SINISIMULAN KO NANG ayusin ang unang burador ng dula kong So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman (inawit na nga ng Bailan ang kanta mula sa dula noong produksiyon sa CCP ilang linggo na ang nakararaan) para sa 2009 Virgin Labfest. Binalikan kong muli ang mga notes ko at researches para sa dula. Itinigil ko ang pagbabasa ng aking mga nakalap na riserts ilang buwan na ang nakararaan dahil hindi ako nakakatulog sa gabi sa mga imahen na nananatili sa isip ko.
Pero kailangan nang simulan ang trabaho para sa nabinbing proyekto.
At binalikan kong muli ang mga nakalap kong detalye tungkol sa Tacub Incident. Horror na naman ito. Pero kailangan nang gawin at kailangan nang balikan.
Sa darating na 22 ng Nobyembre, 37 taon na ang nakalilipas nang maganap ang nasabing massacre. Karumal-dumal. Sino ang humingi ng tawad? Sino ang nagbilang ng mga bangkay na nakasalampak ang mukha sa lupa? Ang pinakamasakit sa lahat, hindi ito itinuro sa akin, hindi ko ito nabasa sa aking mga aklat sa eskuwelahan. Kaya lagi kong sinasagot sa aking mga kaibigan na palagi akong tinatanong kung paano ko nga ba nasusulat ang iba kong mga dula at saan ba nahuhugot ang mga ganoong detalye at kuwento, ang palagi kong sagot: "Matuto tayong makinig sa mga Moro kapag sila ang nagsasalita." Dahil maraming inilihim sa atin ang bayang ito. Marami. At patuloy na itinatago ang mga katotohanang ito sa ating mga Filipino lalo na sa ibang bahagi ng Pilipinas.
Ikaw, na nagawi sa aking blog. Ikaw, na nagbabasa. Ikaw, na alagad ng Sining. Lalo na kung ikaw na Filipino at tulad kong lumaki sa Maynila - sa darating na 22 ng Nobyembre, ilang araw mula ngayon - mag-alay tayo ng isang katahimikan para magdasal sa mga naging biktima at sa kanilang pamilya ng karumal-dumal na pangyayaring ito sa Lanao del Norte o kaya manahimik nang sandali at lakbayin ang pinakamalalim na bahagi ng ating loob upang ukilkilin ang ating kosensiya: Bakit ito nangyayari sa ating lipunan? Bakit natin hinahayaang mangyari ito sa mga Moro, sa ating mga sarili bilang Filipino? Bakit natin hinahayaang dungisan ng dugo ang pagmamahal nating mga Filipino sa kalayaan at pakikipag-kapwa tao?
Hindi malayo ang Lanao. Malapit ang Mindanao sa ating mga puso. Hindi naman siguro nangungusap ng ibang wika ang mga Moro at napaka-hirap sa ating maarok ang lalim ng mga impit na mga panaghoy.
Sa darating na 22 ng Nobyembre, sa pagitan ng ating mga huntahan, biruan, sa ating hapag, sa opisina - pag-usapan natin ang Tacub. Walang takot, walang paumanhin, walang pagpipigil, malayang-malaya. Walang boses na patatahimikin. Maraming itinagong lihim sa atin ang bayang ito.
At dito nagsisimula marahil ang malayang pag-iisip.
Basahin ng Tacub Incident mula isang blog.
No comments:
Post a Comment