG NASASAAD SA 2012 Framework Agreement ng Gubyerno ng mga Filipino at ng MILF: ‘The relationship of the Central Government with the Bangsamoro Government shall be asymmetric.’ Naisip ko: ano kaya ang makukuha mo sa isang relasyon na itinakda mo na ang guwang sa pagitan ninyong dalawa. Maaaring sa pagitan ng dalawang gubyerno o sa pagitan ng gubyerno at rebeldeng grupo, sa pulitika marahil—marami. Ngunit sa personal na buhay—sa personal na rela-relasyon, sa isang kasal halimbawa, nagtatagal kaya ang pagsasama ng mga taong pinananatili na mataas ang isa kaysa sa kanyang katuwang?  Kompromiso, konsesyon—mahahalaga ang mga ito sa isang relasyon. Ngunit nawawala ang bisa ng konsesyon lalo na ng kompromiso kung sa simula pa lamang ng relasyon hindi na pantay ang inyong katayuan sa loob ng isang relasyon.
Kahapon kasama kong nanood ng ‘Thy Womb’ ni Mendoza ang isang kapatid na Meranao mula sa Lumba Bayabao sa Lanao del Sur. Ang kapatid na ito ay isa ring matalino, para sa akin, na graduwadong mag-aaral ng Islamic Studies sa Unibersidad ng Pilipinas na talaga namang napakabuti sa akin at hindi ako pinagdaramutan ng kanyang mga pag-aaral, aklat at riserts mula sa Unibersidad – at oway sa malimit niyang panlilibre sa akin. Nais kong mapanood ang pelikula dahil magtutungo ako sa Bongao sa mga susunod na buwan kasama ng photographer na si Alberto Bainto at makatutulong marahil sa akin ang pelikula ni Mendoza upang mas kilalanin pa ang ‘lugar’ na dadalawin ko para sa aking pagsusulat. Ninais ko ring mapanood ang pelikula na may kasamang Moro (wala akong matalik na kaibigang Tausug, Samal, o Yakan o Badjao na mahihila sa panonood ng pelikula at alam kong makakausap ko sa diskusyon pagkatapos—wala rin sa Maynila ang kaibigan kong Kagan at hayun at aligaga pa rin sa kanila sa Compostela Valley dahil sa nagdaang bagyo) para mas madali sa aking magtanong sa mga hindi ko mauunawaan habang nanonood ng pelikula. Ang kapatid na Meranao ang pinaka-‘swak’ na isama dahil nag-aaral din ito ng Islam—bagaman may agam-agam ako na magka-interes siya sa pelikula dahil kabilang siya sa ibang ethno-linguistic group na bumubuo sa ‘Bangsamoro’ (labingtatlo ang grupong ito mula sa Palawan, Sulu, at Mindanao at kabilang dito ang mga Meranao sa Lanao at ang mga Badjao sa Sulu at Zamboanga—ngunit sa bisa ng Framework Agreement ang depinisyon ng ‘Bangsamoro’ ay hindi na ang labingtatlong ethnoliguistic na grupo na ito kundi ang mga probinsiya at siyudad na kabilang sa ARMM ng ating Saligang Batas at ang sampung porsiyento pa ng mga botante sa mga karatig na probinsiya at siyudad na magnanais na mapabilang sa ‘Bangsamoro.’)
            Binalak ko ang SM Fairview sana dahil mas malapit sa aming dalawa na parehong taga-Culiat sa Quezon City. Hindi na ipinalalabas ang pelikula sa SM Fairview. Sinubukan ko sa Robinson’s Ermita, wala rin ang pelikula roon bagkus tila sa dalawang sinehan nila ipinalalabas ang ‘Sisterakas’. At napagdesisyunan namin ang Mall of Asia dahil palabas daw doon ang pelikula, at isang beses pa lamang akong nakararating sa Mall kaya okay lamang sa aming dalawa na tawirin ang Ilog Pasig mapanood lamang ang pelikula. Nang nasa Cultural Center of the Philippines na kami bandang hapon, nalaman ko na wala na rin pala ang pelikula sa Mall of Asia. Nalaman ko sa internet na unti-unti na palang tinatanggal sa mga sinehan ang ‘Thy Womb’ ni Mendoza at ang pinakamalapit na sinehan sa amin ngayon na pinalalabas pa ang pelikula ay ang SM Manila. Bokya sa takilya ang pelikula sa Festival na ito. May nabasa ako na nakabuburyong daw ang kuwento at bigla na lamang natapos at wala naman daw ‘nangyayari’ sa kuwento. Kinahaban ako. Paano kung pangit nga talaga ang pelikula kaya nilalangaw ang takilya? Sayang ang pera. Kinabahan rin ako sa kasama ko. Paano kung ‘artsy’ nga ang pelikula baka iwanan ako ng kasama ko sa sinehan at maging ako rin—ayaw kong manood ng mga artsy film sa kasalukuyan sa panahong itong na ‘festive’ at ‘Festival’ ang simoy ng hangin sa buong Kamaynilaan—baka bigla kong iwanan ang pelikula at magwaldas ng salapi.   
At hayun nga, nagtungo kami sa SM Manila at nanood. Sa loob ng sinehan, may mangilan-ngilan akong nakita na naka-hijab na nanonood kasama ng kanilang mga bana marahil. Mapapansin mo ang iba mong mga kasama sa loob ng sinehan dahil, tulad nga ng balita at nabanggit, bokya talaga sa takilya ang pelikula na ito.
At nagbukas nga ang kuwento sa pelikula.
Nagsimula ang kuwento sa eksena na nagpapa-anak si Shaleha, isa kasi siyang komadrona sa bahaging ito ng Bongao sa Tawi-Tawi na hindi naman matanda ngunit masasabing ‘may edad na’. Sa unang eksena pa lamang nakahinga na ako. Isa sa mga agam-agam ko kasi sa tuwing manonood ng mga naratibo na ‘galing sa Mindanao’ ang tinatawag kong ‘cultural show’ na may sundot ng irita at pagkasuya—mga kuwento na magsasabi sa akin na kailangan kong ‘ariin’ ang kultura, kasaysayan, at masisining na pagpapahayag ng mga Moro bilang bahagi ng malaking proyekto ng konstruksiyon ng kamalayan at nasyunalismong Pilipino. Makatotohanan ang unang eksena ng pagpapa-anak ni Shaleha at inihanda ko na ang sarili ko sa halos isang oras at kahati marahil na ‘makatotohanang’ pagsasadula ng kuwento.
Tahimik lamang ang pelikula. Halos mabibilang sa mga daliri sa katawan ang mga linya ni Shaleha sa kabuuan ng pelikula. Alam mo rin na pag-ibig ang isa sa mga tinatalakay ng pelikula dahil ilang eksena na ang ipinakita na magkasama sa ‘hirap at ginhawa’ sina Shaleha at ang bana niyang si Bangas-an. Magkasama sila sa pangingisda, sa pagkakalakal ng kanilang mga bulad sa bangkerohan, sa mga gawain sa bahay, at si Bangas-an pa ang naghahatid at nagsusundo kay Shaleha sa mga gawain nito bilang komadrona sa pagtawid-tawid sa mga isla at mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng karagatan sa bahaging iyon ng Tawi-Tawi. Mga Badjao sina Bangas-an at Shalena – ‘marahil’ dahil maari namang Yakan sila mula sa Basilan na tumawid sa Bongao, o Samal, o Tausug.
“Mukhang makagagawa ako ng critique dito,” ang pagbabanta ng kasama ko sa aking tabi. Ito ang mga uri ng Moro na nais kong maging manonood ng aking mga dula at sa mga pamorningan na usapan sa kape at biskuwit. Hindi ako nagkamali sa aking isinama.
“Mali ang pronunciation niya,” ang puna ng kasama ko nang bumati ng ‘Assalamu alaykum’ ang artista na gumaganap sa tauhan ni Shaleha, maging sa tauhan ni Bangas-an. Sanay na ang kanyang mga tenga na marinig ang mga salita o malay lang siyang hindi Moro ang artistang gumaganap sa pelikula, hindi ko alam. Napapansin niya sa mga artista na gumaganap na imam ang siyang may tumpak na pagbigkas sa mga salitang Arabic. Siguro, naisip ko, baka mga totoong Muslim sila o ustadz kaya gamay nila ang tamang pagbikas sa wika. Tila magiging kritikal ang kasama ko sa mga aspektong may kinalaman sa Islam sa kabuuan ng pelikula, na aasahan mo naman sa isang mag-aaral ng Islamic Studies.  
“Ang ganda ng shot,” naibulalas ko nang manatili ang daloy ng kuwento sa eksena na naghihintay sina Shaleha at Bangas-an kasama ng isang matandang lalaking Moro sa pagdaan ng babaeng hinahanap nila. “Bakit maganda?” ang tanong niya. “Parang painting,” ang sabi ko. “May perspectives at balance ang paghahanay ng mga imahen.”
Hindi totoong ‘walang nangyayari’ sa kuwento tulad ng mga sinasabi sa mga blog at FB wall post na nababasa ko. Nagsimula ang conflict nang magdesisyon ang mag-asawa na hanapan nang mas batang babaeng mapapangasawa si Bangas-an para sa iisang dahilan: nais kasing bigyan ng anak ni Shaleha ang kanyang bana. Si Shaleha, mahihinuha natin, bagaman kilalang komadrona na nagpapa-anak sa komunidad, ay hindi pala kayang bigyan ng anak ang sariling bana.
Dalawa ang problema ng mag-asawa sa ninanais nila: una, ang mahanap ang pinakatamang babae para maging asawa ni Bangas-an. Ikalawa, tila naging mahal na ang dowry ng mga babae sa komunidad dahil nakapag-aaral na sila at mayroon nang edukasyon, hindi tulad ni Sheleha na bagaman kilalang komadrona ng komunidad ay isang semi-illiterate. “Pag mataas ang pinag-aralan, mas mataas ang dowry,” ang paliwanag ng kasama ko. At hayun nga sa pelikula, ang mga imahen ng sanlaksang mga batang babaeng estudiyante habang ang mga batang lalaki, naglalaro ng saranggola, nagtatampisaw sa dagat. Sa loob ng masjid, sa araw ng Jummah, mas napupuno ang lugar ng mga babae sa pagsasambahayang kaysa ang sa mga lalaki. At naalala ko ang kalupitan ng Pilar College sa Zamboanga City sa mga kabataang babaeng Muslim. Sa Islam kasi, wala pagpipilit sa pananampalataya. Kaya kung ang isang babaeng Muslim na magdesisyon na magsuot ng hijab, isa itong sagradong pagtatapon ng kanyang kalayaan bilang babae at bilang isang Muslim sa daigdig na nais niyang manampalataya. Ipinagbawal ng mga pinuno at di-Muslim na mga magulang ng Pilar College ang pagsusuot ng hijab ng mga kabataang mag-aaral sa loob ng kanilang paaralan. Kalaban talaga ng diskurso ng kalayaan ang mga makikitid na isipan. Nang minsang ialok ni Shaleha sa isang masipag na tindera sa bangkerohan ang kanyang bana bilang asawa sinagot siya ng babae na hindi ko na nga kayang buhayin ang sarili ko mag-aasawa pa ako—kung may kalayaan ialok sa merkado ng pangunahing tauhan sa kuwento ang lahat ng kanilang mga kalakal, may kalayaan din na tumanggi ang pinag-aalukan. Alam natin na hindi lamang pag-ibig ang nais na talakayin ng pelikula, eksplorasyon din ito sa konsepto ng kalayaan.
“Parang sa amindin,” ang paliwanag ng kasama kong Meranao. Nakikita niya sa mga imahen sa pelikula ang mga personal niyang mga karanasan sa kanilang komunidad bagaman kultura at realidad ng mga Badjao ang nasa kuwento. May eksena na ikinakasal ang dalawang tauhan sa kuwento at ipinapakita ang mga tradisyon at gawi sa kasal ng mga Badjao. “Parang ganyan din sa amin.” Ang binanggit niyang muli. Gusto ko sanang itugon sa kanya: sa amin, sa simbahan ginaganap ang kasal kung gusto mong maging tradisyunal. May mga abay. Nagsisimula sa ligawan. May kilig. May pamamanhikan. May pari at hindi pinag-uusapan ang halaga ng dowry—dahil walang dowry.   Sa amin, hindi mo hahanapan ng ibang asawa ang iyong bana. May konsepto kami ng ‘kabit’, ng ‘Other Woman’ sa hawla na kung tawagin ay ‘kasal’.
Nagsimulang maglala ng banig si Shaleha. “Alam ko kung paano iyan,” ang paliwanag sa akin ng aking kasama. “Marunong ng ganyan ang ante ko at ang nanay ko,” ang pagmamayabang niya sa akin. “Talaga?” ang sagot ko. At habang ipinapakita sa pelikula ang paraan ng paggawa ng banig inilalahad niya sa akin ang pangalan ng mga kasangkapan—mula sa pagkukulay, sa pagpapakulo ng mga dahon ng abaka, maging ang buong proseso—sa salitang Meranao. “Parang ganyan din sa amin. Kararaang tawag sa proseso. Riyara ang tawag sa product. Kaya ko yan. 500 pesos ang benta sa banig.” Nais ko sanang itugon bilang ‘pakiki-amin’ na mayroong ding ganyan sa Samar, sa Bicol, sa maraming probinsiya sa Luzon. Pero hindi ko na lamang ito itinugon. Ayaw kong mahulog sa bitag: iyon marahil ang proseso niya ng paglikha ng kamalayan ng kanilang nasyon, ng proseso ng konstruksiyon ng sarili niyang komunidad, ng ‘imagined community’ ika nga ni Anderson—siya na isang Meranao, at naroroon sa pelikula ang mga imahen na mga Badjao—“Parang sa amin din.” At bilang paggalang marapat lamang na tanggapin ko sa sarili na hindi ako kasama sa nasasakop ng ‘amin’ na iyon—ang ‘Bangsa Moro’ ng Moro National Liberation Front at ‘Ummah’ naman ng Moro Islamic Liberation Front.
May kakatwang eksena, isang dambuhalang baka ang isinakay sa bangka para itawid ng dagat. Sa kabilang pampang kakatayin ang baka na ito para ihanda sa piging, sa isang kasal. “Sa amin, pag ganyan hinahati ang baka equally sa lahat—kung 28 kayong lahat hahatiin sa 28 ang mga bahagi for distribution,” paliwanag sa akin ng kasama ko habang ipinapakita sa eksena na kinakatay ang baka habang nagsha-shahada ang kakatay. Ngunit habang itinatawid ang bangka na may sakay na baka biglang dumaan ang humaharurot na sasakyang pandagat ng Philippine Navy. Lumikha ito ng naglalakihang mga alon. Tumaob ang bangka at nahulog sa lalim ng dagat ang baka. Ngunit nagtulong-tulong ang mga tao upang isakay na muli ang baka sa bangka at maihatid sa pampang. Ganoon din sa reception ng kasal. Habang nagsasaya ang lahat nagkaroon ng encounter, putukan, nagkagulo ang mga tao. Huwag daw itigil ang sayaw at hayun nga, nang tumila ang mga putukan napanatag ang lahat at tuloy ang sayawan pati ng dalawang ikinakasal. Minsan napag-utusan si Shaleha na bumili ng mga kamoteng kahoy at nagkaroon ng hagaran, nabangga siya ng mga tumatakbong sundalo at nahulog niya mga pinamili sa lupa—tulad kung paano isinampa muli ang baka sa bangka, ang ituloy sayaw natapos ang encounter—kasimbilis niyang ring itinidig ang sarili sa mga panandaliang maliliit na eksena na sumisingit sa normal nilang pamumuhay. Naging bahagi na ng buhay nila ang mga ‘singit’ na ito.
“Mali ‘yan,” ang dagdag muli ng aking kasama. “Dapat itinitigil nila ang lahat ng gawain kapag   narinig na ang adhan.” Ngunit nasa eksena ang kasal at ang ‘pamamanhikan’ at totoo ngang habang nag-uusap ang mga kalalakihan naririnig ang adhan sa paligid. Nang dumating ang eksena na nakaharap sa karagatan ang mga Badjao at nag-aalay ng mga maliliit na bangka marahil para humiling nang mas masaganang pangingisda at bumibigkas ng Surah Fatihah ang madla napabulalas sa gulat ang aking kasama, “Ano ‘yan?” At alam kong hindi iyon pinahihintulutan sa Islam. “Baka pre-Islamic,” ang sabi na lamang niya bilang tugon na rin sa sariling tanong. “Culturesiguro,” ang sabi ko, “parang pag-ipatng mga Maguindanaoan.” Gusto ko sanang idagdag: parang Darangen ninyo. Bakit hindi pinag-aaralan kung anu-ano ang mga pagkakatulad at variations ng mga practices  sa Islam ng iba’t ibang tribong Moro? ang tanong ko sa kanya. Itinanong ko iyon sa kanya bilang isang kapatid na Muslim. Hindi moral para sa akin, sa lahat ng sitwasyon at pagkakataon na magtapon ng katanungan o mga pangungusap sa kapatid na Moro na naglalaman ng ‘kung ano nga ba ang dapat sa inyo’—ngunit hindi naman ako perpektong tao, may mga pagkakataon din na nahuhulog ako sa bitag dahil isa pa rin akong Filipino.
At hindi nga nahulog sa bitag ang Thy Womb ni Mendoza. Ang totoo: damang-dama mo na maingat na naglalakad sa gilid ng patibong ang pelikula. Malay ito na may bitag sa kanyang harapan at pinili nito ang manatili na naglalakad sa bingit ng pagkahulog. May mga bahagi sa pelikula na tila napapahawak ako sa dibdib sa takot na tuluyan na itong madulas o mapatid ng nakausling sanga at tuluyang mahulog sa bitag. Ngunit nagwagi ang pelikula. Dito ko nakita ang isang marikit na pag-asa sa Naratibo ng mga Filipino sa mga Moro: dahil malay ka sa bitag at nananatili ka pa ring naglalakad sa paligid nito nauunawaan mo ang iyong Sarili, ang iyong sariling mga takot, agam-agam, mga katanungan. “Ano ang gusto nilang sabihin, ha?” ang tanong ng akin ng kasama ko nang lumabas sa eksena na napadaan sina Shaleha at Bangas-an sa isang chapel ng mga Katoliko—tadtad ng bala ang mga haligi at nagkalat ang mga imahen ng mga santo sa loob. Tila nahulog sa bitag ang aking kasama. Nais ko sanang ipaliwanag sa kanya na hindi, hindi ninanais ng pelikula na ilarawan ang matagal na nating nalalaman, ang matagal nang ipinamumukha sa atin ng gubyerno at lipunan maging ng mga palabas, pagtatanghal at kuwento mula sa Mindanao. Nais lamang ipaalala ng pelikula na sa daigdig na inilalarawan sa kuwento, walang lugar ang kahinaan at ang saliwang relihiyon.
Sa pagtalakay ng Thy Womb sa buhay ng mga Moro sa bahaging ito ng Tawi-Tawi, pagtalakay na ingat na ingat na muhulog ang naratibo sa bitag, hindi malay ang pelikula na tinatalakay na pala nito ang neo-kolonyal na relasyon ng Pilipinas sa Bangsamoro: na ang daan na tinatahak nating mga Filipino sa konstruksiyon ng ating identidad, ng ating pagkatao at nasyunalismo hinuhubad natin ang mga bagay na magpapakatao sa atin—pag-ibig, responsibilidad sa iniibig, katapangan, pagwaksi sa takot ng pag-iisa sa katandaan, sa kamatayan, pananampalataya. Naalala ko bigla sa loob ng sinehan ang sinabi sa akin noon ng isang kapatid na Moro, “Baka kami ang inyong nakaraan na pilit niyong tinatalikuran?”
Kung ang Bangsamoro ang salamin na hawak ng Filipino upang mas makilala pa niya ang kanyang sarili, isang pambihirang pagtatangka sa katapangan ang Thy Womb na humarap sa salamin bagaman nakapikit ang kanyang mga mata upang sipatin ang sarili. Mas mainam na ang ganito kaysa ang nakasanayan na na ang siyang nakaharap sa salamin ang nagdidikta kung paano nga ba niya dapat makita at makilala ang kanyang sarili.     
   At nahanap nga ni Shaleha ang babaeng para sa kanyang bana. Si Mersila—bata, maganda, may pinag-aralan. At siguradong makapagbibigay ng anak kay Bangas-an. Ngunit malaki ang dowry ni Mersila tulad ng inaasahan. At nagpursige si Shaleha na likumin ang salaping kinakailangan para sa dowry ng mapapangasawa ng kanyang bana. Pati sarili niyang mga alahas at ang motor ng kanilang bangka na ginagamit niya sa paglalakbay sa mga isla bilang komadrona ibenenta para lamang mapunan ang pangangailangan ng dowry. Nakita rin kung paano sila tinulungan ng kanilang komunidad para lamang maipon ang sapat na salapi. Ganoon kamahal ni Shaleha ang kanyang bana. Ngunit kasama sa dowry ang isang bagay, ang isang katotohanan na ipinaalala ni Mersila kay Bangas-an: sa oras na isilang ko ang iyong anak, hihiwalayan mo ang iyong unang asawa, hihiwalayan mo si Shaleha. “Ang lungkot,” ang naibulalas ko sa aking kasama. “Hindi ganyan sa amin,” ang sagot naman niya, “ang unang asawa minsan ang masusunod.” Malungkot dahil maiiwanang nag-iisa sa katandaan si Shaleha—hindi na siya bata tulad ni Mersila na hahandugan ng nagtataasang dowry, wala nang lalaki ang iibig pa sa kanya marahil. Saan siya pupunta?
Naunawaan ko lamang ang lahat nang ipakita ang eksena na si Shaleha pa ang nagpaanak kay Mersila. Na ang institusyon ng kasal para kay Shaleha ay hindi isang hawla kung saan siya naikulong—ang kasal sa kanya ay isang espasyo para ibahagi niya ang kanyang pag-ibig at responsibilidad sa pinakamamahal niyang lalaki na katuwang sa buhay at paghahanap-buhay, isang espasyo na itatakda niya ang kanyang kalayaan bilang isang babae na may kapangyarihan sa kanyang mga desisyon at sarili, ang lunan kung saan malaya niyang sasambahin ang Allah (swt) at mapananatili ang pagpapakumbaba ng kanyang imaan. Na hindi ako mamamatay sa lungkot sa oras ng aking pag-iisa at mawala ang aking bana, kung sakaling maging shahid man ang aking bana at maiwanan sa akin ang pagtatagayod ng aking pamilya. Mahigpit na magkalingkis ang pag-ibig at katapangan sa bahaging ito ng daigdig, ayon sa pelikula na ito ni Mendoza.
Pagkatapos ng pelikula hindi kaagad kami tumayo ng aking kasama. Maraming salitang nais na pakawalan sa pagitan naming dalawa. Ganoon dapat ang Sining—hindi nito tinatapos sa aliwan ang lahat. Hindi nagtatapos sa palakpakan, sa tawanan ang relasyon ng likha at ng kanyang manonood o mambabasa. Hindi ninanais ng Sining ang pagtakas—tulad ng mga ninanais na ibahagi sa atin ng mga telenobela at mga mamerang pelikula ng mga kabit at nakakikilig na pag-iibigan ng mga magaganda at guwapong mga artista, na parang ang mga magagandang tao lamang ang may karapatan na umibig at mabigo sa pag-ibig at relasyon. Hindi pagtakas ang ninanais ng Sining, kundi paglaya.
Binasa namin ang closing credits ng pelikula. Pinasalamatan ng pelikula ang mga taong naging bahagi ng kanilang produksiyon. “Bakit magkapareho ang last name ng governor at vice-governor ng Tawi-Tawi?” ang tanong ko. Hindi sumagot ang aking kasama dahil baka namalik-mata lang ako sa aking pagbabasa. O may mga katotohanan sa labas ng pelikula, sa tunay na daigdig na kapwa naming iniiwasang pag-usapan. Tumindig na lamang kami sa aming mga kinauupuan at lumabas ng sinehan. Nakalulungkot isipin na sa paglabas para talagang kaming dalawa lamang ang nanood ng Thy Womb ni Mendoza.
“Bakit walang nanonood?” ang tanong ko sa aking kasama nang makita ko ang pila sa pelikula paglabas na pinagbibidahan ng anak ng dating pangulo ng Pilipinas. Hindi na naman siya sumagot.  At sa  pananahimik naming dalawa habang papalayo sa sinehan bigla akong nagimbal sa aking naisip na kasagutan sa sariling katanungan. Hindi, mali. Hindi dahil sa ‘bakya’ ang panlasa ng mga tao na parokyano ng taunang Festival na ito at hindi nila dinudumog ang takilya. Hindi, mali. Hindi dahil sa tila nakasasanayan na ng panlasa ng masa ang halos araw-araw at maghapon na soap operas at hahanapin na nila ang ‘teleserye’ sa lahat ng aliwan na kanilang hinahanap. Nakagigimbal na katotohanan: takot pa rin pala tayong harapin ang salamin. May mga katotohanan at naratibo na pilit pa rin nating iwinawaksi at di-malay na iniiwasan. Dito pala nanggagaling ang konsepto ng ‘asymmetric’ na relasyon. Hindi ito tapang at pagbabandera ng katapangan at paglalayon ng isang tunay na kapayapaan. Isa pala itong naratibo ng ating kaduwagan—at sa kaduwagang ito namamanhid na ang ating mga balat, ang ating mga budhi, ang ating mga kaluluwa at maging ang mga panlasa sa kung alin ang maganda sa karaniwan. Kaya sa harap ng madla, sa loob mismo ng Malacanang noong Setyembre, sa isang malakihang piging na hinahayaan natin silang hilingin sa atin ang mga bagay na marapat nang matagal na naririyan: ang hustisya, ang kanilang kasaysayan at identidad, ang kanilang mga kinabukasan, ang kanilang kalayaan. Hindi tayo nakaramdam o natinag man lamang sa hiya sa kanilang harapan, sa daigdig.
Mas lalong tumingkad ang aking pagkagimbal nang dumaong na muli sa akin ang katinuan na si Nora Aunor pala, na bagaman hindi na ang reyna ng takilya sa mahabang kasaysayan ng Festival na ito ngunit hindi mangyayaring lalangawin ng ganoon ang kanyang pelikula, ang gumanap sa Shaleha sa Thy Womb. Siya pala ang artista na gumaganap sa tauhan ni Shaleha sa kabuuan ng kuwento. Bravo.

Tuesday, August 21, 2012

Eid ul Fitr 2012

Eid ul Fitr Celebration ni Rogelio Braga. This is it!
ITO NA YATA ang isa sa pinakamagandang salubong sa akin pagbalik ko ng Maynila mula Cebu. Nang makauwi na ako ng Maynila sinigurado kong binuhay kong muli ang komunikasyon sa mga kaibigan at kapatid ko sa Young Moro Professional Networks Inc (YMPN) na naiwanan ko rito sa Maynila halos tatlong taon na ang nakalilipas. 

















Dahil nagkataon na nalalapit na ang Eid nang magdesisyon akong magbalik ng Maynila nakatanggap ako ng imbistasyon sa aking mga kaibigan - sina Ara at Nahda na makisaya sa Eid nila para sa mga bata at mag-aaral ng Liwanag ng Kapayapaan Foundation sa Fairview (ito yung foundation at eskuwelahan ng Muslim na actor na si Robin Padilla - at nakita ko siya sa personal!) 

















Labis ang aking pasasalamat at nakadalo sa piging at nabigyan din ng pagkakataon na makatulong sa pamamagitan ng pagiging accidental 'emcee' at facilitator ng children's game para mga dumalong mga mag-aaral. 

Ako bilang dakilang emcee. Para lang kaming umaarte sa entablado.
Masaya lalo na ang mga palaro ng mga bata at ang salu-salo kasama ang kapatid kong mga Muslim. Kahit masungit ang panahon at hindi mo malaman kung uulan o aaraw - nadama ko ang pananabik ng lahat ng dumalo sa piging. Marami rin akong mga bagong kaibigan na nakilala sa pananatili at sinubukan kong tumikim ng iba't ibang putahe mula sa iba't ibang ethno-linguistic group sa Mindanao (mayroon Tausug, Maguindanaoan na hindi ako nakatikim ng paborito kong pastil, Meranao, Yakan). 

Nais ko lamang ibahagi ang ilang mga larawan mula sa aming Eid: 

Si Muhammed Mustafa Samur mula sa Turkey. Bagong kakilala mula Nur Factory. 

Sabi ng kaibigan kong si Ara ito raw ang 'bersiyon' ng cake ng mga Yakan - ang 'maligey'. 

Si Nahda (nasa gitna) ay isang guro sa Liwanag ng Kapayapaan Foundation. 

Alam ko na ang tsokolate talaga ang kahinaan ko...pero napigilan ko ang aking sarili noong araw na iyon. Bigla kong na-miss ang chocolate extreme sa Dessert Factory sa Cebu.
Girl Power! 
Naubos yata ang lakas ko sa excitement sa palarong ito. Sa simula dapat itlog ang gagamitin namin pero dahil hindi kaya ng mga bata at ng kutsara ang itlog ginamit na lamang namin ang kalamansi. Dahil umuulan at iniiwasan na magkasakit ang mga bata sa loob ng masjid ginanap ang palaro. 

Okay let's test it!
At ako kasama sina teachers at yes, emcee for the children's party...si Nahiya ang emcee ng buong piging (yung unang babae sa kaliwa) at kinailangan lamang niya ng tulong mula sa amin.



Monday, August 20, 2012

Jazz Music, Poets, at Ano Na ang Nangyari sa Iyo?


NAIS KO SANANG simulan ang post na ito sa tula ng makata na si Luisa Igloria dahil ang lahat ng uri ng paglisan ay may binabaong sakit at pag-asa. Hindi mo sinusukat ang paglisan sa layo nang narating mo mula sa iyong pinanggalingan kundi sa kung gaano ka na kalapit sa iyong nais na patutunguhan:

You do not hear me, but I still ask it:
If I left, would you follow my trail,
Would you collect the bones of stories they will tell about me
And wear them as a pledge;
And most of all, oh most of all
What would you give up
For that glimpse of me
You will risk again and again to see:
A figure under broken lamplight,
The endpoints of my cape flying upward to the moon
Because finally nothing, not even magnetism,
Could withhold from us the ache,
The promise of such music.

Nitong nagdaang gabi matapos ang halos apat na taon nagkita-kita kaming muli ng mga personal kong mga kaibigan. Natutuwa ako at nakasama ko silang muli. Sa aming mga magkakaibigan, silang apat ay pawang mga seryosong makata, propesor unibersidad at ako lamang ang mandudula at nagsusulat ng fiction. 

Pero sila ang mga bestfriend ko at tunay na mga kaibigan.  

Ang pagkikitang iyong ay para sa isang kaibigan na aalis na muli bukas patungong Amerika para ipagpatuloy ang pag-aaral sa Wisconsin.  Sa gitna ang huntahan sa kape at tsaa naitanong ng aking mga kaibigan ko kung bakit bigla na lamang akong bumalik ng Maynila at nilisan ang Cebu. At alam kong wala akong maitatago sa kanila at kalkulado na nila ang aking ugali. At hayun, ikinuwento ko nga sa kanila ang nangyari sa akin. At natutuwa ako na naunawaan naman nila ako at nagpasalamat na nakabalik na ako ng Maynila - at natutuwa ako na hiniling nila na sana hindi na ako muling aalis ng Maynila. Doon ko naiisip na masuwerte pa rin ako at mayroong mga taong nagpapahalaga sa akin - maging sa aking mga limitasyon at pagkukulang. 

Mabigat ang usapan naming lima - panitikan, relasyon, kaligayahan, tula, buhay, at ang mga pinagdadaanan namin sa kasalukuyan. Na-miss ko ang ganitong mga kausap, ang ganitong mga tao na binubuksan nila ang sarili nila sa akin at malaya ko ring binubuksan ang sarili ko sa kanila. Ganito marahil ang relasyon: bubuksan mo ang sarili mo isang tao at ganoon din ang gagawin niya sa iyo - at hindi mo sasabihin sa kanya pagkatapos: bahala ka, buhay mo iyan gawin mo ang gusto mo. Hindi ganyan ang kaibigan, hindi ganyan ang relasyon. At nagpapasalamat ako at nagkaroon ako ng mga kaibigan na tao kung magdamdam, na tao kung makitungo. At inaasahan nila na naririyan ka at hindi ka tatapunan ng paghusga sa sandaling magkamali ka. Sila ang unang uunawa sa iyo, sasabihin nila ang totoo, hindi sila magtatago ng kahit na ano. Tapat sila sa iyong pagkatao, at ninanais nila na matunton mo ang ninanais mong marating. 

Matapos ang mahabang huntahan sa kape at tsaa nagtungo kami sa isang jazz bar sa Timog. At naglunoy kaming lahat sa musika - walang mga salita ang namagitan sa amin sa haba ng mga pagtatanghal ng mga banda at hinayaan namin na ang musika at magsalansan ng aming mga damdamin - ako, sa aking kalungkutan. Doon ko unang naunawaan ang rikit ng jazz bilang genre. Walang salita, walang konkreto at nakasasakal na istruktura - musika lamang, spontaneous. Damdamin, ang buhay at ang mga posibilidad. 

Nabanggit ng isa kong kaibigan na propesor sa Ateneo de Manila at isang makata nang mapansin niyang nalulungkot ako sa aking mga kuwento sa nangyari sa akin sa Cebu gayon din ang isa kong kaibigan na katatapos lamang tapusin ang isang anim na taong relasyon. Sabi niya sa amin,  hindi ang maging masaya o malungkot dahil ang lahat nang ito ay natatamasa lamang sa haba ng sandali. Ang hanapin ay ang kapanatagan ng loob.

Nais ko sana na magbalik muli sa akin ang kapanatagan ng loob, o matagpuan ko ito sa isang tao. Alam ko pa rin ang maging tao dahil alam ko pa rin kung paano ang tunay na magdamdam at maging malakas at matatag na unawain ko ang aking Sarili. 


Saturday, August 18, 2012

"A Kind of Burning": Ang Makata, Ang Kahirapan, Ang Pag-Ibig, at ang Student Writer


TULAD NG MGA kasama kong Tomasinong manunulat, o iyong mga manunulat na nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas o mga naging kasapi ng Thomasian Writers Guild mataas ang pagtingin namin kay 'Ma'am Ophie' bilang guro, kaibigan, mentor, at 'ina ng mga Tomasinong manunulat'

Hindi ko talaga naging guro si Dimalanta sa kahit na anumang kurso sa kolehiyo (dahil Agham Pampulitika ang kurso ko sa Santo Tomas) pero nabigyan ako ng maikling pagkakataon na maging guro ang dakilang makata, ang dekana. 

Ganito ang kuwento:

Kamamatay lang noon ng tatay ko at ang tanging nagtataguyod sa amin ay ang nanay ko sa pamamagitan ng maliit naming tindahan ng isda sa isang talipapa riyan sa Luzon Avenue.  Halos ibenta na ng nanay ko  ang lahat ng mga gamit namin na naipundar ng tatay ko sa mahabang taon na construction worker sa Middle East at isanla ang kanyang wedding ring para lang makabayad ng tuition ko noon sa kolehiyo, kailangan ko na kasing makatapos ng pag-aaral at makapagtrabaho para masuportahan ko ang mga nakababata kong kapatid sa pag-aaral at gampanan ang responsibilidad na iniwanan ng aking ama. 

Natatandaan ko noon, 4th year college ako. At ito ang taon na nahumaling ako sa Panitikan at pagsusulat dahil ito rin ang taon na naging kasapi ako ng Thomasian Writers Guild at naging patnugot sa Filipino ng The Flame. Ito rin ang taon na nararamdaman ko na ang pressure ng pagiging 'padre-de-pamilya' matapos ko lamang ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Malaki at mabigat ang papasanin ko matapos ko lang ang aking pag-aaral. Kailangan ko nang kumita ng pera at tumulong sa pamilya. Ito rin ang taon,  sa hindi ko maisip na kadahilanan sa ngayon, nagdesisyon akong maging isang 'manunulat'. Ang sabi ko sa sarili ko noon, matapos ko lang ang pag-aaral na ito magiging isang manunulat ako pero gagampanan ko ang responsibilidad ko sa aking pamilya.  Hindi ko pa noon ganoon kakilala ang buhay at responsibilidad, inakala ko na ganoon lang kadali ang lahat paglabas mo sa Unibersidad.

Pero paano ako magiging manunulat kung ang kurso ko ay Political Science at wala akong kurso na may kinalaman sa pagsusulat? Disiplina ang pagsusulat at kailangan mo itong pag-aralan. Nais ko noong mag-aral ng Poetry, iyong seryosong pag-aralan ang disiplina ng pagtula. Sino ba namang ayaw maging si Rio Alma, Cirilo Bautista, Ramil Gulle, Lourd de Veyra o maging si Dimalanta. Pero ang problema: paano ko ipaliliwanag sa nanay ko na kailangan kong magdagdag pa ng isa pang kurso higit pa sa mga regular ko na kurso sa aking major? Dagdag gastos na naman ito para sa aking pamilya. Pero nais kong mag-aral sana ng Poetry kay Dimalanta at maka-enrol sa klase niya. 

Si Dimalanta, kahit aristokrata sa kilos, pananalita at pananamit ay isang mabuting tao  at mananatili sa akin palagi ang isang bagay na nagawa niya sa akin at sa aking pamilya bagaman may mga pagkakataon noon sa kolehiyo na may hindi kami pagkakaunawaan sa ilang bagay na may kinalaman din sa pagsusulat. 

Ang hindi alam ng nakararami mayroon kaming isang lihim ni Dimalanta. 

Gamit ang malaking Olympia typewriter na binili pa ng tatay ko noon sa kasama niyang construction worker (construction worker ang tatay ko noong nabubuhay pa siya) lumiham ako kay Dimalanta. Ipinaliwanag ko sa liham ang sitwasyon ng aking pamilya at ang pagnanais kong makapag-aral ng Tula at maging isang makata pero hindi na kayang tustusan pa ng aking pamilya ang dagdag na kurso lalo na't wala naman itong kinalaman sa aking major. Iniabot ko sa sikretarya niya ang liham, nilunok ko ang lahat ng pride at nalalabing hiya sa katawan at umasa na hindi aaprubahan ng dekana at makata ang hiling ng isang hindi-naman-literature-major na tulad ko at nagsusulat pa sa Filipino (sa Ingles lamang nagsusulat si Dimalanta.)  Hilining ko kasi sa makata na makapasok sa klase niya ng libre sa buong semester. Pakapalan na lang ito ng mukha, kapit sa patalim ika nga nila sa Tagalog. 

Dalawang araw din akong hindi makatulog at iniiwasan na balikan ang Dean's Office kung 'approve' o 'disapprove' ba ni Dimalanta ang hiling ko. Pero naglakas-loob akong kunin ang liham sa ikatlong araw. At nang iniabot sa akin ang liham - halos maiyak ako sa tuwa, sa ibabaw ng mga letra na tinipa pa sa typewriter ang isang malaking "OK" at ang pirma ng Dekana. 

Iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam ako ng suporta mula sa isang tao, sa isang 'malaking tao' ng Panitikan ng Pilipinas para sa aking pagsusulat.  Doon ko nakita na sa kahit na anong sitwasyon naroroon ang iyong buhay, kahirapan halimbawa o gampanan ang responsibilidad sa pamilya, hindi ito sapat para itigil ang pagsusulat, ang mangarap. 

At sa mga panahong ito ng aking buhay na tila nasusubok ang pagtitiwala ko sa kabutihan ng mga tao at sa intensiyon ng mga taong nagnanais na maging bahagi ng aking buhay, nais kong balikan si Dimalanta - ang guro, ang Makata, ang ina na minsan hindi ako tinalikuran nang humiling ako ng pag-ibig, pagkalinga, at pag-unawa. 

Mayroon pang mabubuting tao. Hindi kailangang maging mapait ang lasa ng buhay. 

Kaya ngayon, sa mga panahong ito ng aking buhay na malapit na akong mawalan ng tiwala sa kabutihan ng mga taong nagnanais na maging bahagi ng aking buhay, sa mga saliwang intensiyon ng mga tao sa akin - nais kong balikan si Dimalanta, ang bahaging iyon ng aking buhay, sa aking kabataan. At noong mga panahong iyon ng aking kabataan na naglulunoy din ako sa lungkot, kahirapan sa buhay, sa dalamhati at pag-iisa palagi kong ibinibigkas sa aking sarili ang tulang ito ni Dimalanta. Ngayon, sa edad kong ito, natatawa ako't binibigkas ko pa rin ang tulang ito ni Dimalanta na tila dasal - dasal sa sarili at sa kaligtasan ng pananampalataya sa relasyon at pag-ibig. 

A Kind of Burning
Ophelia Alcantara-Dimalanta


it is perhaps because
one way or the other
we keep this distance
closeness will tug as apart
in many directions
in absolute din
how we love the same
trivial pursuits and
insignificant gewgaws
spoken or inert
claw at the same straws
pore over the same jigsaws
trying to make heads or tails
you take the edges
i take the center
keeping fancy guard
loving beyond what is there
you sling at the stars
i bedeck the weeds
straining in song or
profanities towards some
fabled meeting apart
from what dreams read
and suns dismantle
we have been all the hapless
lovers in this wayward world
in almost all kinds of ways
except we never really meet
but for this kind of burning.

(Abangan sa aking blog ang isang sanaysay sa naisulat ko bilang pag-alaala kay Dimalanta. Nasa Compostela, Cebu pa ako noon naninirahan nang makarating sa akin ang balita ng pagpanaw ng guro. Sa Compostela naisulat ang unang burador ng sanaysay na ipababasa ko muna sa mga kasama at kaibigan kong manunulat sa dating mga kasapi rin ng Thomasian Writers Guild bago ko ilathala sa aking blog. RB)

Thursday, August 16, 2012

Paglisan.


ANG TOTOO ISANG napakagandang karanasan para sa akin ang sumakay ng barko pauwi ng Maynila noong Martes. 

Ito iyong magdamag na kumbersasyon sa dagat at sa isang matandang Meranao na nakipagpalitan sa akin ng ilang stick ng yosi at kuwentuhan sa buong magdamag hanggang sa mag-sahur (at muntik pa naming makalimutan na fasting na pala nang maglunoy kami sa kuwentuhan sa Jabidah Massacre nang mapadaan ang barko sa Corregidor at naabutan na kami ng araw sa deck ng barko.) 

Lunes nang magdesisyon akong lisanin ang Cebu at magbalik na lamang sa Maynila sa piling ng aking pamilya at mga kaibigan. Mabilisang desisyon ni hindi ko kailangang magpaliwanag sa maraming tao. Lumilisan ako 'pag malungkot ako. Lumilisan ako kapag masyadong masakit ang isang karanasan sa isang lugar. Minsan, lumilisan ako upang mapanatili ang isang alaala at kipkipin papalayo sa aking sulok.  

Kinausap ko ang dagat sa haba at bagot ng biyahe:

May mga malulupit kasing mga tao: gusto nila sila lamang ang inuunawa. Ang tunay na kaibigan hindi ka iiwanan sa mga oras na hihilingin mo ang tulong, hihilingin mo ang kausap, ang manatili. Ang tunay na kaibigan tatanggapin ka kung ano ka man at pilit kang uunawain kung ano ka man at tatanggapin ang mga kahinaan mo at mga pagkukulang. 

Pasensiya kung hindi ako sapat. Pasensiya kung nasabi ko na hindi kita puwedeng maging kaibigan, at mananatili iyon. Ni hindi mo tinanong kung saan ako nanggagaling. 

Ni hindi mo tinanong kung ano ang nakaraan ko, bakit ako ganito. Bakit mas pinipili ko ang mag-isa sa malayong lugar. Kung bakit hindi ako nagpapahawak nang walang paalam. Kung bakit pinipili ko ang mga taong sinasamahan ko. Habang naroroon ako sa tabi mo, sa harap mo at pinakikinggan ang lahat ng kuwento mo sa buhay mo -- ang totoo, hinihintay ko na tanungin mo ako: saan ka nanggaling? 

Tao ako. Hawakan mo ako. Hindi ako bagay; hindi ako konsepto. Hindi kita puwedeng maging kaibigan, ang sabi ko sa iyo noon. Ako ang lilisan. 

Halos sa buong magdamag naroroon lang ako sa deck ng barko at hinahayaan kong hampasin ako ng hangin at paminsan-minsan nakikipaghuntahan sa isang matandang Meranao na nakilala ko sa biyahe, nandu'n lang kami, nag-uusap minsan walang mga salita ang namamagitan sa amin maliban sa tahimik na hithit-buga ng sigarilyo sa pagitan ng aming mga labi. 

At namalayan ko na lamang nandito na ako sa Maynila. Dito, malaya ako at maligaya. Dito, maraming kaibigan at ibibigay nila sa iyo ng pag-ibig nang hindi mo nililimos na para kang aba. Dito, ang relasyon ay para sa tao at tinatanggap at itinatakwil kang tao. Dito, dito ako nanggaling. At palaging dito ako manggagaling. At masaya ako at buong-buo at walang napilas sa aking kaluluwa dahil alam ko at hindi ko itinatakwil ang aking pinanggalingan, ang kartograpiya ng aking pagkatao - iyong uri ng pagtatakwil na ni hindi mo na makikilala ang iyong sarili na malapit ko nang magawa sana sa aking sarili nang dahil sa iyo...kaya ako na lamang ang lilisan. 

Sayang, ito ang unang salita sa damdamin ng pangungusap at diskurso ng panghihinayang. Sayang at muntik na kitang naging mabuting kaibigan. Ngunit ang lahat ng pangungusap ay nagtatapos sa isang tuldok: At ako na lamang ang lilisan.

Tao pa rin akong maituturing. At tao pa rin akong makikibagay at makikitungo sa ibang tao. Salamat. Alhamdulillah.  

Tuesday, July 24, 2012

Talambuhay ni Rogelio Braga Bilang Requirement sa Klase

NAKATUTUWANG ISIPIN NA may mga mag-aaral na nagpapadala sa akin ng email o nag-iiwan ng mga mensahe sa blog na ito at humihingi ng 'talambuhay' ko bilang manunulat para sa kanilang proyekto sa klase. Tila itinuturo ng mga guro (sa kolehiyo o sa high school?) ang aking akda at kinakailangan na makilala ng mga mag-aaral ang manunulat.

Ganito rin ang gawain ko noong nasa high school pa ako at sa kolehiyo kung nagbabasa ako ng mga aklat at nobela. Kahit ngayon pagkatapos kong basahin ang isang nobela hinahanap ko kaagad ang 'talambuhay' ng nobelista. Hindi ko alam, hindi naman siya requirement pero nakakikiliti ng isip na malaman ang buhay ng manunulat na lumikha ng akda. Minsan hinahanap ko ang 'pagkakatulad' ng pangyayari sa buhay nila sa mga sinusulat ng mga nobelista.

Hindi ko alam kung paano sasagutin ang mga 'request' dahil tila nagtatalo ang aking isip at hiya sa sarili na magbigay sa kanila ng mga accomplishment ko sa pagsusulat o bilang isang mandudula. Hindi ko ugali ang mag-enumerate ng mga trabaho ko at nagawa ko sa isang larangan maliban na lamang kung nasa isang 'job interview' ako at gusto ko talagang makuha ang trabaho. Ang 'weird' din ng konsepto ng 'talambuhay': sa wari ko'y nagtapos ang buhay ko at pagsusulat sa isang panahon. Parang nililingon ko pabalik ang aking buhay at ang mga trabaho ko. Hindi ko ito gusto. 

Pero nais ko ring mapadali ang buhay ng mga mag-aaral na ito na puwede naman kasi silang gumamit ng google at hanapin sa internet ang mga detalye ng mga trabaho ko bilang isang mandudula at mangangatha. Pero naitanong ko rin sa sarili ko na gaano na nga ba karami ang nalikha kong mga akda at bakit wala pa ring makalikha o makasulat ng talambuhay ko? Hindi pa ba sapat ang mga akda ko na mga dula at kuwento bilang talambuhay ni 'Rogelio Braga ang malungkot at nag-iisang namumuhay sa Cebu na mandudula at mangangatha'?     

Ngayon iniisip ko na may 'halaga' pala sa ibang tao lalo na sa mga mag-aaral at mga guro ang mga sinusulat ko. 

Tinanong kong muli ang aking sarili, paulit-paulit, kung ginagawa ko nga ba sa kasalukuyan ang dapat kong gawin sa aking buhay. Kung ginugugol ko nga ba ang mga oras ko sa isang gawain na mas makatutulong sa ibang tao, sa aking sarili at sa pagpapadayon ng Sining at Panitikan, ng paglikha: ang pagsusulat, ang pagiging isang mandudula at lumikha ng mga kuwento para sa entablado, ang lumikha ng mga kuwento. Pero, muli, palagi kong sinasabi sa aking sarili at sa isang kaibigang manunulat na nagtatanong sa akin kung bakit ako naglulunoy sa mga gawain sa kung nasasaan man ako ngayon: nabubuhay ako sa daigdig, nakikisalamuha ako sa mga tao kahit nahihirapan akong makitungo sa ilan, at nakakadaupang-palad ko ang sarikulay na mga buhay. Pero, siguro, ngayon parang mali na ako. Natakot ako bigla paano nga kaya kung sakaling mayroon nang konkretong talambuhay ni Rogelio Braga - paano kaya ako lilingunin at huhusgahan ng mga babasa? 

Saturday, July 21, 2012

Colon: Isang Nobela


MATAGAL AKONG NAWALA sa blog na ito. Sa halos tatlong taon na pagkawala, para sa lahat ng nagtatanong kung ano na nga ba ang nangyari sa akin sa panahon na ito, nais kong ibahagi na nakasulat ako ng isang nobela. Itinuturing ko na ang Colon ang 'ikalawa' kong nobela (ang 'unang' nobela ay tinatapos ko hanggang sa ngayon, ang Urbanidad, na sinimulan kong isulat sa Maynila noong 2007 at nailathala na ang bersiyon na maikling kuwento sa Journal ng Cultural Center of the Philippines noong 2005.)

Nitong Mayo lang nakatanggap ako ng paanyaya mula sa nobelista at makata na si Edgar Calabia Samar ng Ateneo de Manila University na ilathala sa Tapat Journal ang Colon sa darating na Disyembre. Lubos kong ikinatuwa ang balita mula sa kaibigang manunulat dahil marami-rami na rin ang nagtatanong sa akin kung kailan ba nila mababasa nang buo ang nobela.

At dahil Ramadan ngayon at naka-on ang 'generous mode' nais kong ibahagi ang isang kabanata ng Colon. 'Pagsilip' lamang ito sa buong nobela at inaasahan ko na babasahin mo pa rin ang buong aklat paglabas nito sa Disyembre.

Sa bahaging ito ng nobela isinasalaysay ni Blesilda ang huntahan nila ni Lolo Cali (na isang matandang Meranao at dating guro) habang nagsasaya ang buong siyudad ng Cebu sa Sinulog Festival. Sa bahaging ito ng nobela nabanggit ni Blesilda sa matanda na 'hinahabol' siya ng mga Ilaga na siya namang ikinatawa ng matanda dahil ang Ilaga ay isa na lamang alaala sa kanya at bahagi ng kanyang kabataan, isang kasaysayan. Ang kuwento ng matanda tungkol sa kanyang karanasan ay mahalagang bahagi ng paghahanap ni Blesilda sa mga kasagutan sa kamatayan ng matalik niyang kaibigan at sa paghahanap niya sa sarili niyang pagkatao.

Basa lang mga kaibigan.




KABANATA 10 (excerpt)

Madilim na ang langit nang makarating na kami sa tapat ng inuupahan kong kuwarto. Unti-unti nang nalalagas ang mga tao sa Colon. Naririnig pa rin sa malayo ang ingay ng mga tambol at silbato. Ganoon din ang mga palakpak at hiyawan ng mga tao. Nang dumating kami ni Aldo sa harap ng paupahan naroroon pa rin ang matanda at nakaupo sa tapat ng kanyang mga paninda; tumitingkad sa ilalim ng liwanag ng dilaw na bumbilya ang puti niyang kopiya. Taimtim na nagbabasa ang matanda at may suot na itong makapal na salamin.

Assalamu alaykum,” ang nakangiting bati ni Aldo sa matanda.

Wa alaykum sala’am,” ang sagot ng matanda. “Islam ka?”

“Ay! Hindi. Filipino.”

Ngumiti lang ang matanda at nagpatuloy sa pagbabasa.

Nagpaalam ako kay Aldo at nagdesisyon kaming magkita sa ikatlong araw para kausapin ang propesor sa San Carlos. Walang pasok ang mga paaralan at establishemento kinabukasan na palaging idinedeklara ng Cebu City bilang araw ng pahinga pagkatapos ng Sinulog.

“Lady, lumapit ka nga rito sa tabi ko,” ang tawag sa akin ng matanda. “Dito sa tabi ko…”

Naupo ako sa tabi ng matanda. Napansin ko na nagbabasa siya ng nobela. A Passage to India ni E.M. Forster.

“Ano nga ba ang pangalan mo, Lady?” Kapansin-pansin ang kakaibang punto sa pagsasalita ng matanda.

“Blesilda Canugan po,” ang sagot ko. Natutuwa ako sa eksena. Hindi ako nagkaroon ng lolo o lola sa aking buhay kaya isang pambihirang karanasan ang makatabi ko at makipag-usap sa isang matanda. Naisip ko tuloy kung ano kaya ang hitsura ng mga tunay kong lolo at lola, na mga magulang ng mga tunay kong mga magulang.

“Kanina tinanong mo ako kung alam ko ba ang Ilaga di ba?”

“Opo. May hinahanap ho kasi ako—at nu’ng kasama ko na naghatid sa akin dito—mga Ilaga.”

Natawa ang matanda. Malakas na tawa na sinundan ng mga mararahas na pag-ubo. Hinaplos ko ang likod niya. Iyon ang unang pagkakataon na hinawakan at hinaplos ko ang likod ng isang tao na hindi ko man lang kilala at ninanais kong gumaling siya sa karamdaman. Minsan kailangan mong magtiwala sa sarili mong mga kilos, ito marahil ang kapangyarihan ng mga ina sa kanilang mga anak na may karamdaman, naniniwala sila na kaya nilang pagalingin ang karamdaman ng anak sa pamamagitan ng mga haplos. Naniniwala sila na kayang patulugin ang nag-aalburutong bata sa pamamagitan ng mga mahihinang pagtapik sa hita. Nang magtigil ang pag-ubo ng matanda nagpatuloy ito sa pagsasalita.

“Alam mo, Blesilda, teacher ako noon sa amin. I was a high school English teacher. Sa amin, sa Wao. Hindi mo alam ang lugar na iyon basta malayo…hindi mo alam dahil sa tingin ko sa iyo isa kang Tagalog na hindi nakalabas ng Maynila. Ganyan ang mga Tagalog, Blesilda, du’n sa Maynila. Hindi sila lumalabas ng Maynila pero kaya nilang patakbuhin ang buong Pilipinas.”

Nagsasalita ang matanda na para bang wala siyang kausap. Ni hindi siya tumitingin sa akin. Sa wari ko’y matagal na niyang pinaghandaan ang kanyang mga sasabihin naghihintay lang siya ng saktong tao at pagkakataon na ilalahad niya ang mga kinikimkim na mga salita. Natutuwa pa rin ako sa kanya.

“Umalis ako sa amin sa Marawi dahil ipinagkasundo ako ng mga magulang ko sa isang pangit na babae sa Malabang. Ayaw ko talaga sa babae. Dahil matigas ang ulo ko at siyempre pinag-aral ‘ata ito sa UP tumakas ako at tumira sa tiya ko sa Wao. Teka, alam mo ba ang UP?”

Oo, naman, ang sagot ko sa matanda. University of the Philippines. Naisip ko na hindi basta-bastang tindero ang matandang ito.

“Iskolar ako noon sa UP, 1959. I am one of those first Moro students that were given a scholarship under the National Integration Commission,” may pagmamalaking deklarasyon ng matanda. “Gusto kasi ng gubyerno ninyo na tuluyan nang maging bahagi ng Pilipinas kaming mga Moro. Of course I applied—I want to be brainwashed by the Filipino Christian government,” at napangiti ang matanda at kumindat pa sa akin.

Sana nagkaroon ako ng mga lolo at lola na magkukuwento sa akin ng mga pangyayari noong unang panahon.

“Matagal akong nagturo sa Wao. Halo-halo ang mga estudiyante ko. Meranao at mga Christian. Mayroon akong isang paboritong estudiyante. Meranao. Alam mo kaming mga teacher mayroon din kaming mga paboritong estudiyante hindi lang namin inaamin. Akbar ang pangalan niya—anak ng magsasaka at unang anak na lalaki ng kanyang ama. Taga-Wao. Matalino si Akbar, aba’y magaling mag-English, marunong sumagot sa klase—articulate, masipag sa mga assignment, at hindi nala-late sa klase ko,” ginawa ulit ng matanda na isa-isa niyang itinataas ang mga daliri niya sa paglalahad ng mga ‘kagalingan’ ng kanyang paboritong estudiyante.

Nagpatuloy ang matanda at inilapag na niya ang aklat ni Forster sa lupa. Paalis na ang laksang tao sa Colon at tila patungo silang lahat sa Abellana Sports Complex para sa fire works display. Unti-uni na ring dumaraan ang mga sasakyan dahil binuksan na sa trapiko ang bahaging ito ng Colon. Dalawang tartanilla na ang nakita kong dumaan.

“Minsan pinatatawag ko sa bahay si Akbar; doon siya nagme-merienda sa amin sa bahay ng tiya ko. Pinapahiram ko rin siya ng books ko na galing pa sa Maynila, mga luma at gamit nang mga libro na nabibili ko noon sa isang Intsik diyan sa Binondo—Forster, Dickens, Tolstoy, name it marami akong books. Nakahiligan ni Akbar noon ang Heart of Darkness ni Conrad. Sa mga pagdalaw ni Akbar sa bahay napansin ng tiya ko at napansin ko rin na hindi nagsa-sambahayang si Akbar.”

Ipinaliwanag niya sa akin na kinakailangang magdasal limang beses sa isang araw ang isang Muslim; kailangan itinitindig niya ang sambayahang araw-araw, walang palya.

“Kaya isang araw, kinausap ko si Akbar, nag-usap kami sa salita naming Muslim, Meranao: ‘Ikaw, Akbar, puwede kang mag-aral sa Maynila kasama ng mga Filipino. Matalino at madali kang matutong mag-English. Kaya kitang bigyan ng rekomendasyon sa UP. Pero gusto kong makita na itinitindig mo ang sambahayang araw-araw.’ Hindi sumagot si Akbar. Sabi ko kanya, ‘Ilagay mo sa tamang lugar ang maratabat, Akbar—sa loob ng masjid.’ Nagpasalamat sa akin si Akbar at nangakong magtutungo sa masjid para hintayin ang susunod na sambayahang.”

Sa bahaging ito panandaliang natahimik ang matanda. Malalim ang kanyang iniisip na parang hinuhugot niya pa sa pinakamalalim na bahagi ng kanyang alaala ang mga susunod na mga salita. Doon ko naunawaan na minsan tumatakas sa pagdadalamhati ang mga salita, gaano mo man pinahahalagahan ang mga salitang ito, mga salitang siya ring naghahatid sa iyo pabalik ng mga alaala. Maraming pamamaraan ang pagdadalamhati na bawiin sa atin ang mga bagay na matagal na nating itinuturing na ating pag-aari.


“Pinasabog ng granada ang masjid habang naroroon sa loob si Akbar kasama ng mga Muslim na nagdarasal. Marami silang namatay—pinatay— sa loob ng masjid. Sayang si Akbar, Blesilda. Naghihintay pa naman ang UP sa kanya. Naaalala ko ang araw na iyon, that was July.”

Binibilang ko ang dumaraang tartanilla sa aming harapan. Manipis na ang ingay, hiyawan at mabibilis na musika mula sa malayong Abellana Sports Complex. Nakapako ang tingin ng matanda sa lupa at ibinaling ko ang aking mga mata sa langit na gumuguhit ang sarikulay na mga paputok at kuwitis. Kay ganda ng langit ng Cebu.

“Matapos iyon sinunog ang mga bahay—sa katahimikan ng madaling-araw kung sumusugod sila. Nagdesisyong ang tiyahin ko na umalis na lang ng Wao at sinabi niya na tumakas na lang kami pabalik ng Marawi. Dali-dali kaming umalis ng bahay at ipinaiwan ng tiyahin ko ang mga libro ko na galing sa Maynila. Tumanggi ako noon na ipawian ang mga libro ko at nais ko sanang dalhin ito pabalik sa Marawi. Tumanggi ang tiya ko, hindi raw puwedeng maraming dala sa pagbiyahe. Nakarating na lang sa amin sa Marawi na sinunog din nila ang bahay ng tiyahin ko, kasama ng mga libro ko na binabasa namin ni Akbar. Makalipas ang isang buwan, hindi pa rin natapos, marami na naman silang pinatay na Muslim sa Wao. Hindi na tayo babalik ng Wao, ang sabi sa akin tiyahin ko, at sundin mo na ang napagkasunduan sa karangaya—sa ikabubuti rin ng iyong mga angkan bago nila maubos tayong lahat.”

Gumuhit sa langit ang isang mahabang dilaw na kuwitis. Nang sumabog ito sa langit libo-libong maliliit na ilaw—bughaw, dilaw, at asul ang nagkulay sa nakababagot na dilim sa himpapawid. Sinigurado kong may sapat na layo sa pagitan naming dalawa ng matanda. Naisip ko nais niyang mapanatili ang pagitang iyon; ninanais ko sanang ipatong ang isang kamay ko sa balikat niya o yakapin siya kahit hindi pa ako nakayayakap ng isang taong hindi ko naman kilala. Pero kailangan mapanatili ang espasyong iyon sa pagitan naming dalawa. Sa palagay ko, iyon na lang kasi ang nalalabi pa sa kanya.

“Tinanong mo ako kanina kung kilala ko ang mga Ilaga. Kilala ko sila, sa haba ng buhay na inilagi ko sa mundo, kilalang-kilala ko sila…mga Filipino sila.”