Nandito ako ngayon sa Maynila para sa napakaraming mga kadahilanan - ang dumalo sa aming grupo NaratiboWriters Bloc, Inc (mga mandudula, makapanood ng dula ng PETA (na hindi na nagawa), makipagkita sa mga kaibigan, sa aking pamilya, sa isang blogger, at dumalo sa awarding Don Carlos Palanca Memorial Awards for Literature (kung saan bibigyan ng Foundation ng parangal ang aking kuwentong 'Mga'). (mga kuwentista), sa
Nagdadalawang isip nga akong bumalik ng Maynila. Nakakapagod at maraming maiiwanang trabaho sa opisina sa Cebu at ayaw ko sanang maglakad-lakad dahil buwan ng aming Ramadan. Ayaw ko mapagod at nais ko lang sanang manatili sa Cebu at magmuni-muni. Pero sige nagpunta pa rin ako. Nabili na ang tiket, sayang ang Palanca, at kailangan ko na ring makita ang mga kasama at kaibigan sa Naratibo.
Ewan ko ba kung bakit nararamdaman ko ito sa Maynila. Parang hindi na ako kumportable sa siyudad. Mas nais ko nang manatili sa Cebu. Sa Cebu kasi nakakasulat ako, nakakabasa, walang masyadong mabigat na mga samahan na tatahiin, walang mabibigat na isyung uukilkilin. Malapit pa siya sa Mindanao. Nasa sentro pa siya ng Visayas, ng Pilipinas.
***
Iba na sa akin ang Maynila, ang magtungo sa siyudad na ito. Hindi ko na yata kaya ang mabigat na pasanin ng lugar na ito - dahil nasa sentro ka at nariyan ang kapangyarihan isinumpa kang magdikta, isinumpa kang magsalita para sa iba, nasa iyo ang kapangyarihan. Ang Pilipinas ay ang Maynila. Malungkot ako.
Siguro dahil kahit na anong gawin ko nandito pa rin ako: isang tawid ng dagat sa Mindanao, isang Bisaya at walang ibang lugar na lulugaran kundi ang mga isla sa Bisayas na sinilangan ng aking mga magulang. Hindi ko alam. Ang tanging Maynila na nanatili sa akin ay ang pagtakas, ang aking wika, at ang pananatili ng ganyang kapangyarihan na magpataw at magdikta. Ano ba ang maging Filipino? Hindi ako siguro ang tamang tao na magtatanong nito. Dahil galing ako ng Maynila. At sa pa rin akong ManileƱo. Hindi ko marahil mauunawaan ang sagot sa tanong.
***
Minsan tinanong ako sa isang forum pagkatapos ng palabas ng aking dula sa Cultural Center of the Philippines. Isa sa mga miyembro ng manonood ang nagtapon ng tanong. "Naniniwala ba kayo na dapat may isang Bangsa Moro state?" Sana nasagot ko siya nang maayos sa harap ng maraming tao. "I believe in the Bangsa Moro struggle. For me it's not just a struggle for political independence and self-determination. Fundamentally, it is about human freedom - that's why the Bangsa Moro struggle matters to me as a Filipino and it will always matter to me because I am an artist." Hindi lahat katulad ng Maynila - hindi lahat naniniwala na ilalagay sa dakilang kamay ng pagkakataon ang lahat. Hindi nga siguro ako ang pinakatamang tao na sasagot at magtatanong ng Ano nga ba ang maging Filipino.
***
Kung ang Cebuano ang wika na ginagamit ng mas maraming Filipino - bakit hindi ako tinuruan ng salitang Cebuano? Maraming bagay ang hindi itinuro sa akin ng aking eskuwelahan.
***
Humimpil ang bus nang marating nito ang harap ng SM Megamall. Tinanaw ni Edgar ang naglalakigang billboards na nakadikit sa matataas at malalapad na gusali ng mall. “Kay gandang mga nilalang…kay gandang pagmasdan…” bulong niya sa sarili habang pinagmamasdan ang mga modelo na inimprenta sa mukha ng naglalakihang mga tarpaulin.
“Ano ba ang kagandahan?” bulalas ng mama na nasa tabi niya. May katandaan na ang mama at nakasuot siya ng maragang de-kuwelyong polo at may hawak pang maleta na pang-opisina.
Hindi nakapagsalita si Edgar ngunit tila nabasa ng mama ang pagtatanong sa kanyang mukha.
“Ang sabi mo kasi ‘Kay gandang mga nilalang at kay gandang pagmasdan’ ang mga nasa larawan na nakapaskil sa Megamall. Ngayon tinatanong kita, ano nga ba ang kagandahan?”
Nagimbal si Edgar sa mga salitang binitiwan ng mama.
“Teka, wala akong sinasabing ganoon!”
“Hindi mo nga sinasabi pero iniisip mo.”
“Nababasa mo ang isip ko?” Nais na sanang tumayo ni Edgar at lumipat ng ibang upuan. Binalot ng takot ang katawan niya. Sa paanong paraang nalalaman ng mamang ito ang kanyang iniisip.
“Huwag kang mabahala, Edgar. Hindi ako masamang tao. Isa lang akong makata.”
“Kung hindi ka masama paanong…paanong wala na akong maitatago sa iyo?”
“Wala ka talagang maitatago sa akin. At dahil doon hindi na ako masama. Kung masama ako may mga bagay akong hindi nalalaman sa iyo. Halimbawa ang iyong ina, ang iyong ama, at ang iyong mga naging kapatid maging ang iyong asawa.”
Napayukod si Edgar. Tumatagaktak na ang pawis niya sa sentido at tila nagiging maalinsangan na ang panahon sa lungsod na iyon na pinaglakagan sa kanya.
“Ikaw ang masama, Edgar. Binibigyan mo ng mga motibo ang mga tao sa pag-iisip nila tungkol sa iyo dahil hindi mo naman binubuksan ang sarili mo sa kanila. Kaninang umaga may ‘nasilip’ ka sa daigdig…sa kung saan ka nagtatrabaho tama ba ako?”
“Nasilip? Hindi ko maintindihan ang sinasabi mo. Ewan.”
“Nakita mo ang kahubdan ng buhay. May isang nagpakita sa iyo ng kanyang sarili. Iyon ay isang katapangan.” - mula sa aking kuwentong Mga (Cagayan de Oro City, 2007).
***
Naalala ko kung bakit sinulat ko ang kuwentong "Mga." Noong 2007 - paglabas ko Lanao del Norte. Madilim na sa Bulua Bus station. Wala pa ako sa sarili dahil sa isang pangyayaring naganap sa dati kong trabaho. May nakilala akong estranghero. Bisaya. Nagkaroon kami ng maikling huntahan. Tinanong niya ako kung ano ba ang lugar na pinanggalingan ko, ang Maynila, dahil bakit daw ako nasa Mindanao at paikot-ikot sa kung saan- saan. Hindi ko siya masagot nang maayos dahil noon, sa kanyang harapan, nananatili sa akin ang galit. "Hinding hindi ko lilingunin nang may paggalang ang lugar na iyan - ang Lanao del Norte." Ang Cagayan de Oro raw ay ang City of Golden Friendships. Bakit?
***
Mananatili akong tao. Hindi ako mawawala sa mga siyudad na aking dadalawin maging sa siyudad na aking sinilangan at sa siyudad na ibabaon ang aking katawan sa aking kamatayan. Dahil narito ako at nakaharap sa aking sarili - ang mga bayang ito ang aking sarili. Ito ako. Ito ang aking bayan.