NITONG MGA NAGDAANG linggo hindi ko na naman naupuan ang pagsusulat ng aking nobela. Enero pa lamang naka-set na ang target dates para sa gawaing ito. Maayos na kung kailan ang pagri-riserts, kailan isusulat ang isang kabanata, kailan magpupunta sa ganito-ganyang lugar para maghukay ng mga tala at detalye. Pinag-iipunan na ang printer na bibilhin. Nais kong maging maayos ang proseso ng lahat. Ngunit sa mga nagdaang buwan, maraming mga pangyayari at nangyayari pa rin hanggang sa kasalukuyan at napipilitan akong lumayo sa aking mesa at magtungo sa kung saan at ilaan ang oras sa kung anu-anong mga gawain.
Nagtungo ako sa Cebu, bukod sa trabaho at pagbabalik sa aking pagka-Bisaya, upang magsulat ng nobela at matapos ang isang koleksiyon ng mga maiikling kuwento na naisulat ko sa nagdaang mga taon. Malayo sa Maynila, sa mga kaibigan at sa mga gawain sa teatro. Pero galit ako sa aking sarili ngayon. Hindi ko nasusunod ang aking mga adhikain, ang mga plano, ang mga iskedyul. Maraming oras ang nasasayang at maraming mga pagkakataon at oportunidad ang naiwawaglit. Galit ako sa aking sarili.
Nitong mga nagdaang linggo aligaga ako sa pagpapalalabas ang aking mga dula sa Virgin Labfest. Masaya naman akong may dalawang dula akong ipalalabas sa Virgin Labfest at nagpapasalamat sa lahat ng suporta ng aking mga kasama sa Writers Bloc lalo na kina Rody Vera, Dennis Teodosio, Job Pagsibigan, at sa mga kaibigan ko sa PETA Writers Pool: Glen Mas, Sir Manny Pambid, kay Bing Veloso, Trixie Dauz, Tito George Kabistrante, at sa aming puno na si Tim Dacanay. Iba humila (o mang-agaw) ng oras at lakas ng manunulat ang pagpupursige sa teatro. Lalo na kung hindi ka lang mandudula at nagsusulat ka rin ng mga kuwento.
Ngayon nakikita ko na ang malaking kaibihan ng mga daigdig na aking ginagalawan. Iba ang buhay sa teatro bilang isang mandudula at iba ang buhay na tatahakin sa pagnanais na sana maibalik ko na ang momentum at disiplina sa pagsusulat ko ng fiction. Mahalaga sila sa akin. Ngunit sa ngayon ang nakikita kong pinakatamang perspektibo ay tingnan ang dalawang daigdig na ito na isang challenge na ma-balance ko ang lahat at maipanganak sa daigdig ang dapat na maipanganak na kuwento.
Seryosong gawain sa akin ang pagsusulat. Ito kasi ang itinuro sa akin ng mga kaibigan at kasama sa paglalakbay sa Sining na ito; sa mga kasama ko sa Writers Bloc, sa aking mga kaibigang manunulat at mandudula, sa mga aklat na nabasa at patuloy na binabasa, sa mga pangyayari sa aking lipunan at sa aking kapwa-tao at ang kanilang mga hamon sa mga manunulat. Minsan nalulungkot na lang ako sa aking pagmumuni tulad ngayon kung ginagawa ko nga ba ang dapat na gawin. Sa palagay ko hindi, at hindi pa sapat.
Minsan mas gusto ko ang pagsusulat ng fiction. Hindi ko kailangang makihalubilo sa mga tao, sa ibang tao, sa mga direktor, artista, audience tulad ng karanasan sa pagsusulat ng dula. Iba talaga ang daigdig ng teatro. Mahirap ang makisama at minsan nahihirapan akong makisama. Halimbawa nakasanayan ko na kasi sa Writers Bloc na kailangan marunong kang makipagbalitaktakan, alam mo kung paano mo ipaliliwanag ang iyong dula, ang iyong proseso, ang pulitika at perspektibo ng iyong mga gawain. Naka-abang palagi ang mga kasamang mandudula. Kailangan handa kang ipabasa ang dula mo kina Rody Vera, Nick Pichay, at ilan sa mga mandudula ng Writers Bloc. Ganoon din sa Writers Pool, handa ka sa mga puna at pamumuna. Sa mga praktikal na tanong ni J. Dennis Teodosio na hihilahin ka sa lupa, sa karanasan ng tao, mula sa alapaap ng mga ideya at idelohiya.
Ganito ang kinamulatan kong daigdig ng mga mandudula. Kaya minsan nahihirapan akong makipag-usap sa mga direktor na tila walang masabi sa aking dula, hindi makapagsimula ng balitaktakan sa akin sa dula, sa tearo, sa pulitika at sa mga isyung nagaganap sa daigdig. Minsan dito pa nagsisimula na nawawala ang pagtitiwala ko sa kung nasa tamang kamay ba ang aking dula. Ito ang trahedya. Sa tao, sa kaibigan, lagi kong hinahanap ang taong may opinyon, may perspektibo. Mahalaga kasi sa akin ang perspektibo at opinyon. Madali akong mahulog sa taong may interesanteng opinyon at perspektibo lalo na kung ito'y may pinanggagalingang karanasan. Ganito kasi ang aking mga kaibigan, ang mga kasamang mandudula na hinahangaan at sinasamahan.
Kaya minsan mabuti pa ang pagsusulat ng kuwento, ng nobela at ng maiikling kuwento. Masaya bagaman magastos at nakakapagod ang magriserts, ang maupo maghanapon para sa isang kabanata, ang mag-isip sa mga tauhan at magbasa ng mga aklat. Ang lungkot ng pag-iisa ngunit hindi naman nakababagot sa mesa. Wala kang ibang kalaban kundi ang sarili mo, ang wika, ang pag-iisa, ang pisikal at emosyonal na pagod, ang oras.
Nais kong maging isang nobelista, maging isang manunulat at makapaglimbag ng mga aklat. Ganito ko nakikita ang sarili ko ilang taon mula ngayon. Ngunit kailangan ko ng focus, marahil. O ng disiplina. Hindi ko alam. Naalala ko ang sabi sa akin noon ng kaibigang manunulat na si Edgar Calabia Samar na nang matapos niya ang kayang nobela saka niya naisip na wala pala siyang ibang nagawa at naisulat sa panahon na sinusulat niya ang Walong Diwata ng Pagkahulog. Isa rin kasing makata si Samar.
Sa ngayon, hinihintay ko na lang na matapos ang Virgin Labfest at makabalik muli ako sa aking mesa at magpatuloy sa aking gawain. Insha Allah matapos ang lahat bago ang Agosto (hindi ako magsusulat ng kahit na ano sa panahon ng aming Ramadan bilang panata.) Nais ko kasing gugulin ang huling dalawang buwan ng taon sa pagre-rebisa. Ngunit hindi na yata ito maisasakatuparan. Pangako ko kay Sir Manny Pambid na may nobela na ako sa Oktubre pagbalik sa Maynila.
Anupaman, masaya pa rin ako sa daigdig ng pagiging isang manunulat - obhetibo mang puna o may halong nostalgiya. Ito pa rin ang aking nais, sa buhay, sa sarili, at sa nais na tunguhin sa susunod pang mga panahon. Mabuhay ang malayang pag-iisip. Alhamdullilah.
salamat sa pagdalay, straycats. salamat din sa panonood. mabuhay!
ReplyDeleteCongrats sa Virgin Labfest! :) I LOVEEET! :)
ReplyDeleteSalamat sa pagdalaw at panonood!
ReplyDelete