DALAWA SA AKING mga dula ang ipalalabas ngayong taon sa Virgin Labfest sa Cultural Center of the Philippines sa Hunyo ayon kay Rody Vera, ang festival director. Ipalalabas muli Ang Bayot, Ang Meranao, at ang Habal-Habal sa Isang Nakababagot na Paghihintay sa Kanto ng Lanao del Norte at ang bago kong dula, So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman. Si Nick Olanka muli ang director ng habal-habal play at si Rikki Benedicto naman ang sa So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman.
Medyo challenging sa akin (at sa aking direktor) ang sitwasyon ko ngayon sa Virgin Labfest, malayo kasi ako sa Maynila. Nandito ako sa Cebu City. Mahalaga kasi sa akin ang makausap ang direktor at ang mga artista sa dula. Minsan marami kasi silang tanong. Minsan, mas mabuti na ako na rin ang magpaliwanag. Anupaman, challenge sa akin ang sitwasyong ito dahil kailangan kong gamitin ang teknolohiya at ang walang kamatayang virtue ng pagtitiwala. Pagtitiwala sa aking direktor, sa mga tao sa produksiyon at sa mga artista sa aking dula.
Pagtitiwala sa aking Sining.
Lagi kong sinisimulan ang ritwal sa mga theatre company na gumagamit ng aking piyesa ang pagpapaalala na tayo ay mga Filipino, mga Manilenyo, at ang iba ay mga Kristiyano at ating dula ay mangungusap ng Mindanao, ng mga Bangsa Moro - kailangan sensitibo tayo sa cultural at religious nuances sa dula maging ang historical context ng mga sitwasyon. Kaya binabasa ng mga kaibigang Meranao sa Marawi City ang dula at patuloy ko itong nirerebisa kahit nagsisimula na ang rehearsal (iba ang script na ginagamit noon nina Angeli Bayani at Eric dela Cruz sa script na hawak ng ibang tauhan sa dulang Sa Pagdating ng Barbaro dahil hindi pa dumarating ang responses ng mga readers mula sa Marawi), kaya hindi puwedeng magdagdag at magbawas ng linya ang mga artista. Kailangan may Moro sa produksiyon at matuto tayong makipag-usap sa mga Moro na hindi natin kailangan mag-impose at mag-assume.
Malimit akong umuupo sa harap ng direktor at tinatanong ko sa kaniya kung ano ang kanyang perspektibo sa aking dula. Mahalaga sa akin na nauunawaan ng direktor ang pulitika, konteksto, maging ang mga religious at cultural nuances sa aking dula, maging ang inaasahang responses ng manonood sa dula. Kailangan laging handa. Kailangan maging sensitibo. Minsan hinahikayat kong mag-riserts ang direktor at ang mga artista - ano ang maratabat, ano kasaysayan ng Lanao, ang ano Bangsa Moro. Mahalaga sa akin ang sensibilidad ng direktor dahil doon ko rin nauunawaan kung paano ko nga ba aayusin aking akda dahil ang Virgin Labfest ay isang proseso.
Masaya ako sa ganitong proseso dahil nakikita ko rin ang sensibilidad ng kapwa Filipino na naninirahan sa Maynila kapag pinag-uusapan ang mga Moro.
Ngayon ko lang nararamdaman ang maging malayo sa Maynila, malayo sa mga entablado. Hindi ko alam pero nais ko na lang isipin na magiging maayos ang lahat, baka nga hindi pa ako makapunta sa Maynila sa festival. Kahit wala ako sa rehearsal, sa first reading para sagutin ang tanong ng mga artista, sa technical dress rehearsal, sa chikahan kasama ang mga kaibigang mandudula sa Writers Bloc, Inc. at sa PETA Writers Pool, iisipin ko na lang marahil na ganoon talaga siguro. Magtiwala.
Sa lahat ng dula na naisulat ko sa mga nagdaang taon ang So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman ang pinakamahirap. Mahirap dahil mabigat siya sa dibdib at sa isipan. Paano ba itatanong sa sariling bayan ang isang krimen na maging siya ay pilit niyang itinatago sa pinakakubling bahagi ng kanyang kasaysayan? Paano mo itatapon sa daigdig ang isang uri ng karahasan na walang pagkondena sa sarili mong bayan? Paano mo uukilkilin sa sarili mo ang nakatagong karahasan sa pinakamalalim na bahagi ng iyong pagkatao - ang maging isang Filipino sa harap ng isang Moro?
Kagabi, hindi ako makatulog, naglakad-lakad ako, paikot-ikot sa harapan ng Redemptorist Church at Mango Avenue. Hindi ko alam pero parang may bumabagabag sa akin. Mabigat ang aking dibdib. Nalulungkot yata ako dahil sa pag-iisa sa isang malayong lugar o iniisip ko lang ang aking dula at ang ilang dula na naisulat sa nagdaang mga taon. Biglang nagtext sa akin ang isang kaibigang Meranao na nasa Marawi City; nagpapasalamat sa dula na natapos niyang basahin sa hapon. Siya palagi ang nagbabasa ng aking mga dula at nagbibigay ng mga komento. Marami siyang sinabi bilang isang Meranao, bilang isang Moro, at sa dula na kanyang nabasa. Hindi ko alam kung paano siya sasagutin. Sinabi ko na lang sa kanya na ako ay Filipino at mahirap ang dulang iyan para sa akin. Nais kong lakbayin ang aking damdamin, bakit ganoon na lamang ang aking nararamdaman. Siguro, dahil parang wala akong kakampi. Walang nakauunawa sa akin. O, wala nakauunawa sa akin at sa kung saan ako nanggagaling. Ewan.
Ngunit wala akong dapat na isipin sa ngayon kundi ang magtiwala sa aking Sining at marahil ito rin ang magliligtas sa akin. Muli, magtiwala. Kailangan kong matutunan ang mamuhay nang mag-isa.
No comments:
Post a Comment