Thursday, February 27, 2014

Freedom of Thought

NAKAKATAKOT ANG MGA tao na sa publiko nagpapahayag na sila raw ang representative ng ganito-ganyan, na boses ng ganito-ganyan. 

Marapat lang na pagdudahan ang iyong pagkatao dahil sa kung paanong paraan mo tinitingnan ang iyong Sarili at kaakuhan (being). Tao ka, hindi ka konsepto; indibidwal ka hindi rebulto. Sarili ka, hindi brand. Hindi ka isang ideology. Isang malaking parikala - o anomalya! - na ikaw mismo ang nagluluklok sa Sarili mo na subheto para maging isang obheto. Ganito rin ba ang gagawin mo sa iba?

Nakakatakot ka.

Mas lalong dapat pagdudahan ang relasyon mo sa (mga) boses na kini-claim mong kinakatawan mo.

Homogenizing: ito yung proseso na ang samu't saring boses, perspektibo, realidad, kasaysayan ay ginagawang iisa, monolithic; ginagawang 'bagay' ang buhay, ginagawang obheto. May pinatatahimik, may sinisikil sa proseso na ito. Parang kaya nga dilaw (o itim o bughaw) ang balot ng M&M's kasi sa loob nito sarikulay ang mga kendi; mahirap kasing ibenta at iposisyon sa merkado ang kendi na may iba't ibang kulay. Kaya may brand. Kaya may homogenizing brand. 

Mas homogenized, mas madaling ikahon. Mas madaling i-represent. Mas madaling bigyan ng pinakatamang salita, salita na itatambal na rebulto. At tulad ng M&M's, madaling ibenta sa kung sinumang nais manginain. Iyong may pera, iyong may purchasing--power.
Brand ka ba o Tao? Para kanino ka naging 'boses'? Para saan ka naging 'kinatawan'?
 Humingi ka ba ng pahintulot sa kanila na ire-represent mo sila at ang kanilang mga boses?

At sa pagki-claim na representative ka at boses ng ganito-ganyan, tandaan mo, mayroon ka palaging agenda. At kabilang sa agenda na ito ay ito: kapangyarihan

At heto pa: ang puksain ang bagot, takot, at mga agam-agam dahil ikaw mismo hindi mo mabigyan ng katuturan, kahulugan, identidad ang iyong pagkatao dahil wala ka nito: kalayaan.

At heto pa, lalo na: ang agenda mo ay puksain rin pansamantala ang takot na mawalan ka ng katuturan sa mundo; pero simula't sapul ang katuturan mo naman ay ipanaubaya mo na sa iba ang pagpapakahulugan mo sa iyong pagkatao.

Kaya kung tatanungin mo ako kung ano ang dapat na gawin ang sagot ko ay ito: hindi ko alam. 

"Bayan muna bago Sarili," ang turo sa atin noong mga bata pa tayo. Pero problematiko ang aral na ito dahil hindi inilalantad ng aral kung sino nga ba ang nagsasalita at nag-uutos na unahin muna ang 'bayan' bago ang 'sarili'. Multo? Maaring ang Diyos. Pero maari ring si Satanas. Ang higit na tumpak lamang at sigurado ay ito para sa atin, tayo ang inuutusan. Ibigay ang Sarili sa Bayan. Pero para saan? Para kanino?

Ilantad mo muna sa akin ang mukha ng nag-uutos bago ako susunod. 

Pero teka: Kailan mo ba huling sinuri ang iyong bayan?

Nasaan ba ang lokasyon mo sa iyong Bayan?

Pero ang alam ko, sa buhay, sa tunay na buhay (iyong buhay tulad ng mga magsasaka sa bukid, ng mga empleyado na pumapasok at nakikipagbuno araw-araw sa trapik sa EDSA at sa siksikan sa MRT makapasok lamang sa opisina at makauwi sa bahay pagkatapos, iyong buhay ng mga namamasyal lang sa Luneta, iyong buhay ng estudiyante na may assignment sa eskuwela, iyong kapatid na walang ibang nais kundi ang itindig ang sambahayang araw-araw at sa pagitan ang pakikisalamuha sa ibang tao, iyong buhay ng mga taong may totoong mga problema) dapat problemahin mo muna ang sarili mong buhay, ang mga personal mong relasyon bago mo problemahin ang problema ng iba, lalo na ang problema ng bayan. 

Nagsisimula ang ligaya, ang kapayapaan, at kapanatagan ng loob sa pagpapalaya ng Sarili. Hindi sa pagpapalaya ng iba.

Dito muna tayo dapat na magsimula.

Sunday, February 16, 2014

May Mga Ala-ala na Nililingon Mo Na May Pag-Ibig at Paggalang


I. Pananampalataya
May mga nilad pa sa
      umaga ng Lunes sa
ragasa ng buhay
      sa matanda nang
Ilog Pasig.
      Dito, sa aking siyudad
ikaw ang palaging kalahati ng
      espasyo sa
rubdob at
      sidhi ng pagsintang
ayaw pasakop. Malamig nga ang tubig sa
      Jordan paglublob ng
‘Īsa, propeta at pantas?
      Labis ang pang-uri ng salimuot.
Ikaw, ikaw ang tiyak na pandiwa ng naglalaho, naliligaw.

II. Lilo-an

“Motion is a continual relinquishing
of one place and acquiring another.”
– Thomas Hobbes

Ang hindi mo alam
nahadlok din ako sa karahasan,
kadtong uri ng dahas
na walang isang kupita ng dugo na itatambal
sa dambana ng katapangan,
walang pira-pirasong laman
na ikukuwintas sa nagwaging
mandirigma ng digmaan.
Nakabalumbon ang takot
na ito sa gilid ng aking lawas.
Ikaw, ang alat:
ako, ang tabang.
Ang pagsasama nato ang misteryo
ng pagdating sa daigdig
ng lahat ng uri ng paggalaw.
Makapal ang lamig sa kama
na dalampasigan na pilit
na tumatakas sa ating dalawa.
Bakit hindi kayang banggain
ng lakas ang isa pang lakas?
Bakit bilog ang sinapupunan
ng walang katapusang pagbuntal,
paghalik, pagbayo sa kanya-kanyang
lawas sa ating mga pananatili,
sa mga titigan?
Pagod na ako
at unti-unti nang nalalagas
ang mga dahon ng anahaw
sa Jubay. Respeto—
maitatabi mo ba ito sa kama
sa gabing nag-iisa ka
at dalawin ng libog?
Sana kaya
natin na sabay na sapuin
ng ating mga palad
at isubo
ang parola
na itinindig
sa gitna
ng nagsanga-sangang kalsada.

 III. Biyahe

Alam mo ba
kung ano ang
ibig sabihin
ng pagkakaiba
ng hinahanap
sa nawawala?
Ganito: hindi
ang bapor
ang naghahatid
sa malagkit na tingin
ng Mandaue sa lantad
at makinis na balikat
ng Lapu-Lapu.
Walang puno ng mangga
sa Maxilom na nagpapaasim
ng sikmura ng mga bayot
at pokpok na umuuwing
ligalig sa ligaya sa madaling-
araw. Mabuti pa ang San Remegio
may Bantayan. Hindi naman ako
ang Busay at ikaw
ang Mactan at sa pagitan natin
ang karagatan
at ang ingay ng kabihasnan?
At hindi mo rin
naiintindihan o
hindi mo naririnig
o ayaw mo lamang
akong pakinggan sa lahat
ng paliwanag ko tungkol
sa masalimuot
na introduksiyon sa nobela
ng aking pag-ibig:
Bakit walang poste ng ilaw
ang lahat ng lansangan
sa Compostela gayong
sa Lilo-an, itinayo nila
sa gitna ng kalsada ang parola?
Lahat daw ng kalsada
sa siyudad na ito,
gaano man nagsanga-
sanga tulad ng mga kable
ng kuryente sa Barrio Luz,
patungo sa iisang lugar:
Mabuti pa ang Colon
nararating ng lahat
ng kalsada mula Bogo
hanggang sa Oslob, mula
sa dako paroon hanggang
sa kanto sa gilid ng bahay
ninyo sa Mabolo.
Mabuti pa ang Bohol
nararating ng bapor.
Mabuti pa ang rosquillos
may kape. Mabuti pa
ang mga puta sa Jones
hindi matitigas ang mga dila
kung babanggitin ang pangalan
ng lugar. Malapit
na akong maging Consolacion
sa dila mo—ngayon
tinanggal mo na ang unang
dalawang pantig sa aking pangalan
tulad sa kung paano nila
pinaiikli ang mga salita sa siyudad
na ito, dahil lahat naman daw ng relasyon,
tulad ng isang haplos sa pisngi,
kasimbilis ng pagbibihis
ng damit. Bukas, ang tanging
malalabi sa akin ay ako.
Dito, sa malapit, sa harap mo
ganoon pa rin
tulad ng isang Tagalog
na naliligaw sa paglalakad sa Cebu,
isang estranghero.
Isang pasahero.



Sunday, February 9, 2014

Cultural Show: Kung Paano Ako Hinalay ng Kalayaan Kagabi

KALAYAAN

Ektaryang lupa ang nakuha ng DOLE at Del Monte sa Mindanao. Maraming lumad ang na-displaced sa sarili nilang lupain (ancestral land). Next Tampakan
naman ba ang makikita natin na ibabandera ng/sa Kalayaan?
ILANG LINGGO NA ang nakararaan nang matanggap ko ang isang imbitasyon mula sa isang orgmate sa KAL sa magaganap na piging sa kanilang dormitoryo. Ilang araw ko ring pinanabikan ang pagdalo sa nasabing piging. Kaya kagabi, at bilang pamamahinga na rin sa maghapon kong pagbabasa at pagre-rebisa ng aking manuskripto nagtungo ako sa Kalayaan Residence Hall sa loob ng Unibersidad ng Pilipinas para saksihan ang kanilang ‘event’.

Ang konsepto ng event ay isang pagpapakita o showcase ng iba’t ibang ‘kultura’ – sayaw, galaw at pagkain mula sa iba’t ibang rehiyon ng bansa. Masaya ito, naisip ko. Masaya dahil magkakaroon ako ng kakaibang karanasan na makita ko ang iba’t ibang putahe at yun nga, kultura, mula sa iba’t ibang rehiyon.

Nang makapasok ako sa covered court ng dormitoryo sumalubong sa akin ang laksang mga mag-aaral ng unibersidad at mga bisita. Una kong pinuntahan ang mga ‘booth’ kung saan naroroon nga at naka-display ang mga putahe at pagkain mula sa iba’t ibang rehiyon. Isa-isa kong binisita ang mga booth.

At doon ko simulang nakita na parang may hindi ako maintindihan sa mga booth na ito. Na parang may nadahas sa aking kamalayan sa mga nilalaman ng mga booth na maayos na nakasalansan sa gilid ng dormitoryo. Halos limang beses akong nagpabalik-balik sa mga booth paroo’t parito upang mas maunawaan ko pa ang aking nararamdaman, ang aking kalituhan. Sa huling balik ko mula sa unang booth nagsimula na akong magtanong sa mga bantay na nakatalaga sa bawat booth.

Marami akong tanong. Kailangan ko ng kasagutan.

NAGLIBOG KO, PRAMIS

Una akong nagkaroon ng isang malaking katanungan nang mapatigil ako sa booth kung saan nakadisplay ang mga kakanin na alam kong minsang inihain na sa akin ng mga kaibigan kong Tausug. Sigurado ako na mula sa Sulu at Zamboanga ang mga kakanin na ito. Pilit kong inurirat sa isip ang mga pangalan ng kakanin. Nakita ko rin sa nasabing mesa ang isang pagkain na inihain sa amin noon ng Colano (sultan) ng mga Sangir sa Balut Island. Maaring ang mga pagkain at putahe, tulad ng wika, ay walang borders pero alam kong ang mga kakanin na ito ay mula sa mga Muslim na pangkat etniko sa Mindanao at Sulu. Hindi ko nga lang maalala ang pangalan ng mga kakainin kaya kumuha na lamang ako ng mga larawan.

Ngunit hindi ang kakanin ang aking problema.

Sa kabilang booth, na dinisenyuhan ng masjid, doon ko inasahan na makikita ang pagkain na ito ng mga Tausug at Sangir. Nagtungo ako sa booth na kawangis ng isang masjid. Nagtanong ako sa nagbabantay. Wala siyang maisagot sa tanong ko kung ang mga pagkain na ito ba ay sa mga Muslim o Moro. Tiningnan ko ang mga nakalatag na pagkain. Wala akong makita rito na masasabi ko na mula sa pangkat etniko ng mga Moro.

Saang mesa mo ilalagay ang
putli mandi at pasung?
Nilingon ko ang kabilang booth na pinaggaligan ko. Naglibog ko.

Binalikan ko ang booth kung saan nakadisplay ang pagkain ng mga Tausug. Bakit wala siya doon sa kabilang booth (na may disenyong masjid), ang tanong ko. Sabi sa akin bilang tugon na kabilang daw ang Zamboanga City ang mesa na ito kaya nandito ang mga kakanin.

Dito ko nakita kung bakit dapat talaga na malito ako sa dalawang booth na ito at sa kanilang nilalaman.

Nang makarating ako sa isang booth pinilit kong isipin sa sarili kong ano’ng rehiyon naman ito. Hindi ko makilala ang mga pagkain. Nagtanong ako sa nagbabantay. Negros Occidental daw. Napanganga ako. Tiningnan ko muli ang mga pagkain sa mesa. Piyaya! Nanggaling ako sa Negros, sa Bacolod at Silay, pero bakit hindi ko nakilala ang booth na mula sa aming probinsiya? Tinanong ko ang nagbabantay baka sakaling kababayan ko. Tinanong ko kung ano ang brand ng piyaya (na hinati-hati sa maliliit na bahagi kaya hindi ko nakilala) at hindi niya ako masagot. 

Kung may isang bagay ako na nagustuhan sa mga booth ay ang sa Pampanga. Alam ko na ang mga putahe at kakainin na nakalatag sa mesa ay mula sa mga Kabalen. At nagtanong ako nang nagtanong sa nagbabantay at natuwa naman ako na nasasagot niya ang lahat ng aking mga katanungan.

Maskara mula sa Bacolod City
May booth na nakalaan para sa Central Visayas—nakita ko ang rosquillos (Titay’s?) at mga pasalubong na mabibili mo sa pantalan ng Tagbilaran. Mula sa Cebu at Bohol ang pagkain at kakanin na nakahain sa booth. Nagtanong ako kung nasaan ang sans rival ng Dumaguete. Sabi ng bantay, nasa Negros daw iyon (oo nga naman!) Kaya bumalik ako sa booth ng Negros at doon ako nagtanong kung nasaan ang sans rival—Negros Occindental lang daw sila. Oriental ang Dumaguete (oo nga naman!)

Kung nasaan man ang ilang bahagi ng Central Visayas, hindi ko rin alam.

Ikinatuwa ko rin ang booth na ginayakan ng Pahiyas sa Quezon. Doon maayos na nakasalansan ang mga kakainin na makikita mo sa Laguna, Lucena at Quezon. Natutuwa rin ako na kayang ipaliwanag ng mga nagbabantay ang kanilang mga putahe.

Ang huling booth ay mula sa Northern Luzon. Maayos na nakasalansan ang mga pagkain at tulad ng booth ng Southern Tagalog, maayos din nilang dinisenyuhan ang kanilang mesa. Natutuwa ako na kaya rin sagutin ng mga nagbabantay ang lahat ng mga katanungan ko tungkol sa mga pagkain na hindi ko pa natitikman o nakikita.

ANG IPINAPASOK SA BIBIG, ANG HINDI SINASABI

Ang hindi sinasabi ng mga booth na ito ng Kalayaan Residence Hall ay nasa kalituhan kung saan nga ba ilalagay, ikakahon ang isang kultura upang mapanatili ang gahum ng konsepto ng ‘Philippine region’. Ang salita: gahum. At dahil sa pilit na pagkahon ng mga organizer sa mga ‘kulturang’ ito lumilitaw ang mga kontradiksiyon, nalalantad ang mga maliliit at kubling kasaysayan at mga boses na pilit na pinatatahimik ng bayang ito upang mapanatili natin ang gahum ng Nasyunalismong Filipino sa lahat ng diskurso ng bayan/banwa/Ummah. At ito ang pakikisangkot ng mga organizer at mga mag-aaral ng Kalayaan Resident Hall sa diskurso ng ‘pagsasa-bayan/banwa’ ng Pilipinas – isang salu-salo, isang piging, pista.

Ang ‘kalituhan’ kung saang mesa nga ba dapat na ilagay ang pagkain ng mga Tausug ay isang pulitikal na pagpapahayag. Isa itong lantad na katumpakan sa kasaysayan ng Pilipinas bilang Pilipinas, ng Pilipinas bilang Filipino. Na ang Zamboanga City ay marapat na nasa kabilang mesa. Kung gaano ang kalituhan ng mga mga mesang ito ganoon naman katumpak marahil sa mga tao kung saan nanggaling ang mga pagkain na ito na sila ay Muslim, na sila ay mula sa Zamboanga City--na sila ay banwa, bayan bago pa man naging Pilipinas ang Pilipinas. Na kung ano ang ipinapasok nila sa kanilang bibig iyon din ang kanilang sinasabi.

Sa kalituhang ito, naging tahimik ang piging ng Kalayaan Residence Hall sa mga tinig ng mga nasa evacuation center sa Zamboanga City, sa mga Sama na pilit na inililipat ng lokal na pamahalaan ng Zamboanga City na malayo sila sa dagat, sa pagpulbos at panununog sa mga masjid at tahanan ng mga Muslim sa Rio Hondo. Naging tahimik ang Kalayaan Residence Hall sa mga boses ng mga tumalikod sa protekto ng MILF at Gubyerno sa Pilipinisasyon ng Bangsamoro.

Kung may hindi naihain ang mesa ng Negros ay ito: ang malalawak na tubuhan na pag-aari ng iilan. Ang migrasyon ng mga kabataang Ilonggo palabas ng Bacolod, ng Negros patungo sa Cebu, Maynila, at Estados Unidos dahil sa kakulangan ng oportunidad sa kanilang siyudad. Totoo nga na sa Visayas, sa Bacolod mo matatagpuan ang pinakamamasarap na pagkain, ilang porsiyento ng mamamayan sa labas ng siyudad ang hindi nakakakain ng tatlong beses sa isang araw?

Naalala ko noon na kahirapan sa Negros ang nagtulak sa amin palabas ng Maynila. Oportunidad naman sa ibang lugar kung bakit nakarating sa Maynila ang aking mga magulang.

Ang Bisayas bilang
'tourist destination'
Komodipikasyon ng panlasa. Ito ang unang pumasok sa isip ko nang masilayan ko ang booth ng Central Visayas. Nakita ko kasi ang mga brand ng mga pagkain/pasalubong na malimit ilako sa mga turista sa Cebu, Bantayan, Carbon, Panglao, Tagbilaran, Carmen at Danao sa Bohol. Turismo.

Sa ganitong sistema ng komodipikasyon ng panlasa rin tumatakbo ang prostitusyon sa turismo ng Central Visayas. May brand, may bentahan—may pagkakahon at may pang-aakit sa target market. Kung anuman ang hindi inihain sa hapag ng Central Visayas ay ang kung ilan sa mga manggagawa ng mga kakainin at pagkaing-turismo na ito ang nawalan ng trabaho dahil sa lindol sa Bisayas noong isang taon, ilan sa kanila ang nababayaran ba ng sapat, ilan sa kanila ang umaasa ng kabuhayan sa turismo ng kanilang lugar.

May hihigit pang ihahain ang Cebu at Bohol bukod sa turismo; turismo kasi ang siyang nais na paglagakan sa kanila ng Maynila sa ikasusulong ng ekonomiya ng bansa.

THE HORROR! THE HORROR!

At dahil lumalalim na ang gabi at isang oras pa bago ipatikim sa mga bisita ang mga pagkain sa mga booth naisipan ko nang umuwi na lamang. Palabas ng venue nakaagaw ng pansin sa akin ang palabas na bahagi ng piging ng Kalayaan Residence Hall.

Tila may pakontes ng mga ‘cultural presentation’. Nanatili ako nang maagaw ang pansin ko ng mga nagsasayaw sa entablado sa saliw ng awitin ng tila Masskara Festival sa Bacolod. Natuwa ako sa mga nagsasayaw dahil kuhang-kuha nila ang galaw ng mga mananayaw ng festival na ito tuwing Oktubre. Pero nagdalawang-isip ako kung Masskara Festival nga ba ito dahil nasaan ang mga nakangiting maskara? Hindi nga ba’t ang Masskara Festival at tungkol saan pa – sa mga ngiti. Dahil nilikha ang festival na ito ng mga Bacolodnon upang itago sa likod ng mga nakangiting maskara ang taggutom, ang pagbagsak ng sugar industry, ang trahedya na kumitil ng maraming tao sa Negros. Ngunit ang mga nagsasayaw, bagaman nakangiti, ay walang maskara na nakangiti (na nasa likod ng ulo nila) upang isabuhay ang katuturan ng Masskara Festival sa mga manonood. 

Matapos ang tila Masskara Festival sumunod ang isang nakabuburyong na skit na hindi mo alam kung ano nga ba ang ginagawa ng mga mananayaw sa entablado. Nalaglag ang panga ko na ang boring na skit pala ay bahagi ng Sinulog!

Bagaman sumasayaw ang mga nasa entablado sa awit at tugtog ng Sinulog—hindi iyon Sinulog. Nasaan ang makukulay na damit? Ang pagsabog ng mga kulay? Ang Sinulog ang pista sa lahat ng pista sa bayang ito. Ang lahat sa araw ng parada sa Cebu City ay eksaherado. Hindi puwede ang sapat, lahat lumalabis. At hindi ko maintindihan kung lalaki o babae ba ang may hawak ng Sto. Niño kagabi. Ngunit ang alam ko, babae ang may hawak ng santo at nakasuot ito ng eksaheradang damit at hindi siya matatabunan ng sarikulay na costume ng kanyang mga dancer.

Fail.

Ngunit ang talagang nagpauwi sa akin at nagtapon papalabas ng Kalayaan Residence Hall ay ang pagtatanghal matapos faux Sinulog. Hindi ko mawari kung anong tonong ang sumanib at nakaisip  ng konseptong katutubong sayaw ng lumad (Ng aling pangkat? Hindi ko alam) at ng prinsesa ng singkil (o singkil ba talaga iyon?) sa saliw ng awitin mula Norte (parang Bagbagtu sa Cordillera) ang organizer/choreographer ng sayaw na ito. Parang bumaligtad ang sikmura ko at gusto kong matunaw sa paulit na pagsambit na Diyos ko! Diyos ko! Wala sanang Meranao sa audience (pero makikipagkita sana ako sa dalawang kaibigang Meranao na naroroon din sa Kalayaan pero aalis din daw sila kaagad kaya hindi na kami nagkita).

Mali. Maling-mali.
Itinuturo ba natin sa mga kabataan ang respeto sa komunidad
 kung saan nanggagaling ang mga 'cultural expression'?

At nahinuha ko sa emcee na ang mga palabas pala na iyon ay isang pakontes. Sino kaya ang itatanghal na nagwagi sa paglalabanan ng mga sayaw, galaw at ‘kultura’? Kaninong panuntunan kaya ang gagamitin sa pagsukat kung kaninong kultura ang nagwagi at kung kanino ang kulelat. Sana hindi sa kung gaano ka kalapit sa sa agenda ng Nasyunalismong Filipino ganoon ka kalapit sa pagwawagi. Sana. Pero hindi ko alam, ang bawat pakontes, tulad ng neo-liberal na ekonomiks ay may sariling agenda na puwedeng isulong sa kubling pamimilit bilang panghihikayat. Bilang Kalayaan, kuno.


CULTURAL DIFFERENCES VS. CULTURAL DIVERSITY: ANG AGENDA NG NASYUNALISMONG FILIPINO

Ang problema sa palabas ng Kalayaan Residence Hall ay ang pribilehiyo na ibinibigay sa konsepto ng cultural diversityupang ilugmok sa putikan ang cultural differences. Ooops, teka, alam ko na tulad ng ‘peace’ ang ‘cultural diversity’ ay catchword din sa panahon ng globalisasyon at sa pangangalap ng pondo sa mga aid agencies. Tulad ng 'peace' ang 'cultural diversity' ay isa ring career.

Teoretikal at konseptuwal ang puna ko sa bentahan ng cultural diversity bilang antithesis sa cultural differences. At nakita ko ang problema na ito sa Kalayaan.

Malimit mahulog sa bitag ng ‘universalization’ ang cultural diversity. Ito rin ang puna ni Bhabha sa makinasyon ng cultural diversity upang ikubli ang galamay ng kolonyal na dominasyon ng gahum ng Kakanluraning perspektibo at kaisipan.

Sa piging ng Kalayaan kagabi: ang gahum ng Nasyunalismong Filipino ang nangibabaw, ang pagsasa-Pilipinas ng lahat karanasan, realidad, boses, kontra-karanasan, kontra-boses, kontra-realidad at kontra-naratibo at isa itong karahasan.

Ang diskurso ng cultural diversity ay tila kumot na ibinalumbon sa katawan upang ikubli ang iba’t ibang bahagi at ang tanging lumitaw lamang ay ang ulo at ang iisang hugis o hubog na binalot ng kumot—dahil nga ang agenda ng cultural diversity ay unibersal: na tayo ay iisa.

Unibersal din ang agenda ng Filipinas sa Bangsamoro--na tayo lahat ay Filipino.

Sa cultural differences kinikilala ang espasyo at ang kalayaan, ang awtonomiya at ang indibidwal ng espasyo na ito. Kinikilala na ang isang naratibo ay buhay at isang subheto, hindi obheto tulad ng ginagawa ng cultural diversity na tila artefact sa museo ang lahat ng realidad maging ang pagkatao.  Sa cultural differences, diskurso ang pagkakaiba, dinamiko ang relasyon—ang lahat ng gahum nailalagay sa mesa at inuukilkil.

Sa Kalayaan kagabi, nakita kung gaano nga ba kasalimuot ang proyekto ng Nasyunalismong Filipino bilang kumot na ibabalumbon sa lahat ng boses at realidad upang patahimikin, upang isiksik ang hugis at hulma sa iisang debuho.

Kalayaan, para kanino ba ang Nasyunalismong Filipino?

Lumisan ako kagabi palabas ng unibersidad at naglakad pauwi sa amin. Sa daan, sa ilang stick ng yosi ang naupos ko sa paglalakad, pinag-iisipan ko kung tama ba ang institusyon na aking napasukan. Na kung sapat na ba ang paglilinis ko ng isip at kaluluwa sa isang uri ng edukasyon kung saan hinulma rin ako at ang aking pagkatao—noong highschool at sa elemetarya sa mga cultural presentation, field demonstration at Linggo ng Wika bilang proseso ng interpelasyon ng Estado na pinatatakbo ng iilang pamilya at ng kanilang mga perspektibo at realidad.

Magiging sapat ba ang paghuhubad ko ng kamalayan na hindi na umaayon sa aking realidad, sa realidad ng aking lipunan.

Pero naisip ko pa rin na isa itong unibersidad—na rito, marahil (at hindi ako sigurado) puwede muna siguro ako na maging isang nag-iisip na tao bago maging isang Filipino.