Saturday, August 18, 2012

"A Kind of Burning": Ang Makata, Ang Kahirapan, Ang Pag-Ibig, at ang Student Writer


TULAD NG MGA kasama kong Tomasinong manunulat, o iyong mga manunulat na nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas o mga naging kasapi ng Thomasian Writers Guild mataas ang pagtingin namin kay 'Ma'am Ophie' bilang guro, kaibigan, mentor, at 'ina ng mga Tomasinong manunulat'

Hindi ko talaga naging guro si Dimalanta sa kahit na anumang kurso sa kolehiyo (dahil Agham Pampulitika ang kurso ko sa Santo Tomas) pero nabigyan ako ng maikling pagkakataon na maging guro ang dakilang makata, ang dekana. 

Ganito ang kuwento:

Kamamatay lang noon ng tatay ko at ang tanging nagtataguyod sa amin ay ang nanay ko sa pamamagitan ng maliit naming tindahan ng isda sa isang talipapa riyan sa Luzon Avenue.  Halos ibenta na ng nanay ko  ang lahat ng mga gamit namin na naipundar ng tatay ko sa mahabang taon na construction worker sa Middle East at isanla ang kanyang wedding ring para lang makabayad ng tuition ko noon sa kolehiyo, kailangan ko na kasing makatapos ng pag-aaral at makapagtrabaho para masuportahan ko ang mga nakababata kong kapatid sa pag-aaral at gampanan ang responsibilidad na iniwanan ng aking ama. 

Natatandaan ko noon, 4th year college ako. At ito ang taon na nahumaling ako sa Panitikan at pagsusulat dahil ito rin ang taon na naging kasapi ako ng Thomasian Writers Guild at naging patnugot sa Filipino ng The Flame. Ito rin ang taon na nararamdaman ko na ang pressure ng pagiging 'padre-de-pamilya' matapos ko lamang ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Malaki at mabigat ang papasanin ko matapos ko lang ang aking pag-aaral. Kailangan ko nang kumita ng pera at tumulong sa pamilya. Ito rin ang taon,  sa hindi ko maisip na kadahilanan sa ngayon, nagdesisyon akong maging isang 'manunulat'. Ang sabi ko sa sarili ko noon, matapos ko lang ang pag-aaral na ito magiging isang manunulat ako pero gagampanan ko ang responsibilidad ko sa aking pamilya.  Hindi ko pa noon ganoon kakilala ang buhay at responsibilidad, inakala ko na ganoon lang kadali ang lahat paglabas mo sa Unibersidad.

Pero paano ako magiging manunulat kung ang kurso ko ay Political Science at wala akong kurso na may kinalaman sa pagsusulat? Disiplina ang pagsusulat at kailangan mo itong pag-aralan. Nais ko noong mag-aral ng Poetry, iyong seryosong pag-aralan ang disiplina ng pagtula. Sino ba namang ayaw maging si Rio Alma, Cirilo Bautista, Ramil Gulle, Lourd de Veyra o maging si Dimalanta. Pero ang problema: paano ko ipaliliwanag sa nanay ko na kailangan kong magdagdag pa ng isa pang kurso higit pa sa mga regular ko na kurso sa aking major? Dagdag gastos na naman ito para sa aking pamilya. Pero nais kong mag-aral sana ng Poetry kay Dimalanta at maka-enrol sa klase niya. 

Si Dimalanta, kahit aristokrata sa kilos, pananalita at pananamit ay isang mabuting tao  at mananatili sa akin palagi ang isang bagay na nagawa niya sa akin at sa aking pamilya bagaman may mga pagkakataon noon sa kolehiyo na may hindi kami pagkakaunawaan sa ilang bagay na may kinalaman din sa pagsusulat. 

Ang hindi alam ng nakararami mayroon kaming isang lihim ni Dimalanta. 

Gamit ang malaking Olympia typewriter na binili pa ng tatay ko noon sa kasama niyang construction worker (construction worker ang tatay ko noong nabubuhay pa siya) lumiham ako kay Dimalanta. Ipinaliwanag ko sa liham ang sitwasyon ng aking pamilya at ang pagnanais kong makapag-aral ng Tula at maging isang makata pero hindi na kayang tustusan pa ng aking pamilya ang dagdag na kurso lalo na't wala naman itong kinalaman sa aking major. Iniabot ko sa sikretarya niya ang liham, nilunok ko ang lahat ng pride at nalalabing hiya sa katawan at umasa na hindi aaprubahan ng dekana at makata ang hiling ng isang hindi-naman-literature-major na tulad ko at nagsusulat pa sa Filipino (sa Ingles lamang nagsusulat si Dimalanta.)  Hilining ko kasi sa makata na makapasok sa klase niya ng libre sa buong semester. Pakapalan na lang ito ng mukha, kapit sa patalim ika nga nila sa Tagalog. 

Dalawang araw din akong hindi makatulog at iniiwasan na balikan ang Dean's Office kung 'approve' o 'disapprove' ba ni Dimalanta ang hiling ko. Pero naglakas-loob akong kunin ang liham sa ikatlong araw. At nang iniabot sa akin ang liham - halos maiyak ako sa tuwa, sa ibabaw ng mga letra na tinipa pa sa typewriter ang isang malaking "OK" at ang pirma ng Dekana. 

Iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam ako ng suporta mula sa isang tao, sa isang 'malaking tao' ng Panitikan ng Pilipinas para sa aking pagsusulat.  Doon ko nakita na sa kahit na anong sitwasyon naroroon ang iyong buhay, kahirapan halimbawa o gampanan ang responsibilidad sa pamilya, hindi ito sapat para itigil ang pagsusulat, ang mangarap. 

At sa mga panahong ito ng aking buhay na tila nasusubok ang pagtitiwala ko sa kabutihan ng mga tao at sa intensiyon ng mga taong nagnanais na maging bahagi ng aking buhay, nais kong balikan si Dimalanta - ang guro, ang Makata, ang ina na minsan hindi ako tinalikuran nang humiling ako ng pag-ibig, pagkalinga, at pag-unawa. 

Mayroon pang mabubuting tao. Hindi kailangang maging mapait ang lasa ng buhay. 

Kaya ngayon, sa mga panahong ito ng aking buhay na malapit na akong mawalan ng tiwala sa kabutihan ng mga taong nagnanais na maging bahagi ng aking buhay, sa mga saliwang intensiyon ng mga tao sa akin - nais kong balikan si Dimalanta, ang bahaging iyon ng aking buhay, sa aking kabataan. At noong mga panahong iyon ng aking kabataan na naglulunoy din ako sa lungkot, kahirapan sa buhay, sa dalamhati at pag-iisa palagi kong ibinibigkas sa aking sarili ang tulang ito ni Dimalanta. Ngayon, sa edad kong ito, natatawa ako't binibigkas ko pa rin ang tulang ito ni Dimalanta na tila dasal - dasal sa sarili at sa kaligtasan ng pananampalataya sa relasyon at pag-ibig. 

A Kind of Burning
Ophelia Alcantara-Dimalanta


it is perhaps because
one way or the other
we keep this distance
closeness will tug as apart
in many directions
in absolute din
how we love the same
trivial pursuits and
insignificant gewgaws
spoken or inert
claw at the same straws
pore over the same jigsaws
trying to make heads or tails
you take the edges
i take the center
keeping fancy guard
loving beyond what is there
you sling at the stars
i bedeck the weeds
straining in song or
profanities towards some
fabled meeting apart
from what dreams read
and suns dismantle
we have been all the hapless
lovers in this wayward world
in almost all kinds of ways
except we never really meet
but for this kind of burning.

(Abangan sa aking blog ang isang sanaysay sa naisulat ko bilang pag-alaala kay Dimalanta. Nasa Compostela, Cebu pa ako noon naninirahan nang makarating sa akin ang balita ng pagpanaw ng guro. Sa Compostela naisulat ang unang burador ng sanaysay na ipababasa ko muna sa mga kasama at kaibigan kong manunulat sa dating mga kasapi rin ng Thomasian Writers Guild bago ko ilathala sa aking blog. RB)

Thursday, August 16, 2012

Paglisan.


ANG TOTOO ISANG napakagandang karanasan para sa akin ang sumakay ng barko pauwi ng Maynila noong Martes. 

Ito iyong magdamag na kumbersasyon sa dagat at sa isang matandang Meranao na nakipagpalitan sa akin ng ilang stick ng yosi at kuwentuhan sa buong magdamag hanggang sa mag-sahur (at muntik pa naming makalimutan na fasting na pala nang maglunoy kami sa kuwentuhan sa Jabidah Massacre nang mapadaan ang barko sa Corregidor at naabutan na kami ng araw sa deck ng barko.) 

Lunes nang magdesisyon akong lisanin ang Cebu at magbalik na lamang sa Maynila sa piling ng aking pamilya at mga kaibigan. Mabilisang desisyon ni hindi ko kailangang magpaliwanag sa maraming tao. Lumilisan ako 'pag malungkot ako. Lumilisan ako kapag masyadong masakit ang isang karanasan sa isang lugar. Minsan, lumilisan ako upang mapanatili ang isang alaala at kipkipin papalayo sa aking sulok.  

Kinausap ko ang dagat sa haba at bagot ng biyahe:

May mga malulupit kasing mga tao: gusto nila sila lamang ang inuunawa. Ang tunay na kaibigan hindi ka iiwanan sa mga oras na hihilingin mo ang tulong, hihilingin mo ang kausap, ang manatili. Ang tunay na kaibigan tatanggapin ka kung ano ka man at pilit kang uunawain kung ano ka man at tatanggapin ang mga kahinaan mo at mga pagkukulang. 

Pasensiya kung hindi ako sapat. Pasensiya kung nasabi ko na hindi kita puwedeng maging kaibigan, at mananatili iyon. Ni hindi mo tinanong kung saan ako nanggagaling. 

Ni hindi mo tinanong kung ano ang nakaraan ko, bakit ako ganito. Bakit mas pinipili ko ang mag-isa sa malayong lugar. Kung bakit hindi ako nagpapahawak nang walang paalam. Kung bakit pinipili ko ang mga taong sinasamahan ko. Habang naroroon ako sa tabi mo, sa harap mo at pinakikinggan ang lahat ng kuwento mo sa buhay mo -- ang totoo, hinihintay ko na tanungin mo ako: saan ka nanggaling? 

Tao ako. Hawakan mo ako. Hindi ako bagay; hindi ako konsepto. Hindi kita puwedeng maging kaibigan, ang sabi ko sa iyo noon. Ako ang lilisan. 

Halos sa buong magdamag naroroon lang ako sa deck ng barko at hinahayaan kong hampasin ako ng hangin at paminsan-minsan nakikipaghuntahan sa isang matandang Meranao na nakilala ko sa biyahe, nandu'n lang kami, nag-uusap minsan walang mga salita ang namamagitan sa amin maliban sa tahimik na hithit-buga ng sigarilyo sa pagitan ng aming mga labi. 

At namalayan ko na lamang nandito na ako sa Maynila. Dito, malaya ako at maligaya. Dito, maraming kaibigan at ibibigay nila sa iyo ng pag-ibig nang hindi mo nililimos na para kang aba. Dito, ang relasyon ay para sa tao at tinatanggap at itinatakwil kang tao. Dito, dito ako nanggaling. At palaging dito ako manggagaling. At masaya ako at buong-buo at walang napilas sa aking kaluluwa dahil alam ko at hindi ko itinatakwil ang aking pinanggalingan, ang kartograpiya ng aking pagkatao - iyong uri ng pagtatakwil na ni hindi mo na makikilala ang iyong sarili na malapit ko nang magawa sana sa aking sarili nang dahil sa iyo...kaya ako na lamang ang lilisan. 

Sayang, ito ang unang salita sa damdamin ng pangungusap at diskurso ng panghihinayang. Sayang at muntik na kitang naging mabuting kaibigan. Ngunit ang lahat ng pangungusap ay nagtatapos sa isang tuldok: At ako na lamang ang lilisan.

Tao pa rin akong maituturing. At tao pa rin akong makikibagay at makikitungo sa ibang tao. Salamat. Alhamdulillah.  

Tuesday, July 24, 2012

Talambuhay ni Rogelio Braga Bilang Requirement sa Klase

NAKATUTUWANG ISIPIN NA may mga mag-aaral na nagpapadala sa akin ng email o nag-iiwan ng mga mensahe sa blog na ito at humihingi ng 'talambuhay' ko bilang manunulat para sa kanilang proyekto sa klase. Tila itinuturo ng mga guro (sa kolehiyo o sa high school?) ang aking akda at kinakailangan na makilala ng mga mag-aaral ang manunulat.

Ganito rin ang gawain ko noong nasa high school pa ako at sa kolehiyo kung nagbabasa ako ng mga aklat at nobela. Kahit ngayon pagkatapos kong basahin ang isang nobela hinahanap ko kaagad ang 'talambuhay' ng nobelista. Hindi ko alam, hindi naman siya requirement pero nakakikiliti ng isip na malaman ang buhay ng manunulat na lumikha ng akda. Minsan hinahanap ko ang 'pagkakatulad' ng pangyayari sa buhay nila sa mga sinusulat ng mga nobelista.

Hindi ko alam kung paano sasagutin ang mga 'request' dahil tila nagtatalo ang aking isip at hiya sa sarili na magbigay sa kanila ng mga accomplishment ko sa pagsusulat o bilang isang mandudula. Hindi ko ugali ang mag-enumerate ng mga trabaho ko at nagawa ko sa isang larangan maliban na lamang kung nasa isang 'job interview' ako at gusto ko talagang makuha ang trabaho. Ang 'weird' din ng konsepto ng 'talambuhay': sa wari ko'y nagtapos ang buhay ko at pagsusulat sa isang panahon. Parang nililingon ko pabalik ang aking buhay at ang mga trabaho ko. Hindi ko ito gusto. 

Pero nais ko ring mapadali ang buhay ng mga mag-aaral na ito na puwede naman kasi silang gumamit ng google at hanapin sa internet ang mga detalye ng mga trabaho ko bilang isang mandudula at mangangatha. Pero naitanong ko rin sa sarili ko na gaano na nga ba karami ang nalikha kong mga akda at bakit wala pa ring makalikha o makasulat ng talambuhay ko? Hindi pa ba sapat ang mga akda ko na mga dula at kuwento bilang talambuhay ni 'Rogelio Braga ang malungkot at nag-iisang namumuhay sa Cebu na mandudula at mangangatha'?     

Ngayon iniisip ko na may 'halaga' pala sa ibang tao lalo na sa mga mag-aaral at mga guro ang mga sinusulat ko. 

Tinanong kong muli ang aking sarili, paulit-paulit, kung ginagawa ko nga ba sa kasalukuyan ang dapat kong gawin sa aking buhay. Kung ginugugol ko nga ba ang mga oras ko sa isang gawain na mas makatutulong sa ibang tao, sa aking sarili at sa pagpapadayon ng Sining at Panitikan, ng paglikha: ang pagsusulat, ang pagiging isang mandudula at lumikha ng mga kuwento para sa entablado, ang lumikha ng mga kuwento. Pero, muli, palagi kong sinasabi sa aking sarili at sa isang kaibigang manunulat na nagtatanong sa akin kung bakit ako naglulunoy sa mga gawain sa kung nasasaan man ako ngayon: nabubuhay ako sa daigdig, nakikisalamuha ako sa mga tao kahit nahihirapan akong makitungo sa ilan, at nakakadaupang-palad ko ang sarikulay na mga buhay. Pero, siguro, ngayon parang mali na ako. Natakot ako bigla paano nga kaya kung sakaling mayroon nang konkretong talambuhay ni Rogelio Braga - paano kaya ako lilingunin at huhusgahan ng mga babasa? 

Saturday, July 21, 2012

Colon: Isang Nobela


MATAGAL AKONG NAWALA sa blog na ito. Sa halos tatlong taon na pagkawala, para sa lahat ng nagtatanong kung ano na nga ba ang nangyari sa akin sa panahon na ito, nais kong ibahagi na nakasulat ako ng isang nobela. Itinuturing ko na ang Colon ang 'ikalawa' kong nobela (ang 'unang' nobela ay tinatapos ko hanggang sa ngayon, ang Urbanidad, na sinimulan kong isulat sa Maynila noong 2007 at nailathala na ang bersiyon na maikling kuwento sa Journal ng Cultural Center of the Philippines noong 2005.)

Nitong Mayo lang nakatanggap ako ng paanyaya mula sa nobelista at makata na si Edgar Calabia Samar ng Ateneo de Manila University na ilathala sa Tapat Journal ang Colon sa darating na Disyembre. Lubos kong ikinatuwa ang balita mula sa kaibigang manunulat dahil marami-rami na rin ang nagtatanong sa akin kung kailan ba nila mababasa nang buo ang nobela.

At dahil Ramadan ngayon at naka-on ang 'generous mode' nais kong ibahagi ang isang kabanata ng Colon. 'Pagsilip' lamang ito sa buong nobela at inaasahan ko na babasahin mo pa rin ang buong aklat paglabas nito sa Disyembre.

Sa bahaging ito ng nobela isinasalaysay ni Blesilda ang huntahan nila ni Lolo Cali (na isang matandang Meranao at dating guro) habang nagsasaya ang buong siyudad ng Cebu sa Sinulog Festival. Sa bahaging ito ng nobela nabanggit ni Blesilda sa matanda na 'hinahabol' siya ng mga Ilaga na siya namang ikinatawa ng matanda dahil ang Ilaga ay isa na lamang alaala sa kanya at bahagi ng kanyang kabataan, isang kasaysayan. Ang kuwento ng matanda tungkol sa kanyang karanasan ay mahalagang bahagi ng paghahanap ni Blesilda sa mga kasagutan sa kamatayan ng matalik niyang kaibigan at sa paghahanap niya sa sarili niyang pagkatao.

Basa lang mga kaibigan.




KABANATA 10 (excerpt)

Madilim na ang langit nang makarating na kami sa tapat ng inuupahan kong kuwarto. Unti-unti nang nalalagas ang mga tao sa Colon. Naririnig pa rin sa malayo ang ingay ng mga tambol at silbato. Ganoon din ang mga palakpak at hiyawan ng mga tao. Nang dumating kami ni Aldo sa harap ng paupahan naroroon pa rin ang matanda at nakaupo sa tapat ng kanyang mga paninda; tumitingkad sa ilalim ng liwanag ng dilaw na bumbilya ang puti niyang kopiya. Taimtim na nagbabasa ang matanda at may suot na itong makapal na salamin.

Assalamu alaykum,” ang nakangiting bati ni Aldo sa matanda.

Wa alaykum sala’am,” ang sagot ng matanda. “Islam ka?”

“Ay! Hindi. Filipino.”

Ngumiti lang ang matanda at nagpatuloy sa pagbabasa.

Nagpaalam ako kay Aldo at nagdesisyon kaming magkita sa ikatlong araw para kausapin ang propesor sa San Carlos. Walang pasok ang mga paaralan at establishemento kinabukasan na palaging idinedeklara ng Cebu City bilang araw ng pahinga pagkatapos ng Sinulog.

“Lady, lumapit ka nga rito sa tabi ko,” ang tawag sa akin ng matanda. “Dito sa tabi ko…”

Naupo ako sa tabi ng matanda. Napansin ko na nagbabasa siya ng nobela. A Passage to India ni E.M. Forster.

“Ano nga ba ang pangalan mo, Lady?” Kapansin-pansin ang kakaibang punto sa pagsasalita ng matanda.

“Blesilda Canugan po,” ang sagot ko. Natutuwa ako sa eksena. Hindi ako nagkaroon ng lolo o lola sa aking buhay kaya isang pambihirang karanasan ang makatabi ko at makipag-usap sa isang matanda. Naisip ko tuloy kung ano kaya ang hitsura ng mga tunay kong lolo at lola, na mga magulang ng mga tunay kong mga magulang.

“Kanina tinanong mo ako kung alam ko ba ang Ilaga di ba?”

“Opo. May hinahanap ho kasi ako—at nu’ng kasama ko na naghatid sa akin dito—mga Ilaga.”

Natawa ang matanda. Malakas na tawa na sinundan ng mga mararahas na pag-ubo. Hinaplos ko ang likod niya. Iyon ang unang pagkakataon na hinawakan at hinaplos ko ang likod ng isang tao na hindi ko man lang kilala at ninanais kong gumaling siya sa karamdaman. Minsan kailangan mong magtiwala sa sarili mong mga kilos, ito marahil ang kapangyarihan ng mga ina sa kanilang mga anak na may karamdaman, naniniwala sila na kaya nilang pagalingin ang karamdaman ng anak sa pamamagitan ng mga haplos. Naniniwala sila na kayang patulugin ang nag-aalburutong bata sa pamamagitan ng mga mahihinang pagtapik sa hita. Nang magtigil ang pag-ubo ng matanda nagpatuloy ito sa pagsasalita.

“Alam mo, Blesilda, teacher ako noon sa amin. I was a high school English teacher. Sa amin, sa Wao. Hindi mo alam ang lugar na iyon basta malayo…hindi mo alam dahil sa tingin ko sa iyo isa kang Tagalog na hindi nakalabas ng Maynila. Ganyan ang mga Tagalog, Blesilda, du’n sa Maynila. Hindi sila lumalabas ng Maynila pero kaya nilang patakbuhin ang buong Pilipinas.”

Nagsasalita ang matanda na para bang wala siyang kausap. Ni hindi siya tumitingin sa akin. Sa wari ko’y matagal na niyang pinaghandaan ang kanyang mga sasabihin naghihintay lang siya ng saktong tao at pagkakataon na ilalahad niya ang mga kinikimkim na mga salita. Natutuwa pa rin ako sa kanya.

“Umalis ako sa amin sa Marawi dahil ipinagkasundo ako ng mga magulang ko sa isang pangit na babae sa Malabang. Ayaw ko talaga sa babae. Dahil matigas ang ulo ko at siyempre pinag-aral ‘ata ito sa UP tumakas ako at tumira sa tiya ko sa Wao. Teka, alam mo ba ang UP?”

Oo, naman, ang sagot ko sa matanda. University of the Philippines. Naisip ko na hindi basta-bastang tindero ang matandang ito.

“Iskolar ako noon sa UP, 1959. I am one of those first Moro students that were given a scholarship under the National Integration Commission,” may pagmamalaking deklarasyon ng matanda. “Gusto kasi ng gubyerno ninyo na tuluyan nang maging bahagi ng Pilipinas kaming mga Moro. Of course I applied—I want to be brainwashed by the Filipino Christian government,” at napangiti ang matanda at kumindat pa sa akin.

Sana nagkaroon ako ng mga lolo at lola na magkukuwento sa akin ng mga pangyayari noong unang panahon.

“Matagal akong nagturo sa Wao. Halo-halo ang mga estudiyante ko. Meranao at mga Christian. Mayroon akong isang paboritong estudiyante. Meranao. Alam mo kaming mga teacher mayroon din kaming mga paboritong estudiyante hindi lang namin inaamin. Akbar ang pangalan niya—anak ng magsasaka at unang anak na lalaki ng kanyang ama. Taga-Wao. Matalino si Akbar, aba’y magaling mag-English, marunong sumagot sa klase—articulate, masipag sa mga assignment, at hindi nala-late sa klase ko,” ginawa ulit ng matanda na isa-isa niyang itinataas ang mga daliri niya sa paglalahad ng mga ‘kagalingan’ ng kanyang paboritong estudiyante.

Nagpatuloy ang matanda at inilapag na niya ang aklat ni Forster sa lupa. Paalis na ang laksang tao sa Colon at tila patungo silang lahat sa Abellana Sports Complex para sa fire works display. Unti-uni na ring dumaraan ang mga sasakyan dahil binuksan na sa trapiko ang bahaging ito ng Colon. Dalawang tartanilla na ang nakita kong dumaan.

“Minsan pinatatawag ko sa bahay si Akbar; doon siya nagme-merienda sa amin sa bahay ng tiya ko. Pinapahiram ko rin siya ng books ko na galing pa sa Maynila, mga luma at gamit nang mga libro na nabibili ko noon sa isang Intsik diyan sa Binondo—Forster, Dickens, Tolstoy, name it marami akong books. Nakahiligan ni Akbar noon ang Heart of Darkness ni Conrad. Sa mga pagdalaw ni Akbar sa bahay napansin ng tiya ko at napansin ko rin na hindi nagsa-sambahayang si Akbar.”

Ipinaliwanag niya sa akin na kinakailangang magdasal limang beses sa isang araw ang isang Muslim; kailangan itinitindig niya ang sambayahang araw-araw, walang palya.

“Kaya isang araw, kinausap ko si Akbar, nag-usap kami sa salita naming Muslim, Meranao: ‘Ikaw, Akbar, puwede kang mag-aral sa Maynila kasama ng mga Filipino. Matalino at madali kang matutong mag-English. Kaya kitang bigyan ng rekomendasyon sa UP. Pero gusto kong makita na itinitindig mo ang sambahayang araw-araw.’ Hindi sumagot si Akbar. Sabi ko kanya, ‘Ilagay mo sa tamang lugar ang maratabat, Akbar—sa loob ng masjid.’ Nagpasalamat sa akin si Akbar at nangakong magtutungo sa masjid para hintayin ang susunod na sambayahang.”

Sa bahaging ito panandaliang natahimik ang matanda. Malalim ang kanyang iniisip na parang hinuhugot niya pa sa pinakamalalim na bahagi ng kanyang alaala ang mga susunod na mga salita. Doon ko naunawaan na minsan tumatakas sa pagdadalamhati ang mga salita, gaano mo man pinahahalagahan ang mga salitang ito, mga salitang siya ring naghahatid sa iyo pabalik ng mga alaala. Maraming pamamaraan ang pagdadalamhati na bawiin sa atin ang mga bagay na matagal na nating itinuturing na ating pag-aari.


“Pinasabog ng granada ang masjid habang naroroon sa loob si Akbar kasama ng mga Muslim na nagdarasal. Marami silang namatay—pinatay— sa loob ng masjid. Sayang si Akbar, Blesilda. Naghihintay pa naman ang UP sa kanya. Naaalala ko ang araw na iyon, that was July.”

Binibilang ko ang dumaraang tartanilla sa aming harapan. Manipis na ang ingay, hiyawan at mabibilis na musika mula sa malayong Abellana Sports Complex. Nakapako ang tingin ng matanda sa lupa at ibinaling ko ang aking mga mata sa langit na gumuguhit ang sarikulay na mga paputok at kuwitis. Kay ganda ng langit ng Cebu.

“Matapos iyon sinunog ang mga bahay—sa katahimikan ng madaling-araw kung sumusugod sila. Nagdesisyong ang tiyahin ko na umalis na lang ng Wao at sinabi niya na tumakas na lang kami pabalik ng Marawi. Dali-dali kaming umalis ng bahay at ipinaiwan ng tiyahin ko ang mga libro ko na galing sa Maynila. Tumanggi ako noon na ipawian ang mga libro ko at nais ko sanang dalhin ito pabalik sa Marawi. Tumanggi ang tiya ko, hindi raw puwedeng maraming dala sa pagbiyahe. Nakarating na lang sa amin sa Marawi na sinunog din nila ang bahay ng tiyahin ko, kasama ng mga libro ko na binabasa namin ni Akbar. Makalipas ang isang buwan, hindi pa rin natapos, marami na naman silang pinatay na Muslim sa Wao. Hindi na tayo babalik ng Wao, ang sabi sa akin tiyahin ko, at sundin mo na ang napagkasunduan sa karangaya—sa ikabubuti rin ng iyong mga angkan bago nila maubos tayong lahat.”

Gumuhit sa langit ang isang mahabang dilaw na kuwitis. Nang sumabog ito sa langit libo-libong maliliit na ilaw—bughaw, dilaw, at asul ang nagkulay sa nakababagot na dilim sa himpapawid. Sinigurado kong may sapat na layo sa pagitan naming dalawa ng matanda. Naisip ko nais niyang mapanatili ang pagitang iyon; ninanais ko sanang ipatong ang isang kamay ko sa balikat niya o yakapin siya kahit hindi pa ako nakayayakap ng isang taong hindi ko naman kilala. Pero kailangan mapanatili ang espasyong iyon sa pagitan naming dalawa. Sa palagay ko, iyon na lang kasi ang nalalabi pa sa kanya.

“Tinanong mo ako kanina kung kilala ko ang mga Ilaga. Kilala ko sila, sa haba ng buhay na inilagi ko sa mundo, kilalang-kilala ko sila…mga Filipino sila.”

Monday, May 31, 2010

High Chair Poetry Magazine Publishes 'Ang Moralidad ng Naratibo'

HIGH CHAIR POETRY JOURNAL published my essay on Ampatuan Massacre, Ang Moralidad ng Naratibo, last week. I was informed last December that the journal will provide a space for this essay. Editors of the journal decided to have a special issue on the Ampatuan Massacre and asked for contributions from poets here and abroad. Oh well I am not a poet (and a frustrated one and I will confess it) but I am so happy to see my work on this page since High Chair is being refereed by the country's foremost poets (mostly writing in English) and readers of poetry visit the site.

I don't want to explain what the essay is all about but I encourage you to visit High Chair's site and read the entire piece.

"Ang naganap na krimen sa Ampatuan, Maguindanao at ang pambublikong piyesta ng galit, suklam, at pagdadalamhati ay isang banal na proseso para sa sambayanang Filipino. Isa itong paglilinis ng sarili sa mga dugo sa ating mga kamay, dugo ng mga Moro na tumitingkad sa dilim. At ang prosesong ito, sa pinakamalalim na bahagi ng ating mga loob, na nakapanghihilakbot dahil kaya nating itanggi kahit sa ating mga sarili, ang katotohanan na naaliw tayo, na mas lalo nating nauunawaan ang ating mga pagkatao, na mas lalo nating nakikita ang ating bansa: ito ang naratibo ng mga Filipino sa mga Moro." - Ang Moralidad ng Naratibo.

Saturday, April 10, 2010

So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman

NAIS KO LANG ibahagi ang ilang larawan mula sa aking dula So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman (2009). Ipinalabas ang dula noong isang taon, July 2009, sa Cultural Center of the Philippines bilang entry ng 2009 Virgin Labfest. Ang dula ay idinirehe ni Rikki Benedicto, kasama ang Tanghalang Filipino, ang musika mula sa grupong Bailan at ni Bing Veloso, commentary nina Jal Salic Umngan at Jelanie Mangondato. Ang mga larawan ay mula sa aking mabuting kaibigan Alberto Bainto.

Ang dula ay isang ars poetica para sa isang Bangsa Moro freedom figther Aldul Rahman Macapaar at sa kanya ko rin inihahandog itong dula.

"Marami akong gustong sabihin noon ganito ganyan pero sadyag maikli ang oras. Heto ka na ngayon: hindi ka pa rin nagbago ilang taon na ang nagdaan. Bata ka pa rin. Mananatili kang ganyan sa akin, Abdul Rahman…dito, sa akin. Nababasa ko sa mga mata mo noon na nais mo akong tanungin kung nais ko bang sumama sa iyo pabalik ng Lanao o kung maghihintay ba ako sa iyong pagbabalik. Sabi mo kasi na ano ang pag-ibig, buhay at pagkatao kung walang maratabat (Iiyak) Sasama lang ako sa lalaking may maratabat, Abdul Rahman, iyon ang gusto kong isagot sa iyo noon…Sasama lang ako sa lalaking may maratabat. Siguro hanggang doon na lang ang lahat. Hanggang dito na lang. Napakalupit ng pag-ibig—kaya nitong wasakin ng isang salita; guguho ang lahat ng mga itinindig na mga alaala sa isang pagkakamali…kahit ng isang sagot…"
-Mula sa dula.













Maaari akong kontakin sa aking mga dula para humingi ng permiso. Magpadala lamang email. Hindi ko pinahihintulan ang alin man sa aking dula na ipalabas saan mang bahagi ng Lanao del Norte lalo na sa Iligan.












Thursday, February 4, 2010

Maikling Kuwentong "Mga" nasa Palanca Website Na.

NAKATATANGGAP AKO NG mga email sa mga estudiyante (maging sa aking unibersidad dito sa Cebu, San Carlos) na humihingi ng kopya ang aking kuwentong 'Mga' para sa kanilang klase. Nagpapasalamat ako sa Don Carlos Palanca Foundation at ipinaskil na nila ang aking akda sa kanilang website
Bisitahin na lang natin ang website ng Palanca at naroroon na ang aking akda bagaman medyo 'weird' ang pagkakalay-out ng kuwento sa kanilang pahina.
Muli, salamat sa pagbibigay ng panahon sa aking akda. Sa mga katanugan at mga ideya na nais na ibahagi masusulatan ako sa ogiebraga@yahoo.com
Sala'am!
Rogelio Braga
Elizabeth Pond St.,
Cebu City, Cebu.