TULAD NG MGA kasama kong Tomasinong manunulat, o iyong mga manunulat na nagtapos sa Unibersidad ng Santo Tomas o mga naging kasapi ng Thomasian Writers Guild mataas ang pagtingin namin kay 'Ma'am Ophie' bilang guro, kaibigan, mentor, at 'ina ng mga Tomasinong manunulat'.
Hindi ko talaga naging guro si Dimalanta sa kahit na anumang kurso sa kolehiyo (dahil Agham Pampulitika ang kurso ko sa Santo Tomas) pero nabigyan ako ng maikling pagkakataon na maging guro ang dakilang makata, ang dekana.
Ganito ang kuwento:
Kamamatay lang noon ng tatay ko at ang tanging nagtataguyod sa amin ay ang nanay ko sa pamamagitan ng maliit naming tindahan ng isda sa isang talipapa riyan sa Luzon Avenue. Halos ibenta na ng nanay ko ang lahat ng mga gamit namin na naipundar ng tatay ko sa mahabang taon na construction worker sa Middle East at isanla ang kanyang wedding ring para lang makabayad ng tuition ko noon sa kolehiyo, kailangan ko na kasing makatapos ng pag-aaral at makapagtrabaho para masuportahan ko ang mga nakababata kong kapatid sa pag-aaral at gampanan ang responsibilidad na iniwanan ng aking ama.
Natatandaan ko noon, 4th year college ako. At ito ang taon na nahumaling ako sa Panitikan at pagsusulat dahil ito rin ang taon na naging kasapi ako ng Thomasian Writers Guild at naging patnugot sa Filipino ng The Flame. Ito rin ang taon na nararamdaman ko na ang pressure ng pagiging 'padre-de-pamilya' matapos ko lamang ang aking pag-aaral sa kolehiyo. Malaki at mabigat ang papasanin ko matapos ko lang ang aking pag-aaral. Kailangan ko nang kumita ng pera at tumulong sa pamilya. Ito rin ang taon, sa hindi ko maisip na kadahilanan sa ngayon, nagdesisyon akong maging isang 'manunulat'. Ang sabi ko sa sarili ko noon, matapos ko lang ang pag-aaral na ito magiging isang manunulat ako pero gagampanan ko ang responsibilidad ko sa aking pamilya. Hindi ko pa noon ganoon kakilala ang buhay at responsibilidad, inakala ko na ganoon lang kadali ang lahat paglabas mo sa Unibersidad.
Pero paano ako magiging manunulat kung ang kurso ko ay Political Science at wala akong kurso na may kinalaman sa pagsusulat? Disiplina ang pagsusulat at kailangan mo itong pag-aralan. Nais ko noong mag-aral ng Poetry, iyong seryosong pag-aralan ang disiplina ng pagtula. Sino ba namang ayaw maging si Rio Alma, Cirilo Bautista, Ramil Gulle, Lourd de Veyra o maging si Dimalanta. Pero ang problema: paano ko ipaliliwanag sa nanay ko na kailangan kong magdagdag pa ng isa pang kurso higit pa sa mga regular ko na kurso sa aking major? Dagdag gastos na naman ito para sa aking pamilya. Pero nais kong mag-aral sana ng Poetry kay Dimalanta at maka-enrol sa klase niya.
Si Dimalanta, kahit aristokrata sa kilos, pananalita at pananamit ay isang mabuting tao at mananatili sa akin palagi ang isang bagay na nagawa niya sa akin at sa aking pamilya bagaman may mga pagkakataon noon sa kolehiyo na may hindi kami pagkakaunawaan sa ilang bagay na may kinalaman din sa pagsusulat.
Ang hindi alam ng nakararami mayroon kaming isang lihim ni Dimalanta.
Gamit ang malaking Olympia typewriter na binili pa ng tatay ko noon sa kasama niyang construction worker (construction worker ang tatay ko noong nabubuhay pa siya) lumiham ako kay Dimalanta. Ipinaliwanag ko sa liham ang sitwasyon ng aking pamilya at ang pagnanais kong makapag-aral ng Tula at maging isang makata pero hindi na kayang tustusan pa ng aking pamilya ang dagdag na kurso lalo na't wala naman itong kinalaman sa aking major. Iniabot ko sa sikretarya niya ang liham, nilunok ko ang lahat ng pride at nalalabing hiya sa katawan at umasa na hindi aaprubahan ng dekana at makata ang hiling ng isang hindi-naman-literature-major na tulad ko at nagsusulat pa sa Filipino (sa Ingles lamang nagsusulat si Dimalanta.) Hilining ko kasi sa makata na makapasok sa klase niya ng libre sa buong semester. Pakapalan na lang ito ng mukha, kapit sa patalim ika nga nila sa Tagalog.
Dalawang araw din akong hindi makatulog at iniiwasan na balikan ang Dean's Office kung 'approve' o 'disapprove' ba ni Dimalanta ang hiling ko. Pero naglakas-loob akong kunin ang liham sa ikatlong araw. At nang iniabot sa akin ang liham - halos maiyak ako sa tuwa, sa ibabaw ng mga letra na tinipa pa sa typewriter ang isang malaking "OK" at ang pirma ng Dekana.
Iyon ang unang pagkakataon na nakaramdam ako ng suporta mula sa isang tao, sa isang 'malaking tao' ng Panitikan ng Pilipinas para sa aking pagsusulat. Doon ko nakita na sa kahit na anong sitwasyon naroroon ang iyong buhay, kahirapan halimbawa o gampanan ang responsibilidad sa pamilya, hindi ito sapat para itigil ang pagsusulat, ang mangarap.
At sa mga panahong ito ng aking buhay na tila nasusubok ang pagtitiwala ko sa kabutihan ng mga tao at sa intensiyon ng mga taong nagnanais na maging bahagi ng aking buhay, nais kong balikan si Dimalanta - ang guro, ang Makata, ang ina na minsan hindi ako tinalikuran nang humiling ako ng pag-ibig, pagkalinga, at pag-unawa.
Mayroon pang mabubuting tao. Hindi kailangang maging mapait ang lasa ng buhay.
Kaya ngayon, sa mga panahong ito ng aking buhay na malapit na akong mawalan ng tiwala sa kabutihan ng mga taong nagnanais na maging bahagi ng aking buhay, sa mga saliwang intensiyon ng mga tao sa akin - nais kong balikan si Dimalanta, ang bahaging iyon ng aking buhay, sa aking kabataan. At noong mga panahong iyon ng aking kabataan na naglulunoy din ako sa lungkot, kahirapan sa buhay, sa dalamhati at pag-iisa palagi kong ibinibigkas sa aking sarili ang tulang ito ni Dimalanta. Ngayon, sa edad kong ito, natatawa ako't binibigkas ko pa rin ang tulang ito ni Dimalanta na tila dasal - dasal sa sarili at sa kaligtasan ng pananampalataya sa relasyon at pag-ibig.
A Kind of Burning
Ophelia Alcantara-Dimalanta
it is perhaps because
one way or the other
we keep this distance
closeness will tug as apart
in many directions
in absolute din
how we love the same
trivial pursuits and
insignificant gewgaws
spoken or inert
claw at the same straws
pore over the same jigsaws
trying to make heads or tails
you take the edges
i take the center
keeping fancy guard
loving beyond what is there
you sling at the stars
i bedeck the weeds
straining in song or
profanities towards some
fabled meeting apart
from what dreams read
and suns dismantle
we have been all the hapless
lovers in this wayward world
in almost all kinds of ways
except we never really meet
but for this kind of burning.
(Abangan sa aking blog ang isang sanaysay sa naisulat ko bilang pag-alaala kay Dimalanta. Nasa Compostela, Cebu pa ako noon naninirahan nang makarating sa akin ang balita ng pagpanaw ng guro. Sa Compostela naisulat ang unang burador ng sanaysay na ipababasa ko muna sa mga kasama at kaibigan kong manunulat sa dating mga kasapi rin ng Thomasian Writers Guild bago ko ilathala sa aking blog. RB)