Tuesday, March 31, 2009

Bikol Express: Sa Kagubatan ng Isang Lungsod at Ang Sandali ng mga Mata

NITONG ENERO BITBIT ang halos apat na kahong mga aklat at ilang mga bag papuntang Cebu City (ito na ngayon ang aking pansamantalang tahanan para magtrabaho at magsulat) binitbit ko ang Bikol sa aking paglalakbay. Dalawang Bikolanong manunulat at mga kuwentong Bikolano ang dinala ko sa aking paglalakbay. Halos isang buwan kong binasa ang dalawang aklat, nginasab ng dahan-dahan ang bawat salita at inurirat kung ano nga ba talaga ang daigdig sa isang kuwentistang Bikolano. Sina Abdon Balde at Alvin B. Yapan ang mga kontemporanyong kuwentista na mula sa Bikol.

At hinihikayat ko ang lahat na basahin natin ang kanilang mga akda.

Sa aklat ni Balde na Sa Kagubatan ng Isang Lungsod hindi Bikol ang nais niyang pag-usapan kundi ang isang bagay na nagaganap sa buong Pilipinas at maaring karanasan din ng lahat ng lipi sa daigdig: ang korupsiyon sa sistema at ugat nito ang pagkagahaman sa kapangyarihan ng isang indibidwal na binigyan ng pagkakataon ng isang korap na lipunan. Lipunan, indibidwal, sistema at korapsiyon ang buod at buto ng nobela ni Balde. Kung iisipin hindi na ito bago sa atin; hindi na bago ang ganitong kuwento sa ating lipunan at sa ating mga panitikan. Ngunit hindi layunin ni Balde ang pag-usapan ang mga bagay na matagal na nating alam. Ang kanyang aklat ay imbitasyon sa atin na pasukin ang buhay ng isang taong nalulong na sa kapangyarihan at korupsiyon.

Dalawa ang daigdig ang nais na ipakilala sa atin ni Balde: ang personal na daigdig ng isang taong sa paghusga ng lipunan ay may saliwang moralidad at ang daigdig mismo na lipunan na siyang kumakalinga sa ganitong moralidad. Sa gitna ng dalawang daigdig na ito naroroon ang tunggalian ng tama at mali, ang lihis at tuwid na katwiran, at ang katwiran mismo ng mga taong lulong na kapangyarihan at pagkagahaman. Isang kahanga-hanga sa nobelang itong ang nalalaman ni Balde sa sistema ng korupsiyon sa sangay ng public works. Dapat nabasa ng World Bank ang aklat na ito ni Balde at maaring makatulong sa kanila (at sa atin na rin) na maunawaan kung paano nga ba tumatakbo ang korupsiyon sa public works projects ng gubyerno.

Walang pretensiyon ang nobela ni Balde. Wala itong nais na baguhin sa mismong Sining ng pagsusulat ng nobela. Ang kariktan ng aklat ay ang payak na mithiin nitong magkuwento at magsiwalat. Kung mayroon mang kapuna-puna sa aklat at tanging nakakainis na ninanais mong sulatan ang publishing house na sana't hindi na lamang sila isinama sa paglikha ng aklat. 'Wala mismo sa aklat' ang problema. Ang mga problema: Si Virgilio Almario, Marne Kilates, ang nagdisenyo ng aklat at ang mismong paraan kung paano nilikha ang aklat.

Pasintabi fan talaga ako ng mga nobelista at kuwentista sa ating bayan.

Hindi ko alam kung tamang desisyon ang ilagay sa aklat ang mga blurb ng dalawang manunulat. "Isang pambihirang tuklas ng Literaturang Filipino" ang sabi sa harapan ng aklat mula kay Almario. Hindi ko tuloy alam kung nagtapos ba ang pagbabasa ni Almario ng nobela sa Filipino Sa Pagkamulat ni Magdalena o sa Ingles naman e sa The Great Gatsby at ganoon na lamang ang kanyang natuklasan. Hindi ko alam kung ang 'pambihirang' binabanggit niya ay niya pagkatuklas niya sa ganda ng nobela ni Balde o ang kamangmangan niya sa mga nobelang Filipino o sa pagbabasa ng nobela mismo. Ang tema ng nobela ni Balde ay halos napag-usapan, iniismiran pa nga, maka-ilang ulit nang tinuklas at tinutuklas ng mga nobelistang Filipino. Jun Cruz Reyes, F. Sionil Jose, Rogelio Sikat, Lope K. Santos at hindi matatapos ang listahan (puwedeng umpisahan natin kay Rizal.) Ano ang pambihira kung hindi ang hindi paggalang ng blurb sa likha ni Balde na ilagay ito sa dapat nitong paglagyan sa panitikan sa ating bayan.

At hindi pa nakuntento si Almario. Sa introduksiyon ng aklat, hindi niya naman ibinigay ang tamang daan sa mambabasa na maunawaan natin ang aklat ni Balde. Bagkus pinuri niya si Balde, hindi bilang alagad ng Sining ngunit bilang isang Bikolano na nagsusulat sa Tagalog. Nais kong bigyan ng paggalang si Balde bilang isang manunulat, bilang alagad ng Sining, at hindi ang kanyang lahi.

"Isang paglalaro sa pagitan ng realidad at likhang-isip ang kagila-gilalas, isang paglalaro na ang pangunahing lunggati ay igiit ang katunayan ng likhang isip sa saglit na pagbabantulot ng paniniwala ng ulirat. Ibinubukas nito ang daigdig at batas ng kalikasan sa mga posibilidad ng kababalaghan at sobrenatural." Teka, hindi yata nabasa ni Almario ang realismong nobela ni Balde at hindi ko mawari kung saang bahagi ng nobela hinugot ang 'kababalaghan at sobrenatural.' Ngayon lang ako nakakita ng nobela na ang blurb at ang introduksiyon ay sampal mismo sa nobelista at sa mismong Sining ng nobela at sa mga taong nagbabasa ng nobela.

Tatlong daang piso ang nobela ni Balde. Ngunit ang mga pahina ng nobela at putol-putol at hindi magkakasunod. Mayroon ding typographical errors. Ang histura at laki ng aklat maging ang disenyo ay parang college textbook. Hindi mahahalina ng aklat mga mambabasa na kunin ang aklat sa estante. Sa akin, sa payak na nobelang ito Balde, mahalagang mabasa siya ng mas nakararami.

***

Aaminin ko na sa lahat ng kontemporanyong manunulat ng kuwento sa Filipino si Alvin B. Yapan ang siyang pinaka-paborito ko. Kakaiba siya sa lahat ng kuwentista sa ating bayan. Hinahangaan ko ang kanyang mga likha na nababasa ko noon sa Heights at sa mga sipi ng mga kuwento niya nagwagi sa Palanca. Ngayon nais kong itama ang aking sarili, gusto ko si Yapan bilang kuwentista ng maikling kuwento at hindi nobela.

Isang kuwentong bitin Ang Sandali ng Mga Mata. Bitin dahil tila ang lawak ng damdamin at karanasan na nais na dalhin ni Yapan sa daigdig ay maaring dalhin ng isang maikling kuwento at hindi ng isang nobela. Nabuhay ang 'haba' ng nobela sa mga imahen at kuwentong kababalaghan ngunit hindi sa damdamin at karanasan ng buhay na nais sanang lakbayin ng nobela. Kaya hindi maiwasang may mga bahagi ng kuwento na paulit-ulit ang tagpo at damdamin, ang 'kababalaghan' ay simulang bahagi lamang nobela at unti-unti itong nawawala hanggang sa maging parang bersiyon na ito ng Philippine Ghost Stories series sa katapusan.

Bagaman ang nobela ay tungkol sa kapangyarihan ng sandali, ng pananatili, ng mga ala-ala na hindi umuusad dahil ayaw nating itong bitiwan at palayain na siyang pagpapalaya rin sa ating sarili hindi nakayanan ng nobela ang kuwento. Nanaig marahil ang maratabat ni Yapan bilang magaling at tanyag at premyadong kuwentista at hindi ang kanyang pagiging kuwentista. Ninais na ibalandra ni Yapan ang kanyang riserts, ang kanyang pinagmulan, ang mga teknik na ginamit niya sa Nana Soling, ang pagiging biswal ng kanyang mga akda. Ngunit hindi siya nangusap ng damdamin. Ang ala-ala ay ala-ala at hindi na ito dapat itong pagtalunan. Ngunit ang ala-ala bilang damdamin, na siyang nais lakbayin ng kuwento, ay isang napakaganda sanang ipanganak sa daigdaig sa pamamagitan ng nobela ngunit hindi naabot ni Yapan.

Anupaman hihintayin ko ang susunod na nobela ni Yapan. At tiyak kong kagigiliwanan ko ito tulad ng kanyang mga maiikling kuwento.

***

Nangako ako sa sarili na babalik muli ako sa masigasig na pagbabasa ng mga nobelang Filipino na nakasulat sa sariling wika. Babalik ako sa pagbabasa ng mga kuwentong Filipino. Dahil nais kong maglibang. Dahil nalilibang ako sa mga perspektibo ng ating mga nobelista. Nariyan pa sila at naghihintay sa mga kahong binitbit ko mula sa Maynila: Jun Cruz Reyes, Edgar Samar, Lazaro Francisco, at ilan pang aklat ni Balde.

Hinihikayat ko ang lahat na magbasa tayo ng mga nobelang Filipino. Iyong nasa sariling wika (hindi ko ibig sabihin ang Tagalog.) Sari-sari ang kanilang tema, estilo, at punto de bista. Malay mo magkaroon pa tayo ng favorite nobelistang Noypi. Isang napakagandang karanasan ang pagbabasa ng mga nobelang Filipino higit pa sa karanasan na nais ipamukha sa atin ng mga mamerang blurb ng mga taong hindi naman yata nagbabasa ng nobela. Caingat ka.

No comments:

Post a Comment