Monday, June 22, 2009

Writing and Discipline (Random Thoughts on Theatre and Writing)

NITONG MGA NAGDAANG linggo hindi ko na naman naupuan ang pagsusulat ng aking nobela. Enero pa lamang naka-set na ang target dates para sa gawaing ito. Maayos na kung kailan ang pagri-riserts, kailan isusulat ang isang kabanata, kailan magpupunta sa ganito-ganyang lugar para maghukay ng mga tala at detalye. Pinag-iipunan na ang printer na bibilhin. Nais kong maging maayos ang proseso ng lahat. Ngunit sa mga nagdaang buwan, maraming mga pangyayari at nangyayari pa rin hanggang sa kasalukuyan at napipilitan akong lumayo sa aking mesa at magtungo sa kung saan at ilaan ang oras sa kung anu-anong mga gawain.

Nagtungo ako sa Cebu, bukod sa trabaho at pagbabalik sa aking pagka-Bisaya, upang magsulat ng nobela at matapos ang isang koleksiyon ng mga maiikling kuwento na naisulat ko sa nagdaang mga taon. Malayo sa Maynila, sa mga kaibigan at sa mga gawain sa teatro. Pero galit ako sa aking sarili ngayon. Hindi ko nasusunod ang aking mga adhikain, ang mga plano, ang mga iskedyul. Maraming oras ang nasasayang at maraming mga pagkakataon at oportunidad ang naiwawaglit. Galit ako sa aking sarili.

Nitong mga nagdaang linggo aligaga ako sa pagpapalalabas ang aking mga dula sa Virgin Labfest. Masaya naman akong may dalawang dula akong ipalalabas sa Virgin Labfest at nagpapasalamat sa lahat ng suporta ng aking mga kasama sa Writers Bloc lalo na kina Rody Vera, Dennis Teodosio, Job Pagsibigan, at sa mga kaibigan ko sa PETA Writers Pool: Glen Mas, Sir Manny Pambid, kay Bing Veloso, Trixie Dauz, Tito George Kabistrante, at sa aming puno na si Tim Dacanay. Iba humila (o mang-agaw) ng oras at lakas ng manunulat ang pagpupursige sa teatro. Lalo na kung hindi ka lang mandudula at nagsusulat ka rin ng mga kuwento.

Ngayon nakikita ko na ang malaking kaibihan ng mga daigdig na aking ginagalawan. Iba ang buhay sa teatro bilang isang mandudula at iba ang buhay na tatahakin sa pagnanais na sana maibalik ko na ang momentum at disiplina sa pagsusulat ko ng fiction. Mahalaga sila sa akin. Ngunit sa ngayon ang nakikita kong pinakatamang perspektibo ay tingnan ang dalawang daigdig na ito na isang challenge na ma-balance ko ang lahat at maipanganak sa daigdig ang dapat na maipanganak na kuwento.

Seryosong gawain sa akin ang pagsusulat. Ito kasi ang itinuro sa akin ng mga kaibigan at kasama sa paglalakbay sa Sining na ito; sa mga kasama ko sa Writers Bloc, sa aking mga kaibigang manunulat at mandudula, sa mga aklat na nabasa at patuloy na binabasa, sa mga pangyayari sa aking lipunan at sa aking kapwa-tao at ang kanilang mga hamon sa mga manunulat. Minsan nalulungkot na lang ako sa aking pagmumuni tulad ngayon kung ginagawa ko nga ba ang dapat na gawin. Sa palagay ko hindi, at hindi pa sapat.

Minsan mas gusto ko ang pagsusulat ng fiction. Hindi ko kailangang makihalubilo sa mga tao, sa ibang tao, sa mga direktor, artista, audience tulad ng karanasan sa pagsusulat ng dula. Iba talaga ang daigdig ng teatro. Mahirap ang makisama at minsan nahihirapan akong makisama. Halimbawa nakasanayan ko na kasi sa Writers Bloc na kailangan marunong kang makipagbalitaktakan, alam mo kung paano mo ipaliliwanag ang iyong dula, ang iyong proseso, ang pulitika at perspektibo ng iyong mga gawain. Naka-abang palagi ang mga kasamang mandudula. Kailangan handa kang ipabasa ang dula mo kina Rody Vera, Nick Pichay, at ilan sa mga mandudula ng Writers Bloc. Ganoon din sa Writers Pool, handa ka sa mga puna at pamumuna. Sa mga praktikal na tanong ni J. Dennis Teodosio na hihilahin ka sa lupa, sa karanasan ng tao, mula sa alapaap ng mga ideya at idelohiya.

Ganito ang kinamulatan kong daigdig ng mga mandudula. Kaya minsan nahihirapan akong makipag-usap sa mga direktor na tila walang masabi sa aking dula, hindi makapagsimula ng balitaktakan sa akin sa dula, sa tearo, sa pulitika at sa mga isyung nagaganap sa daigdig. Minsan dito pa nagsisimula na nawawala ang pagtitiwala ko sa kung nasa tamang kamay ba ang aking dula. Ito ang trahedya. Sa tao, sa kaibigan, lagi kong hinahanap ang taong may opinyon, may perspektibo. Mahalaga kasi sa akin ang perspektibo at opinyon. Madali akong mahulog sa taong may interesanteng opinyon at perspektibo lalo na kung ito'y may pinanggagalingang karanasan. Ganito kasi ang aking mga kaibigan, ang mga kasamang mandudula na hinahangaan at sinasamahan.

Kaya minsan mabuti pa ang pagsusulat ng kuwento, ng nobela at ng maiikling kuwento. Masaya bagaman magastos at nakakapagod ang magriserts, ang maupo maghanapon para sa isang kabanata, ang mag-isip sa mga tauhan at magbasa ng mga aklat. Ang lungkot ng pag-iisa ngunit hindi naman nakababagot sa mesa. Wala kang ibang kalaban kundi ang sarili mo, ang wika, ang pag-iisa, ang pisikal at emosyonal na pagod, ang oras.

Nais kong maging isang nobelista, maging isang manunulat at makapaglimbag ng mga aklat. Ganito ko nakikita ang sarili ko ilang taon mula ngayon. Ngunit kailangan ko ng focus, marahil. O ng disiplina. Hindi ko alam. Naalala ko ang sabi sa akin noon ng kaibigang manunulat na si Edgar Calabia Samar na nang matapos niya ang kayang nobela saka niya naisip na wala pala siyang ibang nagawa at naisulat sa panahon na sinusulat niya ang Walong Diwata ng Pagkahulog. Isa rin kasing makata si Samar.

Sa ngayon, hinihintay ko na lang na matapos ang Virgin Labfest at makabalik muli ako sa aking mesa at magpatuloy sa aking gawain. Insha Allah matapos ang lahat bago ang Agosto (hindi ako magsusulat ng kahit na ano sa panahon ng aming Ramadan bilang panata.) Nais ko kasing gugulin ang huling dalawang buwan ng taon sa pagre-rebisa. Ngunit hindi na yata ito maisasakatuparan. Pangako ko kay Sir Manny Pambid na may nobela na ako sa Oktubre pagbalik sa Maynila.

Anupaman, masaya pa rin ako sa daigdig ng pagiging isang manunulat - obhetibo mang puna o may halong nostalgiya. Ito pa rin ang aking nais, sa buhay, sa sarili, at sa nais na tunguhin sa susunod pang mga panahon. Mabuhay ang malayang pag-iisip. Alhamdullilah.

Saturday, June 20, 2009

So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Santiman a Tadman : Ars Poetica kay Abdul Rahman Macapaar

NGAYONG HUNYO, IPALALABAS sa kauna-unahang pagkakataon ang aking dula sa Cultural Center of the Philippines bilang official entry sa 2009 Virgin Labfest na isang ars poetica kay Abdul Rahman Macapaar at iniaalay ko na rin sa kanya bilang isang Filipinong mandudula.

Nais ko sanang i-repost ang isang entry sa blog ko noong Agosto (na sagot ko noon sa post ni Amina Rasul sa Kusog Mindanao yahoo egroup na siyang nagbigay sa akin ng inspirasyon na ipagpatuloy ang pagsusulat nitong dula - nasa ibaba.)

Sinimulan kong seryosong upuan ang dula noong Agosto matapos makita sa telebisyon at mga pahina ng mga pahayagan sa Maynila ang mga imahen ng Lanao del Norte. Naging aktibo rin ako noon sa mga egroups na tinatalakay ang naganap na 'karahasan' sa ilang bahagi ng Lanao del Norte at Mindanao. Iyon ang buwan na ipinahinto ng Supreme Court ang 'maniobra' ng mga aking pamahalaan sa peace process sa Mindanao (sa katauhan ng MOA-AD).

Nakita ko na namang muli ang Lanao del Norte at ang kanyang mga imahen - ang Lanao del Norte sa mata ng gubyerno, ng Nasyunalismong Filipino, ng karahasan noong Agosto. Ngunit hindi na ako maililigaw ng mga imahen na ito. Hindi na. Pumasok muli sa akin ang mga masasamang alaala ko noon sa Lanao del Norte, ang lahat ng aking nakita, naramdaman, at ang pagiging saksi sa isang malawakang karahasan ng diskriminasyon, marginalisasyon, pagsupil ng mga katotohanan at malulupit na kasaysayan sa mga Meranao, ang hypocrisy ng 'peace and order', at ang pagtatago sa katotohan.

Noong Agosto, hindi 'iyon' ang Lanao del Norte para sa akin. Ang tunay na kalupitan sa Lanao del Norte ay makikita sa mga panahon ng impokritong 'peace and order', sa lupit ng kanyang mga naratibo, sa mga sinusupil niyang katotohanan sa madla, sa akin, sa daigdig.

At nais kong mangusap noon sa katotohanan ng aking Sining. At nais kong mangusap sa isang tao na nagturo sa akin, muli, na maraming katotohanan at damdamin ang itinatago at patuloy na itinatago sa akin ng Lanao del Norte, ng aking gubyerno, ng aking Nasyunalismong Filipino. Kaya siya nariyan sa aking harapan, nakapaskil ang kanyang mukha sa mga istasyon ng tren sa sang-kamaynilaan. Na tila isang siyang torogan na magpapaalala sa amin kung bakit siya naririyan, bakit may mga 'rebelde' sa aming bayan, na may alternatibong katotohanan na pilit itinatago ng sambayanan, na may katotohanan na sinusupil ng gubyerno maging ng ibang naratibo na galing mismo sa Mindanao.

Kaya may karahasan. Kaya may gulo. Kaya may kalungkutan at dalamhati. Hindi ganoon kalayo ang Mindanao sa Maynila, sa ibang bahagi ng bansa. Kung bakit hindi naririnig ang mga pagsusumamo, ang mga sigaw, ang pag-asam sa kalayaan dahil isinara na ang mga puso, hindi na nakinig, nakapinid na ang mga mata, itinikom na ang mga bibig. Hindi na pinakinggan ang mga Moro nang sila na ang nagsalita. Ang sakit ng tadyang ay sakit ng buong katawan.

At nais kong mangusap sa kanya sa isang dula na aking Sining. Mayroon akong paggalang sa kanyang maratabat. At mananatili ang paggalang na iyon hanggang sa naniniwala siya sa kalayaan. Sa akin isa siyang Bangsa Moro. Isang matikas na kritisismo sa mga saliwang mithiin at pundasyon ng aking nasyunalismo. At nais kong ipaalam sa kanya, paulit-ulit, na kung ano man ang iyong ipinaglalaban baka sakaling iyan din ang magpapalaya sa amin bilang mga Filipino. Ang hatid niya sa akin ay isang katotohanan. Ang hatid niya sa akin ay isang pag-udyok na alamin ang mga itinatagong lihim ng aking bayan. Walang pasubali, walang paghingi ng kapatawaran.

At narito ang isang pag-aalay, maaring nagkamali ako sa aking mga sinasabi - o maaring tama rin ang aking sinasabi. Ang mahalaga sa ngayon ay ang Sining, ang pagkatao, ang katotohanan, at ang dignidad ng mga taong naniniwala sa kalayaan, tunay na kapayapaan, at isang maayos na lipunan. Alhamdullilah.


(Below is a response to a Moro woman's entry to a thread in an egroup which I am a member. The Moro woman described her and her family's experiences during the war between the government and the Bangsa Moro freedom fighters in the '70s. The thread started when a Filipino asked something on the Moro governance after the carnage in Lanao del Norte just weeks ago. I have some slight changes. Read on - RB).

THERE ARE CERTAIN narratives that escape us despite of the many horror stories that we heard or read in books - one of them is the one below. Of course we have to find the most appropriate ways of telling and re-telling the stories - telling it in a way that it will push listeners and readers to go beyond the Self and try to manage to enter in another domain or perspectives. Unfortunately these narratives failed to get into more popular media such as dailies, tvs, films, theatre and popular literary forms and artistic endeavors.

When I was young my concept of 'Mindanao' was that the one popularized by a group ASIN (which was a favorite of some old aunties and titos of the house) then I was bombarded with small stories of war with MNLF and 'those people who are taking away my country'. Years after listening to ASIN - I can no longer accept 'Ako'y may dala-dalang balita galing sa bayan ko..." as someone speaking to me, a Filipino, a ManileƱo, the 'realities' Mindanao. Or, 'Kapwa Filipino ay pinapahirapan mo' that pushed me to asked who is this 'kapwa Filipino na nagpapahirap sa kapwa Filipino?' - and I discovered that this is just one of the many voices in Mindanao - a 'settler's point of view' of Mindanao. A Bisaya telling everybody about the 'Mindanao'. And these songs and the perspective they carry are so popular that it pushes away other voices at the margins, including that of the Moro.

The problem with Mindanaoans when they talk about their experiences in the many forms of media possible is the seemingly absence of the Self, of the internal introspection of a human person. The central goverment is also a culprit, or the main culprit, for this situation - government agencies supporting 'artistic' and 'cultural endeavors' that promote certain perspectives. One time I asked a certain government official from a government agency for some information on how can I acquire grants on certain research I am inclined to undertake for my play on how an ordinary Filipino sees the Bangsa Moro struggle and he said - 'Kung magu-unite sa amin we support it, but if not hindi.' Unite, as it was told to me - the topic of my work should teach and adhere to a certain perspective. 'Unite' is a very tricky word so as 'peace and order' - it means differently from various perspectives. A 'peace and order' in Iligan, Linamon, Kauswagan, and Kolambugan (places I've been to and write cylcles of plays capturing the 'soul' of the place) is different from the 'peace and order' from a Kagan Bangsa Moro friend I met in a conference in Manila. Or that from a Meranao Bangsa Moro student from MSU-Marawi that become my literary comrade.

So the failures of popular literary and artistic forms of a city that claims to be 'Christian', 'Modern' and 'with peace and order' were manifested when someone spoke of freedom and ancestral domain - everyone rushed to their streets and rally against it without letting 24 hours to pass by where they can discuss and think of what happened. Yes, they were not included in the process nor consulted, that's the fact. But the display of bigotry and suppressed hatred were suddenly, in a sweeping intervention from corrupt leaders, have been apparent. So, it was manifested also recently, violently - what happened to the three municipalities in Lanao del Norte.

It is not to pardon the act but beyond it there is an 'invitation' - an invitation for us that we failed to listen, that we failed to provide a venue, legitimate or not, for people to tell their stories, their perspectives, the horrors of their sadness, the hidden and suppressed anger passed on from one generation to another.

Who's to blame for this debauchery? It is the failure of a society to provide a venue where the Self can locate 'itself' from the universe of all this rushing events. The Self subordinated to history - again and again. The Self subordinated to overpowering censors of powerful regime/s.

Pardon my indiscretion: So, do you think the Bravo is a bravo for Silenced chose to become an Artist more than to be reduced to an artifact of history? I dread to even welcome the act of processing the answers in my mind.

_______________________________

Ang So Sanggibo a Ranon na Piyatay o Satiman a Tadman ay ipalalabas sa Tanghalang Huseng Batute (Cultural Center of the Philippines) sa June 23 to July 6 ng 2009 Virgin Labfest ng the Writers Bloc, Inc, Tanghalang Filipino, Cultural Center of the Philippines. Dalawin ang website http://www.virginlabfest.com/. Ang dula ay sa direksiyon ni Riki Benedicto kasama ng musika ng Bailan ("Tagulaylay sa Kamatayan ng Iyong Maratabat").