Ngayong taon lumiban ako sa piging. Nandito kasi ako sa Cebu at nagtatrabaho. Nais ko mang bumalik ng Maynila at dumalo napako ako sa mga gawain sa opisina. Anupaman sa isang sulok ng aking silid inisip kong muli ang aking mga karanasan sa piging. Noong Marso, 2008. Sa Corregidor at maliit at maikli naming huntahan ni Jabin Arula. Naaalala ko noon sa aming usapan kung paano niya inilahad ang mga pangyayari. Ang taas ng araw, ang kulay ng usok, ang mga kapit-bahay niya noon na sumama sa kanya para maging 'sundalo', ang pangako na babalik na sila sa Tawi-Tawi. May mga bagay na hindi pinag-uusapan ng mga Filipino dahil masakit ding itong tanggapin sa sarili; may mga kasaysayan na pilit nating kinalilimutan dahil sadyang takot tayong magpatawad at humingi ng tawad. Kay daling lumimot at magpanggap na dadaloy ang buhay nang pasulong.
Dumalo ako noon sa Jabidah Massacre celebration dahil may mga bagay akong nais matutunan sa isang karanasan. Sa mga panahong iyon marami kasi akong tanong, sa sarili, sa nangyari sa akin sa dating kong trabaho, sa mga kalsabahiang nasaksihan ko noon sa mga Meranao sa Lanao del Norte. Nitong mga nagdaang araw kasi hindi ko na naman madisiplina ang aking sarili na tapusin ang aking dula na So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman para sa Virgin Labfest sa Hunyo. Hindi ko alam kung bakit pero may suspetsa ako na may kailangan akong balikan sa aking kasaysayan. Hindi hadlang ang Cebu at ang kakaibang daigdig sa lugar na ito para maiwaglit ang mga dapat tapusin at ipinangako sa sariling personal na pakikibaka. Maraming boses ang pinatatahimik sa bayang ito. Ayaw ko nang dumagdag. Maraming pagbabalat-kayo. Maraming hiindi itinuro sa akin ang mga paaralan at unibersidad na aking pinasukan. At palagi kong tinatanaw ang Jabidah Massacre bilang pagbubukas ng sarili bilang isang Filipino, isang katapangan at selebrasyon ng katapangan sa pagharap sa sariling mga demonyong nananahan sa aking kasaysayan.
Saan man ako ipadpad ng aking pagsusulat, ng aking Sining, isa lang ang lagi kong isasagot bilang Filipino at bilang isang manunulat: Ang Bangsa Moro ay hindi lamang pakikipagtunggali para sa pagiging isang lipi at sa pagsasarili; isa itong pakikipagtunggali para sa kalayaan ng tao. Kaya ito ay unibersal. Kaya ito ay mahalaga sa akin. Alhamdullilah.
No comments:
Post a Comment