Tuesday, November 25, 2008

Bailan at ang Musika na Malimit Nang Marinig

HONESTLY AYAW KO talaga sa cultural shows. Naaantok ako minsan sa mga sayaw-sayaw at sa panonood ng nagsasayaw sa entablado at hindi naman ako kasama sa sayawan. Nababagot ako sa panonood ng mga magagarang damit ng mga katutubo na dine-display sa harap ko ng mga hindi naman mga katutubo. Gusto ko susuotin ko ang damit, sasayawan ko ang mga sayaw, kakanta ako kasabay ng kumakanta, at suot-suot ko rin ang mga abubot. 'Interaksiyon' kasi sa akin ang panonood (lalo na ng dula!) at natanggap ko na hindi ako passive na audience.

"Hindi ako mahilig sa mga cultural shows," ito ang bungad ko noon kay Bing Veloso at pangunahan na rin siya ng babala na layuan mo ako sa mga ganyang eksena. Ilang taon ding nanatili sa kabundukan si Bing ng Norte para sa kanyang development works. Naalala ko noon na nagtutungo roon si Bing at malimit na naming makasama sa Writers Pool dahil umaalis siya ng Maynila para tuparin ang kanyang mga gawain sa Norte. Medyo nahiya pa ako sa kanya noon nang sabihin ko sa kanya na nagtatrabaho ako sa isang NGO at siya naman ay may sariling mga gawain sa mga komunidad (at wala siyang suweldong malaki noon).

Huli nang malaman ko na ito palang si Bing ay isang rocker at hindi lang basta rocker isa siya at ang mga kasama niyang rockers sa Bailan na may pagmamahal at pag-unawa sa kultura ng iba. Marami na akong nakitang ganito at napakinggan na musika at cultural shows na ganito. Ang iba sa kanila malaki pang pondo ang nahaharbat sa gubyerno, nakakapunta sa iba't ibang bansa para magpakitang-gilas sa mga mamamayan ng mayayamang bansa at sabihin "hello, ganda namin di ba?" habang ang mga mamamayan sa sarili nilang bayan at komunidad ay nakikinig kay Britney Spears. Nabo-bore din marahil sila sa mga cultural shows.

Ang isang bagay, malaking bagay, na natutunan ko sa Bailan at sa kanilang mga gawain at awitin ay ang lagyan ng puso ang mga kultural na kalinangan. Hindi ito usapin ng pera. Hindi ito usapin ng kasikatan. Hindi ito usapin ng makakakuha ka ng pera sa gubyerno at ng local government units at makapagpalabas sa iba't ibang bansa hanggang sa maging spokesperson ka na at ng iyong Sining ng mga nasa kapangyarihan. Usapin ito ng buhay, ninuno, dinamikong interaksiyon ng Sarili sa Sining at kultura ng kalinangan ng mga tao at kasaysayan na hindi pamilyar sa iyo. Itinuro sa akin ng Bailan at ng kanilang awitin ang paghahanap ng Sarili sa kultural na kalinangan ng mga tao at kasaysayan na hindi pamilyar sa akin.

Sa Bailan ko unang narining ang isyu ng mining sa mga kabundukan ng Norte, ang Kalinga, si Waway Saway at ang Talaandig sa Lantapan, Bukidnon. Kung tutuusin, ang Bailan ang nagpakilala sa akin ng mga Lumad sa Mindanao. Sabi sa akin noon ni JP Hernandez na kapag nakarating ka ng Malaybalay hanapin mo si Waway Saway. Malapit lang daw ang bahay niya nasa gilid ng kalsada. At nang subukin naming puntahan ang tahanan ni Waway Saway sa paanan pala ito ng Mt. Kitanglad, ilang oras ang layo mula sa Malaybalay. Buwisit na buwisit ako noon kay JP Hernandez. Isa pala iyong hamon sa akin na maging siya ay hindi malay. Ngunit doon ko nadalaw ang tahanan ni Waway Saway, ang kanyang musika, ang daigdig ayon sa mga mangangathang Talaandig, ang Sining nina Soliman Poonan at Balugtu (hanggang sa ngayon pangarap ko pa rin ang mag may-ari man lang kahit ng isa sa kanilang mga likha.) Wala akong madala kay JP Hernandez pagbalik ko sa Maynila kundi ang pasasalamat.

Ang Bailan ay hindi cultural show para sa akin. Isa itong Sining at ang kanilang mga awitin ay isang paghahanap ng Sarili sa daigdig ng samu't saring kultura, perspektibo, kalinangan at kasaysayan. Hindi ako nababagot.

Kaya noong Ramadan Fair ng Young Moro Professionals Network iminungkahi ko na imbitahan ang Bailan sa aktibidad. Para tumugtog at makihalubilo sa napakasayang piging ng mga Muslim at Moro. Hindi nag-atubili ang Bailan at natutuwa ako na naging makahulugan pala sa kanila ang pagtugtog sa harap ng mga Moro, ang makasali sa aming Ramadan.

Noong sinimulan kong isulat ang burador ng isa sa aking dula inuna kong tapusin ang kanta na bahagi ng dula. Sabi ko sa sarili ko na sana awitin man lang ng Bailan ang sinulat kong awit o makapasa sa kanilang standard (sinusulat mismo ng Bailan ang kanilang mga awitin.) Ibinigay ko kay Bing ang sipi ng awit at talaga namang nahirapan daw silang lapatan ito ng musika. Natutuwa naman ako sa sarili ko at naipaliwanag ko nang maayos kay Bing kung ano ang awit na ito at bakit ko ito sinulat.

Ngayong gabi
Ibabaon natin
Nang walang pagdadalamhati
Ang kamatayan ng maratabat
Sa pusod ng Lawa.

Walang luha, walang pagpalahaw,
Walang pagpapatawad, walang panghihinayang.
Napigtal na ang pisi
Na magbibigkis sa ating dalawa.

Ngayong gabi
Nakabihis ng dilaw at pula
Ang ‘sang libong mga tonong
Na nakangiti sa aking pag-iisa.
Sa kamatayan ng ‘yong maratabat
Nakatiklop ang mga kamao ni Bantugen—
Kailangan na ng paglimot.

Walang luha, walang pagpalahaw,
Walang pagpapatawad, walang panghihinayang.
Nagliliyab na torogan
Ang dambana ng kalungkutan ko
Sa kamatayan ng ‘yong maratabat.

Di ko pagtataksilan ang sarili…
Kipkip ang pangalan
Ng mga ninuno sa paglalakbay.
Nakatudla ang mga mata
Sa daan ‘tungo sa kalayaan.
Di ko pagtataksilan ang sarili…

Walang luha, walang pagpalahaw,
Walang pagpapatawad, walang panghihinayang.
Kamatayan ng ‘yong maratabat
Ang katapusan ng aking pag-ibig.

Alam ko na ang aking nais.
Nagbitak na lupa itong pag-ibig.
Isang Meranao na sasalok sa Lawa
Ng maratabat ang magliligtas
Sa akin.

‘Sang libong pag-ibig…
‘Sang libong pagkalinga…
‘Sang libong paggalang…
‘Sang libong pagtitiwala
Ni walang rusing ng pagdududa…
Isang libong magagandang mga salita
Lahat pinatay ng isang alaala…

So sanggibo a ranon
Na piyatay o satiman a tadman…

So sanggibo a ranon
Na piyatay o satiman a tadman…

Ngayong gabi
Nakabihis ng dilaw at pula
Ang aking pagdadalamhati.
Ibabaon natin sa pusod ng Lawa
Ang kamatayan ng ‘yong maratabat.

-"Tagulaylay sa Kamatayan ng Iyong Maratabat" (mula sa aking dula So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman)

Natutuwa ako dahil napanood ko ang unang pagkakataon na inawit ito ng Bailan sa isang gig nila sa Magnet sa Katipunan para i-promote ang fundraiser sa Cultural Center of the Philippines. Tumugtog din ang Bailan sa fundraiser (kasama ng Syalam).

Malugod na ibinalita sa akin ni Bing na nakagawa rin ang Bailan ng awitin, sa inspirasyon ng pagdalo nila sa Ramadan Fair.

O, tug na kaw.
O, anak, kalasahan, tug na kaw.
Hi ama dumatong na.
Nagtagumpay ating digma.
Punla ng dugo ng madaming ninuno
Ay nabawi na.
Inlugay ta nagtagad, inlugay.
Nangambang siya'y di makikitang buhay.
Subalit, mabait si Allah.
Bismillah, Bismillah.
Madami na akong pinapangarap.
Insha Allah, lahat matutupad
O, anak, kalasahan, tug na kaw.
O, anak, tug na kaw.


- "Tug na Kaw"

Nakalulungkot lang isipin na para mapakinggan ang Bailan ay kailangan mo pang dumalo sa kanilang mga gig. Minsan nahihirapan kasi akong pumunta sa mga bar dahil sa usok mula sa mga sigarilyo, sa ingay, sa mga lasing. Sasadyain mo talaga ang kanilang performance. Sana magkaroon man lang sila ng CD na madadala ng mga tao ang kanilang musika saan man. Anupaman, masaya ang daigdig dahil may mga musika pa rin at perspektibo na hindi nabibili ng pera pero mayaman sa kaluluwa.

No comments:

Post a Comment