Tuesday, November 25, 2008

Bailan at ang Musika na Malimit Nang Marinig

HONESTLY AYAW KO talaga sa cultural shows. Naaantok ako minsan sa mga sayaw-sayaw at sa panonood ng nagsasayaw sa entablado at hindi naman ako kasama sa sayawan. Nababagot ako sa panonood ng mga magagarang damit ng mga katutubo na dine-display sa harap ko ng mga hindi naman mga katutubo. Gusto ko susuotin ko ang damit, sasayawan ko ang mga sayaw, kakanta ako kasabay ng kumakanta, at suot-suot ko rin ang mga abubot. 'Interaksiyon' kasi sa akin ang panonood (lalo na ng dula!) at natanggap ko na hindi ako passive na audience.

"Hindi ako mahilig sa mga cultural shows," ito ang bungad ko noon kay Bing Veloso at pangunahan na rin siya ng babala na layuan mo ako sa mga ganyang eksena. Ilang taon ding nanatili sa kabundukan si Bing ng Norte para sa kanyang development works. Naalala ko noon na nagtutungo roon si Bing at malimit na naming makasama sa Writers Pool dahil umaalis siya ng Maynila para tuparin ang kanyang mga gawain sa Norte. Medyo nahiya pa ako sa kanya noon nang sabihin ko sa kanya na nagtatrabaho ako sa isang NGO at siya naman ay may sariling mga gawain sa mga komunidad (at wala siyang suweldong malaki noon).

Huli nang malaman ko na ito palang si Bing ay isang rocker at hindi lang basta rocker isa siya at ang mga kasama niyang rockers sa Bailan na may pagmamahal at pag-unawa sa kultura ng iba. Marami na akong nakitang ganito at napakinggan na musika at cultural shows na ganito. Ang iba sa kanila malaki pang pondo ang nahaharbat sa gubyerno, nakakapunta sa iba't ibang bansa para magpakitang-gilas sa mga mamamayan ng mayayamang bansa at sabihin "hello, ganda namin di ba?" habang ang mga mamamayan sa sarili nilang bayan at komunidad ay nakikinig kay Britney Spears. Nabo-bore din marahil sila sa mga cultural shows.

Ang isang bagay, malaking bagay, na natutunan ko sa Bailan at sa kanilang mga gawain at awitin ay ang lagyan ng puso ang mga kultural na kalinangan. Hindi ito usapin ng pera. Hindi ito usapin ng kasikatan. Hindi ito usapin ng makakakuha ka ng pera sa gubyerno at ng local government units at makapagpalabas sa iba't ibang bansa hanggang sa maging spokesperson ka na at ng iyong Sining ng mga nasa kapangyarihan. Usapin ito ng buhay, ninuno, dinamikong interaksiyon ng Sarili sa Sining at kultura ng kalinangan ng mga tao at kasaysayan na hindi pamilyar sa iyo. Itinuro sa akin ng Bailan at ng kanilang awitin ang paghahanap ng Sarili sa kultural na kalinangan ng mga tao at kasaysayan na hindi pamilyar sa akin.

Sa Bailan ko unang narining ang isyu ng mining sa mga kabundukan ng Norte, ang Kalinga, si Waway Saway at ang Talaandig sa Lantapan, Bukidnon. Kung tutuusin, ang Bailan ang nagpakilala sa akin ng mga Lumad sa Mindanao. Sabi sa akin noon ni JP Hernandez na kapag nakarating ka ng Malaybalay hanapin mo si Waway Saway. Malapit lang daw ang bahay niya nasa gilid ng kalsada. At nang subukin naming puntahan ang tahanan ni Waway Saway sa paanan pala ito ng Mt. Kitanglad, ilang oras ang layo mula sa Malaybalay. Buwisit na buwisit ako noon kay JP Hernandez. Isa pala iyong hamon sa akin na maging siya ay hindi malay. Ngunit doon ko nadalaw ang tahanan ni Waway Saway, ang kanyang musika, ang daigdig ayon sa mga mangangathang Talaandig, ang Sining nina Soliman Poonan at Balugtu (hanggang sa ngayon pangarap ko pa rin ang mag may-ari man lang kahit ng isa sa kanilang mga likha.) Wala akong madala kay JP Hernandez pagbalik ko sa Maynila kundi ang pasasalamat.

Ang Bailan ay hindi cultural show para sa akin. Isa itong Sining at ang kanilang mga awitin ay isang paghahanap ng Sarili sa daigdig ng samu't saring kultura, perspektibo, kalinangan at kasaysayan. Hindi ako nababagot.

Kaya noong Ramadan Fair ng Young Moro Professionals Network iminungkahi ko na imbitahan ang Bailan sa aktibidad. Para tumugtog at makihalubilo sa napakasayang piging ng mga Muslim at Moro. Hindi nag-atubili ang Bailan at natutuwa ako na naging makahulugan pala sa kanila ang pagtugtog sa harap ng mga Moro, ang makasali sa aming Ramadan.

Noong sinimulan kong isulat ang burador ng isa sa aking dula inuna kong tapusin ang kanta na bahagi ng dula. Sabi ko sa sarili ko na sana awitin man lang ng Bailan ang sinulat kong awit o makapasa sa kanilang standard (sinusulat mismo ng Bailan ang kanilang mga awitin.) Ibinigay ko kay Bing ang sipi ng awit at talaga namang nahirapan daw silang lapatan ito ng musika. Natutuwa naman ako sa sarili ko at naipaliwanag ko nang maayos kay Bing kung ano ang awit na ito at bakit ko ito sinulat.

Ngayong gabi
Ibabaon natin
Nang walang pagdadalamhati
Ang kamatayan ng maratabat
Sa pusod ng Lawa.

Walang luha, walang pagpalahaw,
Walang pagpapatawad, walang panghihinayang.
Napigtal na ang pisi
Na magbibigkis sa ating dalawa.

Ngayong gabi
Nakabihis ng dilaw at pula
Ang ‘sang libong mga tonong
Na nakangiti sa aking pag-iisa.
Sa kamatayan ng ‘yong maratabat
Nakatiklop ang mga kamao ni Bantugen—
Kailangan na ng paglimot.

Walang luha, walang pagpalahaw,
Walang pagpapatawad, walang panghihinayang.
Nagliliyab na torogan
Ang dambana ng kalungkutan ko
Sa kamatayan ng ‘yong maratabat.

Di ko pagtataksilan ang sarili…
Kipkip ang pangalan
Ng mga ninuno sa paglalakbay.
Nakatudla ang mga mata
Sa daan ‘tungo sa kalayaan.
Di ko pagtataksilan ang sarili…

Walang luha, walang pagpalahaw,
Walang pagpapatawad, walang panghihinayang.
Kamatayan ng ‘yong maratabat
Ang katapusan ng aking pag-ibig.

Alam ko na ang aking nais.
Nagbitak na lupa itong pag-ibig.
Isang Meranao na sasalok sa Lawa
Ng maratabat ang magliligtas
Sa akin.

‘Sang libong pag-ibig…
‘Sang libong pagkalinga…
‘Sang libong paggalang…
‘Sang libong pagtitiwala
Ni walang rusing ng pagdududa…
Isang libong magagandang mga salita
Lahat pinatay ng isang alaala…

So sanggibo a ranon
Na piyatay o satiman a tadman…

So sanggibo a ranon
Na piyatay o satiman a tadman…

Ngayong gabi
Nakabihis ng dilaw at pula
Ang aking pagdadalamhati.
Ibabaon natin sa pusod ng Lawa
Ang kamatayan ng ‘yong maratabat.

-"Tagulaylay sa Kamatayan ng Iyong Maratabat" (mula sa aking dula So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman)

Natutuwa ako dahil napanood ko ang unang pagkakataon na inawit ito ng Bailan sa isang gig nila sa Magnet sa Katipunan para i-promote ang fundraiser sa Cultural Center of the Philippines. Tumugtog din ang Bailan sa fundraiser (kasama ng Syalam).

Malugod na ibinalita sa akin ni Bing na nakagawa rin ang Bailan ng awitin, sa inspirasyon ng pagdalo nila sa Ramadan Fair.

O, tug na kaw.
O, anak, kalasahan, tug na kaw.
Hi ama dumatong na.
Nagtagumpay ating digma.
Punla ng dugo ng madaming ninuno
Ay nabawi na.
Inlugay ta nagtagad, inlugay.
Nangambang siya'y di makikitang buhay.
Subalit, mabait si Allah.
Bismillah, Bismillah.
Madami na akong pinapangarap.
Insha Allah, lahat matutupad
O, anak, kalasahan, tug na kaw.
O, anak, tug na kaw.


- "Tug na Kaw"

Nakalulungkot lang isipin na para mapakinggan ang Bailan ay kailangan mo pang dumalo sa kanilang mga gig. Minsan nahihirapan kasi akong pumunta sa mga bar dahil sa usok mula sa mga sigarilyo, sa ingay, sa mga lasing. Sasadyain mo talaga ang kanilang performance. Sana magkaroon man lang sila ng CD na madadala ng mga tao ang kanilang musika saan man. Anupaman, masaya ang daigdig dahil may mga musika pa rin at perspektibo na hindi nabibili ng pera pero mayaman sa kaluluwa.

Wednesday, November 19, 2008

Bailan to sing a part of my play at 70's Bistro














YES, YOU HEARD them during the performances of my plays last October at the Cultural Center of the Philippines (with Syalam - headed by Meranao singer Jamir Adiong) - you can catch Bailan this Saturday at 70's Bistro in Quezon City. Bailan will perform a part from my play in progress, So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman

Okay spoiler: The song, "Tagulaylay sa Kamatayan ng Iyong Maratabat" tells the longing of a non-Muslim spinster remembering the Meranao she met almost 30 years ago in Manila (she was a sex worker then in Manila's university belt after leaving her province in Lanao del Norte.) I am trying to reconstruct a simple story of how two strangers, survivors, will struggle to find love, self-respect, and maratabat in times of war and bloody conflicts spoused by a cruel regime and society and the remembrance of the Tacub Massacre. So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman is the 3rd play on my trilogy of plays on Lanao del Norte (after Sa Pagdating ng Barbaro in 2007 and Ang Bayot, ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte.) Insha Allah it will pass the deliberation for the 2009 Virgin Labfest at the Cultural Center of the Philippines in June.

Here's the email from Bailan's Bing Veloso:

dear friends.
hope you can join us in our gigs. we wish to share our music with more people, especially friends who share the vision that there still is the Philippines that we can call our homeland. and we still can come together to make our lives better, a step at a time, together. you can view our gig skeds at http://www.bailanmusika.multiply.com/ or diymusika.multiply.com.

as for diy, it's a show we've put together with Makiling and syalaM. we sing our songs, with more storytelling than our usual gigs.if you want to invite us to your links, or help us in email blasts, just get in touch with me through this email: bing2v@yahoo.com.maraming maraming salamat!

bing

BAILAN Gig Sked:Nov. 21 - Penguin Cafe @ Adriatico, Malate, Manila

Bailan and MakilingNov. 22 - 70s Bistro @ Anonas Street, Quezon City :

Bailan, Makiling and Syalam for DiY (Damayan, Interaksyon ng Yamang Pinoy)Dec. 13 - 70s Bistro @ Anonas Street, Quezon City

Bailan, Makiling and Syalam for DiY (Damayan, Interaksyon ng Yamang Pinoy)

check out Bailan's latest musical pieces:

"Tug Na Kaw" - a lullaby inspired by Bailan's joyful experience of the Ramadan Fair organized by the Young Moro Professionals Network (Tausug words translated w/ the help of PINK's chair, Jasmin Teodoro)

"Tagulaylay sa Kamatayan ng Iyong Maratabat" - lyrics by Rogelio Braga for his forthcoming play, "So Sanggibo A Ranon Na Piyatay O Satiman A Tadman", music by Bailan... the play is a love story set in the 70's. check out www.rogeliobraga.blogspot.com for the storyline of the play.

PHILSTAGE Citations - Madakel a Salamat!

SIGE AAMININ KO na ulit - masaya talaga ako nang malaman ko nitong Lunes na nagbigay ng pagkilala ang mga kritiko, theatre practitioners, nasa akademya, at mga kapwa manunulat na bumubuo ng PHILSTAGE sa dula kong "Ang Bayot, ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte". Isa itong malaking parangal pasa akin (sa "amin", lalo na sa mga taong tumulong sa produksiyon) dahil ito ay pagkilala ng mga taong kasama mo at katrabaho mo sa daigdig ng teatro at pagsusulat.

Maraming citations na natanggap ang dula at ang aming produksiyon.

Outstanding Play. Salamat at Conrgratulations Nick Olanka at UP Repertory Company

Outstanding Emsemble Performance

Outstanding Male Lead Performance. Silang dalawa muli ang nominado - Arnold Reyes at Joey Paras (siya pala ang nagwaging Best Actor sa 2008 Aliw Awards sa pagganap bilang "Bambi" sa aking dula, ginanap ang seremonya sa Manila Hotel nitong buwan.) Salamat sa mga Meranao young leaders from MSU Marawi City sa pagtulong sa aming artista.

Outstanding Original Script. Salamat sa aking literary comrade at Meranao Moro na si Jelanie Mangondato ng MSU Marawi city, kay Ameera Mastura Bongcarawan sa pagbabasa, kay Sitti Nindra Hajiron na aking kapatid (salamat sa encouragement at pakikinig), Khal Mambuay, sa aking mga readers at commentators sa dula, kay Abdul Hamid Hadji-Omar (patawad sa aking mga pagkukulang at salamat sa lahat-lahat mula sa ikalawang buhay, sa pag-aayos ng sarili, sa pagmumulat, hanggang sa pagpapatawad), sa UP Repertory Company (usap na tayo), Rody Vera (sa pagtitiwala at sa inspirasyon) at sa mga kasamang mandudula ng the Writers Bloc, Inc., kay Tim Dacanay at Sir Manny Pambid at mga kasamang mandudula sa PETA Writers Pool na patuloy na natitiwala sa kapangyarihan ng teatro sa ating bansa.

Maraming salamat sa lahat ng nanood at sumuporta sa aming produksiyon. At sa huli, ang lahat ng biyaya at pasasalamat ay marapat na bumalik lamang kay Allah (swt). Alhamdullilah!

Ang hinihiling ko lang sana, sana, sana, sana - sana wala nang diskriminasyon ng mga Moro at Muslim sa ating lipunan. Sana iwaksi na natin ang istruktural na diskriminasyon ng mga Muslim at Moro sa ating lipunan. At sana, sana, sana, sana...sana...sana...sana...Bangsa Moro at Filipino =)


_______________

Narito ang buong detalye ng citations. Nawa'y palarin na magwagi sa darating na Pebrero ang mga nominado - gibbscadiz blog.

Saturday, November 8, 2008

After 37 years Tacub Incident, Lanao del Norte

SINISIMULAN KO NANG ayusin ang unang burador ng dula kong So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman (inawit na nga ng Bailan ang kanta mula sa dula noong produksiyon sa CCP ilang linggo na ang nakararaan) para sa 2009 Virgin Labfest. Binalikan kong muli ang mga notes ko at researches para sa dula. Itinigil ko ang pagbabasa ng aking mga nakalap na riserts ilang buwan na ang nakararaan dahil hindi ako nakakatulog sa gabi sa mga imahen na nananatili sa isip ko.

Pero kailangan nang simulan ang trabaho para sa nabinbing proyekto.

At binalikan kong muli ang mga nakalap kong detalye tungkol sa Tacub Incident. Horror na naman ito. Pero kailangan nang gawin at kailangan nang balikan.

Sa darating na 22 ng Nobyembre, 37 taon na ang nakalilipas nang maganap ang nasabing massacre. Karumal-dumal. Sino ang humingi ng tawad? Sino ang nagbilang ng mga bangkay na nakasalampak ang mukha sa lupa? Ang pinakamasakit sa lahat, hindi ito itinuro sa akin, hindi ko ito nabasa sa aking mga aklat sa eskuwelahan. Kaya lagi kong sinasagot sa aking mga kaibigan na palagi akong tinatanong kung paano ko nga ba nasusulat ang iba kong mga dula at saan ba nahuhugot ang mga ganoong detalye at kuwento, ang palagi kong sagot: "Matuto tayong makinig sa mga Moro kapag sila ang nagsasalita." Dahil maraming inilihim sa atin ang bayang ito. Marami. At patuloy na itinatago ang mga katotohanang ito sa ating mga Filipino lalo na sa ibang bahagi ng Pilipinas.

Ikaw, na nagawi sa aking blog. Ikaw, na nagbabasa. Ikaw, na alagad ng Sining. Lalo na kung ikaw na Filipino at tulad kong lumaki sa Maynila - sa darating na 22 ng Nobyembre, ilang araw mula ngayon - mag-alay tayo ng isang katahimikan para magdasal sa mga naging biktima at sa kanilang pamilya ng karumal-dumal na pangyayaring ito sa Lanao del Norte o kaya manahimik nang sandali at lakbayin ang pinakamalalim na bahagi ng ating loob upang ukilkilin ang ating kosensiya: Bakit ito nangyayari sa ating lipunan? Bakit natin hinahayaang mangyari ito sa mga Moro, sa ating mga sarili bilang Filipino? Bakit natin hinahayaang dungisan ng dugo ang pagmamahal nating mga Filipino sa kalayaan at pakikipag-kapwa tao?

Hindi malayo ang Lanao. Malapit ang Mindanao sa ating mga puso. Hindi naman siguro nangungusap ng ibang wika ang mga Moro at napaka-hirap sa ating maarok ang lalim ng mga impit na mga panaghoy.

Sa darating na 22 ng Nobyembre, sa pagitan ng ating mga huntahan, biruan, sa ating hapag, sa opisina - pag-usapan natin ang Tacub. Walang takot, walang paumanhin, walang pagpipigil, malayang-malaya. Walang boses na patatahimikin. Maraming itinagong lihim sa atin ang bayang ito.

At dito nagsisimula marahil ang malayang pag-iisip.

Basahin ng Tacub Incident mula isang blog.