Sunday, December 30, 2012

Kung Paano ko Pinanood na Filipino ang ‘Thy Womb’ ni Mendoza at may Katabi akong Moro sa loob ng Nilalangaw na Sinehan



Nora Aunor bilang Shaleha sa pelikula. 
ANG NASASAAD SA 2012 Framework Agreement ng Gubyerno ng mga Filipino at ng MILF: ‘The relationship of the Central Government with the Bangsamoro Government shall be asymmetric.’ Naisip ko: ano kaya ang makukuha mo sa isang relasyon na itinakda mo na ang guwang sa pagitan ninyong dalawa. Maaaring sa pagitan ng dalawang gubyerno o sa pagitan ng gubyerno at rebeldeng grupo, sa pulitika marahil—marami. Ngunit sa personal na buhay—sa personal na rela-relasyon, sa isang kasal halimbawa, nagtatagal kaya ang pagsasama ng mga taong pinananatili na mataas ang isa kaysa sa kanyang katuwang?  Kompromiso, konsesyon—mahahalaga ang mga ito sa isang relasyon. Ngunit nawawala ang bisa ng konsesyon lalo na ng kompromiso kung sa simula pa lamang ng relasyon hindi na pantay ang inyong katayuan sa loob ng isang relasyon.
Kahapon kasama kong nanood ng ‘Thy Womb’ ni Mendoza ang isang kapatid na Meranao mula sa Lumba Bayabao sa Lanao del Sur. Ang kapatid na ito ay isa ring matalino, para sa akin, na graduwadong mag-aaral ng Islamic Studies sa Unibersidad ng Pilipinas na talaga namang napakabuti sa akin at hindi ako pinagdaramutan ng kanyang mga pag-aaral, aklat at riserts mula sa Unibersidad – at oway sa malimit niyang panlilibre sa akin. Nais kong mapanood ang pelikula dahil magtutungo ako sa Bongao sa mga susunod na buwan kasama ng photographer na si Alberto Bainto at makatutulong marahil sa akin ang pelikula ni Mendoza upang mas kilalanin pa ang ‘lugar’ na dadalawin ko para sa aking pagsusulat. Ninais ko ring mapanood ang pelikula na may kasamang Moro (wala akong matalik na kaibigang Tausug, Samal, o Yakan o Badjao na mahihila sa panonood ng pelikula at alam kong makakausap ko sa diskusyon pagkatapos—wala rin sa Maynila ang kaibigan kong Kagan at hayun at aligaga pa rin sa kanila sa Compostela Valley dahil sa nagdaang bagyo) para mas madali sa aking magtanong sa mga hindi ko mauunawaan habang nanonood ng pelikula. Ang kapatid na Meranao ang pinaka-‘swak’ na isama dahil nag-aaral din ito ng Islam—bagaman may agam-agam ako na magka-interes siya sa pelikula dahil kabilang siya sa ibang ethno-linguistic group na bumubuo sa ‘Bangsamoro’ (labingtatlo ang grupong ito mula sa Palawan, Sulu, at Mindanao at kabilang dito ang mga Meranao sa Lanao at ang mga Badjao sa Sulu at Zamboanga—ngunit sa bisa ng Framework Agreement ang depinisyon ng ‘Bangsamoro’ ay hindi na ang labingtatlong ethnoliguistic na grupo na ito kundi ang mga probinsiya at siyudad na kabilang sa ARMM ng ating Saligang Batas at ang sampung porsiyento pa ng mga botante sa mga karatig na probinsiya at siyudad na magnanais na mapabilang sa ‘Bangsamoro.’)
            Binalak ko ang SM Fairview sana dahil mas malapit sa aming dalawa na parehong taga-Culiat sa Quezon City. Hindi na ipinalalabas ang pelikula sa SM Fairview. Sinubukan ko sa Robinson’s Ermita, wala rin ang pelikula roon bagkus tila sa dalawang sinehan nila ipinalalabas ang ‘Sisterakas’. At napagdesisyunan namin ang Mall of Asia dahil palabas daw doon ang pelikula, at isang beses pa lamang akong nakararating sa Mall kaya okay lamang sa aming dalawa na tawirin ang Ilog Pasig mapanood lamang ang pelikula. Nang nasa Cultural Center of the Philippines na kami bandang hapon, nalaman ko na wala na rin pala ang pelikula sa Mall of Asia. Nalaman ko sa internet na unti-unti na palang tinatanggal sa mga sinehan ang ‘Thy Womb’ ni Mendoza at ang pinakamalapit na sinehan sa amin ngayon na pinalalabas pa ang pelikula ay ang SM Manila. Bokya sa takilya ang pelikula sa Festival na ito. May nabasa ako na nakabuburyong daw ang kuwento at bigla na lamang natapos at wala naman daw ‘nangyayari’ sa kuwento. Kinahaban ako. Paano kung pangit nga talaga ang pelikula kaya nilalangaw ang takilya? Sayang ang pera. Kinabahan rin ako sa kasama ko. Paano kung ‘artsy’ nga ang pelikula baka iwanan ako ng kasama ko sa sinehan at maging ako rin—ayaw kong manood ng mga artsy film sa kasalukuyan sa panahong itong na ‘festive’ at ‘Festival’ ang simoy ng hangin sa buong Kamaynilaan—baka bigla kong iwanan ang pelikula at magwaldas ng salapi.   
At hayun nga, nagtungo kami sa SM Manila at nanood. Sa loob ng sinehan, may mangilan-ngilan akong nakita na naka-hijab na nanonood kasama ng kanilang mga bana marahil. Mapapansin mo ang iba mong mga kasama sa loob ng sinehan dahil, tulad nga ng balita at nabanggit, bokya talaga sa takilya ang pelikula na ito.
At nagbukas nga ang kuwento sa pelikula.
Nagsimula ang kuwento sa eksena na nagpapa-anak si Shaleha, isa kasi siyang komadrona sa bahaging ito ng Bongao sa Tawi-Tawi na hindi naman matanda ngunit masasabing ‘may edad na’. Sa unang eksena pa lamang nakahinga na ako. Isa sa mga agam-agam ko kasi sa tuwing manonood ng mga naratibo na ‘galing sa Mindanao’ ang tinatawag kong ‘cultural show’ na may sundot ng irita at pagkasuya—mga kuwento na magsasabi sa akin na kailangan kong ‘ariin’ ang kultura, kasaysayan, at masisining na pagpapahayag ng mga Moro bilang bahagi ng malaking proyekto ng konstruksiyon ng kamalayan at nasyunalismong Pilipino. Makatotohanan ang unang eksena ng pagpapa-anak ni Shaleha at inihanda ko na ang sarili ko sa halos isang oras at kahati marahil na ‘makatotohanang’ pagsasadula ng kuwento.
Tahimik lamang ang pelikula. Halos mabibilang sa mga daliri sa katawan ang mga linya ni Shaleha sa kabuuan ng pelikula. Alam mo rin na pag-ibig ang isa sa mga tinatalakay ng pelikula dahil ilang eksena na ang ipinakita na magkasama sa ‘hirap at ginhawa’ sina Shaleha at ang bana niyang si Bangas-an. Magkasama sila sa pangingisda, sa pagkakalakal ng kanilang mga bulad sa bangkerohan, sa mga gawain sa bahay, at si Bangas-an pa ang naghahatid at nagsusundo kay Shaleha sa mga gawain nito bilang komadrona sa pagtawid-tawid sa mga isla at mga komunidad sa iba’t ibang bahagi ng karagatan sa bahaging iyon ng Tawi-Tawi. Mga Badjao sina Bangas-an at Shalena – ‘marahil’ dahil maari namang Yakan sila mula sa Basilan na tumawid sa Bongao, o Samal, o Tausug.
“Mukhang makagagawa ako ng critique dito,” ang pagbabanta ng kasama ko sa aking tabi. Ito ang mga uri ng Moro na nais kong maging manonood ng aking mga dula at sa mga pamorningan na usapan sa kape at biskuwit. Hindi ako nagkamali sa aking isinama.
“Mali ang pronunciation niya,” ang puna ng kasama ko nang bumati ng ‘Assalamu alaykum’ ang artista na gumaganap sa tauhan ni Shaleha, maging sa tauhan ni Bangas-an. Sanay na ang kanyang mga tenga na marinig ang mga salita o malay lang siyang hindi Moro ang artistang gumaganap sa pelikula, hindi ko alam. Napapansin niya sa mga artista na gumaganap na imam ang siyang may tumpak na pagbigkas sa mga salitang Arabic. Siguro, naisip ko, baka mga totoong Muslim sila o ustadz kaya gamay nila ang tamang pagbikas sa wika. Tila magiging kritikal ang kasama ko sa mga aspektong may kinalaman sa Islam sa kabuuan ng pelikula, na aasahan mo naman sa isang mag-aaral ng Islamic Studies.  
“Ang ganda ng shot,” naibulalas ko nang manatili ang daloy ng kuwento sa eksena na naghihintay sina Shaleha at Bangas-an kasama ng isang matandang lalaking Moro sa pagdaan ng babaeng hinahanap nila. “Bakit maganda?” ang tanong niya. “Parang painting,” ang sabi ko. “May perspectives at balance ang paghahanay ng mga imahen.”
Hindi totoong ‘walang nangyayari’ sa kuwento tulad ng mga sinasabi sa mga blog at FB wall post na nababasa ko. Nagsimula ang conflict nang magdesisyon ang mag-asawa na hanapan nang mas batang babaeng mapapangasawa si Bangas-an para sa iisang dahilan: nais kasing bigyan ng anak ni Shaleha ang kanyang bana. Si Shaleha, mahihinuha natin, bagaman kilalang komadrona na nagpapa-anak sa komunidad, ay hindi pala kayang bigyan ng anak ang sariling bana.
Dalawa ang problema ng mag-asawa sa ninanais nila: una, ang mahanap ang pinakatamang babae para maging asawa ni Bangas-an. Ikalawa, tila naging mahal na ang dowry ng mga babae sa komunidad dahil nakapag-aaral na sila at mayroon nang edukasyon, hindi tulad ni Sheleha na bagaman kilalang komadrona ng komunidad ay isang semi-illiterate. “Pag mataas ang pinag-aralan, mas mataas ang dowry,” ang paliwanag ng kasama ko. At hayun nga sa pelikula, ang mga imahen ng sanlaksang mga batang babaeng estudiyante habang ang mga batang lalaki, naglalaro ng saranggola, nagtatampisaw sa dagat. Sa loob ng masjid, sa araw ng Jummah, mas napupuno ang lugar ng mga babae sa pagsasambahayang kaysa ang sa mga lalaki. At naalala ko ang kalupitan ng Pilar College sa Zamboanga City sa mga kabataang babaeng Muslim. Sa Islam kasi, wala pagpipilit sa pananampalataya. Kaya kung ang isang babaeng Muslim na magdesisyon na magsuot ng hijab, isa itong sagradong pagtatapon ng kanyang kalayaan bilang babae at bilang isang Muslim sa daigdig na nais niyang manampalataya. Ipinagbawal ng mga pinuno at di-Muslim na mga magulang ng Pilar College ang pagsusuot ng hijab ng mga kabataang mag-aaral sa loob ng kanilang paaralan. Kalaban talaga ng diskurso ng kalayaan ang mga makikitid na isipan. Nang minsang ialok ni Shaleha sa isang masipag na tindera sa bangkerohan ang kanyang bana bilang asawa sinagot siya ng babae na hindi ko na nga kayang buhayin ang sarili ko mag-aasawa pa ako—kung may kalayaan ialok sa merkado ng pangunahing tauhan sa kuwento ang lahat ng kanilang mga kalakal, may kalayaan din na tumanggi ang pinag-aalukan. Alam natin na hindi lamang pag-ibig ang nais na talakayin ng pelikula, eksplorasyon din ito sa konsepto ng kalayaan.
“Parang sa amindin,” ang paliwanag ng kasama kong Meranao. Nakikita niya sa mga imahen sa pelikula ang mga personal niyang mga karanasan sa kanilang komunidad bagaman kultura at realidad ng mga Badjao ang nasa kuwento. May eksena na ikinakasal ang dalawang tauhan sa kuwento at ipinapakita ang mga tradisyon at gawi sa kasal ng mga Badjao. “Parang ganyan din sa amin.” Ang binanggit niyang muli. Gusto ko sanang itugon sa kanya: sa amin, sa simbahan ginaganap ang kasal kung gusto mong maging tradisyunal. May mga abay. Nagsisimula sa ligawan. May kilig. May pamamanhikan. May pari at hindi pinag-uusapan ang halaga ng dowry—dahil walang dowry.   Sa amin, hindi mo hahanapan ng ibang asawa ang iyong bana. May konsepto kami ng ‘kabit’, ng ‘Other Woman’ sa hawla na kung tawagin ay ‘kasal’.
Nagsimulang maglala ng banig si Shaleha. “Alam ko kung paano iyan,” ang paliwanag sa akin ng aking kasama. “Marunong ng ganyan ang ante ko at ang nanay ko,” ang pagmamayabang niya sa akin. “Talaga?” ang sagot ko. At habang ipinapakita sa pelikula ang paraan ng paggawa ng banig inilalahad niya sa akin ang pangalan ng mga kasangkapan—mula sa pagkukulay, sa pagpapakulo ng mga dahon ng abaka, maging ang buong proseso—sa salitang Meranao. “Parang ganyan din sa amin. Kararaang tawag sa proseso. Riyara ang tawag sa product. Kaya ko yan. 500 pesos ang benta sa banig.” Nais ko sanang itugon bilang ‘pakiki-amin’ na mayroong ding ganyan sa Samar, sa Bicol, sa maraming probinsiya sa Luzon. Pero hindi ko na lamang ito itinugon. Ayaw kong mahulog sa bitag: iyon marahil ang proseso niya ng paglikha ng kamalayan ng kanilang nasyon, ng proseso ng konstruksiyon ng sarili niyang komunidad, ng ‘imagined community’ ika nga ni Anderson—siya na isang Meranao, at naroroon sa pelikula ang mga imahen na mga Badjao—“Parang sa amin din.” At bilang paggalang marapat lamang na tanggapin ko sa sarili na hindi ako kasama sa nasasakop ng ‘amin’ na iyon—ang ‘Bangsa Moro’ ng Moro National Liberation Front at ‘Ummah’ naman ng Moro Islamic Liberation Front.
May kakatwang eksena, isang dambuhalang baka ang isinakay sa bangka para itawid ng dagat. Sa kabilang pampang kakatayin ang baka na ito para ihanda sa piging, sa isang kasal. “Sa amin, pag ganyan hinahati ang baka equally sa lahat—kung 28 kayong lahat hahatiin sa 28 ang mga bahagi for distribution,” paliwanag sa akin ng kasama ko habang ipinapakita sa eksena na kinakatay ang baka habang nagsha-shahada ang kakatay. Ngunit habang itinatawid ang bangka na may sakay na baka biglang dumaan ang humaharurot na sasakyang pandagat ng Philippine Navy. Lumikha ito ng naglalakihang mga alon. Tumaob ang bangka at nahulog sa lalim ng dagat ang baka. Ngunit nagtulong-tulong ang mga tao upang isakay na muli ang baka sa bangka at maihatid sa pampang. Ganoon din sa reception ng kasal. Habang nagsasaya ang lahat nagkaroon ng encounter, putukan, nagkagulo ang mga tao. Huwag daw itigil ang sayaw at hayun nga, nang tumila ang mga putukan napanatag ang lahat at tuloy ang sayawan pati ng dalawang ikinakasal. Minsan napag-utusan si Shaleha na bumili ng mga kamoteng kahoy at nagkaroon ng hagaran, nabangga siya ng mga tumatakbong sundalo at nahulog niya mga pinamili sa lupa—tulad kung paano isinampa muli ang baka sa bangka, ang ituloy sayaw natapos ang encounter—kasimbilis niyang ring itinidig ang sarili sa mga panandaliang maliliit na eksena na sumisingit sa normal nilang pamumuhay. Naging bahagi na ng buhay nila ang mga ‘singit’ na ito.
“Mali ‘yan,” ang dagdag muli ng aking kasama. “Dapat itinitigil nila ang lahat ng gawain kapag   narinig na ang adhan.” Ngunit nasa eksena ang kasal at ang ‘pamamanhikan’ at totoo ngang habang nag-uusap ang mga kalalakihan naririnig ang adhan sa paligid. Nang dumating ang eksena na nakaharap sa karagatan ang mga Badjao at nag-aalay ng mga maliliit na bangka marahil para humiling nang mas masaganang pangingisda at bumibigkas ng Surah Fatihah ang madla napabulalas sa gulat ang aking kasama, “Ano ‘yan?” At alam kong hindi iyon pinahihintulutan sa Islam. “Baka pre-Islamic,” ang sabi na lamang niya bilang tugon na rin sa sariling tanong. “Culturesiguro,” ang sabi ko, “parang pag-ipatng mga Maguindanaoan.” Gusto ko sanang idagdag: parang Darangen ninyo. Bakit hindi pinag-aaralan kung anu-ano ang mga pagkakatulad at variations ng mga practices  sa Islam ng iba’t ibang tribong Moro? ang tanong ko sa kanya. Itinanong ko iyon sa kanya bilang isang kapatid na Muslim. Hindi moral para sa akin, sa lahat ng sitwasyon at pagkakataon na magtapon ng katanungan o mga pangungusap sa kapatid na Moro na naglalaman ng ‘kung ano nga ba ang dapat sa inyo’—ngunit hindi naman ako perpektong tao, may mga pagkakataon din na nahuhulog ako sa bitag dahil isa pa rin akong Filipino.
At hindi nga nahulog sa bitag ang Thy Womb ni Mendoza. Ang totoo: damang-dama mo na maingat na naglalakad sa gilid ng patibong ang pelikula. Malay ito na may bitag sa kanyang harapan at pinili nito ang manatili na naglalakad sa bingit ng pagkahulog. May mga bahagi sa pelikula na tila napapahawak ako sa dibdib sa takot na tuluyan na itong madulas o mapatid ng nakausling sanga at tuluyang mahulog sa bitag. Ngunit nagwagi ang pelikula. Dito ko nakita ang isang marikit na pag-asa sa Naratibo ng mga Filipino sa mga Moro: dahil malay ka sa bitag at nananatili ka pa ring naglalakad sa paligid nito nauunawaan mo ang iyong Sarili, ang iyong sariling mga takot, agam-agam, mga katanungan. “Ano ang gusto nilang sabihin, ha?” ang tanong ng akin ng kasama ko nang lumabas sa eksena na napadaan sina Shaleha at Bangas-an sa isang chapel ng mga Katoliko—tadtad ng bala ang mga haligi at nagkalat ang mga imahen ng mga santo sa loob. Tila nahulog sa bitag ang aking kasama. Nais ko sanang ipaliwanag sa kanya na hindi, hindi ninanais ng pelikula na ilarawan ang matagal na nating nalalaman, ang matagal nang ipinamumukha sa atin ng gubyerno at lipunan maging ng mga palabas, pagtatanghal at kuwento mula sa Mindanao. Nais lamang ipaalala ng pelikula na sa daigdig na inilalarawan sa kuwento, walang lugar ang kahinaan at ang saliwang relihiyon.
Sa pagtalakay ng Thy Womb sa buhay ng mga Moro sa bahaging ito ng Tawi-Tawi, pagtalakay na ingat na ingat na muhulog ang naratibo sa bitag, hindi malay ang pelikula na tinatalakay na pala nito ang neo-kolonyal na relasyon ng Pilipinas sa Bangsamoro: na ang daan na tinatahak nating mga Filipino sa konstruksiyon ng ating identidad, ng ating pagkatao at nasyunalismo hinuhubad natin ang mga bagay na magpapakatao sa atin—pag-ibig, responsibilidad sa iniibig, katapangan, pagwaksi sa takot ng pag-iisa sa katandaan, sa kamatayan, pananampalataya. Naalala ko bigla sa loob ng sinehan ang sinabi sa akin noon ng isang kapatid na Moro, “Baka kami ang inyong nakaraan na pilit niyong tinatalikuran?”
Kung ang Bangsamoro ang salamin na hawak ng Filipino upang mas makilala pa niya ang kanyang sarili, isang pambihirang pagtatangka sa katapangan ang Thy Womb na humarap sa salamin bagaman nakapikit ang kanyang mga mata upang sipatin ang sarili. Mas mainam na ang ganito kaysa ang nakasanayan na na ang siyang nakaharap sa salamin ang nagdidikta kung paano nga ba niya dapat makita at makilala ang kanyang sarili.     
   At nahanap nga ni Shaleha ang babaeng para sa kanyang bana. Si Mersila—bata, maganda, may pinag-aralan. At siguradong makapagbibigay ng anak kay Bangas-an. Ngunit malaki ang dowry ni Mersila tulad ng inaasahan. At nagpursige si Shaleha na likumin ang salaping kinakailangan para sa dowry ng mapapangasawa ng kanyang bana. Pati sarili niyang mga alahas at ang motor ng kanilang bangka na ginagamit niya sa paglalakbay sa mga isla bilang komadrona ibenenta para lamang mapunan ang pangangailangan ng dowry. Nakita rin kung paano sila tinulungan ng kanilang komunidad para lamang maipon ang sapat na salapi. Ganoon kamahal ni Shaleha ang kanyang bana. Ngunit kasama sa dowry ang isang bagay, ang isang katotohanan na ipinaalala ni Mersila kay Bangas-an: sa oras na isilang ko ang iyong anak, hihiwalayan mo ang iyong unang asawa, hihiwalayan mo si Shaleha. “Ang lungkot,” ang naibulalas ko sa aking kasama. “Hindi ganyan sa amin,” ang sagot naman niya, “ang unang asawa minsan ang masusunod.” Malungkot dahil maiiwanang nag-iisa sa katandaan si Shaleha—hindi na siya bata tulad ni Mersila na hahandugan ng nagtataasang dowry, wala nang lalaki ang iibig pa sa kanya marahil. Saan siya pupunta?
Naunawaan ko lamang ang lahat nang ipakita ang eksena na si Shaleha pa ang nagpaanak kay Mersila. Na ang institusyon ng kasal para kay Shaleha ay hindi isang hawla kung saan siya naikulong—ang kasal sa kanya ay isang espasyo para ibahagi niya ang kanyang pag-ibig at responsibilidad sa pinakamamahal niyang lalaki na katuwang sa buhay at paghahanap-buhay, isang espasyo na itatakda niya ang kanyang kalayaan bilang isang babae na may kapangyarihan sa kanyang mga desisyon at sarili, ang lunan kung saan malaya niyang sasambahin ang Allah (swt) at mapananatili ang pagpapakumbaba ng kanyang imaan. Na hindi ako mamamatay sa lungkot sa oras ng aking pag-iisa at mawala ang aking bana, kung sakaling maging shahid man ang aking bana at maiwanan sa akin ang pagtatagayod ng aking pamilya. Mahigpit na magkalingkis ang pag-ibig at katapangan sa bahaging ito ng daigdig, ayon sa pelikula na ito ni Mendoza.
Pagkatapos ng pelikula hindi kaagad kami tumayo ng aking kasama. Maraming salitang nais na pakawalan sa pagitan naming dalawa. Ganoon dapat ang Sining—hindi nito tinatapos sa aliwan ang lahat. Hindi nagtatapos sa palakpakan, sa tawanan ang relasyon ng likha at ng kanyang manonood o mambabasa. Hindi ninanais ng Sining ang pagtakas—tulad ng mga ninanais na ibahagi sa atin ng mga telenobela at mga mamerang pelikula ng mga kabit at nakakikilig na pag-iibigan ng mga magaganda at guwapong mga artista, na parang ang mga magagandang tao lamang ang may karapatan na umibig at mabigo sa pag-ibig at relasyon. Hindi pagtakas ang ninanais ng Sining, kundi paglaya.
Binasa namin ang closing credits ng pelikula. Pinasalamatan ng pelikula ang mga taong naging bahagi ng kanilang produksiyon. “Bakit magkapareho ang last name ng governor at vice-governor ng Tawi-Tawi?” ang tanong ko. Hindi sumagot ang aking kasama dahil baka namalik-mata lang ako sa aking pagbabasa. O may mga katotohanan sa labas ng pelikula, sa tunay na daigdig na kapwa naming iniiwasang pag-usapan. Tumindig na lamang kami sa aming mga kinauupuan at lumabas ng sinehan. Nakalulungkot isipin na sa paglabas para talagang kaming dalawa lamang ang nanood ng Thy Womb ni Mendoza.
“Bakit walang nanonood?” ang tanong ko sa aking kasama nang makita ko ang pila sa pelikula paglabas na pinagbibidahan ng anak ng dating pangulo ng Pilipinas. Hindi na naman siya sumagot.  At sa  pananahimik naming dalawa habang papalayo sa sinehan bigla akong nagimbal sa aking naisip na kasagutan sa sariling katanungan. Hindi, mali. Hindi dahil sa ‘bakya’ ang panlasa ng mga tao na parokyano ng taunang Festival na ito at hindi nila dinudumog ang takilya. Hindi, mali. Hindi dahil sa tila nakasasanayan na ng panlasa ng masa ang halos araw-araw at maghapon na soap operas at hahanapin na nila ang ‘teleserye’ sa lahat ng aliwan na kanilang hinahanap. Nakagigimbal na katotohanan: takot pa rin pala tayong harapin ang salamin. May mga katotohanan at naratibo na pilit pa rin nating iwinawaksi at di-malay na iniiwasan. Dito pala nanggagaling ang konsepto ng ‘asymmetric’ na relasyon. Hindi ito tapang at pagbabandera ng katapangan at paglalayon ng isang tunay na kapayapaan. Isa pala itong naratibo ng ating kaduwagan—at sa kaduwagang ito namamanhid na ang ating mga balat, ang ating mga budhi, ang ating mga kaluluwa at maging ang mga panlasa sa kung alin ang maganda sa karaniwan. Kaya sa harap ng madla, sa loob mismo ng Malacanang noong Setyembre, sa isang malakihang piging na hinahayaan natin silang hilingin sa atin ang mga bagay na marapat nang matagal na naririyan: ang hustisya, ang kanilang kasaysayan at identidad, ang kanilang mga kinabukasan, ang kanilang kalayaan. Hindi tayo nakaramdam o natinag man lamang sa hiya sa kanilang harapan, sa daigdig.
Mas lalong tumingkad ang aking pagkagimbal nang dumaong na muli sa akin ang katinuan na si Nora Aunor pala, na bagaman hindi na ang reyna ng takilya sa mahabang kasaysayan ng Festival na ito ngunit hindi mangyayaring lalangawin ng ganoon ang kanyang pelikula, ang gumanap sa Shaleha sa Thy Womb. Siya pala ang artista na gumaganap sa tauhan ni Shaleha sa kabuuan ng kuwento. Bravo.