HAMIDA: Ngunit dumating ang isang pag-ibig. Si Akbar. (Tatawa) Matanda na ako para sa mga ganyan. Lumipas na ang aming pahanon. Iba na ngayon. Ang lahat ng bagay na dumaraan sa iyong harapan ay may tiyak na patutunguhan. Minsan, tulad ng pag-ibig, kapag lumisan, hindi na ito bumabalik. Kaya kapag dumaraan ang pagkakataon sakmalin mo na. Kung hindi mo ito mahawakan gumawa ka ng maraming paraan gaano man kahirap ang mga paraan na ito. Dahil kung hahayaan mo itong mawala...maglalaho ito habang-buhay.
Makalipas ang dalawampung taon nagkita kaming muli ni Akbar. Noong isang araw. Sa tabu’ (pamilihan) riyan sa baba. Naghahanap kasi ako ng mga bagong tela.
AKBAR: ‘Ikaw, Hamida, saan mo ginugol ang mga gawain ng iyong mga kamay?’
HAMIDA: Aba’t indupang hinamak pa ang aking trabaho.
AKBAR: Tinatawag tayo ng panahon dahil may kailangang gawin.
Katahimikan.
HAMIDA: At tulad ng ginawa niya sa akin noon dalawampung taon na ang nakalilipas tinalikuran muli ako ni Akbar at lumisan.
*****
Naisulat ko ang dulang ito matapos dumalo sa ika-40 na anibersaryo ng Jabidah Massacre sa Corregidor Island noong Marso. Ang aktibidad ay isang caravan na pinamunuan ng Mindanao People's Caucus (MPC). Sa nasabing caravan (mula pa sa Mindanao ang mga participant) nilayon ng lahat ng mga dumalo na sariwain ang karumal-dumal na krimen na naganap sa ating kasaysayan.
Pagdating sa Corregidor isa-isang nagsalita ang mga panauhin mula sa iba't ibang 'panig' ng Mindanao. At tulad ng ibang mga nagsipagdalo sinariwa ko rin ang Jabidah Massacre, nakipaghuntahan sa nalalabing survivor, at binalikan ang iba't ibang lugar sa Corrigidor na talaga namang sasariwa sa alaala. Nakasulat pa sa pader ng mga ruins ng Corregidor ang mga graffiti ng mga sundalong nagsasanay para sa Misyon apatnapung taon na ang nakalilipas (sa kung anong dahilan na nananatili pa rin doon ang kanilang mga sulat-kamat gayong limot na ang mga tao ang naganap na krimen) - mga pangalan - mga lugar - at ang kamatayan.
Napakalayo ng Corregidor at napalilibutan ito ng dagat.
At habang binabaybay ng aking mga palad ang haligi ng mga guho na siyang pinaglakagan ng mga Moro pinilit kong damhin ang sakit ng paggasgas ng katotohanan sa aking mga palad - ilang Moro na ang pinatay at patatayin pa ng Nasyunalismong Filipino? Sino ang umamin sa karumal-dumal na krimen? Sino ang humingi ng tawad?
At sa di kalayuan, malayo sa piging kung saan nagsasalita ang mga piling bisita mula sa iba't ibang 'panig' ng Mindanao may bumulong sa akin, mahina parang dasal na sinasambit mo lamang sa iyong sarili: "Walang kapayapaan kasi walang kalayaan."
Maraming itinagong lihim sa akin ang bayang ito.
____________________________
Ipalalabas muli 'Ang Mga Mananahi' sa Oktubre 29-30, 2008 sa Tanghalang Huseng Batute sa Cultural Center of the Philippines sa direksiyon ni Paul Santiago kasama ang UP Repertory Company.
No comments:
Post a Comment